Nagpapanibagong-hubog


Umaalingawngaw pa rin ang tunog ng baril at bomba sa Gaza. Bagaman nagkaroon na ng kasunduang ceasefire, patuloy pa rin ang mga pag-atake ng pasistang US-Israel sa bisa ng Israel Defense Forces (IDF). Bago matapos ang Oktubre, naibalitang lagpas sa 100 ang nasawing mga Palestino matapos ang muling pag-atake ng IDF. Mahigit 67,000 mamamayan na ang pinaslang ng IDF mula noong Oktubre 2023.

Walang sinasanto ang US-Israel. Habang kumakalinga tayo sa mga mamamahayag upang malaman ang katotohanan na nangyayari sa Gaza, buong lakas din ang IDF sa pagpapatahimik sa kanila. Hindi ito malayong tanawin; ito ang sapantaha ng masang naghahanap ng katotohanan at nagsusulong ng karapatan sa gitna ng digmaan. 

Hindi naiiba ang sitwasyon sa ating bansa. Sinusupil ng estado ang mga progresibong tinig sa pamamagitan ng iba’t ibang porma ng karahasan—red-tagging, intimidasyon, extrajudicial killings, at impunidad sa mismong mga institusyong dapat na nagtataguyod sa ating mga karapatan. Talamak din ang militarisasyon sa mga komunidad. Ginagamit ng estado ang mga puwersa nito upang durugin ang mga organisadong grupo ng manggagawa at magsasaka. 

Hindi lamang ang pisikal na kakayahang mag-organisa ang pilit na binubuwag ng gobyerno—layon din nitong maghasik ng takot upang mapanatili ang sakim na kaayusan at makondisyon ang isipan ng mga mamamayang walang makakamit ang paglaban. Patuloy ang pagpapalawak ng propagandang hindi wasto ang aktibismo, na hindi makatarungan ang pakikibaka. Higit sa lahat, paulit-ulit ang pagpapanggap ng pamahalaan na nakaangkla ang mga polisiya nito sa kapayapaan habang direkta nitong sinusuportahan ang kolonyal na agenda ng mga dayuhan at isinasantabi ang tunay na interes ng mga mamamayan. 

Marahil ilan ito sa mga rason kung bakit halo-halong opinyon ang laman ng inisyal kong pagtanggap sa sinabi ni Patricia Evangelista sa Frankfurt Book Fair (FBF). “To kill a journalist is a war crime…The dead do not publish. The dead do not speak.” Marami na akong naging pagtanaw mula noong una ko itong narinig. Mula sa pagpuri noon sa kan’yang tapang, partikular dahil siguro sa impluwensya ng libro niyang “Some People Need Killing” sa akin, hanggang sa pagkadismayang naramdaman ko matapos mabasa ang iba’t ibang mga kuro-kuro hinggil sa isyu, malinaw na ang aking panig ngayon.

Masakit pakinggan at makitang ang mga artista’t manunulat na dapat nagsusulong sa ating mapagpalayang kultura ang sila mismong nagbebenta ng kanilang sining at panitikan sa mismong mga bulwagang komersyal, mapanupil, at kolonyal. Ang FBF, na bukas ang suporta sa henosidyong nagaganap sa Gaza, ay hindi progresibong entablado. Hindi ito daluyan ng sining na pumapanig sa masang api.

Kung kaya’t hipokritikal ang paglahok ng mga Pilipinong mamamahayag at manunulat sa FBF. Malinaw na hindi ito simpleng transaksyon ng kultura o pagsasakatawan sa yamang Pilipino dahil patuloy ang pag-iral ng karahasang sumasakal sa mismong mga prinsipyong tinatangan ng kanilang mga likha. Ang kanilang paglahok ay isang anyo ng pagtataksil sa mga buhay na nasawi, sa Gaza man o sa Pilipinas. 

Wala ring ipinakikitang pangil ang pagrerehistro ng panawagan sa loob ng bulwagan ng FBF. Nakasusukang may ilang mga lumahok na, sa kanilang desperadong pagdepensa sa kanilang mga sarili, ay ipinangangalandakang ipinanawagan daw rin nila ang Gaza sa FBF. Hindi utang na loob ng mga Palestino ang pagtatampok ng kanilang sitwasyon sa mismong institusyong kanilang ibinoboykot. Hinding hindi magkakaroon ng hustisya sa loob ng isang institusyong itinayo sa pundasyon ng pagsasakalakal ng sining at pagsuporta sa malawakang karahasan at kolonyalismo. 

Ang pagtayo ng mga taong ito sa mismong bulwagang sumusuporta sa henosidyo sa Gaza ay isang tahasang insulto sa sakripisyo nina Ahmed Jalal, Shrouq Al-Aila, Anas Al-Sharif, Mohammed Qreiqeh, Ibrahim Zaher, Mohammed Noufal, Moamen Aliwa, Saleh Aljafarawi, at ng higit 200 pang mga mamamahayag na pinaslang sa Gaza. Sapagkat ang porma ng sining sa FBF ay ipinatatampok bilang daluyan ng kita at tubo, hindi ito dapat tratuhing isang espasyo para sa radikal na katotohanan na nagsisiwalat sa tunay na marahas na estado ng mundo. 

Sabagay, mula pa naman noong panahon ng Batas Militar, instrumental na ang pagsuporta ng pasistang administrasyon sa sining upang mapanatili ang opresyong ipinararanas nito sa masa. Hindi ito nagbago sa kasalukuyang panahon. Pinagaganda lamang ng sistema ang reputasyon nito sa pamamagitan ng pagtutudla ng ilusyong may kalayaan sa pagpapahayag. Ngunit anong silbi ng radikal na tinig kung kinakailangan nitong humingi ng permiso sa mga naghaharing-uri?

Walang saysay ang paglahok ng mga mamamahayag at manunulat sa FBF. Wala itong materyal na naitutulong, sa bansa man natin o sa Gaza. Patuloy pa rin ang henosidyong kumikitil sa buhay ng mga Palestino. Patuloy pa rin ang pambobomba sa mga komunidad sa Mindoro, sa Negros, sa Bicol, at sa marami pang bahagi ng bansa. Patuloy pa rin ang pagpapatahimik sa mga aktibista, ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga tanggol-kalikasan, at ang pag-iral ng militarisasyon at de facto martial law sa mga probinsya. 

Malinaw mula rito na ang pagsapi sa imperyal na mga proyekto tulad ng FBF ay pagkunsinti sa karahasang pinaiiral ng malalaking bansa sa atin at sa mga kapwa nating inaaping bansa. 

Kinakailangan nating makitang higit sa salita’t retorika ang kailangan ng masa. Kahingian mula sa atin ang kongkretong pagkilos: ang pagpapanawagan para sa proteksyon sa mga mamamahayag, tunay na pananagutan sa mga pumatay, at mga platapormang ganap na nagsusulong ng kalayaan sa pamamamahayag. Ang kailangan natin, ngayon higit magpakailanman, ay sining at pamamahayag na lumalaban, hindi nag-aastang uhaw sa pandaigdigang kasikatan.

Sa pag-alala natin ngayong araw sa International Day to End Impunity for Crimes Against Journalists, malinaw dapat ang ating panawagan: ipaglaban natin ang kalayaan sa pamamahayag at lahat ng karapatang pantao—hindi sa magarbong mga bulwagan kundi sa mga lansangan kung saan tunay na dumadaluyong ang panawagan ng taumbayan. I-boykot natin hanggang sa tagumpay ang FBF sapagkat simbolo ito ng institusyong naglalagay ng presyo sa konsensya at limitasyon sa espasyong dapat na kritikal. Talikuran natin ang kapitalistang impluwensya sa ating kultura’t malikhaing paggawa. 

Gunitain natin ang mga buhay ng mga manunulat at mamamahayag na nasawi sa ngalan ng katotohanan, dito sa Pilipinas, sa Gaza, at sa iba pang dako ng daigdig, at pagnilayan natin sila bilang paalalang armas natin ang ating mga panulat—sa bawat titik at salita, may kapangyarihan tayong magpalaya. ■

DIBUHO NI CLARENCE ILAO


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya