DAPAT MONG MALAMAN
- Kondemnasyon sa korapsyon at malabnaw na tugon sa mga sakuna ang bitbit ng komunidad ng UPLB sa Walkout ng Bayan.
- Tumatagos ang kampanya ng pamantasan sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
- Magpapatuloy pa ang mga pagkilos na uusbong sa iba’t ibang bahagi ng bansa hangga’t hindi nakakamit ang katarungan sa talamak na katiwalian sa pamahalaan.
Hindi napigilan ng ipinatutupad na hybrid learning setup ang ikinasang Walkout ng Bayan ng daan-daang mga mag-aaral, guro, kawani, at iba pang miyembro ng komunidad ng UPLB na dumaluyong mula Carabao Park hanggang sa kahabaan ng Lopez Avenue bilang pakikiisa sa National Day of Action Against Corruption ngayong araw, ika-17 ng Oktubre.
Baon ang diwang makabayan sa kabila ng pabago-bagong panahon, kolektibong inirehistro ng mga nakilahok na pormasyon ang kanilang matalas na kondemnasyon sa sistematikong korapsyon sa pamahalaan, mababang pondo para sa mga batayang serbisyo gaya ng edukasyon, at impunidad sa gumugulong sa mga imbestigasyon hinggil sa katiwalian.
Giit ni Geraldine Balingit, chairperson ng UPLB University Student Council (USC), bagaman 29 na araw na ang nakalipas mula noong unang unang walkout ng pamantasan mula noong nagwakas ang pandemya, wala pa ring kahit isang nakukulong na mga politiko at indibidwal na nahaharap sa alegasyon ng pagnanakaw sa kaban ng bayan.
“Sa loob ng 29 days, walang nanagot, walang nagbayad, at lalong higit hindi tumigil ang paniningil ng taumbayan kay Marcos at Duterte,” sigaw ni Balingit.
Dagdag pa niya, habang patuloy na naghihirap ang sektor ng edukasyon, nagpapakasasa naman sa bilyon-bilyong pondo ang opisina ng pangulo, bise presidente, at mga senador.
“Matapos ang deliberasyon ng Kongreso para sa badyet ng 2026, ang Office of the President ay merong P281-billion na lulustayin at mapupunta sa bulsa ng mga Marcos. Ang Office of the Vice President, merong P733-billion na kukurakutin ng pamilyang Duterte. Ang Kongreso, na binubuo ng mga korap at pahirap na Senador ay mayroong P700-billion na budget. Ngunit ang edukasyon ay merong P1.4-trillion na badyet na paghahatian ng 100 na state universities and colleges (SUCs) sa buong bansa,” paglalahad ni Balingit.
Mas pinalala rin daw ng kapabayaan sa sakuna ang sistematikong korapsyon sa pamahalaan, ani Balingit. “Sinasabayan pa ito ng kapabayaan sa sakuna—bagyo, lindol, at delubyo—na nararanasan ng bansang Pilipinas. Nakikita kung ga’no kahina ang DRRMC [disaster risk reduction and management council] ng ating national na pamahalaan na siyang nag-ti-trickle down sa mga local government units.”
Kaugnay nito, kinondena rin ng mga grupo ang naging pagtugon ng administrasyon sa hinaing ng sangkaestudyantehan tungkol sa banta ng sunod-sunod na paglindol sa bansa.
Lumitaw ang nasabing panawagan matapos magdeklara ng suspensyon ng face-to-face classes si Gobernador Sol Aragones, na umani ng samu’t saring reaksyon sapagkat, giit ng mga grupo, wala itong siyentipikong batayan at hindi naikonsulta sa mga mag-aaral.
Dagdag pa ng mga grupo, mas pinalala ito ng memorandum ni Chancellor Jose V. Camacho Jr. na tumataliwas sa kautusan ng panlalawigan na pamahalaan at nagbigay ng kalabuan sa mga mag-aaral.
Ani JC Ortiz ng Samahan ng Kabataan Para sa Bayan (SAKBAYAN), ang kasalukuyang ipinatutupad na polisiya hinggil sa setup ng mga klase hanggang sa ika-31 ng Oktubre ay hindi nailinaw sa sangkaestudyantehan at kaguruan.
“Humigit isang linggo na rin po mula nang maglabas ng memorandum si Chancellor Camacho. Ang memorandum po ni Chancellor Camacho ay pagtingin lamang ng hindi maayos na paglilinaw sa ating mga mag-aaral, higit lalo sa ating mga FICs [faculty in charge]. Isa itong manipestasyon na si Chancellor Camacho ay hindi nakipag-consolidate sa mga estudyante at lalong hindi nakipag-consolidate sa mga FICs,” giit ni Ortiz.
Dagdag pa ni Ortiz, hindi natatangi ang sitwasyon ngayon sapagkat malabnaw na rin ang tugon ng administrasyon ni Camacho sa iba pang mga nagdaang sakuna, tulad ng mga bagyo noong mga nakalipas na buwan.
“Ang ating kasalukuyang administrasyon ay patuloy na nagbibigay ng mga band-aid solutions… Nagpapakasapat siya [Chancellor Camacho] sa mga memorandum na ibinababa na ang burden ay napupunta lang sa mga estudyante at FICs. Oras na po para maningil sa kasalukuyang administrasyon,” panawagan ni Ortiz.
Pinunto rin ni Ortiz ang kakulangan sa paghahanda ng pamantasan para sa panahon ng sakuna, partikular ang isinagawang earthquake drill kaninang umaga.
“Hanggang ngayon po, wala pa ring disaster risk mitigation na ginagawa ang administrasyon. Kaninang umaga, nagkaro’n po ng earthquake drill ngunit hindi naman ito nagtagal… Ito ba ay sapat na para maging handa sa sunod-sunod na disaster na haharapin natin sa susunod na mga taon?”
Sa pagmamartsa ng mga grupo patungong Agapita at Junction, Los Baños, bilang bahagi ng kilos-protesta, pinaigting din nila ang panawagan kontra militarisasyon sa pamantasan at kanayunan. Sama-samang kinondena ng mga nagpoprotesta ang pandarahas ng militar sa mga delegado at mamamayan noong nakalipas na International Solidarity Mission (ISM) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bukod dito, pinalitaw rin ng Association of Lopez Avenue Stakeholders (ALAS) ang kanilang pakikiisa sa kampanya tungo sa pagpapanagot sa mga mandarambong sa pamahalaan, kabilang na ang kondemnasyon sa road widening project na pinaplanong ilunsad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Lopez Avenue.
Nilagom ng mga progresibong grupo ang malawak na pagkilos sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga kandila pagkabalik sa Carabao Park bilang paggunita sa mga buhay na nasawi sa mga nagdaang sakuna, na giit ng mga pormasyon ay mas pinatitindi ng korapsyon sa pamahalaan.
Inalala rin sa paglalagom ang lahat ng mga biktima ng pasistang rehimen, na inalayan naman ng awiting “Di Pangkaraniwan.”
Matatandaang unang naglunsad ng university-wide walkout ang mahigit-kumulang 7,000 indibidwal mula sa iba’t ibang sektor ng pamantasan noong ika-19 ng Setyembre upang singilin at panagutin ang pamahalaan sa sandamakmak na kaso ng korapsyon sa gobyerno. ■
KUHA NI LANCE ARMAND ESTACIO



