Kasama ang mga ulat ni Clarence Ilao

DAPAT MONG MALAMAN

  • Bakas sa kasaysayan ng pelikula sa bansa ang iba’t ibang pagbabago sa porma at tema kung paano ito inilalahad, kabilang ang pagsasabuhay nito sa diwang Pilipino.
  • Sa pagragasa ng digitalization, nagbibigay ng oportunidad ang streaming services sa pagiging aksesible ng mga pelikula—ngunit may dala rin itong panganib.
  • Hindi lamang kritikal na pelikula ang kinakailangan sa panahon ngayon, kundi kritikal na manonood at mamimilikula.

Naaalala mo ba? Iyong mga panahong gusto mong lumaya at takasan muna ang reyalidad ng buhay; papasok sa isang tahimik na silid, uupo sabay unat ng parehong binti’t ipapatong sa isang dantayan, at susulitin ang ilang oras na pagbababad ng sarili sa mga diyalogo, musika, eksena—mga istoryang sumasalamin sa iyong pagkatao. Iyan ang hiwaga ng pelikula.

Tuwing Disyembre, tatak sa pamilyang Pilipino ang tradisyon ng pamamasyal sa mga mall at pamimili ng mga regalo. Ngunit hindi lang ‘yan ang buhay na kultura dito sa bansa—bahagi ng kultura ng mga Pilipino ang panonood ng sine. Bukod sa mga parol at mapupusyaw na ilaw, tanda na Pasko na sa Pilipinas kung may mga matatanaw nang karatula ng mga nagsisikatang artista at pelikula tuwing Metro Manila Film Festival (MMFF). 

Ayon kay Assistant Professor Laurence Marvin Castillo ng Department of Humanities (DHUM) sa UPLB College of Arts and Sciences (CAS), kasalukuyang director ng UPLB Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA) at miyembro ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, bahagi na ng kultura ng mga Pilipino ang pagbisita sa mga sinehan. “We have a lot of cineplexes in our communities ngayon. Nagkaroon siya ng ibang hitsura kasi ang panonood ng pelikula ngayon ay naging part na siya ng mall culture. Film-going has been largely confined to the mall cineplexes.”

Aniya, ang ganitong tradisyon ay produkto ng pagbabago ng kasanayang pampelikula sa loob ng mahabang panahon. Ngunit sa kabila ng lahat ng pagbabagong ito, may nananatiling totoo—na repleksiyon ng isang pelikula ang panlipunan at politkal na kinatatayuan ng isang manonood. “The things about films ay lagi silang responsive sa lahat ng socio-political upheavals… Ang daming nagbago definitely. In terms of the aesthetics, the content. ‘Yung pag-di-disengage ng filmmaking practice from studio filmmaking, all of these players continue to perform an important role in defining the movie landscape,” dagdag niya.

Unang eksena: Sa likod ng bawat aksyon at diyalogo

“Mahigit isang daang taon na ang kasaysayan ng pelikula sa ating bansa. Masalimuot ito, at nakabase sa ilang aspeto ng mga pagbabago; base sa iba’t ibang mga elemento [sa] pag-unlad nito.”

Iyan ang naging paglalarawan sa pelikula ni Assistant Professor Dexter Cayanes ng DHUM at tanyag na direktor at manunulat na nagwagi ng best direction sa Cinemalaya Independent Film Festival noong 2009 para sa kaniyang maikling pelikulang Musa. Bilang isang alagad ng sining na malapit ang loob sa industriya, malaking pagpapahalaga ang ibinigay ni Cayanes sa kapangyarihang taglay ng bawat yugto’t salitang isinasambit ng mga karakter sa pelikula. Sa kaniyang pagbabagtas sa kasaysayang pinagdaanan ng ganitong uri ng sining, siya ring pinasinayaan ang pagbabago ng mga paksang tinatalakay rito.

Kung susuriin, ang mga pelikula ay maituturing bilang isang komentaryo ng lipunang may malawak at makabuluhang kasaysayan—maaaring sa pamamaraan ng isang pantasya o hindi kaya’t sa isang makatotohanang pagsasapelikula. Sa katayuan ng Pilipinas, bilang ilang siglong napasailalim sa kamay ng mga mananakop, ay nagkaroon din ng malaking impluwensya sa kung paano inilalahad ang ganitong uri ng mga kuwento at, kung tutuusin, ay pati ang pagtanggap ng mga Pilipino sa mga likhang sining tulad ng mga pelikula magpasa-hanggang ngayon.

