Ilang oras na ‘kong nakatitig sa blangkong document na ‘to. ‘Liban kasi sa katatapos ko lang mag-cover ng pagtatanghal ng Isko’t Iska kanina, nasa kalagitnaan na rin ako ng siklo ng impyerno sa UP.
Habang iniisip ko kung pa’no ko ma-e-edit lahat ng mga litratong kinuha ko kanina, ‘di rin tumitigil ‘yung pambabagabag sa’kin ng mga deadline ko—mula sa mga paper sa DEVC 153 at 70 at readings sa DEVC 80, hanggang sa production work sa PS 21 at DEVC 103.
Mabigat na rin kasi ‘yung tama ng panahon sa kalusugan ko. Minsan nga, iniisip kong asiwang asiwa na ‘yung roommate ko sa’kin kasi ubo ako nang ubo tuwing gabi. Mula noong umuwi ako sa’min ilang araw matapos ‘yong Undas, iba’t ibang sakit na ‘yung tumama sa’kin: ubo, sipon, sakit sa lalamunan, lagnat, at panghihina. Kung kaya’t subok na subok talaga akong magtipa ng mga salitang bubuo sa piyesang ‘to, na sa unang tingin ay sobrang simple lang naman.
Sabagay, ako rin naman ang nagmungkahing makapaglabas kami ng first person bilang paanyaya sa gaganaping walkout mamaya sa HUM Steps. Paano ba naman, lagpas ‘sandaang araw na mula nung malawakang kilos-protesta noong Setyembre pero wala pa ring nananagot sa mga sangkot sa sistematikong korapsyon sa pamahalaan. Bagaman hindi natigil ang mga demonstrasyon ng masa sa iba’t ibang panig ng bansa, wala pa ring nakukulong.
Ang mas malala pa, patuloy rin ang pamamasista ng estado sa mga katulad kong mag-aaral. Isipin mo ‘yon, nauna pang mapadalhan ng subpoena ang mga katulad kong iskolar ng bayan kaysa ang mga tiwaling sangkot sa maanomalyang flood control projects. At habang nagtuturuan ang mga Duterte at Marcos kung sino ang tunay na adik sa kapangyarihan, patuloy ring isinasantabi ang galit ng taumbayan.
Sa kabila ng lahat ng ito, hirap na hirap pa rin akong sumulat. Salat na salat pa rin sa ideya ‘tong maliit kong utak, na halatang binubuhay nalang ng kape at Sting sa gabi, Dimsum Panda at Mountain Dew sa umaga. Batid ko ring sa puntong ito, hindi lang kawalan ng ideya ang pumipigil sa’kin. Marahil sobrang nananahan sa’kin ‘yung takot ngayon na may masabi akong mali, na agaran kong maputol ‘yung ugnayan ko sa mga mambabasa.
Paano ko ba naman kasi sasabihin sa mga mambabasa na kailangan nating lumabas sa ating mga silid-aralan mamaya, tumungo sa Oblation Park, at siguruhing tumatagos ang mga panawagan natin lampas sa tarangkahan ng ating pamantasan, gayong danas na danas ko rin ang tindi ng hell week na nagpapahirap sa’ting lahat?
Bagaman paulit-ulit ko namang binilinan ang aking sarili na kailangan ko lang i-angkla sa personal kong karanasan ‘tong sanaysay na ‘to para hamigin ang mga mambabasang dumalo sa walkout, hindi ko pa ring mapigilang hanapin at ikonekta ‘yung politikal na dimensyon ng hirap na dinaranas nating mga mag-aaral sa kolehiyo. Sobrang marapat din kasing tingnan na sa dulo’t dulo, itong pagpapakahirap natin para sa hamak na mga numero, na ‘di rin naman sapat na batayan ng ating pagkatao, ang siya ring pumipigil sa ating kakayahang masikhay na makibaka.
Habang hinahabol natin ‘yung uno na sobrang inaasahan nating lalabas sa sari-sarili nating AMIS matapos ‘tong semestre, maiging matanaw natin kung ano ang ating sinasakripisyo sa ‘ngalan ng ganansya sa neoliberal na sistema ng edukasyon. Kadalasan kasi, nalilimutan na nating ibigin ang ating mga sarili dahil kinakain pa rin tayo ng mga ‘di-makataong pamantayan. Paano nga naman natin ihahayag ang pag-ibig natin sa masa’t bayang nagpapaaral sa atin, kung salat na rin tayo sa mismong pag-ibig para sa mga sarili natin?
Sa totoo lang, ang hirap humanap ng kahit kaunting siwang ng pag-asa sa ganitong mga sitwasyon—kapag nasa punto na tayong tila permanente ang mga pansarili’t panlipunang isyu. Kakambal ng pakikibaka laban sa sistemang mapang-abuso ang pamumuhay sa loob nito, at mas madalas kaysa sa minsan, ubos na ubos na tayo sa pagpupumilit pa lang na manatiling buhay—malinaw ring walang kape, Sting, o yosing makapapawi sa ganitong tipo ng pagod.
Wala ako sa posisyon para sabihin sa inyong huwag kayong sumuko. Marahil ang magagawa ko lang ay ang paglalantad ng reyalidad na sa mundo ng mga hindi sumusuko, magkakasama tayo. Patunay rito na sa mahaba kong pagtitipa, bagaman hindi malinaw kung ano talaga ang patutunguhan, pilit ko pa ring hinahanap ang kabuluhang nananahan sa mga salitang nawa’y makararating sa inyo. Nagsusulat ako at patuloy akong nagsisikap na sumulat dahil pagod na ako sa kalagayan ko. Nagsusulat ako para ipahayag na sawang sawa na ako sa kasalukuyang kaayusan. Higit sa lahat, nagsusulat ako dahil panulat ang daluyan ng pakikibaka ko.
Sa indibidwal na antas, hindi natin mahihigitan ang sistemang nagpapahirap sa atin. Sa totoo lang, kahit bilang isang kolektibo, may mga nakadidismayang panahon pa ring darating. Patunay rito ang katotohanang wala pa ring pananagutan sa pamahalaan at nagmimistulang malayong tanawin ang pagbabago.
Ngunit, kailangan nating tandaang araw-araw naman tayong lumilikha ng kasaysayan. Sinusubok tayo ngayon, lalo pa’t mukhang paparating ang pagkabigo, pero hindi pa huli ang lahat. Ang mahalaga, matapos nating yakapin ang lungkot at poot mula sa ating mga danas, tingnan natin kung saan ang ating susunod na tunguhin.
Iilang linggo na lang din ang natitira para sa kasalukuyang semestre, pero hinding hindi naman mawawala ang reyalidad na naka-enroll pa rin tayo sa paaralang may mga sirkumstansyang mas masalimuot pa kaysa sa siklo ng impyerno sa UP: ang lipunan. Ano pa’t kunin na natin ang kurso ng pakikibaka? Ano pa’t sumama na tayo sa walkout mamaya? Ano pa’t dumaluyong na tayo hanggang sa Crossing Calamba sa mga susunod pang araw? ■
Si Luke Cerdenia ay isang mag-aaral ng AS Development Communication at ang kasalukuyang Managing Editor ng Tanglaw.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.



