Kasama ang mga ulat nila Jian Martin Tenorio, Leonard Magadia, Reg Gubatan, Chynna Chavez, Jayvee Mhar Viloria, Kim Rembrant Malaluan, Dianne Barquilla, Althea Kaye Capiña, Jana Ellaine Cosico, Freesia Grande, at Maegan Grace Guevarra

DAPAT MONG MALAMAN

  • Nakapagpasa ng tatlong resolusyon ang iba’t ibang publikasyon sa huling araw ng #SoliCon2026
  • Tinutukan sa pagtitipon ang pagpapaigting ng pagbabalita sa mga kampanya kontra militarisasyon sa kanayunan at panggigipit sa karapatang pantao.

Sentro sa huling araw ng UP Solidaridad Bi-Annual Congress (SoliCon) 2026 ang pagpapaigting ng pagbabalita ng mga kasaping pahayagan ng alyansa sa iba’t ibang isyung panlipunan tulad ng tumitinding militarisasyon sa Mindoro, panggigipit sa mga community journalist na sina Frenchie Mae Cumpio at Marielle Domequil, at ang kampanya para sa impeachment complaints laban sa tambalang Marcos-Duterte. 

Sa isinagawang resolution-building ng mga pahayagan, higit na lumitaw at tinutukan ang tatlong resolusyong, sapagkat tinukoy ang mga ito bilang mga isyung may pangangailangan ng madaliang pagkilos. 

Pagpapalakas sa pagbabalita sa militarisasyon sa Mindoro

Sa resolusyong ipinasa ng UPLB Perspective, Tanglaw, at The Staple ng UPLB College of Economics and Management, sumentro ang mga publikasyon sa kakayahan ng mga kasaping pahayagan ng UP Solidaridad na mas paingayin ang coverage sa iba’t ibang kaganapan sa Mindoro.

Idiniin sa resolusyon ang patuloy pa ring militarisasyon sa lalawigan, kabilang na ang “serye ng pambobomba at pagpatay laban sa mga katutubo, magsasaka, at mamamayan, na malinaw na paglabag sa karapatang pantao.”

Noon lamang nakaraang taon, nakapagtala ang KARAPATAN Southern Tagalog ng 16,733 kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa Mindoro. Bukod dito, lumabas din sa datos mula sa Provincial Social Welfare Office na may 769 indibidwal o 188 pamilyang Mangyan-Iraya ang sapilitang lumipat dahil sa mga operasyong militar sa lalawigan. 

Dagdag pa rito, simula pa noong 2024 ay patong-patong na ang naitalang kaso ng militarisasyon at pagpatay sa Mindoro, kagaya na lamang ng kaso ng pagpaslang ng 4th Infantry Battalion ng Philippine Army sa 21-taong gulang na Mangyan-Hanunuo at estudyante na si Jay-El Maligday at sa magsasakang Maranao at dating bilanggong pulitikal na si Juan Sumilhig. Nakapagtala rin ng pambobomba ng apat na attack helicopters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Brgy. Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Enero 1 ngayong taon.

Ayon kay Leonard Magadia, kasalukuyang managing editor ng Tanglaw, malaki ang gampanin ng alternative media at mga kasaping pahayagan ng UP Solidaridad sa pagpapaingay ng mga ganitong kaso ng panggigipit sa mga kanayunan.

“‘Yung mainstream media ay dependent sa sanitized narrative ng AFP. Kung ano ‘yung nilalabas nila, ‘yun lang din ang nakukuha at ibinabalita ng mainstream. So nire-recognize natin ‘yung importance ng alternative media at ng mga pubs under UP Soli para sa pag-cover ng mga nangyayari sa Mindoro,” pagdidiin niya.

Mas pinalakas na kampanya para kina Frenchie Mae Cumpio at Marielle Domequil

Sentro naman sa inihaing resolusyon ng The Cursor ng UP Open University, na inamiyendahan ng UP Vista mula sa UP Tacloban College, Pagbutlak ng UP Visayas College of Arts and Sciences, at The Manila Collegian ng UP Manila, ang pagmomobilisa sa mga miyembrong publikasyon ng UP Solidaridad sa isang “coordinated media campaign” na tumutuligsa sa anila’y hindi akmang hatol kina Frenchie Mae Cumpio at Marielle Domequil na kapwa bahagi ng Tacloban 5, mga indibidwal na inaresto noong ika-7 ng Pebrero, 2020 dahil sa mga gawa-gawang kaso ng illegal possession of firearms and explosives at terrorism financing.

