DAPAT MONG MALAMAN
- Pinaingay ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang lalawigan ng Timog Katagalugan ang Crossing, Calamba sa pamamagitan ng kanilang kampanya kontra-korapsyon.
- Bitbit ng mga delegasyon ang mga panawagan sa mga pangunahing serbisyo para sa mga batayang sektor ng lipunan.
- Binigyang-pagpupugay rin ng mga kalahok ang pagpapatuloy ng rebolusyonaryong pakikibaka na nasimulan ni Andres Bonifacio.
Bitbit ang rebolusyonaryong diwa ng paglaban kontra katiwalian, dinagsa ng mga progresibong grupo at mamamayan ng Timog Katagalugan ang Crossing, Calamba upang makiisa sa malawakang pagkilos na ikinasa kasabay ng ika-162 kaarawan ni Andres Bonifacio noong ika-30 ng Nobyembre.
Pagpapatalsik sa rehimeng Marcos-Duterte at sa lahat ng sangkot sa sistematikong korapsyon ang pangunahing kampanyang binitbit ng mga nagsidalo sa pagkilos, kabilang ang mga delegasyon mula sa iba’t ibang pamantasan ng Timog Katagalugan at mga batayang sektor ng magsasaka, mangingisda, manggagawa, at katutubo.
Nagsimula ang pagtitipon ng mga kalahok sa protesta kasama ang delegasyon ng UPLB sa isang paunang programa sa kahabaan ng Real Road habang nagtipon-tipon din ang iba pang progresibong grupo sa magkabilang bahagi ng Manila South Road at kalsada ng J.P. Rizal.
Pasado 2:30 p.m. nang magsalubungan ang mga mamamayang kalahok sa protesta sa tanyag na intersection sa Calamba na sinabayan pa ng isang pagtatanghal mula sa mga kabataang artista ng UPLB.
Mga panawagang bitbit ng delegasyon ng Laguna
Multisektoral na mga panawagan ang dala-dala ng mga nagprotesta mula sa Laguna, partikular ng komunidad ng UPLB na ipinatambol ang karapatan sa mas mataas na badyet sa edukasyon, pagsupil sa kontraktuwalisasyon, maayos na disaster response ng lokal na pamahalaan, at pagpapatalsik sa mga kurakot sa pamahalaan.
“Malinaw kung sino ang dapat panagutin. Panagutin ang tunay na hari at reyna ng korapsyon—si Marcos at Duterte kasama ang lahat ng sangkot sa pangungurakot,” giit ni John Andre Alcala, kinatawan ng UP Act Against Corruption (Action) Network – Los Baños.
Pinagpugayan din ni Alcala ang tagumpay ng tatlong walkout na isinagawa sa Unibersidad sa unang semestre ng akademikong taon, kung saan libo-libong mag-aaral ang lumabas sa kanilang mga klase upang makiisa sa mga anti-korap na panawagan.
Nabanggit din sa mga kahingian ng delegasyon ng Laguna ang pagbibigay-pansin sa mga residente ng Bay, Laguna na ilang buwan nang lubog sa baha matapos ang sunod-sunod na bagyong tumama sa bansa.
Panawagan ng mga estudyante’t magsasaka sa Cavite
Komersyalisasyon at pagtapyas sa pondo sa edukasyon naman ang pangunahing hinaing ng mga mag-aaral mula sa Cavite State University (CvSU). Mariin din ang naging pagkondena ng mga mag-aaral ng pamantasan sa mandato ng pagsusuot ng uniporme sa unibersidad na anila’y mukha ng komersyalisasyon.
“Sa loob lamang ng isang taon, 15% ang itinaas ng mga uniporme sa presyo. Bago pa man masolusyunan ang problema, nagbaba ang administrasyon ng pagmamandato sa pagsusuot ng uniporme na nagpipilit sa mga estudyante na bumili,” giit ni Gerald Ambata, tagapagsalita ng CvSU Kilos Na!.
Tinutulan din ni Ambata ang nakaambang P106 million na budget cut sa CvSu, at idiniing sa gitna ng lumalalang krisis sa edukasyon, dapat na paglaanan ng badyet ng gobyerno ang mga pampublikong pamantasan kaysa ibuhos ang pondo sa militar at intel funds.
Kaugnay nito, kasama ring nakibaka ng delegasyon ng Cavite ang mga magsasaka ng Lupang Ramos sa Dasmariñas na kasalukuyang nakapailalim sa militarisasyon at pangangamkam ng lupang sakahan.
“Hindi po kami ngayon galit—galit na galit. Patuloy nila kaming nililigalig at tinitiktikan. Ang drone nila hanggang ngayon ay hindi tumitigil, nagugulat na lamang kami na paglabas namin sa aming bahay ay nandoon pa rin ang mga drone nila,” pahayag ni Nanay Tess, isang lokal na magsasaka.
Kamakailan lamang ay pinadalhan din ng Commission on Human Rights ng mga subpoena ang 15 magsasaka ng Lupang Ramos dahil sa mga gawa-gawang kasong isinampa ng mga militar sa mga mamamayan.
Pagtutol sa development aggression sa Quezon
Kagaya ng mga magsasaka ng Lupang Ramos, pyudalismo at samu’t saring development aggression din ang kinahaharap ng mga magsasaka ng Quezon.
“Sa [Ibabang] Pulo, mayroong ginagawang solar farm na nakakaapekto at nang-aagaw ng lupa sa mga magsasaka sa Pagbilao. Nito ring nakaraan ay pumutok ang isyu ng windmill sa paanan ng Banahaw na maaaring ganoon din ang maging lunduan, pero dahil sa paglaban ng mga mamamayan ng Quezon, napigilan nila ang pagtatayo ng windmill,” pagsasalaysay ni Michael Esperanza, tagapagsalita ng Kabataan Partylist – Quezon.
Ibinahagi rin ni Esperanza ang kahirapang nararanasan ng mga magsasaka na binabarat sa kanilang mga ani. Aniya, napakababa ng presyo ng palay at kopra sa lalawigan, dagdag pa ang relasyong pyudal na nananaig sa pagitan ng mga pesante at panginoong maylupa mula sa napakaraming hacienda na pagmamay-ari ng iilang angkan.
Mga kampanyang ipinatambol ng delegasyon ng Batangas
Mas mataas ding pondo para sa mga unibersidad kabilang ang Batangas State University (BatStateU) ang iginiit ng mga kabataang dumaluyong mula sa lalawigan ng Batangas. “Ang ating mga pamantasan, partikular ang BSU at UB [University of Batangas], ay nakararanas ng matinding kakulangan… sa pasilidad, sa akmang kagamitan, maayos na silid-aralan, at sa malaking kaso, kulang sa sapat na guro,” pagpupunto ni EJ Perez ng Anakbayan – Batangas.
Mariin din niyang iginiit ang karapatan ng mga magsasaka sa lalawigan. Aniya, maraming magsasaka sa probinsya, kabilang ang mga kasapi ng Sugarfolks’ Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR) – Batangas at Alyansa ng mga Magsasaka para sa Kompensasyon ang nawalan ng kabuhayan at ani bunsod ng paghagupit ng mga bagyo sa rehiyon. Sa kabila nito’y wala pa rin umano silang natatanggap na sapat na kompensasyon mula sa pamahalaan.
Idinagdag din sa hinaing ng delegasyon ng Batangas ang epekto sa kabuhayan ng pagsasara ng Central Azucarera Don Pedro, Inc. sa Nasugbu noong 2024 na nakaapekto sa trabaho ng libo-libong magsasaka ng asukal. Nagsara ang kompanya matapos ang halos 100 taon nitong operasyon dahil sa pagkalugi bunsod ng mataas na importasyon ng asukal sa bansa.
“Kaya naman, hindi tayo narito para manahimik habang pinipiga ang kabuhayan ng masa. Ang ating mga eskwelahan ay dapat maging kanlungan ng kaalaman at hindi simbolo ng kapabayaan,” dagdag ni Perez.
Pagsupil sa political dynasty at development aggression sa Rizal
Pagkondena naman sa monopolisasyon sa politikal na kapangyarihan ng angkan ng mga Ynares ang sigaw ng mga progresibong grupo mula sa Rizal.
Kasabay nito ay ang mariing pagdidiin sa pamilyang nanunungkulan sa samu’t saring development aggression na isinasagawa sa lalawigan na nagdudulot ng malawakang pagbaha at nagpapalayas sa mga komunidad ng katutubo.
“Nariyan ang Ynares family kung saan ay mahigit tatlong dekada nang nanunungkulan sa lalawigan ng Rizal. Sa ilalim ng panunungkulang ito, nandito ang malawakang pagkalbo sa kabundukan ng Sierra Madre, ang mga dambuhalang proyekto na nagpapalayas sa mga Dumagat-Remontado, at mga magsasaka,” paliwanag ni Ron Reyes ng Anakbayan – Rizal at Youth Rage Against Corruption – Rizal.
Pahayag pa ni Reyes, ang pagkawasak mismo ng kabundukan ng Sierra Madre ang pangunahing dahilan kung bakit nalulubog sa baha ang Taytay hanggang sa Tanay at maging ang iba pang matataas na lugar sa lalawigan na dati ay hindi naaabot ng pagbaha.
“Sinasabi ng mga Ynares na sila ay tutol umano sa mga quarry at mining operations, 2010 pa lamang ay nagsisimula na silang tumutol sa mga ganitong operations pero hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang mga ganitong gawain,” dagdag pa ni Reyes.
Kampanya para sa iba pang sektor
Bukod sa laksa-laksang kabataan ay nakibaka rin sa rehiyonal na kilos-protesta ang iba pang grupo ng mga magsasaka, manggagawa, mangingisda, at katutubo. Dumalo at nagbigay ng talumpati ang ilang kasapi ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan, kabilang sina Ronnel Arambulo, Jerome Adonis, at Liza Maza.
Ayon kay Maza, kailangan ng bansa ng gobyernong may sariling desisyon at hindi tuta ng anumang imperyalistang bansa na katulad ng Estados Unidos. Kinondena rin niya ang mga dinastiyang naghahawak ng kapangyarihan sa iba’t ibang lebel ng pamahalaan.
Iginiit naman ni Adonis na kasama ang sektor ng mga manggagawa sa nagkakaisang laban ng iba pang sektor na nakararanas ng pang-aapi at direktang epekto ng korapsyon sa pondo ng bayan. Samantala, boses naman ng mga mangingisda ang nirepresenta ni Arambulo.
“Ang pakikiisa ng mga mangingisda sa kapwa inaapi at pinagsasamantalahan ay mahalaga dahil walang iba na magpapabago ng ating sistema ng lipunan kundi ang sama-samang pagkilos ng ating mga kababayan dahil alam nating hindi ito sosolusyunan ng ating reaksyunaryong gobyerno—sa halip ay titiyakin pa nila na manatili ang ganitong sistema,” pahayag ni Arambulo.
Pagpapatuloy ng rebolusyong nasimulan ni Bonifacio
Sa pagtatapos ng pagbaha ng protesta ng mga mamamayan ng Timog Katagalugan sa Calamba, mas ipinaliwanag ng iba pang nagsilahok sa malawakang pagkilos ang simbolikong kaugnayan ng kaarawan ni Bonifacio sa patuloy na pagdaluyong ng rebolusyonaryong pakikibaka.
“Ginugunita natin at itinutuloy ang rebolusyon na nasimulan ni Bonifacio, ito’y repleksyon na patuloy tayong kumikilos at nakikibaka kasama ang iba’t ibang lalawigan,” pahayag ni Ivan Cedrick De Chavez mula sa Panday Sining – Batangas.
Pagsasakonteksto naman ng makabagong porma ng rebolusyonaryong pagkilos sa kasalukuyang danas ng mga mag-aaral ang binigyang diin ni Juliana Gealogo, chairperson ng Gabriela Youth – CvSU. Aniya, bitbit ng buong delegasyon ang parehas na sinusulong ni Bonifacio na mas iniangkla sa pangangalampag sa kakulangan sa pondo ng edukasyon. Nagtapos ang rehiyonal na demonstrasyon sa pamamagitan ng isang community singing na sinabayan ng isang pagtatanghal mula sa mga mag-aaral ng UPLB kasabay ng pagsigaw ng mga panawagan ng mga dumagsa at aktibong nakibaka. ■
KUHA NI KARYLLE PAYAS