“Nagkaroon ng espasyo sa pinilakang tabing. Halimbawa, ‘yung naratibo sa mga isyung panlipunan, ‘yung mga paninindigan ng mga direktor, [at] ‘yung mga diskurso sa sekswalidad, katayuan sa lipunan, o uri,” paglalahad ni Cayanes. Aniya, kung titingnan ang unang ginintuang panahon ng sine sa bansa, makikitang nakakabit pa rin ang impluwensya ng mga banyaga kung saan nagmula ang larang ng paglikha ng pelikula—sa madaling salita, mababakas dito ang inspirasyon ng Hollywood na popular sa madla noon na primaryang nakatali sa kilusang pang-mainstream

Sa dakong ito, mahihinuha na ang kalayaan ng isang pelikula na magpahayag ay tila limitado rin sa paraan kung saan at paano ito ginawa. Sa usapin ng pagiging mainstream, dito itinatampok ang mga palabas na ginawa ng mga malalaki at komersyalisadong estudyo kung saan ang mismong paraan ng pagsulat at paglikha ng mga pelikula ay posible lamang sa pamamagitan ng suportang pampinansiyal at lohistikal na kayang ibahagi ng mga kumpanya. Bukod pa rito, apektado rin ang lalim at bagtas ng paksang itinatampok sa mga pelikulang gawang mainstream kung saan nagiging “Manila-centric” at hindi gaanong nabibigyang-pansin ang mga katutubo at lokal na mga paksa mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“May certain dominance ang studio filmmaking, and [it] kind of defined the general contour of filmmaking and even moviegoing practices,” ani Castillo. Ito ang naging dahilan din ng pagiging sentralisado ng pagpapalabas ng mga pelikula sa mga mall at nakaaapekto sa pagtanggap ng mga mamamayan dito, lalo na sa pagtaas ng presyo ng mga tiket. “In terms of moviegoing, the fact na filmmaking distributions is largely attached to malls is already a problem kasi ibig sabihin no’n nakasalalay ‘yung uri ng pelikula na maipapalabas doon sa commercial, profit-driven impulses ng mga mall owners.”

Gayunpaman, sa paglago ng industriya ay lumawak din ang saklaw ng pelikula na hindi nalilimita sa mga istoryang mainstream. Sa pagsapit ng ikatlong ginintuang panahon ng pelikulang Pilipino, umusbong ang konsepto at kasanayan ng independent cinema o mas kilala sa katawagang “indie” na pelikula. Sa panahong ito, nagkaroon ng oportunidad ang mga mamimilikula na maglimbag ng mga kuwentong mas may tapang, lalim, at hindi na lamang nakakulong sa ideolohiya at konseptong mainstream.

Sa pagsilang ng kasalukuyang ginintuang panahon, nagbigay rin ito ng daan sa iba’t iba pang mga kasanayan, istratehiya, at paraan sa kung paano pa maaaring lumikha ng isang pelikula. Ayon kay Castillo, ang pagiging desentralisado ng pagbuo ng mga pelikula ay isa ring paraan upang mas maipamalas ang pagkamalikhain ng mga Pilipino at mas mapayabong ang kultural na pagkakakilanlan ng mas marami pang mga komunidad. 

“Yung ganitong klase ng conditions, nag-create sila ng enabling condition for the diversification of filmmaking practices. It also engendered the diversification of the themes and topics that we can articulate and convey via film dahil mayroon kang ganitong klase ng iba’t ibang mga porma na hindi na nakatali sa mga constraints at mga gatekeeping practices ng mga studio,” kuwento ni Castillo.

Ayon pa kay Cayanes, ang mga temang kung dati ay mistulang ginagawang katatawanan ng mga manonood, tulad ng usapin sa LGBTQIA+ community at karapatan ng mga kababaihan, ay mas nabibigyang-lalim at punto sa mga indie na pelikulang nililikha sa panahon ngayon. Sa halip na maging isang pawang porma lamang ng libangan ang panonood ay nakalilikha ito ng pag-uusap sa pagitan ng mga karakter at manonood ukol sa mga karanasanang sumasalamin din sa katotohanang dinaranas ng mga sektor na nasa laylayan. 

Kalaunan, ang pagragasa ng pelikulang indie ay may taglay na iba’t ibang porma ng rehiyonal na pelikula na nagkukwento ng mga paksang taliwas sa nakasanayan. Ayon kay Castillo, “[ang pelikulang indie] ay isang mahalagang sitio para mapag-usapan ang mga issues na otherwise ay na-de-delegate lang sa margins ng Manila-centric filmmaking.” Dito rin lumago ang kultura ng film festivals sa bansa na sa halip na naka-sentro lamang sa mga pangmalakihang estudyo tulad ng MMFF ay binibigyang puwang na rin ang mga pelikulang ginawa sa iba’t ibang rehiyon. Isang halimbawa na riyan ang “Pelikultura: The CALABARZON Film Festival” sa pagpapatampok ng mga obrang likha ng mga independent filmmaker sa Timog Katagalugan.

Ngunit kung iisipin, sa paglago ng tema ng mga pelikulang itinatampok sa panahon ngayon ay patuloy ring nagbabago ang anyo sa kung paano ito inilalahad. “Parang may explosion ng mga conduits and channels for filmmaking and the exhibition of filmmaking, which also has an impact to the kind of stories we can tell,” dagdag ni Castillo.

Ikalawang eksena: Pagbabagong-anyo ng mga kuwento

Sa mabilisang pagpasok ng digitalization, ang pagbabagong ito ay hindi lamang nakaaapekto sa produksiyon at distribusyon, kundi sa mismong anyo ng pelikula. Hindi na lamang ito hinuhubog para sa malawak na kapasidad katulad ng sinehan, bagkus ay tinatahak na rin nito ang mas maliliit at personal na espasyo—ang telebisyong nakabukas sa sala, laptop na nakapatong sa kama, pati ang mga telepono at tablet na bitbit sa mga bag.

Dahil dito, unti-unti ring sumisibol ang anyo ng mga pelikula na bumabali sa nakasanayang pagtanggap ng masa: mayroong mga pelikulang higit sa tradisyunal na haba upang mas mapagnilayan ang mga istorya; mga eksenang napuputol sa maraming yugto upang sumabay sa paputol-putol na panonood; at mga diyalogong mas personal na tila direktang nakikipag-usap sa isang manonood.

Para kay Castillo, may positibong potensyal ang digitalization sa ganitong konteksto, aniya, naniniwala ako to a certain degree na ‘yung digitalization, it can offer some possibilities in terms of archiving. Opportunity siya to store films, to make it a little more accessible to people.

Sa isang bansang maraming pelikula ang tuluyang nawawala, naisasantabi, o nananatiling hindi napapanood, ang digitalization ay nagsisilbing isang paraan upang ipreserba ang mga obra at gawing mas aksesible ang mga ito sa mas malawak na publiko. Sa madaling salita, hindi na lamang ito pansamantalang ipinapalabas sa sinehan, ngunit nagiging isang likhang maaaring balik-balikan, usisain, at muling pag-usapan ng mga manonood.

Sa pahayag ni Janelli Grace Patangan, isang mag-aaral ng UPLB at direktor ng UP Film Circle, nananatili raw na hamon ang pag-akses sa mga pelikula sa Pilipinas, lokal man o internasyonal. “You really have to go to the Metro [Manila], like film festivals—they always happen in Manila. Bihira na madala sa provinces. If madala man, sobrang limited ng amount of time [of screenings],” ani Patangan.

Sa gitna ng ganitong limitasyon, lumilitaw ang papel ng mga streaming platform bilang alternatibong daluyan ng panonood. Para kay Patangan, nagsisilbi itong mahalagang espasyo kung saan naipapamahagi ang mga pelikulang hindi naaabot ng mas malawak na publiko. Aniya, “‘yung streaming platforms, that’s really a good thing na nailalagay ang ibang films that, otherwise, would remain inaccesible.” Ang panonood ay naging mas personal at mas malaya kung saan maaari mo na itong ihinto, ulitin, o panoorin sa magkakahiwalay na oras. Para naman kay Castillo, ang ganitong kasanayan ay maituturing bilang isang survival tactic ng mga manonood kung saan pinipili nilang manood ng pelikula sa paraan na hindi kinakailangang magbayad pa ng malaking halaga.

Kaakibat ng digitalization ang pag-usbong ng mga impormal na paraan ng panonood, kabilang ang piracy. Sinegundahan ni Castillo na bagaman itinuturing itong banta sa industriya, maaari din itong tingnan bilang produkto ng kakulangan sa akses. Sa isang antas, nakasalalay ang mga Pilipino sa ganitong mga iligal na pagdaloy ng pelikula, lalo na para sa mga manonood na walang kakayahang magbayad para sa sine o mga subscription.

I am of the opinion to a degree that film education in the Philippines is largely dependent on piracy. Hindi naman magkakaroon ng ganitong illicit practices on distribution if an ordinary Filipino can provide an amount to watch movies,” aniya.

Ngunit sa kabilang banda, binibigyang-babala ni Cayanes ang masalimuot na implikasyon ng digitalization sa karanasan at dignidad ng pelikula. Para sa kaniya, ang paglipat ng panonood mula sinehan patungo sa maliit na screen, tulad ng mga laptop, cellphone at tablet, ay isang anyo rin ng pagliit ng espasyong estetiko at kolektibong pananaw ng panonood.

Dagdag pa niya, may malaking implikasyon sa ekonomiya ang patuloy na pagpili na panoorin na lamang ang pelikula sa ibang pamamaraan sa halip na sa loob ng sinehan. Sa pag-usbong ng online streaming platforms, unti-unting nababawasan ang kita ng mga sinehan at kasunod nito ang kakayahan ng industriya na suportahan ang malalaking produksiyon. Para sa kaniya, hindi lamang nababawasan ang pelikula bilang isang produkto, bagkus ay lumiliit din ang oportunidad na inilalaan para sa sining na ito.

Sa ganitong kalagayan, ang pelikulang idinisenyo upang punuin ang isang buong silid ay napipilitang magkasya sa palad ng manonood, kasabay ng pagsasantabi rito sa kaginhawaan at tipid na dala ng digitalization.

Ikatlong eksena: Pagsugpo sa boses ng masa

Sa patuloy na pagtapang ng mga temang itinatampok sa mga istorya ay kaakibat nito ang puwersang pilit na nagpapatahimik sa boses ng mga mamimilikulang nais lamang ilahad ang katotohanang kanilang nararanasan at naoobserbahan. Higit na natatamo ang ganitong karahasan ng mga indie at rehiyonal na pelikula na may malinaw na politikal na pagtindig. Ano ang reyalidad? Lantarang red-tagging at censorship na isinasagawa ng mga puwersa ng estado na sila mismong naglilimita sa kalayaan sa artistikong pamamahayag at nag-uudyok lalo sa mga direktor, prodyuser, at manunulat na palabnawin ang mga kuwentong nais nilang iparating.

All of these threats, they are responsible for inhibiting the kinds of stories that we should be telling and should be represented on film. In many cases, they force many filmmakers to self-censor,” bigay-diin ni Castillo. Saklaw ng ganitong uri ng pagsesensura ang ratings ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na humarap na rin sa mga isyu kaugnay ng kanilang censorship sa piling mga pelikula.

Kamakailan lamang, naging usapin na naman ang institusyong ito dahil sa pagbibigay nila ng X rating sa Dreamboi—isang pelikula, na ayon sa direktor na si Rodina Singh, ay “story about being seen, about the pain and beauty of longing when the world tells you you’re not allowed to want,” tampok ang mga transgender na karakter. Ang naunang pagpapasya ng MTRCB na bigyan ito ng X rating ay haharang sa mga ganitong uri ng pelikula upang maipalabas sa sinehan bilang “Not for Public Exhibition.” Pagkatapos ng dalawang beses na pagpapasya ng MTRCB na bigyan ito ng X rating, umalingawngaw sa social media ang pag-po-protesta ni Singh at iba pang mga artista na bahagi ng pelikula at patuloy na umapela sa desisyong ito—kalaunan ay binago ng MTRCB ang nauna nitong pasya at binigyan ng R-18 na rating ang pelikula.

Ngunit sa patuloy na presensiya ng mga institusyong isinasantabi ang mga istoryang subersibo at mula mismo sa masa, lalo lamang lumalaki ang pinansiyal at lohistikal na suliranin ng mga gaya nitong indie na palabas. Nagkakahalaga ng P6,161 hanggang P12,675 ang pagpapagrado ng pelikula upang mabigyan ng pahintulot na maipalabas sa mga sinehan na higit lamang na pumipiga sa pondong dapat sana’y nakalaan na lamang sa produksyon.

Sa kabila ng patuloy na paghubog sa anyo at paraan ng panonood ng pelikula, sumisilip ang mas malalim na hamon ng pelikulang Pilipino—mga suliraning hindi agad nakikita sa harap ng kamera, ngunit patuloy na humuhulma sa kung anong mga kuwento ang nalilikha at kung alin ang nananatiling hindi naisasalaysay. Para kay Castillo, hindi lamang nakaugat ang problemang ito sa panlasa ng mga manonood, kundi pati na rin sa istruktura mismo ng industriya. Isa ang pondo sa pinakamatinding hadlang sa usapin, kung saan ang paggawa ng pelikula ay nananatiling pribilehiyo para sa mga nasa loob ng studio system.

Dahil ang distribusyon ay nakatali sa mall culture, ang mga pelikulang ipinapalabas ay kadalasang yaong may malinaw na potensyal na kita. Nagiging problematiko ito sapagkat nakasalalay sa desisyon ng mall owners ang lahat ng mga obrang ipapakita sa mga sinehan at hindi batay sa kanilang artistikong halaga o panlipunang saysay. Sa ganitong sistema, ang mga pelikulang maingay, kritikal, at politikal ay madalas na nakaliligtaan pabor sa mga mas madaling ibenta at ipakalat.

Unti-unti ring humaharap ang industriya sa mga manonood na lumalayo ang interes, lalo na sa panahon kung saan mas nagiging madali ang panonood sa iba’t ibang platforms at mas nahahati ang atensyon ng publiko. Sa ganitong kalagayan, ang mga pelikula ay napipilitang makipag-agawan sa oras ng manonood laban sa mas makabago at mabilis na anyo ng midya. “People are interested. You really just have to give them the avenue to try these films, and malaking part doon ang marketing, ‘yung na-ri-reach talaga niya ‘yung audience na it’s meant for,” ani Patangan.

Pagtatapos: Sa pagrolyo ng mga kredito

Tuwing Kapaskuhan, muling binubuhay ng mga Pilipino ang diwa ng pelikulang lokal—hindi lamang bilang libangan kundi bilang bahagi ng kultura at pagkakakilanlan. Ang pelikula ay maituturing na repleksiyon ng maraming mga isyung panlipunan, ngunit kasabay ng hamon na kinahaharap ng industriya ngayon ay may nakaambang hamon din sa mga mamamayang Pilipino—mula sa mga manonood, mamimilikula, at mga estudyong gumagawa ng obrang naglalarawan sa katotohanan ng pagiging isang Pilipino—na maging kritikal sa loob ng isang lipunang maraming ideolohiyang iniikutan.

Kung tatanungin si Castillo, aniya’y hindi na problema ang pagkakaroon ng kritikal na pelikula, bagkus ay mas hamon ngayon ang paghubog ng kritikal na manonood na siyang kikilatis sa sining hindi lamang sa payak nitong kaanyuan kundi sa mas malalim nitong kahulugan. We are talking about the great Filipino film, but we are not talking about the great Filipino audience,” aniya. Mahirap mang tanggapin ngunit ang pelikula ay nagagamit din upang makapanlinlang ng publiko, at bilang nakalilibang na anyo ng midya ay hindi maikakailang ito ay may partikular na hatak sa interes ng madla at may malaking impluwensya sa pagtanggap ng mga manonood sa mga isyung panlipunan.

Kaakibat nito ay ang pananagutan ng mga lumilikha mismo ng pelikula. Para naman kay Cayanes, hindi rin sapat ang teknikal na kahusayan upang makabuo ng makabuluhang obra. “Magkakaroon lang tayo ng matalinong pelikula kung mero’n kang matalinong filmmakers,” aniya. Kinakailangan daw na may talim ng isip at malinaw na kamalayang panlipunan ang mismong mga gumagawa nito. Sa ganitong pananaw, anumang tinataglay na husay pagdating sa teknikal na aspeto ay mananatiling hungkag ang isang obra kung hiwalay ito sa malinaw na paninindigan at may kakulangan sa kritikal na pag-unawa.

Mahalagang ibalik ang dignidad sa paglikha ng pelikula—isang dignidad na matagal nang napipiga ng komersiyalisasyon, panunupil, at red-tagging. Sa pagbabalik ng dignidad sa proseso ng paggawa, nagkakaroon din ng puwesto ang mga pelikulang may paninindigan—mga obrang hindi natatakot magtanong, maghayag ng katotohanan, at hamunin ang manonood na makipag-ugnayan sa mga isyung itinataboy sa gilid ng dikurso. “In the end, ‘yung layunin natin—-maging bahagi yung mga filmmakers natin, lalo na ‘yung mga future filmmakers ng makabuluhang pagbabagong panlipunan,” ani Cayanes.

Ngayon, sa huling yugto ng eksenang ito, marahil ay naalala mo na—iyong mga bagay na nagmulat sa’yo sa mundo ng pelikula. Maaaring sa pagbabagong tinamo ng sining na ito, nagbago rin ang iyong pagtingin at panlasa; sa mga hamong kinahaharap ng sine, lumalim din ang iyong pagkakritika; at sa pagbaybay mo ng iyong sariling istorya, nawa’y maging instrumento ang mga pelikula sa iyong pagtuklas at pagkilala. Hindi nagtatapos sa kredito ang pagpanday sa katotohanan, ‘pagkat ang hiwagang dala ng pelikula ay eternong nakaukit sa oras na ito ay mailimbag. ■

DIBUHO NI CLARENCE ILAO • DISENYO NI ALEX RAMOS, TANGLAW APPRENTICE


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya