DAPAT MONG MALAMAN
- Inilantad ng mga magsasakang Mindoreño ang pangangamkam sa kanilang mga lupang ninuno at iba pang anyo ng panggigipit ng administrasyon—ilan sa mga ito ang food blockade, ilegal na pang-aaresto, at sexual harassment—bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Pesante noong Oktubre.
- Ang hirap na dinaranas ng mga magsasaka ay maihahalintulad din sa karanasan ng maraming manggagawang Pilipino.
- Hindi sapat ang sipag ng mga nasa laylayan upang makaahon sa hirap kung sila ay patuloy lamang na gagawing puhunan ng mga may kapangyarihan.
“Magsikap ka lang, giginhawa rin ang buhay mo.” Marahil ay narinig mo na ang bilin na ito na sinasabing pagtitiyaga ang sagot para makaahon sa hirap. Ngunit kung totoong ganito ang kaso, bakit kung sino pa ang mga araw-araw na inuupos ng init at walang tigil sa marangal na pagkayod ang naghihikahos?
Iyan mismo ang itinampok noong ika-18 ng Oktubre sa “Himig ng Lupa, Pintig ng Bayan: Isang Gabi ng Pagtatanghal para sa mga Magsasaka at Katutubo,” na pinangunahan ng Lupa ay Buhay (LAB) bilang paggunita sa Buwan ng mga Pesante.
Sa UPLB Carabao Park, unang sinalubong ng hanay ng sangkaestudyantehan ang mga magsasaka at manggagawang karamihan ay tumawid-dagat pa mula Mindoro. Ito ay upang mas bungkalin ang kanilang mga kuwento hinggil sa panggigipit ng estado, nangunguna na rito ang walang habas na pangangamkam sa kanilang mga lupang ninuno.
“Ako po ay nananawagan sa lahat ng ahensya, sana po kayo ay magising sa inyong pinaggagagawa sa taumbayan, hindi ‘yung kayo po ang nagnanakaw sa sarili nating bansa… Sinasabi pa ng ating pangulo, ang bayani raw ay ang mga magsasaka. E bakit kami inaagawan ng lupa?” ani Benigno Macalalad, isang pesante mula sa Calapan, Oriental Mindoro.

Ito rin ang itinambol ng mga naging kultural na pagtatanghal mula sa Umalohokan, Inc., Panday Sining – Southern Tagalog, Bagong Alyansang Makabayan – Timog Katagalugan (BAYAN-TK), at iba pa.
Katutubo ang nagtanim, ang mga sakim ang umani
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2021, nananatiling pinakamahihirap sa bansa ang mga magsasaka, mangingisda, at mga mamamayang nakatira sa mga rural na komunidad. Taun-taon na lamang nauulit ang parehong ulat, ngunit wala pa ring makabuluhang hakbang na ginagawa upang tuluyang mabasag ang siklong ito ng kahirapan.
Kung sino pa ang nagpapakain sa sambayanan, sila pa ang kadalasang walang maihain sa sarili nilang hapag. Taliwas sa kasabihang “Kung anong itinanim, siya ring aanihin,” ang mga bunga ng pagsisikap ng marami ay nauuwi sa kamay ng iilan bunsod ng pagdami ng mga gahaman sa kanayunan.
“‘Yan pong Malatabako, natatandaan ko, bata pa lamang ako, ay matitiyaga ang mga tao d’yan. Nagsasaka po sila, nagtatanim ng mga palay, mga mais, kamoteng-kahoy at ng balinghoy… Tapos kinasuhan na po ‘yung mga tao… Pati po ‘yung bundok na taniman ng palay ng mga Iraya ay kinuha na rin,” saad ng isa pa sa mga katutubo.
Mahigit isang taon na ang nakalipas nang manghimasok ang Pieceland Corporation—isang korporasyong nakatuon sa real estate—sa mga lupang ninuno sa Sitio Malatabako, Abra de Ilog, Occidental Mindoro.
Dahil dito, nagpatong-patong ang mga problemang kinahaharap ng mga katutubong Mangyan-Iraya, kabilang ang panganib sa kanilang kinagisnang kanlungan, food blockade, at iba’t ibang uri ng pang-aabuso—mula sa mga gawa-gawang kaso, pisikal na pananakit, hanggang sexual harassment.
Gaya ng awiting inihandog ng Umalohokan, Inc., “Sinunog ng mga salot ang kanilang pananim. Nirakrak ng mga buhong at salarin ang kanilang tahanan. Inagaw ang lupang kanilang sinasaka. Marami ang pinaslang at dangal ang sinaling,” tahasang nangyayari ang walang-awang paniniil ng mga gahaman.

Sa ngayon, higit sa 200 mga lokal ang naaapektuhan ng panggigipit ng Pieceland Corporation. Sa bilang na ito, 47 ang nahaharap sa mga kasong walang matibay na batayan. May isa na ring binawian ng buhay dahil mas pinalala ng gutom na dulot ng food blockade ang kaniyang inindang karamdaman.
Itaga mo sa bato? Kami ba’y inyong niloloko?
Ngunit, kanino ka lalapit kung ganitong panlalamang din ang nais ng gobyerno?
“Sa bawat rehimeng lumipas ay bitbit nila ang mga huwad na reporma sa lupa. Sa tatlong taon po na nakaupo si Marcos Jr., wala pa rin sa kalahati ng beneficiaries ng CARP [Comprehensive Agrarian Reform Program] ang nakakatanggap ng lupa,” saad ni Anne Macasu, chairperson ng National Network of Agrarian Reform Advocates (NNARA) – Youth UPLB.

Sa halip na maibigay ang lupang ipinangako sa kanila, kabaliktaran pa ang kanilang napapala—ninanakaw ang mismong mga lupaing dapat sana ay kanila. Dahil dito, ang kanilang buhay at hanapbuhay ay parehong nailalagay sa peligro.
“Ang mga lupang ninuno ay patuloy na kinakamkam ng pinagsabwat na NCIP [National Committee on Indigenous Peoples], AFP [Armed Forces of the Philippines], at PNP [Philippine National Police], at pinagtutulungan pa ng hukumang bayan, na kung saan sinasabi pa na ang mga indigent people natin, sila pa raw ang trespassing sa sarili nilang lupa,” giit ni Renzo Puntanar, lead convenor ng LAB.
“Merong mga kasundaluhan, pinupuntahan ako, at kahit ako’y kanilang pinipigilan, sinabi ko nga sa kanila, maghalo na ang balat sa tinalupan, dahil ang sinasabi ko ay ang katotohanan. Kami ay binigyan ng DAR [Department of Agrarian Reform] ng titulo, bakit nila inaagaw? Bakit nila kami gusto[ng] palayasin? Kaya tinatanong ko sa kanila, saan kayo kakampi kapag kami ay dinemolish?” dagdag ni Macalalad.
Handa ang administrasyon na isakripisyo ang kapakanan at kabuhayan ng mga katutubong magsasaka para lamang bigyang-daan ang interes ng mga malalaking kumpanya at ipilit ang mga patakarang batay sa mga dayuhang kagustuhan. Ilang halimbawa nito ang Rice Liberalization Law, Rice Tariffication Law, pati ang patuloy na presensya ng International Rice Research Institute (IRRI) sa bansa.
“Pangako nito ang masaganang ani, pero hindi ito nagkaroon ng katuparan. At habang nakikibaka tayo para palayasin ang IRRI at para ihinto o buwagin ang kanilang sistematikong pakikialam sa ating pag-aagrikultura, ay gayundin ang pagbuwag sa matagal na panahon ng imperyalismo sa bansa,” ani Jason Pozon, pangulo ng All UP Academic Employees Union – Los Baños (AUPAEU-LB).
Iisa ang ulam ng mga magsasaka at manggagawa
“‘Yung nararanasan ng mga magsasaka, nararanasan din ng mga manggagawa… Hindi lang pitong beses akong pinuntahan ng sundalo at pulis dahil ako ‘yung pangulo, ako ‘yung BOD [board of directors] ng OLALIA [Organized Labor Associations in Line Industries and Agriculture]. Pinasusuko ako dahil daw miyembro ako ng aktibong grupo,” saad ni Arbin Mendoza ng OLALIA – Kilusang Mayo Uno (OLALIA-KMU).

“Sa bahagi namin kasi, nagtayo din kami ng unyon… Sa ngayon, ang napagtagumpayan namin sa bahagi ng CBA [collective bargaining agreement] ay dini-delay pa rin ng management… Pinaparatangan kasi nila ako na ang pondo raw ng unyon ay aking nilulustay… tapos pinapasahod daw ako ng unyon… Naparatangan tayo ng hindi naman natin ginagawa. Nagsisilbi lang naman tayo sa mga manggagawa at sa taumbayan,” pagbabahagi ni Alizer Palencia mula sa RM Chemicals.
Ilan pa ito sa mga buhay na patunay na ang mga sektor na ipinagtatanggol lamang ang kanilang mga karapatan ay sila pang mismong sinusupil—tinitiktikan, tinatakot, at pinapatahimik—ng administrasyong may pinakamalaking pananagutan sa kanilang dinaranas.
“Pati ang defenders natin ng karapatang pantao ay pinagsasamantalahan… sinisikap ng estado na tiktikan o buuin ‘yung pool ng impormasyon para kung sino man ang i-assign nilang kaaway, convenient na makukuha na nila ‘yung mga kailangan nila—‘yung address, mga kakilala, pamilya,” wika ni Sonya Castillo ng UP Internet Freedom Network.
Ganito mismo ang kinahantungan ni Nimfa Lanzanas, isang paralegal mula sa Karapatan Southern Tagalog na hangad lang na ipaglaban ang mga bilanggong pulitikal na humaharap sa iba’t ibang gawa-gawang kaso.
“Na-search warrant ako sa bahay, tapos tinaniman nila ako ng baril at granada. Then, kinasuhan nila ako ng Illegal Possession of Firearms and Explosives. Nakulong ako ng isang taon at apat na buwan sa BJMP [Bureau of Jail Management and Penology],” ani Lanzanas.
Hindi totoong demokrasya ang umiiral kung ang mga tumutuligsa at lumalaban sa katiwalian ay pinipigilan. Halatang takot ang administrasyon sa katotohanan at sa mga mamamayang mulat.
Habang gahaman ang mga nasa kapangyarihan, may himagsikan
Patuloy rin ang pagtindig ng mga mag-aaral upang mas palakasin ang tinig ng mga uring pilit hinihila pababa. Tulad ng ibang sektor, sila rin ay biktima ng mga huwad na patakaran.
“Tatanggalin daw ‘yung mga kursong nagtuturo sa amin ng kasaysayan, kung paano dapat suriin ang mga sining, mga balita, mga midya… Tinatanggal ‘yung mga kursong nagtuturo sa mga tao na maging kritikal,” pahayag ni Dani Bueno mula sa UP Samahan para sa Pag-aaral ng Lipunan, Kultura at Pananaliksik (UP SALIKSIK).
Tulad ng kantang itinanghal ng Panday Sining – Southern Tagalog, “Ang inyong tagapaghatol ay ang sambayanan, at sa bawat buhay na inyong tinatangay ay may babangon,” ang lipunang sinisiil, kalaunan ay magigising at mag-aaklas din kahit ano pang pilit ng mga nasa kapangyarihan na sila ay papikitin.

“Sa inyong lahat na mga magsasaka, manggagawa, mangingisda, tayo po ay magkaisa para sa pagdating ng panahon ay mawala rin ang korapsyon… Marami tayong naghihirap. Sila’y nagpapasarap habang tayo’y naghihingalo,” wika pa ni Macalalad.
Habang ang mga batayang sektor ay pinagsasamantalahan ng mga nasa rurok ng tatsulok, hindi kailanman sasapat ang kanilang pagkayod dahil sila ay patuloy lamang na ibinabaon sa hukay ng sistemang mapang-abuso.
“Hangga’t may umaalmang mga sikmura, hangga’t may ninanakawan ng lupa, mag-aalsa ang bayan. Lalaban ang mga Mindoreño, at hinding-hindi titigil ang mga katutubo,” sigaw ni Angel Kong ng Defend Mindoro.
Nasa masang anakpawis ang tunay na kapangyarihang kayang bumuwag sa bulwagan ng mga buwitre at buwaya. Habang ninanakawan ang mga Pilipino, umaaligid ang mga militar sa nayon, at ginugutom ang sambayanan—tuloy-tuloy lang ang laban. Ang pag-oorganisa at pagkilos ang tunay na sagot sa kahirapan. ■
DIBUHO NI JULIANA PIA RODIS, TANGLAW APPRENTICE • DISENYO NI JIAN ABORDO, TANGLAW APPRENTICE
Ang artikulong ito ay unang inilathala sa Tanglaw Vol. 4, Issue 1 noong Nobyembre 28, 2025.




You must be logged in to post a comment.