DAPAT MONG MALAMAN

  • Pormal nang nanumpa sa puwesto ang ika-anim na CDC Freshman Council (CDC FC) ngayong araw, Lunes, ika-17 ng Nobyembre.
  • Sentro sa hangarin ng bagong CDC FC ang pagpapalakas ng mga panawagan ng kolehiyo at panghihikayat sa mga FST na makiisa sa mga pagkilos at iba’t ibang anyo nito.

Bukod sa patuloy na paglilingkod sa mga freshie, shiftee, and transferee (FST) ng kolehiyo, pangako rin ng bago at ika-anim na College of Development Communication Freshman Council (CDC FC) ang mas malawak na student spaces at mas malaking kampanya para hikayatin ang mga kapwa mag-aaral na makiisa sa iba’t ibang porma ng pagkilos.

Pormal nang nanumpa sa tungkulin ang nasabing konseho para sa akademikong taon 2025-2026 ngayong araw, ika-17 ng Nobyembre, sa CDC Dean’s Office. Pinangunahan ni CDC Dean Edmund Centeno ang oath-taking.

Sa isinagawang CDC FC elections noong Oktubre, kinilala bilang University Freshman Council (UFC) nominee ng kolehiyo si Alyssa Cortez. Samantala, si Andie Franchesca Cua naman ang hinirang na college representative to the UFC.

Katuwang nilang maglilingkod ang bagong luklok na CDC FC chairperson na si Jhon Patrick Clavo, vice chairperson na si Lucy Mae Alvarez, secretary-general na si Johanna Louise Jose, treasurer na si Alexander Viktor Mendoza, at public information officer na si Yalena Roque.

Kumpara noong mga nakaraang taon, iba ang naging electoral process para sa konseho ngayong taon. Mula sa Freshman Bloc Assembly na mayroong hiwalay na bloc representatives, ang kasalukuyang konseho ay binubuo lamang ng mga kumandidato na silang inihalal ng mga FST ng kolehiyo. Dagdag pa rito, kumpara noon na sa dami ng botong nakuha nakadepende ang magiging posisyon ng kandidato, ngayon ay may mga nakatakda ng kandidato sa bawat posisyon sa konseho.

Mga hangarin katuwang ang CDC admin

Bago ganapin ang mismong panunumpa ng bagong halal na CDC FC, ipinabatid nila sa dekano ang kanilang mga hangarin patungkol sa patuloy na pakikipag-ugnayan ng konseho sa buong administrasyon ng kolehiyo.

Batid ni Clavo ang patuloy na suporta ng opisina para sa iba’t ibang porma ng adbokasiyang nais nilang ihain para sa mga kapwa nila freshie, gayundin sa buong CDC. “Nag-lu-look forward po ako na ma-guide po kami to be a better council and to be better constituents po para sa aming FSTs,” pagdadagdag ni Clavo. 

Wika naman ni Mendoza, hangad nilang makabuo ng maayos na koneksyon sa opisina upang mas mapaglingkuran ang mga mag-aaral ng kolehiyo at mas maipatampok pa ang mga adhika ng konseho.

Ayon naman sa dekano, isa sa mga mabisang platapormang maaaring gamitin ng CDC FC ang pakikilahok at pakikiisa nito sa iba’t ibang committees sa loob ng kolehiyo. Dagdag pa niya, ibinibigay rin nila ang desisyon sa kasalukuyang CDC Student Council Chairperson Andrea Jariel na magtalaga ng mga bahagi ng konseho sa mga komiteng ito.

“Kasi mayroong mga committees ang college na involved ‘yung students […] Baka isang way ‘yun para ‘yung inyong mga concerns ay mailatag natin sa administration ng Devcom at ng UPLB,” aniya.

Dagdag pa ni Centeno, bukas din ang kanilang tanggapan kung mayroon mang nais iparating ang konseho.

Tungo sa pagpapaunlad at pagkilos

Ayon naman kay Clavo, isa sa mga tinatanaw ng kanilang termino ang pagiging mas empowered at mas makita at marinig ang boses ng mga FST ng kolehiyo, partikular na sa sa iba’t ibang porma ng pagkilos.

“[Hangarin ding] makapanghikayat pa kami ng kapwa namin mga FST na makilahok, makiisa, at lumaban para sa mga karapatan na dapat tinatamasa nating mga mag-aaral. At hindi lang bilang mga mag-aaral, kundi bilang isang mamamayan ng bansang ito, bilang tayo ay mga iskolar ng bayan,” pagbibigay-diin niya.

Paliwanag naman ni Alvarez, isa sa mga plano ng konseho ang pagbuo ng maayos na koneksyon sa mga kapwa nila FST upang maging epektibo ang panghahamig nilang makiisa sa iba’t ibang porma ng pagkilos.

As freshies ourselves, we know how some of our co-freshies are intimidated even by the word ‘protest’ alone; thus, the first course of action must be to dismantle this mindset by fostering relationships with the students, before we invite them to join mobilizations or mass organizations,” paliwanag ng bagong halal na vice chairperson.

Dagdag naman ni Mendoza, gampanin din ng konseho na ipagbigay-alam sa mga FST ang iba’t ibang impormasyon tungkol sa mga pagkilos at pagmomobilisa dahil dito nila umano mapagtatanto ang kahalagahan ng pakikiisa sa mga ito.

Pagsusulong ng malayang pamamahayag

Sa isinagawang miting de avance (MDA) noong Oktubre 13, isa sa mga tinalakay na usapin ang kakulangan ng mga inisyatiba ng noon ay tumatakbo bilang college-level nominees sa kani-kanilang general plan of action (GPOA) patungkol sa press freedom na isa sa mga sentral na panawagan ng kolehiyo.

Gayunpaman, matapos mabutbot ang nasabing usapin sa MDA ay nilinaw naman nilang bagama’t wala ang nasabing panawagan sa kanilang GPOA ay mamabutihin nilang bigyang-pansin ito sa kanilang paparating na termino.

Sa panayam ng Tanglaw, binigyang-diin ni Cua ang kahalagahan ng press freedom “para sa mga estudyanteng natatakot magsalita, para sa mga sektor na hindi nabibigyan ng boses, at para sa mga kwentong hindi nailalathala dahil hindi mainstream.”

“Bilang kinatawan ng CDC FC, hindi ko lang isinasaisip ang mga isyung pang-akademya—inaalala ko rin ang kabuuan ng lipunan na kinabibilangan natin. Ang panawagan para sa press freedom ay hindi lang laban ng media practitioners, kundi laban ng bawat mamamayang gustong magsalita, kumuwestiyon, at kumilos,” saad niya.

Para sa hinaharap ng konseho at FSTs

Saad ni Alvarez, ang bagong konseho ay nasa proseso pa rin ng pagpapanibagong-hubog. “Amin pang kikilitasin ang aming sarili upang masigurado ang tapat at maaasahan na pagtataguyod ng mga plataporma at adbokasiya na aming inihahain para sa sangkaestudyantehan at sa masa,” paliwanag niya. 

Batid naman ni Cua, napagtanto niya na ang tunay na representasyon ay hindi natatapos sa pagsagot sa mga tanong sa MDA kundi “ito ay pakikinig sa mga hinaing, pagyakap sa katotohanan, at pagdadala ng mga ito sa mga espasyong may kapangyarihang makapagpabago.”

Ayon sa kaniya, tungkulin niya bilang lider-estudyante na maging tulay ng mga kwento ng kabataan sa komunidad patungo sa pagbuo ng mga desisyon at aksyon sa akademya. “Dahil ang tunay na komunikasyon ay hindi lang teknikal, ito ay makatao. At ang tunay na liderato ay hindi lang posisyon—ito ay paninindigan,” binigyang-diin niya. ■

KUHA NI KARYLLE PAYAS


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya