Pagitan ng Pagkilos


Kasagsagan pa ng pandemya noong una akong nakapagsulat ng kolumn hinggil sa kaso ni Frenchie Mae Cumpio, ang pinakabatang babaeng mamamahayag sa daigdig na nakapiit sa kulungan. Bata pa akong mamamahayag noon. Bilang editor para sa pahayagan ng hayskul na pinasukan ko, isa ang kaso ni Cumpio sa mga sinubaybayan kong isyu. Bagaman hindi pa ako aktibista noon, matibay na ang aking paninindigan para sa press freedom—isang paninindigang unti-unti pang hinubog ng mga kasong tulad ng kinahaharap ni Cumpio.

Kaso rin ni Cumpio ang nagtulak sa aking sumandig sa mga ulat at opinyon mula sa alternatibong midya. Sinikap ko kasi noong kilalanin siya lampas sa limitadong impormasyon na lumilitaw sa mga dominanteng midya—pursigido ako noon na makilala siya hindi lamang bilang natatanging mamamahayag na patuloy na pinagkakaitan ng pisikal na kalayaan sa bansa, kundi bilang isang aktibistang may sariling mga akda, boses, at prinsipyo.

Mula noon, halos taun-taon ko nang sinusulatan ng kolumn ang kanyang kaso. Habang lumalaki ako kasabay ng paghubog sa akin ng lipunan tungo sa kaparehong landas na tinahak ni Cumpio—tungo sa pagiging isang masikhay na alagad ng alternatibong midya—patuloy rin ang pagkakapiit niya sa kulungan. Sa totoo lang, nakalulungkot isipin na taun-taong kahingian ang pagsusulat ng kolumn tungkol sa kanya. Pahiwatig kasi itong patuloy na ipinagkakait sa kanya ang kalayaang dapat ay matagal na niyang natatamasa, kalayaang dapat ay hindi naman ninakaw sa kanya.

Pebrero 2020 pa noong inaresto si Cumpio sa isang pinagsanib na operasyon ng mga pulis at militar sa Tacloban City dahil sa kanyang trabaho bilang isang community journalist sa Eastern Vista, isang alternatibong pahayagan sa Eastern Visayas. Kinasuhan siya at ang iba pang aktibista at tanggol-karapatan na kasama niya sa Tacloban 5 ng illegal possession of firearms and explosives

Giit ng estado, tagasuporta at miyembro umano sila ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA)—mga paratang na walang katotohanan at malinaw na nagpapahiwatig ng kultura ng red-tagging at impunidad.

Sa pagdaan ng panahon, mas luminaw sa akin na ang kaso ni Cumpio ay isa lamang sa maraming kasong iniluluwal ng estadong takot sa mga progresibong tinig. Unti-unti kong napagtanto na ang kaso laban kay Cumpio ay bahagi ng mas malawak at sistematikong paggamit ng estado sa batas at mga institusyon nito upang patahimikin ang mga boses na nagsisiwalat ng katotohanan.

Noong nakaraang taon lamang, pinasawalang-bisa ng Court of Appeals (CA) Third Division ang kasong civil forfeiture laban kay Cumpio at sa aktibistang si Marielle Domequil. Ani CA, labag sa kapangyarihan ng Anti-Money Laundering Council ang pagkumpiska sa ari-arian at pag-imbestiga sa mga indibidwal na hindi idineklarang “terorista” sa ilalim ng Anti-Terrorism Act of 2020—ang isa sa pinakamapanupil na batas na ipinasa sa ilalim ng de facto martial law ni Rodrigo Duterte. Kinatigan din ng Laoang Regional Trial Court (RTC) Branch 21 sa Northern Samar ang Motion to Quash Information sa mga kasong murder at attempted murder laban kay Cumpio. 

Nakatakdang ilabas ng Korte ang desisyon kaugnay ng mga natitirang kasong kinahaharap ni Cumpio sa ika-22 ng Enero. Bagaman naging mahaba at madugo ang proseso, umiigting pa rin ang kampanya para sa ganap na paglaya ni Cumpio. Mula sa mga lokal na organisasyon hanggang sa mga grupo mula sa ibang bansa, kolektibo ang panawagang palayain siya. 

Malawak ang diskurso sa kalagayan ng press freedom at karapatang pantao sa bansa—malinaw na lumalampas pa ito sa mga katubigang nakapaligid sa atin, at mas malinaw na ang kaso ni Cumpio ay may espasyo sa diskursong ito. ‘Pagkat hindi maipagkakaila na ang kaso ni Cumpio ay ebidensya ng impunidad na pinatitibay ng estado, hindi dapat magtapos ang mga panawagan, anuman ang maging desisyon ng Korte sa mga susunod na araw.

Mahalagang idiin na higit pa kay Cumpio ang krusada ng estado para sa pagpapabagsak sa lahat ng kumakalaban dito. Isang nakalulungkot na reyalidad ang halos anim na taon na pagkakakulong ni Cumpio—ngunit bahagi lamang ito ng mas nakagagalit na katotohanang higit na higit pa sa anim na taon ang puspusang pagsisikap ng estado upang wasakin ang demokrasya sa Pilipinas.

Larawan ng katotohanang ito ang mga nakalipas na taon, kung saan patuloy ang pagsasampa ng estado ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga progresibo. Bagaman may ilang mga legal na tagumpay na nakamit ang kilusan nitong mga nakaraan, gaya ng paglaya ni Amanda Echanis, isang kabataang aktibista at organisador ng mga pesante, lalagpas 700 pa rin ang mga bilanggong pulitikal sa bansa.

Walang habas din ang pag-atake ng estado sa masa. Malinaw na halimbawa nito ang pagpapadala ng estado ng mga subpoena sa mga aktibista at peryodistang nakilahok sa malawakang kilos-protesta sa Mendiola, Manila noong ika-21 ng Setyembre, 2025, kagaya ni Jacob Baluyot, isang kampus mamamahayag na nagsisilbing national chairperson ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag – Polytechnic University of the Philippines (PUP) at associate editor ng The Catalyst, ang pahayagan ng PUP.

Ang mga atakeng ito ay isang porma ng panunupil na naglalayong magtanim ng takot sa ating mga isipan. Ngunit, tulad ng sabi ni Cumpio sa isang akda, “Love means fighting back.” Lumalaban tayo batay sa ating pagmamahal sa bayan. Nakikibaka tayo sapagkat naniniwala tayong nakatakda ang ganap nating paglaya mula sa lahat ng uri ng pananamantala.

Pinakakahulugan din ng kaso ni Cumpio ang madalas na sinasabi: “Justice delayed is justice denied.” Ang mabagal na usad ng hustisya at ng mga institusyong dapat na nagtataguyod nito ay aktibong pumipinsala sa ating mga karapatan—ipinagkakait nito ang ating kalayaan, sinisira ang ating kabuhayan, at ninanakaw ang mga taon na hinding-hindi na maibabalik. Ang sinapit ni Cumpio ay paalala na ang panunupil ay maaaring maranasan ng kahit sinuman. Mamamahayag man, aktibista, o karaniwang mamamayan, ang atake sa isa ay atake sa lahat.

Malinaw ngayon ang tanong: paano natin babawiin ang panahon at mga karapatan at kalayaang ninakaw ng estado, at paano natin sisiguruhing hindi na ito muling mauulit?

Walang natatanging sagot kundi ang patuloy na pagsabak sa mahabang laban. Anuman ang maging desisyon ng Korte sa ika-22 ng Enero, hindi nito mapipigil ang bugso ng pakikibaka na ipinapanganak ng mga pag-atakeng nararanasan ng masa. Mitsa ang mga atakeng ito para sa kolektibong paglaban sa red-tagging, pang-aabuso sa batas, korapsyon, at sa lahat ng uri ng mekanismong ginagamit ng estado upang supilin ang ating mga batayang karapatan.

Sa ngayon, pinapangarap kong ang susunod na kolumn na isusulat ko tungkol kay Cumpio ay hindi na tungkol sa patuloy niyang pananatili sa kulungan, kundi tungkol sa pagpapatuloy niya sa kanyang progresibong peryodismo sa mga lansangan at sa mga komunidad na kanyang kinabibilangan. Pinapangarap kong makapagsulat tungkol sa pag-asang kanyang bibitbitin sa kanyang muling paglubog sa masang kanyang iniibig.

Palayain si Frenchie Mae Cumpio! Palayain ang Tacloban 5! Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal! Singilin at panagutin ang pasistang estado! ■

DIBUHO NI CJ PINE | KUHA NINA ALEXANDER ABAS AT VIGGO SARMAGO | BULATLAT


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya