Umigpaw
Sa ilalim ng liwanag at kislap ng Christmas lights, natutunan na naman nating hati-hatiin ang kaunting handog—hindi dahil masaya, kundi dahil sanay na tayo.
Hindi na bago sa gobyerno ang magtakda ng mababang pamantayan para sa mga mamamayan. Bago pa man ang P500 Noche Buena, matagal nang sinasanay ang mga Pilipino na umintindi at mag-adjust. Sa bawat krisis, sa bawat kakulangan, palaging may iisang panawagan: kayo na ang gumawa ng paraan. Ngunit sa panahong lantaran ang korapsyon at walang kahihiyang pagwawaldas sa pondo ng bayan, ang pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) ay hindi inosenteng payo. Isa itong tahasang deklarasyon kung paano ninonormalisa ng estado ang kakapusan at kawalang-katarungan, habang pinapalaya ang sarili nito sa pananagutan.
Ayon kay DTI Secretary Maria Cristina Aldeguer-Roque, kayang bumuo ng Noche Buena sa P500 kung pipiliin ang pinakamurang opsyon at susundin ang eksaktong sukat ng mga sangkap. Sa unang tingin, tila praktikal. Ngunit sa mas malinaw na lente, ito ay klasikong neoliberal na lohikang nagsasabing hindi problema ang mababang sahod, hindi problema ang mataas na presyo, at hindi problema ang sistemang pumipiga sa mga manggagawa.
Puno ang social media ngayon ng mga patunay na kaya naman gawing P500 ang Noche Buena. Ngunit ang tanong ay hindi sa kung kaya ba dahil matagal na natin itong pinatutunayan. Kaya nating magbawas ng sahog, magpalit ng brand, at magtipid ng budget. Sa totoo lang, kung may world championship sa pagtitiis, kampeon na tayo riyan. Kaya huwag na sanang ipaliwanag sa atin na “kaya naman.” Hindi na natin kailangan ng price guide ng mga bilihin, dahil ang P500 Noche Buena ay hindi simbolo ng diskarte at achievement kung napagkasya mo ang budget mo. Bagkus, ito ay paglapastangan sa katotohanan ng kahirapan.
Araw-araw, pinipilit ang mga mamamayan na pagkasyahin ang kararampot na halaga —hindi dahil ito ay birtud, kundi dahil ito ang disenyo ng isang ekonomiyang walang pakialam sa dignidad. Ang pagtitiis naman ay hindi likas na katangian ng mga Pilipino; ito ay ipinataw na kondisyon. At habang ipinagdiriwang ang husay nating mag-adjust, tahimik nilang inililihis ang usapan mula sa tanong kung bakit kinakailangan nating mag-adjust in the first place.
Mas lalong nakaiinsulto ang isyung ito kung itatabi sa lantarang korapsyon sa pamahalaan. Habang tinuturuan ang mga mamamayan na magtipid, patuloy na walang pulitikong nananagot sa pagnanakaw ng bilyon-bilyong pisong pondo para sa flood control projects—na para bang moral duty ang pagtitiis, habang ang pangungurakot ay normal at teknikal na isyu lamang. Sa ganitong kalakaran, hindi aksidente ang kahirapan—ito ay pinahihintulutan.
Maaaring igiit sa atin na opsyon lamang ang Noche Buenang ito. Ngunit hindi neutral ang ganitong mensahe. Dahil kapag paulit-ulit na itinatakda ang mababang pamantayan, nagiging katanggap-tanggap ang kakulangan. Kapag sinasabing “pwede na,” nawawala ang tanong kung dapat ba. Ang isyu ay hindi menu. Hindi ito tungkol sa hamon, spaghetti, at macaroni salad. Ito ay usapin ng kapangyarihan: sino ang may kakayahang mamuhay nang may dignidad, at sino ang inaasahang magtiis para panatiliin ang kasalukuyang sistema? Ito ay usapin ng moralidad: bakit kinakailangan ang paghihirap ng marami upang mapanatili ang kaginhawaan ng iilan?
Bilang estudyante at mamamayan, bilang isang anak ng mga magulang na araw-araw kumakayod para sa sahod na hindi sumasabay sa presyo ng mga bilihin, hindi katanggap-tanggap ang ganitong naratibo. Walang pamilyang humihingi ng marangyang handa. Ang hinihingi lamang ay isang Paskong hindi kailangang ipagpalit ang dignidad kapalit ng pagtanggap.
Kaya ngayong Pasko, isa lang ang hiling ko: sana ay mayroon tayong isang makatotohanang gobyerno. Iyong hindi nagtuturo kung paano magpagkakasya ang limang daang piso, kundi kinikilala ang dignidad ng bawat pamilyang Pilipinong ipagdiriwang ang Pasko nang hindi nakatali sa kakulangan o pagtitiis. Hindi niroromantisa ang kahirapan, kundi hinaharap ang ugat nito: mababang sahod, mataas na presyo, at sistemikong korapsyon. Dahil ang dignidad ay hindi seasonal, at ang karapatan ay hindi dapat nakatali sa diskarte.
Sa huli, ang paninindigan ng DTI sa P500 Noche Buena ay isang malaking hamon. Isa itong paalala kung anong klaseng lipunan ang umiiral—at kung anong klaseng lipunan ang patuloy nating pinapayagang umiral. Hangga’t tinatanggap natin ang limang daang piso bilang sapat, patuloy ring bababaan ang halaga ng ating buhay. At kung may kailangan mang magbago ngayong Pasko higit pa sa ating Noche Buena, ito ay ang mapang-abusong sistemang patuloy tayong pinahihirapan. ■
DISENYO NI REG GUBATAN


