DAPAT MONG MALAMAN
- Nag-umpisa na ang unang araw ng UP Solidaridad Bi-Annual Congress 2026 sa UP Diliman.
- Lumitaw sa unit reports ng mga kasaping pahayagan na usapin sa pondo, intimidasyon, at kumakaunting tao ang ilan sa mga pangunahing suliraning kinahaharap nila sa operasyon.
- Magpapatuloy ang SoliCon sa darating na Miyerkules, Pebrero 4.
Iniulat ng mga kabahaging publikasyon ng UP Solidaridad ang kanilang mga napagtagumpayan at patuloy na kahirapang danas bilang mga kampus dyorno sa kanilang mga publication report sa unang araw ng UP Solidaridad Bi-Annual Congress (SoliCon) 2026, kahapon, Pebrero 2, sa Bonifacio Hall, UP Diliman.
Tangan ang paninindigan laban sa nagpapatuloy na panggigipit ng estado sa mga mamamahayag sa bansa, sentro sa kongreso ngayong taon ang temang “The Campus Press in Resistance: Writing the Barricade for Truth and Truth Tellers Against State Fascism,” na dinaluhan ng 25 kasaping pahayagan ng alyansa mula sa buong UP System.
Kaugnay ng tema ngayong semestre, lumitaw sa mga ulat ng UP Solidaridad at ng mga pahayagan na ang hamong ito’y bahagi lamang ng mas marami pang dagok sa pagtataguyod ng malayang pamamahayag, partikular na ang umiigting na kakulangan sa pondo at ang nakaambang pagnipis ng hanay ng kanilang mga kasapi.
Kaya naman, ganoon na lamang din ang pasasalamat ni Sophia Kris Alday, kasalukuyang editor-in-chief ng Frontliner ng UP Diliman Extension Program in Pampanga and Olongapo (UP DEPPO), na nabibigyang pagkakataon ang mga pahayagan sa pamamagitan ng SoliCon na magabayan sa mga susunod na hakbang sa kabila ng mga kaliwa’t kanang mga hamon.
“Maganda na nagbibigay-linaw at nagbibigay-strategy ‘yung mga publication kasi isa siyang malaking tugon sa’min sa pagpapalinaw pa at pag-si-strengthen ng [aming] political leanings and philosophy,” aniya.
Sa pagnipis ng mga hanay
Isa ang Frontliner sa mga publikasyong kumaharap sa revival process, matapos itong magtigil-operasyon noong 2023 at magbalik sa kasunod na taon. Dahil kakulangan sa miyembro ang itinuturong ugat ng pagkawala ng publikasyon, patuloy nilang sinusukat ang kapasidad ng pahayagan sa kasalukuyan upang makapaglabas ng mga dekalibreng balita.
Sa kabila nito, lumabas din sa ulat ng ilang mga kasapi na napipinto rin ang pagharap nila sa suliranin ng pagnipis ng hanay—kabilang na ang mga reviving publication na Scientia ng UP Diliman (UPD) College of Science at The Public Herald ng UP Manila (UPM) College of Public Health. Kwento ng kanilang mga kinatawan, lumilitaw ang kakulangan sa kanilang mga miyembro sa pagkakaroon nila ng overlapping roles, sapagkat madalas ay iilan lamang ang may kakayahang makatugon sa pagbabalita.
Nang dahil dito, nananatiling misyon ng mga publikasyon ang pagpapalakas ng kanilang recruitment, isang bagay na kaisa rin ang Tambuli ng Union of Journalists of the Philippines – UPD (UJP-UPD) na nagsisikap ding muling buhayin ang kanilang pahayagan.
Butas pa rin ang bulsa
Bagaman maraming napagtagumpayan ngayong taon ang mga kasapi ng UP Solidaridad pagdating sa mga makukulay at makabuluhang mga balita’t istorya, lumitaw pa rin ang sakit na matagal nang iniinda ng marami sa kanila—ang kakulangan sa sapat na pondo.
Sa aspetong ito sumentro ang ulat ng Ang Tagamasid ng UPM College of Arts and Sciences, Frontliner ng UP DEPPO, Medikritiko ng UPM School of Health Sciences, Outcrop ng UP Baguio, at SINAG ng UPD College of Social Sciences and Philosophy.
Pagsasalaysay ng SINAG, nananatiling salat ang kanilang operasyon sa salapi dahil sa kawalan ng pag-endorso ng kanilang kolehiyo upang makausap ang trust funding office ng kanilang Unibersidad. “Staffers self-provide for Canva and Capcut subscription that are crucial for coverages and releases,” pagdedetalye pa nila.
Nasa kaparehong bitag din ang Tanglaw, ang opisyal na pahayagan ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) College of Development Communication. Bagaman nasa proseso na ang paglalakad nila upang makakuha ng pondo mula sa administrasyon matapos ang matagumpay na rekognisyon nito bilang isang college publication, ang kasalukuyang badyet na P201 ay nagiging ugat din ng kahirapan sa pagpapatakbo at pagpapalawig ng kanilang mga operasyon.
Intimidasyon ng administrasyon
Higit sa lahat, naging mitsa rin ang pagpupulong upang pag-usapan ang mga kinaharap na burukrasya at panghihimasok ng iba’t ibang mga administrasyong pangkampus sa operasyon ng mga pahayagan ng UP System.
Sa kaso ng Frontliner, nakaranas umano sila ng mga admin intervention, kung saan madalas na ipinatatawag ang kanilang editor-in-chief sa opisina sa tuwing maglalabas ng balitang kritikal sa pamamahala ng pamantasan.
Intimidasyon din ang kaparehong karanasan na iniulat ng UPLB Perspective matapos hindi magustuhan umano ng Office of the Chancellor ang pag-uulat nila ng isang balita hinggil sa hindi maayos na kalagayan ng mga dormitoryo sa pamantasan.
Bukod sa intimidasyon, idinagdag ng Frontliner na nakaranas din sila ng ‘di umano’y “discrediting and/or defamatory remarks” mula sa kanilang admin. Dahil dito, lumilitaw na bukod sa troll comments at red-tagging na kinahaharap ng mga nasabing publikasyon sa kanilang pag-uulat, nakadaragdag din ang intidimasyon ng mga administrasyon sa pagharang upang tunay na mapanghawakan nila ang isang matapang at malayang tipo ng pamamahayag.
Bagaman hindi natapos ang ulat ng lahat ng mga publikasyon, magpapatuloy ang kanilang pagpupulong sa huling araw ng SoliCon sa darating na Miyerkules, Pebrero 4. Dito ay inaasahang uumpisahan na rin ng mga kasaping pahayagan ng UP Solidaridad ang pagbuo ng mga resolusyong kanilang ihahain at bubutbutin upang magbigay-gabay sa mga mag-aaral sa pagpapaigting ng militanteng porma ng pamamahayag sa loob at labas ng pamantasan.■


