DAPAT MONG MALAMAN

  • Taun-taon kada Bañamos ay lumalahok ang bawat barangay ng Los Baños sa Bayle sa Kalye upang magtagisan ng talento sa pagsasayaw. 
  • Ang landas ng kabataang mananayaw tulad nina Christine at Ajo ang patunay sa sakripisyong inilalaan ng mga iskolar ng bayan sa ngalan ng pagsasayaw.
  • Walang pagsisisi sina Christine at Ajo sa kanilang mga isinaalang-alang para makasayaw sa Bayle sa Kalye. Para sa kanila, ang pagsasayaw ay natututunan basta may pagsusumikap at determinasyon.

Hindi pa man lumulubog ang araw ay didiretso na sa basketball court ng kani-kanilang barangay sina Christine Cabonce at Francis Ajo upang mag-ensayo ng sayaw hanggang hatinggabi para sa Bayle sa Kalye. 

Matitingkad na ngiti at indayog ang bitbit ng mga mananayaw ng Bayle sa Kalye kada sasapit ang buwan ng Setyembre. Patunay ang kuwento nina Christine ng Barangay Batong Malake at Ajo ng Barangay Mayondon sa kung paanong ang bawat indak nila, sa kalsada man o entablado, ay palaging may kaakibat na sakripisyo. 

Oras, pawis, puyat, sakit ng katawan—sa ngalan ng pagsasayaw. Ito ay ilan lamang sa mga isinasaalang-alang nina Christine at Ajo kada sasapit ang Bañamos Festival, kung saan nagtatagisan ng talento ang mga mananayaw mula sa iba’t ibang barangay sa Los Baños. 

Kapwa iskolar ng bayan mula sa UPLB ang dalawang mananayaw. Si Christine, batch 2022, ay kasalukuyang kumukuha ng Bachelor of Science in Agricultural Economics, habang si Ajo naman, batch 2021, ay kumukuha ng Bachelor of Arts in Sociology.

Bilang mga nasa nalalabing mga taon na ng kolehiyo ay kapwa may mga isinasakripisyo sina Christine at Ajo upang matugunan ang kanya-kanyang prayoridad sa parteng ito ng kanilang pagiging iskolar ng bayan. 

Ngunit paano nga ba sila napunta sa landas ng pagsasayaw, partikular na sa Bayle sa Kalye? Bakit mas pinili ni Christine na pansamantalang huminto sa pagsasayaw ngayong taon, at bakit patuloy na sumayaw si Ajo sa kabila ng maraming responsibilidad?

Ang kalye tungo sa bayle

Noong nasa elementarya pa lamang ay tila binibigyan na ng senyales sina Christine at Ajo na sila ay magkakaroon ng hilig sa pagsasayaw. 

Para kay Christine, ang mga katagang mapamuna mula mismo sa mga miyembro ng kanyang pamilya ang naging motibasyon niyang simulan ang pagsasayaw noong kanyang kabataan. 

“Kasi family ko lang din nagsasabi sa‘kin, ‘ano ba yan, tigas ng katawan mo, lambutan mo naman.’ So ‘yun ‘yung talagang parang mas na-trigger akong matutong sumayaw nu’n… Kumbaga hindi ako nakikitaan ng potential. Coming from my family, own family, walang support,” kuwento ni Christine. 

Lingid sa kaalaman ng batang Christine na mapamamahal siya sa pagsasayaw dahil noon ay hamak na libangan pa lamang niya ito. Bagaman may hindi magandang komento mula sa kanyang pamilya, patuloy na tinahak ni Christine ang pagsasayaw hanggang sa siya ay makatuntong ng hayskul. Dito, unti-unti niyang natuklasan ang hilig sa pagsasayaw.

Sumasali na si Christine sa mga jingle at cheerdance competition noong siya ay hayskul pa lamang. Sa mga aktibidad na ito, partikular na ang pagsasayaw ng hip-hop, nahanap ni Christine ang daan tungo sa pagtatanghal sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan. 

Mula sa hip-hop dancing sa Bailamos Dance Battle, isa sa mga aktibidad tuwing Bañamos, unti-unting nagbukas ang pintuan para kay Christine tungo sa pagiging mananayaw ng Bayle sa Kalye.

“Parang matagal ko na rin ina-eye na gusto kong [sumali sa Bayle sa Kalye]… besides sumali sa Bailamos. Pero ngayon na college ako, parang gusto ko lang i-enjoy [ang pagsasayaw]. So, pumunta lang kami ng [Batong Malake] court nung friend ko. Then ayun, napasama na kami dun sa magsasayaw,” kuwento ni Christine.