Maaalalang nito lamang ika-22 ng Enero ay hinatulang guilty ng Regional Trial Court Branch 45 ng Tacloban City, Leyte sina Cumpio at Domequil sa kasong terrorism financing.

Ayon sa resolusyon, “the UP Solidaridad and all its member publications, as fellow journalists, strongly condemn the conviction of Frenchie Mae Cumpio and Marielle Domequil on terrorism financing charges, and commit to continued reportage and information dissemination to resist state aggression against journalists and critics.”

Sa isang manipestasyon mula sa Tug-ani ng UP Cebu, binigyang-diin nila ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kampanya na palayain ang mga bilanggong pulitikal na patuloy na ginigipit ng estado sa pamamagitan ng mga gawa-gawang kaso.

“Ngayon, marami pa ring nakukulong na ang tanging kasalanan lamang ay maghanap ng tunay na hustisya… It is also a reminder that the struggle is far from over,” wika ni Kian Razonable, feature editor ng Tug-ani.

Samantala, nagbahagi naman ang Tinig ng Plaridel ng UP Diliman College of Media and Communication ng kanilang karanasan noong minsang tinangkang ipabura ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group ang artikulong isinulat nila ukol sa pagsunog ng ilang mag-aaral ng kopya ng subpoena na inihain kay UPD University Student Council Chairperson Joaquin Buenaflor sa harap ng Camp Crame sa Quezon City.

“Ito po ay simbolo na hindi tayo yuyuko sa pag-atake. Hindi po malayo sa bituka, utak, at puso natin [si Frenchie] dahil parte siya ng UP Soli, at UP Vista. Isa po siya sa atin,” saad ni André Esguerra, editor-in-chief ng Tinig ng Plaridel. 

Pagpapaingay ng impeachment complaints kontra Marcos-Duterte

Sa inihaing resolusyon ng Philippine Collegian ng UP Diliman, tinalakay ng pahayagan ang importansya ng pagpapatibay ng kampanya para sa sunod-sunod na impeachment complaints laban sa tambalang Marcos-Duterte at ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malawakang pagbabalita ng iba’t ibang student publications ukol sa mga ito.

Ayon sa nasabing resolusyon, “Be it further resolved that] UP Solidaridad, along with its member publications, shall utilize all its propaganda and resources, including articles, multimedia releases, and coverage, in providing context to its readers on the significance and necessity of the impeachment complaints against President Marcos Jr. and Vice President Sara Duterte.

Kahapon lamang ay itinuring na “insufficient in substance” ng House Committee on Justice ang dalawang impeachment complaints na inihain ng abogadong si Andre de Jesus at ng Makabayan bloc kontra kay Marcos Jr. sa kabila ng naunang hatol ng panel na sufficient in form” noon lamang Lunes, Pebrero 2.

Samantala, noon ding Lunes ay nakatanggap muli ng dalawang impeachment complaints si Duterte mula sa Makabayan coalition at sa grupo na pinamumunuan ni Kiko Aquino Dee ng Tindig Pilipinas dahil sa patuloy na isyu ng confidential funds at malinaw na paglabag sa Konstitusyon.

Binigyang-diin din sa resolusyon ang pag-iwas sa anumang uri ng pagbabalita na maglalagay kina Marcos at Duterte sa sitwasyon ng pagpili ng “lesser evil.”

“[Be it further resolved that] UP Solidaridad reject and counter any narrative framing or political arrangement that treats impeachment as a matter of choosing between so-called ‘lesser evils,’ and instead affirms that President Ferdinand Marcos Jr. and Vice President Sara Duterte must be held independently, concurrently, and without any compromise, accountable for their respective abuses, opposing any attempt to shield one official from impeachment or public scrutiny in exchange for the prosecution of the other,” saad sa resolusyon.

Inaasahang magpapatuloy ang pagpapasa ng iba pang nakatenggang resolusyon sa E-SoliCon na isasagawa rin ngayong semestre. ■

KUHA NI REG GUBATAN


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya