
Editoryal ng Tanglaw
Ang editoryal na ito ay isinulat ng aming Editorial Board na naglalayong ilahad ang opinyon ng pahayagan sa mga napapanahong isyu.
Sa gitna ng lumalalang krisis pang-ekonomiya at pampulitika, may nagbabadyang sigwa ng pakikibaka sa iba’t ibang panig ng bansa. Binubuo ito ng mga batayang sektor ng lipunan—magsasaka, manggagawa, kababaihan, katutubo, kabataan, sangkaestudyantehan, at iba pa—na layong maitatag ang bahang sasalanta sa lahat ng porma ng korapsyon at katiwalian tungo sa ganap na pagbabago sa kasalukuyang kaayusan.
Magmula nang pumutok ang isyu sa ghost flood control projects noong Agosto, tinugunan ito ng masa ng sunod-sunod na mga kilos-protesta—mula sa malalawak na walkout sa mga pamantasan at martsa sa mga komunidad hanggang sa makasaysayang demonstrasyon noong ika-21 ng Setyembre sa Luneta, Mendiola, at EDSA. Ngunit mahigit dalawang buwan na ang nakalilipas, wala pa ring nakukulong sa mga primaryang sangkot sa nakawan. Bagaman may ilan nang nasampahan ng kaso, wala pa ring pagsisikap ang pamahalaang buwagin ang mismong istrukturang pinag-uugatan ng pandarambong.
Hanggang ngayon, hindi pa rin nabubuksan sa publiko ang mga pagdinig ng Independent Commission on Infrastructure. Sa kabilang banda naman, nagmimistulang sirkus ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sapagkat nagmumula mismo sa hanay ng mga senador ang ilang pinanghihinalaang nakinabang sa mga huwad na proyektong pangkaunlaran. Bagaman malinaw ang reyalidad na nangyayari ang korapsyon sa iba’t ibang antas ng pamahalaan at malabo ang argumentong walang kinalaman ang pangulo rito sapagkat siya ang punong ehekutibo ng bansa, paulit-ulit pa ring iginigiit ng administrasyon ang naratibong tinutuligsa nito ang katiwalian.
Higit sa lahat, kinakailangang makita ng masa na nagluluwal ng malalang krisis pang-ekonomiya ang umiigting na krisis pampulitika. Habang nagbabanggaan sina Marcos at Duterte, lalo lamang nagiging lantad ang kabiguan at kabulukan ng sistemang pareho nilang kinapapalooban. Mula noong nagpalit ng komposisyon ang Senado at Kamara hanggang sa kamakailang pagbitiw sa posisyon ng mga opisyales sa gabinete ni Marcos, malinaw na ang plano ng estado: may iilang mahuhulog, ngunit babatay ito sa dikta ng mga dinastiya at makakapangyarihang paksyon. Sa madaling sabi, hindi mababasag ang sistema kung umaasa lamang ang sambayanan kay Marcos, na produkto mismo ng korap at maduong legasiya ng Batas Militar.
Maging ang mga pagkilos na ipinapalabas bilang makamasa, gaya ng rally ng Iglesia ni Cristo at iba pang mobilisasyong maka-Duterte o maka-administrasyon, ay hindi tunay na sumasalamin sa interes ng sambayanan. Gumagalaw ang mga ito bilang instrumento para sa pampulitikang banggaan. Kasabay ng pagkukubli ng mga demonstrasyong ito sa tunay nilang kahulugan ay ang pagtatakip sa malubhang katotohanang ang pondo para sa susunod na taon, sa kabila ng serye ng mga imbestigasyon sa katiwalian, ay isa pa ring daluyan ng korapsyon sa bisa ng insertions.
Hindi estranghero ang daigdig sa tipo ng krisis na nararanasan ng Pilipinas sapagkat nagaganap din ito sa iba pang bansa. Kamakailan lamang, isinama na ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na banta ng “destabilization”—katabi ng mga bansa gaya ng Pakistan, Myanmar, Indonesia, at iba pa. Imbes na tanawin ito bilang ilohikal na kaguluhan, marapat makitang nangangahulugan itong hindi na nagpapaloko ang masa sa pekeng kampanya kontra korapsyon. Likas na tugon sa pagkabigo ng estado ang sunod-sunod na mga pagkilos.
Mula sa mga nananaig na kondisyon, kinakailangang buoin ng kilusan ang mga hakbanging tiyak na babasag sa mga estrukturang nagpapahirap sa atin: ang sistematikong korapsyon na pumipilay sa mga batayang serbisyo, ang mga imprastrakturang tumutugon sa interes ng iilan, ang mga dinastiyang sakim sa kapangyarihan, at ang makinaryang nagpapatahimik sa mga progresibong tinig.
Kaakibat din ng mga sigaw para sa pagpapanagot sa mga kurakot ang esensya ng pagpapatalsik kina Marcos at Duterte, kasama ang iba pang mga dinastiyang nakatatag sa plataporma ng korapsyon. Kinakailangang tunggaliin ang huwad na naratibong dalawa lamang ang pagpipilian at igiit ang katotohanang ang direksyon ng bansa ay hindi dapat nakasalalay sa naghaharing-uri kundi sa mga mamamayan. Dapat nang itatag ang national transition council, na binubuo ng mga kinatawan mula sa mga batayang sektor ng lipunan, bilang kongkretong hakbang tungo sa kaunlarang pinangungunahan ng masa.
Hindi na bago ang ideya ng nasabing konseho. Ito ang daing ng taumbayang paulit-ulit nang binigo ng mga institusyong dapat na nagtatanggol sa kanilang mga karapatan. Habang kinukwestyon ng ibang mga puwersa ang saysay at ligalidad ng nasabing konseho, marapat na makita na ang hinaing ng masa para sa kagyat na pagbabago ay dumadaloy mula sa kanayunan hanggang sa kalunsuran. Malinaw ring nakasaad sa Saligang Batas ang posibilidad ng pagpapatalsik sa pangulo at bise presidente— binibigyang-diin nito ang reyalidad na saklaw ng karapatan ng masa ang pagtawag para sa ganap na pagbuwag sa bulok na sistema.
Sa bisa ng national transition council, ganap na maisasakatuparan ng nagkakaisang masa ang mga makabuluhang reporma—mula sa tunay na pagpapanagot sa mga kurap at pagbawi sa mga ninakaw na yaman hanggang sa pagyurak sa ugat ng korapsyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng konstitusyonal na probisyong nagbabawal sa mga dinastiya, pagsasaayos sa batas para sa mga party-list, at pagtutulak sa tapat na eleksyon.
Upang maisakatuparan ito, kahingian sa masa ang masusing pagsusuri sa kalagayan ng lipunan, mas pinaigting na panghahamig sa mga mamamayan sa pamamagitan ng politikal na edukasyon at propaganda, at kasiguraduhang hindi matitigil ang mga pagkilos. Hindi pagwawakas bagkus isang simula ang pagbuo ng nasabing konseho. Kinakailangang tuloy-tuloy ang pagmumulat upang hindi na muling makabalik ang pangkatang Marcos at Duterte sa posisyon.
Dumating na ang punto sa kasaysayan kung saan kinakailangang masa mismo ang papanday sa kinabukasang may siwang ng pag-asa para sa tunay na kaunlaran. Kahingian sa taumbayan ang pag-iipon ng lakas, patuloy na pagpapaunlad at pagsusuri, at aktibong pagtutulak sa puwersang magdudulot ng radikal na pagbabago sa lipunan.
‘Pagkat upang makamit ng sambayanan ang pangako ng makabayang tagumpay sa ngalan ng ganap na kalayaan, walang ibang daan kundi ang pagtatatag sa mga lansangan ng himagsikan laban sa kasalukuyang kaayusan. ■




You must be logged in to post a comment.