DAPAT MONG MALAMAN

  • Kakaibang kultura ng pagkakaroon ng mga ninong at ninang sa mga student organization ang mayroon sa UPLB.
  • Sila ang nagsisilbing ating mga magulang sa pagpasok natin sa organisasyon na silang gumagabay at nagbibigay ng mga aral at payo—sa mga bagay na may kinalaman sa organisasyon, pang-akademiko, at maging sa personal na mga problema.

Tuwing nalalapit ang Kapaskuhan, mas madalas nating naaalala at nakikita ang ating mga ninong at ninang na katuwang ng ating mga magulang sa pag-aaruga sa atin. Ngunit sa UPLB, may okasyon man o wala, Pasko man o karaniwang mga araw, ang mga ninong at ninang ay matatagpuan lamang sa ating mga tambayan—hindi upang magbigay ng aguinaldo, kundi ng mas makabuluhang mga regalo sa anyo ng mga aral at payo.

Kung ikaw ay freshie o baguhan sa UPLB, marahil ay magtataka ka kung bakit may mga ninong at ninang na tinatawag sa mga student organization. Sa ilang mga post sa UPLB Freedom Wall, kinawiwilihan ang mga kuwentong inilalahad ang reaksyon ng mga taga-labas, tulad ng mga magulang at kapatid ng mga UPLB student, kapag nalalaman na mayroong mga ninong at ninang, pati pa nga mga lolo at lola, sa loob ng mga organisasyon.

Ang ganitong kultura ay posibleng sa UPLB lamang makikita. Maging ako, bilang isang transferee mula UP Visayas (UPV), ay nagtaka at nalito noong mga unang beses kong marinig ang ninong at ninang sa konteksto ng student organizations. Sa buong pamamalagi ko sa UPV, batid kong walang ganitong klaseng kultura sa mga samahan ng mga mag-aaral doon. Naging bahagi rin ako ng mga organisasyong nakabase sa UP Diliman at UP Manila ngunit wala ring ganitong klase ng sistema. 

Marahil, ang pagkakaroon ng mga ninong at ninang sa mga UPLB student organization ay salamin ng mas malalim na pagpapahalaga sa samahang nabubuo sa loob ng bawat pamilyang naitatag sa Unibersidad—isang kulturang nagpapatunay na maaaring makahanap ng tahanan sa loob ng pamantasan.

Ngunit sino nga ba ang mga ninong at ninang sa mga organisasyon?

Ipinaliwanag sa akin noon ng isa sa aking mga kaibigan kung paano nga ba gumagana ang ganitong sistema. Aniya, ang mga “sponsor” o “spon,” na tinatawag na mga ninong at ninang, ang nagsisilbing mga gabay ng mga bagong miyembro hindi lamang sa pagpasok kundi maging sa kanilang buong pamamalagi sa organisasyon. Tulad ng kung paano nagsisilbing pangalawang mga magulang ang mga ninong at ninang natin noong tayo’y bininyagan, ganito rin ang tungkulin nila sa samahang ating kinabibilangan.

Ang lahat ng ito’y aking mas naunawaan nang personal ko itong maranasan.

Mano po, ninang! Pa’no po, ninong?

Sa paglayo ko sa aming tahanan upang maging isang iskolar ng bayan, hindi ko inaasahang may mahahanap akong bagong pamilyang kukupkop sa akin. Malayo man sa aking mga tunay na magulang, sa pagpasok ko sa UP Community Broadcasters’ Society ay natagpuan ko ang pangalawang magulang na aking naging gabay sa panibagong kanlungan. Tulad ng isang amang nagpapalaki ng kaniyang anak, handa rin niyang sagutin ang mga tanong kong gaya ng “pa’no po, ninong?” Siya ang nagturo sa akin kung paano kikilos sa loob ng organisasyon at isasabuhay ang pagiging miyembro nito.

“Gaya rin ng ninong ko, palagay ko, ang role ko talaga ay maging gabay sa panibagong buhay-organisasyon sa aking inaanak,” kuwento ng aking ninong na si Marius Pader. “Pero kadalasan, hindi lang payo sa loob ng organisasyon, payo rin sa edukasyon maging sa buhay-buhay ang natatanggap ko sa ninong ko. Isang kaibigan at pamilya na rin sa kolehiyo, at gayundin ang gusto kong iparamdam sa inaanak ko.”

Binigyang-lalim din ni Margruz Liberato ng UPLB Development Communicators’ Society ang mahalagang papel ng mga ninong at ninang sa loob ng isang organisasyon—sila ang inaasahang aakay at magsisilbing sandigan ng kanilang mga inaanak. “As someone who joined an organization during my freshie year, ‘yung mga ninang at ninong ay parang mga salbabida—who is there to guide and support you as you slowly get to know the organization you are part of and the University more deeply.

Dagdag pa niya, malaki ang gampanin nila sa pagtulong sa mga inaanak kung sakaling maligaw at mag-alinlangan sa loob ng Unibersidad. “Sa ganitong mga sandali, ang ninong at ninang ang nagiging gabay at nagbibigay assurance na they are doing just fine.”

Para naman kay Aldrich Susi ng UP Alliance of Development Communication Students, ang kaniyang ninang ay itinuturing niyang pamilya sa organisasyon. “I believe na siya ‘yung magpapadama sa’yo ng home, ‘yung tipong siya ‘yung magiging family mo sa org at univ.” 

“Siyempre, when joining an org is hindi pa naman ganoon ka-solid ‘yung knowledge mo regarding the org, and of course, it would be almost impossible to navigate your org life without the guide of your sponsors,” aniya.

Magkakaiba man ng organisasyong kinabibilangan, iisa ang ginagampanan ng mga ninong at ninang. Tulad sa labas ng pamantasan, magkakaiba man ng tahanan at pamilyang kinabibilangan, ang mga magulang ang kumakalinga sa kanilang mga anak at pumapatnubay sa kanilang patuloy na paglaki at paglago. 

Mga regalong hindi nakabalot sa makukulay na papel 

Tuwing Pasko, inaabangan ng mga inaanak ang mga aguinaldo nina ninong at ninang na madalas ay nakabalot sa makukulay na papel at matitingkad na pulang angpao. Ngunit sa UPLB, ang mga regalong handog ng mga ninong at ninang ay hindi materyal na hindi matutumbasan ng kahit ano mang halaga ng salapi. 

Hindi lamang tuwing Pasko kung regaluhan ako ni Ninong Marius ng mga aral at payo. Kahit na madalas niya akong binibiro at niloloko, hindi siya madamot sa pagsagot sa mga hinaing ko tuwing lalapit ako—minsan tungkol sa organisasyon at acads, madalas ay tungkol sa mga personal na problemang kinahaharap ko. Hindi tulad ng mga regalong nakabalot sa makukulay na papel, ang mga salita ni ninong ay direkta at hindi nakabalot sa anumang pagpapabango o pagpapaganda—pero tumatagos sa aking puso at isipan.

Ganito rin ang nabuong relasyon ni Aldrich sa kaniyang ninang. “Kapag may kailangan ako is nalapit ako sa kanya may it be acad-related or personal life-related na, same goes with her. I don’t know, I just feel safe with her. Kapag may problema ako is andyan siya always, handang makinig sa mga drama and handa ding magpayo kapag kailangan.”

Kuwento niya, tinuruan siya ng ninang niyang magkaroon ng tiwala sa sarili. “She always wants the best for us, she always supports us with everything that we do, and alam mo ‘yun, kaya palang makahanap ng isang pamilya sa loob ng univ.”

Ayon naman kay Margruz, sa pamamagitan ng paggabay ng mga ninong at ninang, natitiyak na ang mga inaanak ay may malalapitan sa oras ng pangangailangan lalo pa’t hindi biro ang buhay-kolehiyo. Aniya, sa kaniyang ninang niya natutuhan ang kahalagahan ng pagtugon sa mga responsibilidad. 

Showing up matters. Sa buong college life, normal na hindi mo laging maibigay ang 100 percent mo, dahil sabay-sabay ang maraming responsibilidad… Sa huli, ang mahalaga ay nagpakita ka—kahit pagod, kahit hindi perpekto,” paliwanag niya.

Maraming Pasko man ang lumipas, ang mga regalong aral at payo ay mananatili at hindi kukupas. Bagaman ang mga handog nina ninong at ninang ay hindi nakabalot at walang pulang laso, ang mga ito ay patuloy na magniningning dahil sa halaga nitong walang katumbas. Mas gugustuhin ko pang makatanggap ng mga ito kaysa pangkaraniwang anyo ng mga aguinaldo.

Pasko na naman, o kay tulin ng araw

Ang pagsapit ng Pasko ay isa sa mga pinakaminimithi ng bawat isa. Ngunit ang matulin na pagsapit ng Pasko ngayong taon ay hudyat ng pag-alis sa Unibersidad ng aking ninong. Kasabay kasi ng pagsasara ng unang semestre ay ang pagtatapos niya sa kolehiyo—isang bagay na matagal na naming inaasam para sa kaniya ngunit nangangahulugang bihira ko na rin siyang makikita, marahil ay katulad ng araw ng Pasko—sasalubungin at ipagdiriwang nang isang beses lamang sa isang taon.

“Marami akong gustong iwan sa kanila (mga inaanak), at feel ko naman, may mga na-impart ako sa kanila at may na-impart din sila sa akin… Ngayon na paalis na ako sa university, medyo surreal pa rin, pero may sense of fulfillment naman. I hope nakatulong din talaga ako sa kanila as much as I hope I would be,” wika ni Ninong Marius.

Ang paglisan ng mga ninong at ninang sa pamantasan ay hindi mapipigilan. Ngunit sa pag-alis nila ay siguradong naipapamana sa mga inaanak ang kanilang mga aral at payong maipapasa hanggang sa susunod pang salin-lahi sa loob ng mga organisasyon. Ngayong taon, ako ay naging isang ganap na ring ninong. Titiyakin kong ibibigay ko sa inaanak ko ang mabuting relasyong ipinaranas din sa akin ni Ninong Marius. 

Tulad ko, ang dati ring inaanak na si Margruz ay ninong na ng dalawang panibagong miyembro sa kanilang organisasyon. Sa pagkukuwento niya pa lang tungkol sa kaniyang mga inaanak ay mararamdaman na kung gaano niya pinapahalagahan ang mga ito. 

I treat them not just as random students I met in the university, but they are people I chose to care for—people whose stories, achievements, struggles, and growth matter to me. OA na kung OA, pero kung palakasan lang ng palakpak kung gaano ko kamahal ang mga ‘yan, hindi ako magpapatalo,” pagmamalaki niya.

Ika nga ni Ninong Marius, ang pagiging ninong ay “fulfilling, but, at the same time, you also feel the responsibility… Ayun din, para sa akin, ‘yung kahalagahan ng ninong at ninang culture sa UPLB. Parang sense of community rin that we are building eh. Sila rin ‘yung pwede mong support system since it’s not always easy in college.

Be a ninong when you’re ready, and only if your heart is truly in it,” wika ni Margruz. “Dahil ang pagiging ninong o ninang ay hindi lamang isang kataga, kundi isang responsibilidad—ang maging salbabida na gumagabay sa iyong inaanak in their stay in the organization and in the University.”

“Value them, show up for them, listen to them, and remind them through words and actions that they matter, because, at the end of the day, ikaw ang kakampi nila always and in all ways,” dagdag pa niya.

Sa UPLB, ang pagiging ninong at ninang ay hindi isang biro o tradisyon lamang. Ito ay isang buhay na patunay ng natatanging kulturang umiiral sa loob ng pamantasan na nakaugat sa malasakit at pagmamahal. Hindi man sila nagbibigay ng materyal na aguinaldo, ang kanilang handog ay mas may lalim at bigat—mga aral na humuhubog sa pagkatao, lakas ng loob sa gitna ng pagdududa, at pakiramdam na hindi ka nag-iisa sa paglalakbay bilang iskolar ng bayan.

Ang kulturang ito ay isang patunay na ang Unibersidad ay hindi lamang bulwagan ng tapang at talino, kundi tahanan din ng mga pusong may malasakit at pagmamahal—Pasko man o karaniwang araw. ■

DIBUHO NI JULIANA PIA RODIS, TANGLAW APPRENTICE


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya