Emmanuel Pelobello
Pinaniniwala tayo ng estado na malaya ang ating edukasyon, ngunit sa likod nito ay ang bulok na sistemang sumisira ng mga pangarap at nagiging puno’t dulo ng kalbaryo ng lahat.
Tiyak na hindi na mawawala sa naratibo ng mga iskolar ng bayan ang danas mula sa magulo at nakapipigang proseso ng enlistment bago magbukas ang bawat semestre. Mga kwento ng pagkabigo, pagkagalit, at pag-aalala. Kalat ito sa social media na humuhulma na sa imahe ng pamantasan, isang institusyong may sistemang hindi maka-estudyante.
Ganiyan ko nga nakilala ang UP. Kinilala ng lahat bilang pinakaprestihiyosong Unibersidad sa bansa, pero pilit na pinagkakaitan ng pondo dahil sa korap na estado. Kaya, bago ako pumasok dito, dala ko na ang agam-agam sa tatahaking kalbaryo.
Ginawa ko naman ang lahat. Hinakot ko na ang lahat ng payo at teknik mula sa uppers para alamin ang pasikot-sikot ng Academic Management Information System (AMIS). Kung paano sila nakalulusot sa mga technical issue, kung gaano kahalaga ang browser na gagamitin o aling device ang pinakamabilis para mag-load ang website, at kung paano nila binabagtas ang kalbaryo—kung saan kinakailangan na ang bawat galaw ay kalkulado.
Sinamahan ko pa ng sandamakmak na manipestasyon at dasal para kung sakali, mapakinggan Niya ang aking tinig at may milagrong mangyari. Inasam ko ang maayos na proseso ng enlistment bilang bagong salta sa sistemang ito, dahil bukod sa kinakailangan ito, wala na akong ibang magagawa kundi umasa kahit na hindi garantisadong makakukuha ng units.
Tunay nga. Ganito pala talaga sa UP. Mabigat na kung tutuusin ang makitang magdusa ang mga estudyante sa sistemang ito, ngunit ibang bigat pala ang maranasan kung paano unti-unting nasisira ang pangarap mo sa iyong harapan.
Nakalulungkot na swerte na kung sabihin ang makakuha ng kapiranggot na units, ang maging underload, sa kabila ng pakikipagsapalaran kasabay ng libo-libong iskolar na umaasam din nito.
Nakagagalit na sinisimulan natin ang bawat semestre nang masalimuot at may nauubos na pasensya dahil walang nagbabago sa sistema, kung saan sinasanay tayong magtiis at maging matatag sa kalbaryong dinisenyo ng nakatataas para magtunggali tayo sa isa’t isa at maging katuwa-tuwa tayo sa kanilang mga mata. Kung saan ang pondo ng pamantasan ay paulit-ulit na tinatapyas na nagdudulot ng kakulangan ng kaguruan, mga pasilidad, at silid-aralan na nagkakait sa karapatan ng mga mag-aaral na mag-aral.
Kung sa iba, nakaririndi nang pakinggan ang kwento ng mga bagong bigo sa enlistment. Gayunman, sa pagdami ng pare-parehong naratibo, mas lumalakas ang tinig natin, mas tumitibay ang panawagan ng katarungan sa ating edukasyon dahil sa iisang pinanggagalingan natin.
Hangga’t walang nagbabago, hindi rin dapat magbago ang aktibong pagkilos natin. Kaya sa pagsisimula ng semestre na ito, dalhin natin ang mabigat ngunit nag-aalab na puso sa First Day Rage sa ika-19 ng Enero at palawigin pa natin ito sa pagsapit ng UPLB February Fair ngayong taon.
Sa huli, hindi lamang mga pangarap natin ang sinusubok ng kalbaryong ito, kundi ang konsensiya natin—kung pananatilihin ba nating umiiral ang sistemang winawakasan ang mga pangarap natin. Dahil hangga’t walang nagbabago, mananatili ang mga kuwento ng mga bagong bigo sa paulit-ulit nating kalbaryo. ■
Si Emmanuel Pelobello ay isang Tanglaw apprentice at mag-aaral mula sa BS Development Communication.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


