Unang beses kong makatanggap ng singko sa tinagal ko sa UPLB.

Hindi ako nagulat; hindi rin ako nalungkot.

Wala, tinitigan ko lang siya, at huminga nang malalim.

Buong semestre ay tila walang araw na hindi ako gumising na parang hindi nakikipagdigmaan—bawat araw na imumulat ko ang aking mga mata, kumikirot ang puso’t ulo ko sa bigat at hirap na aking pasan-pasan. Kahit anong laklak ko gabi-gabi ng escitalopram ay parang wala na ‘tong epekto sa kung ano mang bitbit ng aking balikat. Hindi na rin nito magawang mapatahimik ang mga boses sa utak ko na minu-minuto’y ginagambala ang bawat aspeto ng buhay ko.

Sabi nila ipahinga ko lang daw, pero paano ba? Sasabihin ko sa sarili ko na baka mamaya pagkagising ko’y may lakas na ko para harapin ang mga bagay, pero ganu’n pa rin naman pagmulat ko. Maiisipan ko din na gawin ang mga bagay na siyang dati’y nagpapasaya sa akin katulad ng pagtakbo, pero hindi naman nito napapagaan ang damdamin ko. Bagkus ay tumatakbo lang ako hindi para talunin ang personal record ko sa Strava, kundi mula sa mga problemang siyang bumabagabag sa isipan ko.

Kahit ano namang pahingang gawin ko, hindi rin naman mawawala na parang bula ang mga problema natin sa buhay. Unfortunately, I’m not Glinda; wala akong pera, and I don’t live in a bubble. I have no choice but to face life earnestly and with my heart on my sleeve.

Kahit anong gawin ko para mabalik ang sigla’t alindog ng nakaraan, parang lahat ay panandalian lang na saya bago ako malulong muli sa siklo ng depresyon. I tried asking for help, but how exactly do you get the assistance that you need when there are much more urgent things to spend your money on aside from psychiatric help? Mahal din ang gamot; pwede ko naman itong ipangkain nalang o ipangtustos sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Kaya ayun, nandito na ko sa dulo ng semestre kung saan tapos na ang lahat at wala na kong magagawa. Lahat napabayaan ko na, maski ‘yung madadaling gawain na madali namang tapusin, hindi ko magawa-gawa. ‘Yung trabaho ko sana sa publikasyon, binakante ko na; pinabayaan ko na ‘yung mga taong dapat ay dinedependahan ako.

Ni hindi ko alam kung anong ihaharap ko sa pamilya ko dahil alam kong lahat sila’y ginagawa ang lahat bumuti lang ako’t makamit ang aking mga ninanais na pangarap. Delayed na nga ako, mas lalo lang akong mapeperwisyo.

Ma, Pa, I’m sorry, pero hirap na hirap talaga ako ngayong taon. Sobrang daming nangyari na madalas ay hindi ko na din ikinukwento. Madalas din ay wala naman din talaga akong ikukwento dahil kadalasa’y bigla-bigla lang akong aatakihin ng kaba’t lungkot kahit nananahimik lang ako.

Buong semestre, halos nagkulong lamang ako sa apat na kanto ng dormitoryo ko. Ang unan at mga anino lamang ang tanging nakaririnig ng mga hagulgol ko bawat gabi, pati na ang mga sigaw na aking inilalabas upang punan ang galit at luksang nadarama. Hindi na bago sa akin na marinig sa mga kaibigan at kakilala na hindi na nila ako nakikita. Pasensya na, pero hindi ko rin talagang magawang lumabas mula sa kulungang aking pinagmamaktulan.

Sa ngayon, pinanghahawakan ko na lang muli ang paniniwala na baka ang bukas ay mas mabuti’t hindi kasing salimuot ng ngayon. Ika nga nila, now that I’ve reached rock bottom, the only way is up, right?

Sana nga. ■

Sa mga nakararanas ng mga kaparehong emosyon o karanasan, maaaring humingi ng tulong sa mga eksperto at pasilidad katulad na lamang ng:

UPLB Office of Counseling and Guidance (OCG): Room 9, Student Union Building; ocg.uplb@up.edu.ph

UPLB University Health Service (UHS): mhc.uhs.uplb@up.edu.ph

Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya