DAPAT MONG MALAMAN

  • Matagumpay ang paglulunsad ng mga magsasaka at katutubo ng Timog Katagalugan sa Farmers Against Corruption Caravan sa Kamaynilaan, kung saan kinalampag nila ang mga kagawaran ng gobyerno.
  • Nakilahok din ang delegasyon sa pambansang programa noong Araw ng mga Pesante, kung saan kolektibong kinondena ng mga grupo ang umiigting na korapsyon.
  • Bagaman payapa ang naging pagkilos ng mga mamamayan, lumitaw pa rin ang pamamasista ng kapulisan matapos nilang iligal na arestuhin ang isang kabataang artista sa pagtatapos ng programa sa Mendiola.

Pag-asa at pakikibaka ang naging armas ng mga magsasaka at katutubo ng Timog Katagalugan nang tumungo sila sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa Kamaynilaan upang magkasa ng mga kilos-protesta mula umaga hanggang dapithapon noong Lunes, ika-20 ng Oktubre. 

Sa pangunguna ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK), pormal na binuksan ng mga progresibong grupo ng mga magsasaka at katutubo, kasama ang iba pang mga rehiyonal na pormasyon, ang Farmers Against Corruption Caravan na naging daluyan ng serye ng mga pagkilos. 

Sa pamamagitan ng nasabing caravan, isang araw bago ang Pambansang Araw ng Paniningil ng mga Magbubukid, kolektibong inirehistro ng mga pormasyon sa tarangkahan ng mga kagawaran ng pamahalaan ang kanilang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa at suporta sa sektor ng agrikultura. 

Kinondena rin nila ang umiigting na militarisasyon sa kanayunan, mga atrasadong polisiyang pinaiiral ng estado katulad ng Rice Liberalization and Tariffication Law at malawakang importasyon, at sistematikong korapsyon na nagpapahirap sa sambayanan. 

Kabilang sa mga ahensyang kinalampag ng delegasyon ang Department of National Defense, Department of Environment and Natural Resources, Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, at Department of Social Welfare and Development. 

Giit ng mga grupo, layon ng nasabing caravan na patunayang sa harap ng umiigting na militarisasyon at pandarahas sa kanayunan, mga polisiya na ipinapain angagrikultura sa mga dayuhang kapangyarihan, at sistematikong korapsyon, sama-samang isinasabuhay ng mga pesante mula sa Timog Katagalugan ang galit ng rehiyon sa estado at hinaing ng masa para sa kagyat na hustisya. 

Mailap pa rin ang tunay na reporma sa lupa at kompensasyon sa mga magsasaka

Lumuwas pa mula sa iba’t ibang malalayong probinsya ang mga magsasaka at katutubong kasama sa caravan. Matapos nilang ipatampok ang kanilang masaganang ani sa Bagsakan sa Baclaran Church noong Linggo, tumungo sila sa UP Diliman upang ilunsad ang KASAMA-TK Congress. 

Sa kabila ng pagod mula sa sunod-sunod na byahe, na mas pinalala ng pabago-bagong panahon, tuloy-tuloy pa rin ang mga grupo sa paglulunsad ng mga demonstrasyon kinabukasan. 

Isa sa mga departamentong pinuntahan ng mga grupo ang DA, kung saan pinunto ng Alyansa ng mga Magsasaka para sa Kumpensasyon (AMK) na wala pa ring sapat na ayuda sa mga magsasakang nagdurusa sa harap ng lumalalang mga sakuna. Giit pa nila, imbes na unahin ang suporta sa lokal na produksyon, mas binibigyang-diin ng pamahalaan ang mga dayuhang interes sa kanilang mga polisiya. 

Upang mas paigtingin ang panawagan, direkta ring kinalampag ng mga magbubukid at iba pang sektor ang tarangkahan ng nasabing kagawaran. 

Samantala, baon pa rin ng mga grupo ang kaparehong panawagan hanggang sa DSWD. Anila, mula Bagyong Kristine noong nakaraang taon, hindi pa rin nakakamit ng mga magsasaka ang karapat-dapat na kompensasyon.. 

Para sa mga grupo, magkaugnay ang pakikibaka ng malawak na sambayanan sa korapsyon sa pakikipaglaban ng mga magsasaka at katutubo para sa sapat na suporta sapagkat habang nagpapakasasa sa pera ng bayan ang mga korap na politiko, nananatiling sadlak ang sektor ng agrikultura at mga pamayanan sa kanayunan. 

Pagtutol sa talamak na militarisasyon at pandarahas

Kondemnasyon naman sa umiigting na militarisasyon at pandarahas ang bitbit ng mga grupo sa tapat ng DND. Giit ni Jeverlyn Seguin, deputy secretary-general ng KASAMA-TK, patuloy pa rin ang talamak na militarisasyon at panunupil ng kasundaluhan sa mga magsasaka. 

“Ngayong araw po, kaya nandito ang ating mga magsasaka at mga mamamayan sa harap ng Department of National Defense upang kondenahin, upang ipakita ang galit ng mga mamamayan sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao ng ating mga magsasaka mula sa mga sakahan hanggang sa kanayunan,” panimula ni Seguin sa tapat ng kagawaran.

Inihayag ni Seguin na mas lumalala ang pagliligalig ng militar sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo sa rehiyon. Tinutulan din niya ang paglalaan ng pamahalaan ng malaking pondo sa mga sundalo, na ginagamit para sa mga kagamitang pandigma at operasyon ng militar. 

“Tumitindi ang krisis sa ating lipunan. Kinokorap nang kinokorap ang pera ng mga mamamayan, partikular sa Department of National Defense. Pinapataba nang pinapataba ang kanilang pondo upang DND, durugin nang durugin ang buhay at kabuhayan ng ating mga magsasaka sa kanayunan,” aniya.

Dagdag pa ni Seguin, patuloy ang paglulunsad ng gobyerno ng mga huwad na programang hindi nakatutulong sa mga magsasaka. Inirehistro niya rin ang kondemnasyon ng mamamayan ng rehiyon sa pandarahas ng militar sa nakaraang International Solidarity Mission (ISM). 

“Ang kabulukan ng DND ay hindi nahihiwalay sa pangkalahatang bulok na sistema na namumuno ngayon sa ating bansa. Itong bulok na sistema kung saan naroon ang mga politikong ginagawang negosyo ang dapat na pagsisilbi sa tao,” dagdag pa niya.

Hindi rin pinalampas ng mga pormasyon ang pagkondena sa lumalalang development aggression sa mga probinsya sa rehiyon. Tinutulan ng mga grupo ang pagtatayo ng mga dam at kalsada, na higit na nakakaapekto sa karapatan ng mga magsasaka. 

Giit ng mga grupo sa tapat ng DENR, huwad ang “development projects” na inilulunsad sa kanayunan sapagkat tinatapakan nito ang kabuhayan ng mga magbubukid. Mas pinaigting din nila ang panawagan sa pamamagitan ng pagbabato ng putik sa tarangkahan ng nasabing ahensya.

Pambansang programa sa Liwasang Bonifacio at Mendiola

Bago magtungo sa Liwasang Bonifacio kinabukasan, ika-21 ng Oktubre, ikinasa ng mga grupo ang rehiyonal na programa sa tapat ng DAR bilang paggunita sa Araw ng mga Pesante, ang anibersaryo ng pagpasa ng Presidential Decree 27, na tinaguriang huwad na reporma sa lupa sa ilalim ng administrasyon ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. 

Kolektibong sinunog ng mga pormasyon ang isang effigy upang katawanin ang galit ng rehiyon sa rehimeng US-Marcos-Duterte, at sa malawakang korapsyon sa pamahalaan. 

Nagpatuloy ang caravan ng rehiyon kinabukasan sa pakikilahok ng delegasyon sa pambansang programang pinamagatang “Baha sa Liwasang Bonifacio Hanggang Mendiola,” kung saan sumentro ang panawagan laban sa katiwalian at para sa pananagutan. 

Kasama ang mga grupo mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kolektibong inirehistro ng Timog Katagalugan ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa, pondo para sa sektor ng agrikultura, kagyat na kompensasyon sa mga magsasaka, pagtigil sa militarisasyon, at pagbabasura ng mga atrasadong polisiya. 

Giit ni Sonny Sinigmayon, isang Mangyan-Iraya mula sa Sitio Malatabako, Occidental Mindoro, nakikiisa ang delegasyon ng rehiyon sa pakikibaka sapagkat mailap pa rin ang karapatan ng mga magsasaka. 

“Hindi lang kami lumalaban para sa aming lugar, kundi para sa lahat ng inaagawan ng lupa,” aniya. 

Patuloy na pamamasista ng kapulisan

Sa kabila ng mapayapang protesta ng mga pesante mula sa iba’t ibang grupo sa Mendiola, lumitaw pa rin ang pamamasista ng kapulisan at estado matapos nilang puwersahang hulihin ang isang kabataang aktibista sa kabila ng kawalan ng warrant of arrest. 

Ayon sa ulat, bagaman may abogado noong nangyari ang panghuhuli, pinilit pa rin ng kapulisan ang iligal na pag-aresto sa nasabing indibidwal. Binantaan din nila ang mga mamamayang nakasaksi na makakasuhan ng obstruction of justice ang sinumang tumulong sa nasabing indibidwal.

Mariing tinutulan ng mga progresibong pormasyon ang nasabing pag-aresto. Giit ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), ang nasabing pwersahang paghuli ay manipestasyon ng karahasan ng estado. 

“While plunderers and corrupt officials continue to walk free, the police are quick to arrest those who speak out for justice and social change. Such actions only expose whose interests the police truly serve—not the people’s, but those of the powerful few,” anila. 

Batay sa ulat ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND), isinailalim sa marahas na pagtrato ang hinuling aktibista. “This only shows that in this country, there is no justice for the poor. The people’s right to speak out and protest continues to be trampled upon and suppressed.”Kasalukuyang humaharap sa alegasyon ng “acts of vandalism” ang iligal na hinuling indibidwal, na tinatawag ng mga grupong “Decay.” Isa si Decay sa daan-daang hinuli ng kapulisan ngayong taon dahil sa pagpoprotesta. ■

KUHA NI LUKE CERDENIA


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya