Sapol

Isinulat ni Johnrey Oliver Delos Santos, Tanglaw Apprentice


Hangga’t pinananatili ang takot sa pagpapahayag at ang komplikadong daan patungo sa kinauukulan; hangga’t may kahirapang mapakinggan, palaging lalabas ang mga protesta sa mga pader—dahil ang pader ay hindi maaaring magsinungaling.

Ngayong taon pa lang, tatlo o dalawang beses nang lumalabas sa Unibersidad ang panawagang sumapi sa armadong pakikibaka. ‘Yon ay kung ang bibilangin natin ay ang mga pader na pinintahan ng mga rebolusyonaryong grupo mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, kabilang na ang kabataan, para himukin ang mga taga-pamantasan na tumungo sa kanayunan. Pero alam n’yo, higit pa sa tatlong beses minaliit ang panawagang ito bilang bandalismo. Higit tatlong beses ding ni-redtag ang mga lider-estudyante, kesyo sila umano ang may pakana sa mga propagandang ito laban sa estado, kahit na tatlong beses din ay wala silang katibayang nailabas.

Mayroong mahabang kasaysayan ang vandalism bilang anyo ng protesta—mula sa mga kilusang kontra-kolonyal, hanggang sa modernong graffiti na pumupuna sa estado. Madalas lumilitaw ang mga pintang ito kung saan masikip ang puwang para sa demokratikong pakikilahok. 

Hindi nahihiwalay ang pamantasan dito—dahil sa buhay na buhay na tradisyon dito ng pagkilos. Lumilitaw ito sa porma man ng First Day Rage ng mga konseho, sa barikada ng mga silya, sa malawak na walkout ng mga progresibong organisasyon, sa masining na pagtatanghal ng Umalohokan, Inc., at maging ang mga personal essay natin sa ating Facebook account.

Sa mga nabanggit na pagkilos, mahirap para sumahin na ang intensyon nila ay paninira lang sa pamantasan. Mahirap pababawin ang konsepto ng kilusan, dahil ang kilusan ay hindi uusbong para lang dumihan ang mukha ng UPLB. Kung ikukumpara, hindi rin natin kayang sabihin na kaya may walkout noong Setyembre 2025 ay dahil lang sa tinatamad pumasok ang higit 7,000 estudyante.

Kaya hindi ba nakapagtataka na ang unang pumapasok sa isip mo kapag nakakita ka ng graffiti ay: “Sayang pintura! Kailangan na naman ng Boysen.” 

Sapagkat ang ganitong suri ay walang pagninilay sa puno’t dulo ng kilusan: kahirapan, panunupil, at atrasadong lipunan. Higit sa lahat, bigo ang taumbayan sa sirang institusyon. Ang kawalan ng pagninilay ay isang pagpapasya para magbulag-bulagan sa mga istruktural na kondisyong nagtutulak sa mga ganitong pagkilos.

Sa isang perpektong mundo, walang rebolusyonaryong indibidwal ang mapipilitang sumulat sa mga pader. Walang pintang rebolusyonaryo sa dingding dahil wala nang pangangailangang umapela sa rebolusyon. Walang graffiti dahil may tunay na espasyo para makinig ang pamunuan, at walang kailangang matakot na mamanmanan, ma-redtag, o mapatahimik.

Kaso, hindi ganiyan sa Pilipinas. Hindi ganiyan ang mundo. Patuloy ang pamamaslang, pagdadakip, at sapilitang pagpapawala sa mga mamamahayag, abogado, environmental defenders, at iba pang mga aktibista at progresibong indibidwal sa bansa.

Hindi basta “paninira” ang pagkilos dahil ito ay mula sa pagkabigo. Sumisigaw ang pader dahil binubusalan ng estado ang kritikal.

Para sa ilan, tulad ni Chancellor Camacho sa kaniyang post na kinukundena ang rebolusyunaryong sining, hindi ito kapuri-puri. Pwede n’yong sabihin na mayroon pang ibang porma o mekanismo ng pakikilahok. Pero hindi naman kapurian ang habol dito—dahil ang layunin naman nito ay mabasa ng sambayanan. Ang ganitong uri ng protesta ay hindi dapat basta-basta kondenahin nang walang pagsusuri sa mga kondisyong nagluluwal nito.

Kaya dapat maipakita ng pamantasan ang papel nito sa aktibismo at sa paghubog ng lipunan. Tahakin sana nating lahat ang produktibong diskusyon kaysa sabihing, “Shet, ang dumi naman niyan.”

Kasi hindi naman natin kailangang pagkaisahan at tanggapin na pader ang tamang lugar ng protesta, lalo na kung ayaw n’yo talaga. Ngunit kailangan nating tanggapin na ang protesta, sa anumang anyo, ay sintomas ng sira at bulok na sistema. Ituro natin na ang pintang ito ay mula sa mga rebolusyunaryo. Pagnilayan natin ang mga dahilan sa likod nito. Dahil kahit na ang pintang ito ay gawa lang ng mga rebolusyunaryo, hindi pa rin natin maitatanggi na ang pintang ito ay kambal sa hinagpis nating kolektibo.  

Linawin natin na tama namang pangalagaan ang mga gusali sa pamantasan, na hindi dapat ito “sirain.” Pero sa likod nito, mayroong higit sa tatlong mali: mali na i-redtag ang mga lider-estudyante nang walang batayan, mali na kundenahin ang boses ng pader, at huli, mali na pintahan lang ng puti ang mga panawagan. Dahil walang puting pinta ang may kakayahang linisin ang sirang sistema.

Hangga’t bulok ang lipunan, hangga’t walang pagbabago, laging pipiliin ng kabataan na pintahan nang ilang beses ang pader. Hindi dahil gusto nitong sirain ang Boysen paint na ginamit n’yo. Pero upang magpaalala kung bakit tayo narito.

Para sa pangingialam, para sa kritikal na pagtatanong, para tumindig sa pagsulong ng makatarungang mundo, at para sa lipunang tunay na palaban at makabayan. ■

DIBUHO NI J.P.R

Ang artikulong ito ay unang inilathala sa Tanglaw Vol. 4, Issue 1 noong Nobyembre 28, 2025.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya