DAPAT MONG MALAMAN
- Opisyal nang pinangalanan bilang Nora C. Quebral Hall and CDC Building.
- Dinaluhan ng mga kawani, mag-aaral, at dating kabahagi ng kolehiyo at Unibersidad ang programa upang sariwain ang legasiya ni Quebral.
Makasaysayang maituturing para sa mga dumalong kawani, opisyal, at mag-aaral ng komunikasyong pangkaunlaran ang katatapos lamang na inagurasyon ng pagpapangalan sa College of Development Communication (CDC) Building bilang Nora C. Quebral (NCQ) Hall na ginanap noong Lunes, ika-26 ng Enero, sa UPLB Carabao Park.
Bitbit ang temang “Not just a hall—a hallmark,” muling isinalaysay at sinariwa sa isang unveiling ceremony ang mga istoryang tangan ng kolehiyo, na nag-ugat sa mga akda at legasiya ni Dr. Nora C. Quebral, ang haligi at itinuturing na “ina ng komunikasyong pangkaunlaran.”
Kaya naman, sa kanyang panimulang mensahe, mariing ipinahayag ni UPLB Chancellor Jose V. Camacho Jr. ang kanyang kagalakan bilang kabahagi ng nasabing kasaysayan, na aniya’y nagpapatingkad ng kontribusyon ni Quebral sa larangan ng komunikasyon at sa Unibersidad.
“Finally, we can put a name to a building not just for the legacy of Ma’am Nora [Quebral] but to instill the next generation of Devcom the very essence of development and communication,” aniya. “We are enshrining a legacy that transformed how communication is understood, taught, and practiced in aid of development.”

Sa likod ng pagpapanday
Naunang itinayo ang NCQ Hall noong 1969, na dating kinilala bilang Department of Agricultural Information and Communications – Farm and Home Development Office Building. Kalaunan, sumailalim ito sa iba’t ibang pagbabago: naging Department of Development Communication noong 1974, Institute of Development Communication pagdating ng 1987, at ganap na kolehiyo bilang College of Development Communication noong 1998.
At nito lamang Agosto 28, 2025, pormal na inaprubahan ng UP Board of Regents na ipangalan ang higit 50-taong gulang na gusali kay Quebral bilang tanda ng pagkilala sa kanyang mga kontribusyong tinitingala sa buong mundo—kabilang na ang pagpapakahulugan sa larangan ng Devcom noong 1971.
Dahil dito, hindi rin mapigil ang kasiyahan mula sa dumalong dating mag-aaral ni Quebral na si Mark Lester Chico, na siya na ngayong Assistant Vice President for Public Service ng UP System at UPLB Media and Communications Office Director. Aniya, mapalad umano siyang maging kabahagi ng mga huling dekada ng kolehiyo kasama ni Quebral, na kakulitan niya pa noon dahil sa paghingi nito ng mga printed copy ng kanilang mga selfie.
“Napakahalagang tribute ito sa isang tao, babae at that, na nagsimula ng Devcom sa buong mundo—the Los Baños style of Devcom. Wala na sigurong ibang hihigit pang honor na maibibigay natin sa kanya kundi ‘yung pagpapangalan ng building kung saan nagsimula ang lahat at nagpapatuloy ‘yung paglago ng ating field of practice,” dagdag pa niya.
Bukod dito, kabahagi rin sa naging programa ang ilan sa mga kasalukuyan at dating opisyal ng Unibersidad, kasama na sina Dr. Maria Celeste Cadiz, Dr. Maria Theresa Velasco, at Dr. Maria Stella Tirol—mga dating nagsilbing dekana ng kolehiyo at kaagapay ni Quebral sa pagtataguyod ng Devcom.
“This will bring the college to greater heights, it will bring more exposure to the college, [and] it will continue to be a living legacy of development communication as a pioneering program here in Asia and the world,” saad ni Tirol.
Devcom bilang ‘kapamilya’
Kaakibat ng pagbabalik-tanaw sa kanyang buhay akademya, ipinakilala rin sa naging programa kung ano pa nga ba ang katauhan ni Quebral bilang isang katrabaho, kaibigan, ina, at lola. Sa isang mensahe, isinalaysay ni Mark Quebral kung paano sila pinahanga ng kanilang ina sa pagkalinga nito habang magkasabay na itinataguyod ang pagiging ina ng tahanan at Devcom.
“Today, there is awe from all the applause that a building is being named after her. We fully and completely realize the remarkable woman our mom was that raised a family, supported a broader clan from a distance, and created a legacy for something she was truly passionate about,” ani Mark.
Dagdag pa niya, naging biro na sa kanilang magkapatid na ang Devcom ay bahagi na rin ng kanilang tahanan dahil sa lalim ng dedikasyon at pagmamahal ng kanilang ina rito.
“We used to joke that Devcom was another sibling in the family—one that demanded care, attention, and love. It traveled with her, shaped conversations at the dinner table, and remained part of her life well into her lola years,” aniya. “Mom showed us that it was possible to build something meaningfully professional while still raising a family rooted in love and values.”

Hamon na panghahawakan
Sa kabila ng mga personal na pag-alala at pagkilala sa kanyang katauhan, ang legasiya ni Quebral sa NCQ Hall ay nananatiling higit pa sa isang pisikal na landmark. Hindi ito natatapos lamang sa pagpapangalan sa gusali bagkus ay tumatawid ito bilang isang hamong bibitbitin ng mga kasalukuyang bahagi ng kolehiyo sa mga susunod pang kabanata.
Kaya naman, hinikayat din ni Mark ang mga dumalo na gamitin ang mga itinuturo ng komunikasyong pangkaunlaran sa pagpapalalim at pagpapaigting ng paglilingkod sa masa at sa pagpapanatili ng legasiya ng kaniyang ina.
“The lessons learned here are not meant to remain in classrooms or journals; they must flow into the grassroot communities… If the ideas born within these walls continue to translate into plans, actions, and results that help bring about the multifaceted development to uplift lives, then mom’s legacy is alive and thriving,” aniya.
Nagbigay-paalala naman ang kasalukuyang dekano ng kolehiyo na si Dean Edmund Centeno na gampanan ang responsibilidad ng mga guro, staff, alumni, mag-aaral, at iba pang kabahagi ng kolehiyo na panghawakan ang mga bagay na pinagsumikapan at ipinaglaban ni Quebral.
“Critical thinking, compassion, relevance, and service to the people—this responsibility is especially relevant in the context of contemporary development issues,” aniya. “These realities call on us as development communicators to listen carefully to communities, surface marginalized voices, interrogate power, and communicate with integrity.” ■
KUHA NI KZUZVAN KAY CASABAL



You must be logged in to post a comment.