“Pwede bang du’n na lang kayo sa iba mangaroling?!”
Biglang tumigil ang kalansing ng mga pinitpit na tansan. Sa tapat ng isang tindahan sa eskinita ng Barangay Krus na Ligas, nasaksihan ko kung paano naputol ang isang masayang pag-awit dahil lamang sa isang malamig na pantataboy. Nang ako’y lumingon, kasabay ko na ang tatlong musmos na napahinto sa pagkanta—hindi upang tumigil kundi upang dalhin ang kanilang mga improvised instrument tungo sa sunod na pintong baka sakaling magbukas para sa kanila.
Mula rito, ang simpleng pagliliwaliw ko upang humanap ng makakain ay naging isang paglalakad upang magnilay-nilay: Kailan nga ba naging ingay na lamang ang awit ng Pasko? At kailan naging normal na makita ang mga bata sa kalsada na nagbabakasakali para sa ilang pirasong barya?
Kung babalikan ang kasaysayan, matagal nang tradisyon ng mga Pilipino ang pangangaroling. Una itong binitbit ng mga Espanyol bilang villancicos, o ang kanilang Christmas carol sa wikang Kastila, na sa tagal ng panahon ng kanilang pananakop ay nakagawiang itanghal sa mga misa at kalaunan, sa mga lansangan. Nang mawakasan ang kanilang pamumuno, nagsimula naman ang pagyakap ng bansa sa mga kantang pang-Paskong nasa wikang Ingles at iba pang lokal na dayalekto—gaya na lamang ng mga kadalasang piyesa ng mga bata ngayon.
Subalit, sa paglipas ng mga taon, tila nag-iba ang himig ng tradisyong ito. Ang caroling na dati’y isang anyo ng pagtatanghal para sa pananampalataya’t sining ay unti-unting naging isang paraan upang maitaguyod ang pang-araw-araw, lalo na sa mga pamilyang salat sa buhay. Sa bawat mabilisang pag-awit, hindi kumpletong liriko, o ‘di kaya’y sintunadong boses, hindi na lamang mensahe ng Pasko ang isinisentro, kundi ang isang mariing panawagan para sa tulong na binalot sa anyo ng isang kanta.
Ang masakit pa rito, imbes na dinggin ang kanilang tinig bilang isang paalala ng pagmamahalan, itinuturing na ito ng marami bilang isang “ingay” o “abala.” Nauunawaan ko naman na hindi lahat sa atin ay may sapat na barya sa bulsa o pasensiyang baon sa bawat grupong kumakatok, lalo na’t bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang bigat na pinapasan. Ngunit, masasalamin din na sa bawat iritable at malamig na “patawad,” lumalawak ang dibisyon sa pagitan ng komportableng pamumuhay ng iilan sa atin at ng kanilang reyalidad na kadalasang umiikot sa pagkalam ng sikmura.
Hindi rin natin maikakaila na ang dibisyong ito ay hindi inadya ng tadhana, kundi ng isang sistemang patuloy na umiiral sa ating bansa. Ang mga batang ito sa lansangan ay mga buhay na patunay ng mga pondong hindi nakararating sa nangangailangan, ng mga oportunidad na ninanakaw, at ng korapsyong patuloy na kinikitil ang kinabukasan ng bansa. Nakatatawa nga na idinidiin nila sa masa na sapat na ang P500 para sa Noche Buena, samantalang sila ay bingi sa kalansing ng kahirapang danas ng mga batang nakikipagsapalaran sa lansangan para bunuin ang ganoong klaseng halaga.
Dito natin mapagtatanto ang isang masakit na kabalintunaan: ang caroling na dapat ay isang tradisyong para sa kasiyahan ay iba para sa mga batang danas ang kahirapan—isa na itong oportunidad para sa pag-asang makamit ang kapirasong sayang magpaparanas sa kanila ng diwa ng Kapaskuhan.
Hindi ko naman nilalayong kutyain ang tradisyon. Nais ko lamang bigyang-mukha ang mga taong nasa likod nito. Sa gitna kasi ng ating pagmamadali sa pagbili ng mga regalo at magagarang kasuotan at paghahanda para sa isang masayang salu-salo, madalas nating nakalilimutan na ang kalsada ay hindi lamang isang senyales ng Pasko. Para sa ilan, ito na rin ang kanilang pahingahan, entablado, o ‘di kaya’y hapag-kainan kung saan pilit nilang binubuo ang kapirasong diwa ng Kapaskuhang tila ipinagkakait sa kanila ng panahon.
Sa pagpapatuloy ko ng aking paglalakad sa mga eskinita ng Krus na Ligas, muli kong narinig ang kalansing ng mga tansan mula sa malayo. Hindi ko na sila natanaw, ngunit alam kong patuloy na kakatok sa susunod na pinto ang tatlong maliliit na bata, dala ang parehong pag-asa at kaba. Marahil, ang tunay na hamon ng Pasko ay wala sa kinang ng mga parol at sa magagarbong handa, kundi nasa kung papaano natin binubuksan ang ating mga pinto at puso sa mga taong walang ibang bitbit kundi ang kanilang tinig.
Hindi man natin kayang tuldukan ang kahirapan sa isang gabi ng pamimigay ng barya, maaari nating simulan ito sa pagbabalik ng dignidad sa kanilang pagkatao sa pamamagitan ng hindi pagtingin sa kanila bilang mga “abala.” Sa susunod na marinig natin ang kalansing ng mga tansan, subukan nating makinig nang mas mabuti—hindi lamang sa kanilang tono kundi lalo na sa mga kwentong bitbit nila sa bawat awit ng pakikipagsapalaran. Dahil sa huli, ang pinakamagandang handog ng Pasko ay hindi ang mga maibibigay nating barya mula sa bulsa, kundi ang pagpapadama sa kanila na sa bawat gabing malamig ang simoy ng hangin, sila ay naririnig, kinikilala, at, higit sa lahat, kasama sa diwa ng pagbibigayan. ■
Si Mervin Delos Reyes ay isang graduating student ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, na kasalukuyang kinukuha ang BS Development Communication. Siya rin ay kasalukuyang nagsisilbi bilang Associate Managing Editor for Shortform Reporting ng Tanglaw.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


