DAPAT MONG MALAMAN
- Nagpadala ng subpoena ang CHR sa 15 residente ng Lupang Ramos para sa mga kasong grave coercion, grave threats, at paglabag sa Magna Carta of Women.
- Kasama sa mga inisyuhan ng subpoena ang isang senior citizen at dalawang menor de edad.
- Mariing nanindigan ang mga miyembro ng KASAMA-LR na wala silang nilalabag na batas at makatwiran ang kanilang ginagawang paglaban para sa lupa.
“May kaso dahil may sundalo.”
‘Yan ang sigaw ng mga magsasaka ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos (KASAMA-LR) sa kanilang isinagawang press conference noong ika-13 ng Nobyembre bilang pagkondena sa mga subpoenang ipinadala ng Commission on Human Rights (CHR) at mga kasong isinampa ng mga sundalo sa ilalim ng Task Force Ugnay/2nd Civil-Military Operations ng Philippine Army laban sa mga mamamayan ng lugar.
Umabot sa 15 residente ng Lupang Ramos, Dasmariñas City, Cavite, ang pinadalahan ng subpoena dahil umano sa mga kasong grave coercion, grave threats, at paglabag sa Magna Carta of Women. Kabilang sa naisyuhan ng subpoena ang isang senior citizen at dalawang menor de edad.
Ang mga ipinadalang subpoena ay bukod pa sa nauna nang mga kasong isinampa ng parehong yunit ng militar sa tatlong magsasaka na kinilala bilang Lupang Ramos 3. Kabilang dito ang secretary-general ng KASAMA-LR na si Miriam Villanueva, si Jojo Mercado ng Anakbayan LR, at si Anna Padilla, isang nakatatandang lider at miyembro ng KASAMA-LR.
“Normal po ba na ang isang sundalo ay nagkakaso sa isang sibilyan? Ako po ay isang simpleng mamamayan lamang ng Lupang Ramos, hindi po ako kriminal para kasuhan ng isang sundalo,” pahayag ni Mercado.
Idinagdag pa niya na ang Resolution No. 1 Series of 2024 ng lokal na pamahalaan ng Dasmariñas na ipinatupad sa ilalim ng dinastiyang Barzaga ang ugat ng panggigipit at sunod-sunod na red-tagging sa mga magsasaka.
Nakasaad sa resolusyon na ang Lupang Ramos ay isang lugar kung saan ipinalalaganap ang ideolohiya ng pagsapi sa mga kilusan na may kaugnayan sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army. Ito rin umano ang isa sa mga dahilan kung bakit mas umigting ang presensya ng militar sa lugar.
“Ang amin lamang pong panawagan…ibasura na po ang Resolution No. 1 ng LGU [local government unit] dahil wala po itong magandang maidudulot sa mga Dasmariñeño at ito ay pabor lamang sa iilan na katulad ng mga nanunungkulan sa LGU,” giit ni Mercado.
Naglabas din ng saloobin si Padilla sa kawalang-basehan umano ng kasong isinampa sa kanila. Ayon sa kaniya, kasama siya sa mga nakasuhan dahil lamang sa pagdadala niya ng panghalabas na gagamitin sana upang maglinis sa kaniyang halamanan.
“Bakit sa tanda ko nang ito ay kailangan pa bang kasuhan dahil lang sa pagsasaka? Bawal ho bang magdala ng panghalabas para sa aking mga halaman? ‘Di ba’t ‘yun ang gamit ng mga magsasaka na naninindigan na magsaka sa halamanan?” emosyonal niyang ibinahagi.
Bukod sa mga nakatatandang magsasaka ay idinamay rin ng TFU sa mga pinadalahan ng subpoena ang kabataan ng Lupang Ramos, kabilang ang anak ni Angelita Sumarez na isa ring miyembro ng KASAMA-LR.
“Galit na galit ako dahil bukod sa kaso sa akin, dinamay pa nila ang menor de edad na anak ko at ngayon ay naapektuhan ang kaniyang pag-aaral,” wika niya.
Idinagdag pa ni Sumarez na malaki ang naging epekto ng pangigipit ng TFU sa mental na kalagayan ng kaniyang anak at nagdulot ang pagpapadala ng subpoena ng trauma at matinding takot sa kanila.
Sa kabila ng sunod-sunod na mga kasong hinaharap ng mga magsasaka, patuloy namang nanindigan si Villanueva na makatwiran ang kanilang isinasagawang bungkalan bilang porma ng pag-angkin sa lupang sakahan na kinakamkam pa rin ng mga panginoong maylupa.
“Malinaw na habang kami po’y nagsasaka, ‘yung amin pong paglaban ay kasabay din ng panggigipit at harassment sa amin ng estado,” saad ni Villanueva.
Walong taon nang nagbubungkal ang mga magsasaka ng Lupang Ramos mula noong 2017 habang nagpapatuloy ang kanilang paglaban para sa 372 ektaryang lupang kanilang tinitirhan at pinagtataniman.
Matagal na ring nakadikit ang militar sa nasabing lupa, na nagdudulot ng takot sa mga magsasaka bunsod ng ginagawang pandarahas, red-tagging, at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso. ■



