DAPAT MONG MALAMAN
- Sunod-sunod na mga pagkilos at walkout ang ikinasa ng mga mag-aaral, kawani, at mamamayan ng UPLB ngayong semestre upang mariing kondenahin ang sistematikong korapsyon na umiiral sa pamahalaan.
- Iginiit ng mga progresibong grupo na mahalaga ang tuloy-tuloy at aktibong partisipasyon sa mga ikinakasang kilos-protesta upang maipakita ang kaisahan ng iba’t ibang sektor sa mga anti-korap na panawagan.
- Aktibo rin ang panghahamig ng mga progresibong grupo ng kabataang estudyante at maging ng mga kawani upang makapagpadalo ng mas marami pang tao sa gaganaping demonstrasyon sa Crossing Calamba sa araw ni Bonifacio, Nobyembre 30.
Sa unang semestre ng akademikong taon 2025-2026, umalingawngaw ang mga panawagan mula sa komunidad ng UPLB sa mga lansangan ng Los Baños hanggang Maynila sa serye ng mga kilos-protestang ikinasa bago ang nakatakdang malawakang rehiyonal na demonstrasyon sa Araw ng Masang Anakpawis at kaarawan ni Andres Bonifacio sa Crossing, Calamba.
Ika-19 ng Setyembre nang isinagawa ang unang UPLB walkout ngayong taon, kung saan humigit-kumulang 7,000 katao ang sama-samang nakibaka upang ipanawagan ang agarang pagpapanagot sa mga sangkot sa katiwalian mula sa mga huwad na proyekto ng pamahalaan.
Pinangunahan at inorganisa ng UP Act Against Corruption (UP Action) Network – Los Baños ang malawakang mobilisasyon. Ito rin ang araw kung kailan pormal na inilunsad ang alyansang binubuo ng mga konseho, publikasyon, organisasyon, at sektor mula sa UPLB at karatig komunidad nito upang manguna sa mga susunod pang malawakang pagkilos sa Unibersidad.
“Ang mga serye ng pagkilos ay patunay na galit ang mamamayan, galit ang mga kabataan. Pinaglalaanan ng mga mag-aaral at guro ang pag-oorganisa sa kabila ng mga kabi-kabilang gawain…” pahayag ni Geraldine Balingit, kasalukuyang chairperson ng UPLB University Student Council (USC) na bahagi ng UP Action.
Pambansang pagkilos sa Luneta at Mendiola
Dalawang araw matapos ang unang walkout ay binaha rin ng kabataan mula sa UPLB at iba pang mga probinsya sa Timog Katagalugan ang Luneta at Mendiola sa mga anti-korap na pambansang pagkilos noong ika-21 ng Setyembre, kasabay ng komemorasyon sa pagdedeklara ng Batas Militar sa bansa.
Ang nangyaring marahas na dispersal sa Mendiola rin ang ugat ng mas pinatinding galit ng sangkaestudyantehan na nagbunsod pa ng mas malawak pang pag-oorganisa laban sa pamahalaan.
Matatandaang pitong mag-aaral ng UPLB, na karamihan ay miyembro ng midya, ang tinamaan ng mga pinakawalang tear gas at water cannon ng kapulisan sa dispersal sa nasabing pagkilos. Isa rito si Hadassah Bernardine, miyembro ng UPLB Perspective.
“Ang ginawa ko noon [ay] tumakbo ako palikod habang mas lumalapit na sa amin ‘yung mga binabatong tear gas…dahil maraming nagsisigawan at nag-panic ‘yung mga tao, natulak ako tapos walang nakatulong sa akin agad na makabangon,” pagkukuwento niya.
Dagdag pa niya, hindi siya makalakad nang maayos pagkatapos ng disgrasya. Naapektuhan din ang kaniyang pandinig habang direktang tinamaan ng tear gas ang kaniyang mga kasama.
Kaugnay nito, hindi tumigil ang panunupil ng estado hanggang pagkatapos ng pagkilos sa Mendiola. Makalipas ang ilang linggo ay ilang mga mag-aaral din ang pinadalhan ng subpoena at tinakot ng kapulisan dahil sa pakikiisa sa nasabing demonstrasyon.
Pagpapatuloy ng mga kampanya sa ikalawang UPLB walkout
Sa pagpasok naman ng Buwan ng mga Pesante noong Oktubre ay naging mas masidhi ang mga panawagan upang ipatambol ang karapatan ng mga magsasaka at ilaan ang pondo ng bayan sa pagpapaangat ng kanilang kalagayan at ng iba pang mga batayang sektor. Kasabay ng mga kilos-protesta para sa mga magsasaka ang ikalawang walkout na inilunsad noong ika-17 ng Oktubre.
Primaryang sigaw sa ikalawang walkout ang mariing pagkondena sa kagarapalan ng mga korap na politikong lumustay sa pera ng taumbayan at ang tuloy-tuloy na pagkaantala sa imbestigasyon kaugnay nito.
“Kailangang patuloy na sustenahan ang pagkilos ng mga mamamayan kontra korapsyon at para sa karapatan. Ngayong lalong nagiging malinaw ang anomalya sa mga ahensya ng gobyerno lalo na sa DPWH [Department of Public Works and Highways], higit lalong hindi dapat bitawan ng mga mamamayan ang isyung ito,” pahayag ni Eru Elec, chairperson ng Youth Advocates for Peace with Justice (YAPJUST) UPLB.
Kinondena rin sa kilos-protesta ang higit dalawang linggong suspensyon sa klaseng itinakda ni Gobernador Sol Aragones mula ika-14 hanggang 31 ng Oktubre dahil sa sunod-sunod na mga paglindol sa bansa. Iginiit ni JC Ortiz ng Samahan ng Kabataan Para sa Bayan (SAKBAYAN) UPLB sa kaniyang talumpati sa walkout na hindi umano dumaan sa konsultasyon sa mga mag-aaral ang naging desisyon at higit pa rito’y wala rin itong siyentipikong basehan.
Multisektoral na panawagan sa ikatlong UPLB walkout
Umarangkada naman ang ikatlong walkout na inilunsad noong ika-21 ng Nobyembre upang mas palakasin ang kahingian ng masa na pagpapanagot sa rehimeng Marcos at Duterte kasabay ng mga panawagan ng iba pang mga sektor.
Iginiit ni Jason Pozon, tagapangulo ng All UP Academic Employees Union (AUPAEU) – Los Banos, na hindi nalalayo ang danas ng mga empleyado ng UP sa mga mag-aaral nito sapagkat multisektoral ang laban ng mga mamamayan upang puksain ang umiiral na maruming sistema.
“Nakikita natin sa unyon ‘yung halaga ng consistent o tuloy-tuloy at masikhay na pagsasagawa ng mga pagtitipon at pangangalampag sa estado dahil hindi rin biro ang ating kinahaharap na laban,” pahayag ni Pozon.
Panghahamig para sa Bonifacio Day protest
Matapos ang sunod-sunod na pambansa at rehiyunal na mobilisasyong inilunsad sa mga nagdaang buwan, hindi pa rin nahihinto ang laban ng iba’t ibang sektor kontra korapsyon. Kaugnay nito, nanawagan din ang mga progresibong grupo sa mga mamamayan na manghamig pa para sa isa pang pagkilos na ikakasa sa Crossing, Calamba sa darating na Araw ni Bonifacio na tinagurian ding Araw ng Masang Anakpawis sa ika-30 ng Nobyembre.
“Inaanyayahan ang lahat sa mga darating na pagkilos ngayong Nobyembre: Black Friday Protest kasama ang iba’t ibang pamantasan sa Los Banos [sa ika-28 ng Nobyembre], at rehiyonal na pagkilos naman sa darating na Araw ng Masang Anakpawis. Magparami tayo sa naturang mga araw, at ipakita ang laksa-laksang mamamayang sawa na sa korapsyon,” giit ni Elec.
Iyan din ang panawagan ni Balingit sa mga mag-aaral ng Unibersidad. Binigyang-diin niyang hindi tatahimik ang mga mamamayang ninakawan sa patuloy na supresyon ng pamahalaan. Bitbit din ni Pozon ang parehong paanyaya para sa iba pang mga sektor.
“Bitbitin natin ang prinsipyo ng pakikipagkakaisa sa lahat ng sektor ng ating lipunan. Ang mga malawakang pagkilos katulad ng magaganap sa November 30 ay isang pagkatuto na naman at magbubukas sa ating isipan—magmumulat sa ating kamalayan na hindi kailanman maituturo ng mga aklat sa loob ng ating classroom,” pahayag ni Pozon.
Dagdag pa niya, mahalaga ang magaganap na protesta sa kaarawan ni Bonifacio sapagkat ito’y aktuwalisasyon at pagpapatuloy ng nasimulang pakikibaka ng naturang bayani na magpapatunay na hindi kayang talunin ng kahit sinong naghaharing-uri ang masang inaapi at ang sambayanang Pilipino. ■
KUHA NI JHYANNE ALMENANZA



