Editoryal ng Tanglaw

Ang editoryal na ito ay isinulat ng aming Editorial Board na naglalayong ilahad ang opinyon ng pahayagan sa mga napapanahong isyu.


Habang lumilipas ang mga araw, lalong tumitindi ang kagutuman at militarisasyon sa mga kanayunan. Habang tinatahak ng ating mga magsasaka ang kahabaan ng mga kalsada ngayong buwan upang ipagpanawagan ang kanilang karapatan na makapagpunla sa sarili nilang lupain at sa produksyon ng kanilang inaani para sa ating bayan, wala pa ring nananagot sa mga puno’t dulo ng kanilang kahirapan. 

Sa paggunita ng Buwan ng mga Pesante, hindi lang ito pagtatampok sa mahalagang papel ng mga magsasaka bilang tagapagtaguyod ng pagkain at buhay sa ating bansa, pagkilala rin ito sa katotohanang sila ang nagiging pangunahing biktima ng nagaganap na katiwalian at kapabayaan ng estado. 

Sa P200 bilyong pondo para sa agrikultura ngayong taon, nananatiling kuwestiyonable kung bakit hindi ito nararamdaman ng mga pangunahing sektor na dapat nakikinabang nito. Sa halip, tila naiipon lamang ang kaban ng bayan sa pekeng development programs, katulad na lamang ng SPLIT Project—isang programang maka-landlord at taliwas sa prinsipyo ng tunay na reporma sa lupa. Ayon sa pagsusuri ng IBON Foundation, magpapalala lamang ito sa utang ng bansa, sapilitang parselisasyon sa lupa, militarisasyon, land reconcentration, at kaguluhan sa hanay ng mga pesante. 

Sa news analysis ng Tanglaw tungkol sa State of the Nation Address ni Marcos noong Hulyo, ibinahaging ipinagmamalaki nito ang pagsasakatuparan ng pangakong P20/kilo na bigas. Ngunit ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), tumaas pa lalo ang presyo ng bigas sa merkado na pumapatak na sa P44/kilo. Sa isang pahayag mula sa Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura (MASIPAG), ang programa ng administrasyon tulad ng kanilang ibinibidang Kadiwa Project ay hindi sapat at band-aid solution lamang sa lumalalang krisis sa agrikultura at ekonomiya ng bansa. 

Hindi rin natatapos ang pangungurakot ng mga nasa kapangyarihan sa flood control projects sa bansa.  Nananawagan din ang KMP na isiwalat ang “ghost roads” na pinopondohan ng taumbayan. Noong ika-12 ng Setyembre, nanawagan ang mga magsasaka sa ilalim ng KMP na busisiing mabuti ng Kongreso kung saan mapupunta ang iminungkahing badyet na P16-bilyon ng Department of Agriculture (DA) para sa Farm-to-Market Roads (FMRs) sa susunod na taon, habang may 36,000 kilometrong backlog pa ang departamento—na siyang katumbas ng P300 bilyong pondo ng bayan.

Ang FMRs sana ang dapat na magsisilbing daan mula sa mga lugar ng produksyon tungo sa merkado. Ngunit, ang kaduda-dudang paggamit ng pondo para dito ay tila sumusunod lamang sa pamilyar na kalakaran—dumadaan muna sa bulsa ng mga tiwali at walang konsensyang mga kontraktor.

Ang pagpirma naman ni Marcos sa Republic Act 12252, o ang liberalisasyon ng pag-upa sa mga pribadong lupain ng foreign investors, na itinaas mula sa 50 taon patungong 99 taon, noong Agosto ay harapang pagsasawalang bahala sa panawagang tunay na reporma sa lupa. Ayon sa pahayag ng KMP, ang batas na ito ay magbibigay-kapangyarihan lamang sa mga malalaking dayuhang korporasyon na kontrolin ang mga lupang bumubuhay sa mga Pilipino. 

Kasabay ng tuloy-tuloy na pagsisilbi ng estado sa imperyalistang mga bansa, harap-harapang tinatalikuran nito ang ating mga kababayang nagsasaka sa sarili nating lupa. Dito, lumilitaw ang nakasusuklam na katotohanang nananatili tayo bilang isa sa pinakamalaking rice importer sa buong mundo, isang nakahihiya at nakapanlulumong titulong tangan na natin nang apat na magkakasunod na taon ngayong darating na 2026. Higit pa rito, malaking kabalintunaan at sampal sa mukha ang bagay na ito sa atin bilang isang kinikilalang agrikultural na bansa, na siyang manipestasyon ng tuyot at lubak-lubak na mga inihahaing suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka.

Habang lumulubha na rin ang krisis sa klima, naiiwan lamang sa putikan ang mga magsasakang biktima ng bagyo, pagbaha, at matinding tagtuyot. Ang kalakhan ay walang sapat na nakukuhang subsidiya at kompensasyon, at masuwerte na ang iilan na nakatatanggap ng minsanang tulong. 

Kaya naman, ngayong lantarang ipinapakita sa atin ang ginagawang pandarambong at pandaraya ng mga nasa kapangyarihan, kahingian sa atin na tumindig at samahan ang mga pesante sa iba’t ibang laban para sa katarungan.

Tulad na lamang nitong nakaraang Agosto, nagpahayag ng pagkundena ang Amihan National Federation of Peasant Women sa desisyon ng Regional Trial Court Branch 18 Manila na kumpiskahin ang dalawang peso at dollar Bank of Philippine Islands accounts ng kanilang pederasyon dahil sa mga gawa-gawang paratang at redtagging. Nariyan din ang sistematikong pang-aatake at paniniktik ng estado, tulad ng kay Amihan-Cagayan Chairperson Jacqueline Ratin noong Hulyo, at  ang hindi makatarungang pagkulong kay Amanda Echanis na isang peasant organizer mula sa Cagayan. Higit sa lahat, patuloy pa rin ang paglaban ng mga pesante sa panggigiit at pananakot ng mga elemento ng estado, gaya ng naging pananakot ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa isang learning and solidarity mission sa Mangyan-Iraya Campsite sa Occidental Mindoro, at sa presensya ng US military bases sa iba’t ibang rural na komunidad sa bansa.

Ang harap-harapang mga suliraning ito ng mga pesante ay isang bagay na dapat lamang nating hindi ipagsawalang-bahala. Kinakailangan nating makinig, magmasid, at manghamig ng mga kasama upang tumuwang sa pagpapatambol ng kanilang mga ipinaglalaban.

Higit pa rito, kahingian din sa atin—hindi lamang bilang mga mamamayan—lalo’t higit bilang mga mag-aaral ng Devcom na gamitin ang ating mga natututuhan sa mas malawak na paglaban. Sa mga paunang kurso pa lamang ay itinuturo na sa ating kolehiyo ang kasaysayan ng disiplinang ating dinadalubhasa—kung paano ito nag-ugat at palaging dapat bumalik sa sektor ng agrikultura.

Sa mahabang panahon, naging mukha ng Devcom ang pagiging aktibong katuwang nito sa mga batayang sektor na nakatuon sa agrikultura. Dito rin nakaangkla ang maraming konsepto ng ating larangan. Nagagawa nating ipamalas ang ating mga kaalaman sa mismong mga lupang sakahan at pangisdaan upang makipagtulungan sa mga magsasaka at mangingisda. 

Sa kalagayang ito, hindi lamang dapat mahinto sa mga silid-aklatan ng Devcom ang mga pag-aaral sa sektor na ito, lalo’t higit ay hindi lamang dapat maikulong sa gusali ng ating kolehiyo ang mga aral na ating nalinang. 

Ang pag-aaral ng Devcom ay pagsasabuhay ng mga ideyolohiyang pinanghahawakan nito. Isa rito ay ang pagpapangibabaw sa mga boses ng mga sektor na ating pinagsisilbihan, kasama na rin ang pagsusulong ng kanilang mga panawagan. 

Gayunman, alam natin ang papel na ginagampanan ng devcom sa operasyon ng International Rice Research Institute (IRRI). Sa mahabang panahon, naging katuwang ang mga produkto ng ating kolehiyo sa malawakang pag-aaral ng institusyon sa sektor ng agrikultura. 

Sa katotohanang ito, ngayong patuloy na nahaharap ang IRRI sa iba’t ibang kontrobersya—kabilang ang usapin sa patuloy na pamamayagpag ng imperyalistang kontrol sa institusyon, gayundin ang iba pang usapin sa pagpapakalat ng High-Yielding Varieties at Genetically Modified Organisms at patuloy na paggamit ng mga nakalalasong kemikal at pestisidyo sa lupang sakahan, mas malaking usapin ang humahamon sa ating paninindigan bilang mga taga-Devcom. 

Mabigat na diskusyon itong humahamon sa ating posisyon bilang isang kolehiyong nagsusulong ng makamasang pagtindig at pagkiling sa mga magsasakang bahagi ng ating sinumpaang tungkulin bilang mga mag-aaral ng UP. Ito’y isang usaping mahalaga ring maging ugat ng ating mas malalim na pagninilay. Sa gitna ng usaping ito’y isa lamang ang tiyak: Hindi tayo dapat maging kasangkapan ng mga institusyong lumalayo sa tunay na interes ng mga pesante.

Sa harap ng lahat ng ito, malinaw pa rin ang tungkulin ng bawat taga-Devcom: hindi tayo dapat manatiling tahimik o nakapako sa papel ng tagapaghatid ng teknikal na impormasyon. Sa halip, dapat tayong maging aktibong tagapag-ugnay ng tinig ng mga pesante—mula sa sakahan patungong midya, mula sa panawagan patungong polisiya. 

Ang ating disiplina ay palaging nakaugat sa paglilingkod. Kaya’t ngayong harapan ang krisis at panunupil, tungkulin nating gamitin ang komunikasyon bilang sandata ng masa—upang ipaglaban ang lupa, buhay, at dignidad ng mga magsasaka. Sa huli, sa panahong ang lupa ay nilulunod ng baha ng korapsyon, at ang mga ugat ng agrikultura ay unti-unting sinasakal ng dayuhang interes at militarisasyon, tungkulin nating palawakin ang naaabot ng tinig ng mga inaapi. Hindi sapat ang pag-aaral kung hindi ito isinasabuhay; hindi sapat ang pag-uulat kung hindi ito nag-uugat sa pakikibaka. 

Bilang mga taga-Devcom, ang ating papel ay hindi lamang maghatid ng impormasyon kundi magpalalim ng kamalayan, magpaalab ng damdamin, at magpakilos ng kapuwa. Sa bawat sulatin at produksyon, dapat nating igiit: ang komunikasyon ay hindi kailanman neutral—ito ay dapat maging sandata ng paglaban. Sa panahong ito ng krisis, ang higit na kinakailangang pagsasapraktika ng devcom ay hindi nananatili sa silid-aralan—ito ay tumatapak sa putik, tumitindig sa sakahan, at sumisigaw kasama ng mga magsasaka para sa lupa, buhay, at hustisya. ■


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya