Nakabalik na ako sa Los Baños ilang araw bago matapos ang bakasyon. Bagaman naging masaya at sulit ang pananatili ko sa Rizal sa loob ng iilang linggong kalayaan mula sa pagkaalipin sa pamantasan at sa mga gawain sa pahayagan, may bahagi sa aking hindi pa rin handa para sa paparating na semestre.
Kakaiba kasi ang kaba na nararamdaman ko para sa mga susunod na buwan. Marahil ay normal naman ito, lalo pa’t gagradweyt na ako sa Hulyo—kung suswertehing walang mababagsak na kurso ngayong semestre. Mabuting pahiwatig na rin siguro ang aking swerte noong enlistment season, matapos kong makuha ang lahat ng units na kailangan ko. Gayunpaman, hindi pa rin ako sigurado kung sapat ba ang swerte upang mairaos ang mga kursong kailangan kong mapasa.
Nadala na rin kasi ako sa mga pangyayari noong nakaraang taon. Marami akong natamo—kapwa mga tagumpay at pagkabigo—ngunit nananatili sa akin ang pakiramdam ng pagsisisi. Ikinatutuwa ko namang marami akong nadaluhang pagkilos, mula Timog Katagalugan hanggang Kamaynilaan. Nakaupo rin ako sa ilang mga talakayang pang-edukasyon, at kahit pa paano, napangatawanan ko naman ang tungkuling patuloy na aralin at suriin ang lipunan. Sobrang dami kasing isyung lumitaw, sa rehiyonal man o pambansang antas, kaya’t minsan ay tila ang hirap sundan ng mga pangyayari.
Tulad ng nasabi ko sa isang repleksyon kasama ang mga malalapit kong kaibigan, kinikilala kong marami pa akong kailangang paunlarin bilang isang alagad ng alternatibong midya. Ngunit kaakibat ng pagkilalang ito ang pagpupunyagi sa mga napagtagumpayan ko nitong mga nagdaang buwan. Mula sa mga artikulong nailathala ko hanggang sa mga litratong aking nakuha—kahit baguhan pa lamang sa paggamit ng kamera—naniniwala akong may pinatunguhan din naman ang aking pagsisikap para sa radikal na kamulatan ng masa.
Gaya ng sabi ng isang kaibigan sa kilusan, gaano man kaliit ang bilang ng mga mambabasa, lagi’t lagi itong patunay na may kabuluhan ang pagsusulat at paglalathala. Ito ang pinanghahawakan ko kaya patuloy akong sumusulat.
Masaya pa rin naman ako sa pagsusulat at sa pagiging mamamahayag, ngunit may mga pagbibitiw ring kinailangang gawin. Marahil, ang piyesang ito na rin ang magsisilbing kumpisal ko bilang isang reporter ng Tanglaw. Umabot na kasi ako sa puntong may pagod nang hindi napapawi ng mga tagumpay, kaya’t napagdesisyunan kong lisanin muna—marahil pansamantala—ang aking gampanin bilang editor. Gusto ko munang makapaglathala ng mas maraming pang mga kolumn; marami pa kasi akong gustong sabihin na hindi ko mailabas dahil sa bigat ng pagiging editor at estudyante.
Hindi naman ito ganap na pamamaalam. Sa opis pa rin ng pahayagan ang magiging tambayan ko ngayong semestre, at bitbit ko pa rin ang mga aral mula sa nakaraang taon—lalo na ang mga natutuhan ko bilang editor. Ngunit ngayong mas marami na akong oras sa aking mga kamay, paniguradong mas magsisikap ako. Balak ko kasing magsulat ng lingguhang kolumn tungkol sa mga isyung halos hindi nabibigyang-pansin sa loob ng kolehiyo. Kung suswertehin, nais ko ring maabot ang mga mambabasa lampas sa tarangkahan ng Devcom.
Mahaba ang taon, at napakaraming maaaring mapagtagumpayan. Tiyak ding may mga pagkabigong darating kasabay ng panibagong bugso ng pakikibaka. Ngunit natuto na ako sa nakaraang taon—malinaw na sa aking kaakibat ng bugsong ito ang pagyakap sa pahinga, sapagkat bahagi ng pagkilos, ng pagiging tao ang pagpapahinga. Ang mahalaga ay ang patuloy na pagbabalik—upang masikhay na makibaka hanggang sa tagumpay.
Sa ngayon, habang mahaba pa ang oras at hindi pa mabigat na politika o mga diskurso tungkol sa mga isyung panlipunan ang pumupuno sa espasyo ng aking piyesa, pasasalamat muna ang nais kong ibahagi. Para sa mga humubog sa akin bilang aktibista at peryodista noong nakaraang taon, at para sa mga patuloy na huhubog sa akin ngayong taon—maraming salamat. ■
Si Luke Cerdenia ay isang mag-aaral ng AS Development Communication na nagsilbi bilang Managing Editor ng Tanglaw noong nakaraang semestre. Kasalukuyan siyang kolumnista ng pahayagan.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