Tulad ni Christine, si Ajo ay nagsimula ring mahilig sa pagsasayaw buhat ng mga gawain sa eskwelahan. Mula kinder pa lamang ay lumalahok na siya sa mga patimpalak tulad ng mga sayaw tuwing graduation at Christmas party kaya naman tinuloy-tuloy niya na ito hanggang sa mga sumunod pang baitang. 

Sa partikular, taong 2013 at nasa ikalimang baitang pa lamang si Ajo, nagsimula na siyang sumali sa mga kompetisyon sa pagsasayaw. Una niyang nilahukan ang Bayle sa Kalye na noo’y inter-school pa.

“‘Yung pinakauna is Grade 5. Bañamos din yu’n, Bayle sa Kalye. 2013, sa Lopez [Elementary School]. Interschool ‘yun. Tapos sa barangay level, 2016 ako sumali. Dati, lumalaban ako ng by school noong elementary. Pero noong high school, 2016, Grade 8, doon ako nag-start ng by barangay. Tapos, tuloy-tuloy na ‘yun, natigil lang noong pandemic,” paglalahad ni Ajo. 

Sa taun-taong pagsali ni Ajo sa Bayle sa Kalye ay nagsilbi na itong paseo upang mas makilala at maihayag niya ang kanyang pagkatao.

“Parang as bading, parang doon [pagsasayaw] freely ko na-express ‘yung sarili ko. ‘Yung dahilan talaga kung bakit sobrang mahilig ako ay nalaman ko sa sarili ko na more of ano ako natututo through movements. Hindi ako kasi cognitive learner. Ano ako, more of motor. Kinesthetic, psychomotor, parang gano’n,” pagbabahagi ni Ajo.

Ito ang unang kabanata sa landas nina Christine at Ajo sa pagsasayaw. Maraming taon ang lumipas, ngayong sila ay kapwa nasa huling yugto na ng kolehiyo, ano nga ba ang mga pinagdaanan at karanasan nila bilang mag-aaral ng UPLB at mananayaw?

Realidad ng pagiging iskolar ng bayan at mananayaw

Noon pa man ay may mga kinahaharap ng pagsubok ang mga atleta ng UPLB mula sa diskriminasyon hanggang sa usaping prayoridad para sa mga varsity. Hindi rin ito nalalayo sa danas ng mga mananayaw. 

Aminado si Christine at Ajo na hindi birong hatiin ang oras at lakas para sa pag-aaral at pagsasayaw. Kapwa itong nangangailangan ng sakripisyo, tulad na lamang ng hindi paglahok ni Christine sa Bayle sa Kalye ngayong taon.

Binahagi ng mananayaw ng Batong Malake na “worth it” at masaya ang pagsali sa Bayle lalo na kung kasama ang kanyang mga kaibigan. Ngunit, ngayong taon, minabuti nilang ipagpaliban muna ang pagsasayaw dahil sa kahingian at bigat na kaakibat ng pagiging senior student sa UPLB. 

“Dahil din sa academics. Kasi as a senior student din ngayon, supposedly mag-ti-thesis na sana ako. Pero ayun, hindi ako nakakapag-thesis ngayon. So, akala ko ‘yun ‘yung magiging burden sa ‘kin kasi. Actually kahit hindi mag-thesis, talagang ‘yung workload ko rin kasi ngayon, kino-consider ko rin,” pagsasalaysay ni Christine.

Tila ba hindi malaya ang mga mananayaw na indakan ang mga oportunidad tulad ng Bayle sa Kalye dahil si Ajo naman ay minsan ding kinailangang mag-leave of absence upang matugunan ang responsibilidad bilang lider-kabataan, mananayaw, at working student

“Napupuyat ka, tapos napapagod ka, hinahapo ka, nilalagnat ka, nagkakasakit ka talaga. Kasi iba ‘yung pagod… At saka pangalawa, acads. [Grabe] akong magsakripisyo sa acads para lang makasayaw. Minsan na-absent talaga ako para magawa ‘yung costume, ganyan. Tapos pangatlo sa career, tumigil ako sa pagtatrabaho noon kasi mag-ba-Bañamos ng 2022. Tumigil ako sa pagtatrabaho kasi gusto kong makasayaw,” salaysay ni Ajo. 

Bagaman sumayaw si Ajo ngayong taon ay plano niyang ito na muna ang huli niyang pagsabak sa Bayle sa Kalye. Ito ay buhat din ng kahaharaping dami ng gawain sa kaniyang nalalabing taon sa kolehiyo.

“Nagbabalak ako na last dance ko na ‘tong taon na ‘to. Kasi nga, magte-thesis na ako next sem, tapos gusto kong mag-work na while doing thesis. Kaya, ayun, hindi ko na ma-su-sure na sasayaw ako.” 

Ngayong nalalapit na ang pagsasara ng kabanata ng kanilang pagiging iskolar ng bayan, bitbit nila ang mga karanasan sa pagsasayaw na humubog at nagpatatag sa kanilang pagkatao. 

May bigat man ang bawat indak ni Ajo at Christine sa Bayle sa Kalye, parehas nilang hindi pinagsisisihan ang inilaan nilang oras sa pagsasayaw, at ito ang nais nilang tumatak sa mga batang nagsisimula pa lamang. 

Para sa kabataang mananayaw

Nakabuo ng makabuluhang mga koneksyon si Ajo at Christine sa kani-kanilang mga barangay na inirepresenta sa nasabing patimpalak. Ang mga ito ay mga alaalang dadalhin nila sa anumang sayaw ng buhay.

Para kay Christine, ang mga panahong ginugol niya sa pagsasayaw ay naging tulay upang magkaroon siya ng kumpiyansa sa sarili. Sa pamamagitan ng pakikipagsalamuha sa kalye ng bayle, natuto siyang maglaan ng oras para sa bagay na nais niya talagang matutuhan. 

Marahil para sa iba ay hamak na titulo lamang ang pagiging 1st Runner Up ng Barangay Batong Malake sa Bayle sa Kalye noong taong 2023 pero para kay Christine, na unang sabak pa lamang noon, ay nahubog nito ang kanyang determinasyon. 

So kung may masasabi man ako sa mga katulad nu’ng same situation ko noon, mga youngster. Kung gusto mo talagang magsayaw, matuto, natututunan talaga ‘yan. Hindi ‘yan dahil inborn, or dahil genetic—napasa sa family. Hindi. Dahil ‘yan sa determination. At saka naniwala lang din ako sa sarili ko na kaya kong mag-perform sa stage. Talagang practice,” payo ni Christine sa mga batang mananayaw.

Para naman kay Ajo, ang pagsasayaw ay hindi lang basta interes kundi passion na nangangailangang paglaanan ng oras at sakripisyo kung talagang nais matutunan. 

“Kapag passionate ka sa isang bagay, you’re willing to do anything para magawa mo siya. Kung kailangan mong masugatan, kung kailangan mong mabalian, mabarog, ganoon lang. As long as nagagawa mo siya at matututo ka. Ganoon ko nakikita ‘yung pagsasayaw,” paglalahad ni Ajo sa kung ano para sa kanya ang pagiging mananayaw. 

Ang mga karanasang ito ang naging lakas ni Ajo na sumabak muli sa pagsasayaw sa huling pagkakataon. Kaya naman, naiuwi ng Barangay Mayondon ang kampeonato sa Bayle sa Kalye 2025. 

Sa salaysay ni Ajo mapatutunayan na ang mga ngiti ng mananayaw sa entablado ay mayro’n ding kinukubling mga luhang ibinuhos at mga sakripisyo sa pag-aaral at pagtatrabaho sa ngalan ng isinisigaw na mithiin.

Sinasalamin naman ng kuwento ni Christine ang reyalidad ng pagsasantabi ng pangarap para sa prayoridad at kahingian ng edukasyon—isang bagay na hindi maikakailang danas ng mga iskolar ng bayan na kinailangang pansamantalang ihinto ang kanilang hilig dahil sa kakulangan ng oras.

Sa kada umagang babangon nang puyat at gabing uuwi nang pagod ang mga mananayaw ng Bayle sa Kalye, ang baon nila ay hindi lamang ang mga teknik sa pagsasayaw, kundi maging ang mga aral mula sa pakikipagsapalaran sa musika ng buhay. 

Sina Christine at Ajo ay kapwa may isinakripisyo at kapwa kinahaharap ang huling yugto ng kanilang pakikipagsapalaran sa loob ng pamantasan. Sila ang patunay na bawat mananayaw ay may isinasaalang-alang kada salang sa tanghalan. 

Patunay ang kanilang kuwento na ang bawat indayog sa musika ng mga mananayaw ng Bayle sa Kalye ay may bigat ng reyalidad—mga bigat na kaakibat ang bawat pawis at luhang pumapatak sa bawat indak. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya