DAPAT MONG MALAMAN

  • Sa dulang “O, Pag-ibig na Makapangyarihan,” tampok ang iba’t ibang anyo ng pagmamahal, hindi lamang para sa sarili kundi pati na rin sa mas malawak na bayan—na binigyang-buhay sa entablado ng Tag-ani Performing Arts Society.
  • Hango sa tulang “Pag-Ibig sa Tinubuang Lupa” ni Andres Bonifacio, ipinamalas ng dula na ang tunay na rebolusyon ay pag-ibig sa bayan at paglaban sa katiwalian, kawalang-katarungan, at panlilinlang.
  • Saksi ang mga manonood ng dula sa tapang at paninindigan ng kababaihang Pilipino, tulad ng naging pagmamahal at pagtindig ni Gregoria de Jesus (Oriang) sa gitna ng pakikibaka para sa bayan.

Sa bawat panahon ng kadiliman, laging may liwanag pa rin na nananatiling nag-aalab—ito ay ang pag-ibig. Ngunit, hindi lamang ito nasa anyo ng pagiging malambing at tahimik—kundi mas naipakikita rin ito sa mga paraang palaban, nagmumulat, at nag-uudyok ng tunay na pagbabago sa lipunan. Isa sa pinakamalalim na pagpapakita ng pagmamahal ay ang pagkakaroon ng tapang at lakas ng loob na hamunin ang bulok na sistema sa pamamagitan ng pakikibaka. 

Ito ang pag-ibig na pinanday sa dulang “O, Pag-Ibig na Makapangyarihan,” isang pagtatanghal na muling nagbigay-tinig sa tula ni Andres Bonifacio na “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” at pagmamahalang makabayan nila ni Gregoria de Jesus. Sa ilalim ng sulat at direksyon ni Bonifacio P. Ilagan, itinanghal ang dula noong ika-12 hanggang 14 ng Setyembre sa D.L. Umali Hall, handog ng Tag-Ani Performing Arts Society. 

Sa entablado, pinagsama ng mga estudyante at alagad ng sining ang sigla, talino, at damdaming makabayan upang bigyang-buhay ang mensahe ni Bonifacio na ang pag-ibig ay may lakas na hamunin ang mapaniil na sistema at buwagin ang estrukturang lumulunod sa taumbayan. 

Sa bawat tugtog ng musika, indak ng katawan, at linyang binibigkas ng mga manananghal, naroon ang panawagan na gamitin ang kritikal na pag-iisip at pagmamahal sa bayan sa pagtugon sa napakaraming hamon sa lipunan. 

Ano pa’t buhay, kung walang pag-ibig sa bayan?

“Aling pag-ibig pa ang hihigit kaysa sa pagkadalisay at pagkadakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?” Iyan ang isa sa mga katanungan mula sa dula na nagsilbing mitsa upang ang lahat ay pagnilayan ang uri ng pagmamahal na kanilang ipinapakita. Sa ilalim ng mga ilaw sa entablado na kay liwanag ay lumitaw ang napakahalagang paalala: ang tunay na pag-ibig ay maipakikita sa pagpapahalaga sa Inang Bayan na siyang unang kumupkop sa’yo at humubog sa iyong pagkakakilanlan.  

Sa harap ng patuloy na korapsyon, panlilinlang, at kawalang-katarungan, ang dula ay paalala na ang rebolusyon ay hindi lamang alaala ng nakaraan, patuloy itong nabubuhay sa puso ng mga may malasakit, sa kabataang naninindigan, at sa mga artista ng bayan na ginagamit ang sining bilang sandata upang ipaglaban ang katotohanan. 

Hindi estranghero ang pamantasan sa diwang rebolusyonaryo. Noong ika-19 ng Setyembre, humigit-kumulang 7,000 estudyante, guro, at kawani ang nag-walkout bilang pagtutol sa lantaran at walang pakundangang korapsyon sa pamahalaan. Ganoon rin sa naganap ng walkout noong ika-17 ng Oktubre at ika-21 ng Nobyembre. Hindi ito mga simpleng kilos-protesta, hindi lang ito mga protesta ng pagkadismaya—ang mga ito ay tinig ng hustisya laban sa bilyon-bilyong pisong pondong nakalaan para sa mga proyektong kontra-baha at sa lahat ng sangkot na hanggang ngayo’y malaya pa rin. Ang mga ito’y konkretong pag-aalay ng damdamin at pagsasabuhay ng panawagang “Ngayon magbango’t baya’y itanghal.”

Pag-ibig ang magpapabago sa lipunan

Habang lumilipas ang mga eksena sa bulwagan, dahan-dahang sumisiklab ang sentrong mensahe ng dula: na ang pag-ibig ay may kakayahang magpabago ng lipunan. Ipinapaalala nitong ang pag-ibig ang tanging puwersang tunay na makapangyarihan upang baguhin ang nakasanayan.

Sa mga linya ng mga artista, naririnig ang hinaing ng kasalukuyan: “Hanggang kailan magdurusa ang bayan sa kamay ng iilan?” Ang mga salita ay tumatagos, dahil ang sugat ng lipunan ay hindi naghihilom—mula sa lansangan hanggang sa mga gusali ng kapangyarihan na sinasakop ng katiwalian.

Ngunit, sa kabila nito, hindi nawawala ang pag-asa. Ipinapakita ng dula na sa puso ng bawat Pilipino ay may kakayahang mag-alay ng pag-ibig para sa mas malawak na sambayanan, isang pag-ibig na hindi natatakot kumilos at magtanong. 

Bilang Lakambini, si Oriang ay ang kauna-unahang babaeng sumali sa Katipunan. Sa kabila ng panganib at panlilinlang ng panahon, pinili niyang manindigan para sa bayan, hindi lamang bilang ina o asawa kundi bilang mamamayang may matibay na paninindigan. Sa kanyang tapang at determinasyon, ipinapakita na ang bawat tinig at kilos ng kababaihan ay may kakayahang magbukas ng daan para sa pagbabago at katarungan sa mapaniil na sistema. 

Hango sa isinulat ni Bonifacio, “Banal na pag-ibig, ‘pag ikaw ang nukal sa tapat na puso ng sino’t alinman, imbi’t taong gubat, maralita’t mangmang, nagiging dakila at iginagalang.” Sa pamamagitan ng halimbawa ni Oriang, makikitang ang diwa ng pusong nagmamahal sa bayan ay nagiging lakas na nagbibigay dangal at kapangyarihan sa mga nasa laylayan at sa bawat taong gustong lumaban para sa katarungan. 

Pagmamahal na naglalantad, nagbubuklod, at nagpapalaya

Sa pagtatapos ng dula, mararamdaman ang pag-angat ng damdamin sa bawat manonood. Tumitigil ang paghinga ng mga tao sa linya ng isang panawagang bumabalik sa atin: “Ang pag-ibig sa tinubuang lupa ay siyang tunay na kabanalan.” 

Sa panahong tila lumalalim ang sugat ng lipunan, ang pag-ibig ang nananatiling sandigan ng pagkilos. Ito ang uri ng pag-ibig na humahamon sa mga mapang-aping estruktura: hindi bulag, hindi pipi, hindi takot maglantad ng mali.

Ito ang pag-ibig na nagsusuri at nagbubuklod sa lipunan, ang pag-ibig na alam na ang malasakit ay hindi natatapos sa pagluha, ‘pagkat dumadaloy ito hanggang sa pagbangon. Nakikita ito sa mga mamamayang pinipiling tumindig at patuloy na umaasa, maging sa sining na hindi natatakot magmulat. Sa bawat pagtindig at pagsigaw para sa katarungan, ipinapakitang ang pag-ibig ay hindi lamang damdamin, ito ay isang pagpapakita na ikaw ay handang mag-isip nang kritikal at kalaunan ay kumilos.

Pagmamahal itong naglalantad, sapagkat nililinaw nito ang kabulukan ng sistema. Pagmamahal itong nagbubuklod, sapagkat pinag-iisa nito ang bayan sa gitna ng pagkakawatak-watak. Pagmamahal itong nagpapalaya, sapagkat binubuksan nito ang isip upang makita na ang bayan mismo ang pwersa na may kakayahang baguhin ang sistema. 

Sa ganitong pag-ibig, makikita na ang rebolusyon ay may malasakit. Ito’y liwanag na tumatagos sa dilim ng pagkawalang-bahala. 

O, pag-ibig na tunay, ikaw ang lakas ng bayan

Sa huli, ang dulang ito ay higit pa sa pagtatanghal. Ito ay pagninilay sa uri ng pag-ibig na kailangan ng ating bansa. Sa harap ng mga hamon ng korapsyon, nananatiling buhay ang tula ni Bonifacio, isang paalala na ang pag-ibig sa tinubuang lupa ay hindi kailanman dapat mawala. 

Ang “O, Pag-ibig na Makapangyarihan” ay hindi lamang paggunita sa kasaysayan, kundi panawagan para sa kasalukuyan: ang rebolusyon ay magpapatuloy hangga’t may mga pusong marunong magmahal sa bayan. Sa bawat sigaw ng mamamayang tumatangging manahimik, sa bawat kamay na humahawak ng plakard sa mga pagkilos, sa bawat tinig na umaawit ng katotohanan, nananahan ang pag-ibig na tunay na makapangyarihan.

Ito ang pag-ibig na hindi kayang patahimikin ng takot at ‘di kayang bilhin ng kahit anong kayamanan. Ito ang pag-ibig na muling isinisilang sa bawat kilos ng pagkakaisa at pagtindig laban sa katiwalian, ang pag-ibig na may kapangyarihang baguhin ang bulok na takbo ng lipunan.

Kagaya ng paninindigan at pagmamahalan nina Andres at Oriang, isang tipo ng pag-ibig na tumangging manahimik sa gitna ng digmaan para sa kalayaan, kinakailangan ng kasalukuyang lipunan ang masidhing damdaming magsisilbing apoy na magniningas sa diwa ng bayan. Sa ganitong uri ng pag-ibig, umuusbong ang tunay na rebolusyon: hindi lamang laban sa mapang-abuso, kundi laban sa katahimikan at paglimot sa responsibilidad ng pagkatao ng mga mamamayan. 

Sapagkat habang may mga pusong nagmamahal,  hinding hindi titigil ang paglaban para sa bayan. ■

Ang Tanglaw ay opisyal na media partner ng Tag-ani Performing Arts Society para sa “O, Pag-ibig na Makapangyarihan.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya