Kasama ang mga ulat nila Jian Martin Tenorio, Leonard Magadia, Jhyanne Almenanza, Mervin Delos Reyes, Jayvee Mhar Viloria, Arianne Joy De Torres, Dianne Barquilla, Chynna Chavez, Karylle Payas, Kim Rembrant Malaluan, Luke Cerdenia, Hannah Pauline Fernandez, Emmanuel Andrei Pelobello, Isaac Oliver Javierto, at Alex Ramos
DAPAT MONG MALAMAN
- Umarangkada na ang unang araw ng 60th Convention of the General Assembly of Student Councils (GASC) nitong ika-5 ng Pebrero 2026 sa UP Diliman.
- Tinalakay ang mga anti-estudyanteng polisiya at iba pang mga suliranin ng mga konseho sa konteksto ng kani-kanilang kampus.
Sumentro sa 60th Convention of the General Assembly of Student Councils (GASC) ang mga sistematikong suliranin sa unit reports ng mga konseho mula sa buong UP System, kabilang ang huwad na libreng edukasyon, militarisasyon sa mga campus, pagdami ng bakanteng posisyon sa mga konseho, at anti-estudyanteng mga polisiya, kahapon, ika-5 ng Pebrero, sa Bulwagang Tandang Sora, UP Diliman (UPD).
Tinalakay sa unang araw ng kongreso ang tunay na kalagayan ng edukasyon ng bansa. Pinangunahan ito ni Kabataan Partylist National Chairperson Julius Cantiga sa pamamagitan ng pagbalik-tanaw sa kasaysayan ng sistema ng edukasyon sa konteksto ng Pilipinas.
Giit ni Cantiga, nagpapatuloy na komersyalisado ang state universities and colleges (SUCs), lalo na dahil sa pagtuon ng mga ito sa neoliberal na edukasyon na pumapabor sa interes ng mga kapitalistang estado. Kinondena rin niya ang pagkaltas ng pondo ng pamahalaan sa mga SUC, kabilang ang UP, dahil nakikita ang manipestasyon nito sa kulang na student spaces sa mga pamantasan.
Sinegundahan ng mga konseho ang nabanggit ni Cantiga gayong hindi naiiba ang kanilang karanasan bilang mga kapwa biktima ng huwad na libreng edukasyon. Ibinahagi ng UPLB College of Agriculture and Food Sciences Student Council (CAFS SC) na maging sila ay apektado ng kakulangan sa pondo dahil sa patuloy na pagtaas ng fees para sa field trips, laboratory requirements, handbooks, at iba pa.
Binigyan naman ng pagpupugay ni Geraldine Balingit, UPLB University Student Council (USC) chairperson ang Kabataan Partylist na siyang laging nakaantabay umano sa pagbibigay-serbisyo sa mga mamamayan. Binigyang-diin niya pa ang halaga ng mga lider-estudyante at peryodista sa pagbibigay ng suporta sa naturang partylist.
“Naniniwala po tayo na hindi naman po natin sinuportahan ang Kabataan Partylist, dahil sila ang nasa Kongreso. Kabataan at mamamayan po ang naglagay sa Kabataan Partylist sa Kongreso,” giit ni Balingit.
Mas pinaigting pa ang iba pang panawagan sa ginanap na mobilisasyon sa Quezon Hall, UP Diliman, partikular na ang pagtutol sa nakaambang demolisyon sa mga komunidad, tulad ng Pook Aguinaldo, Area 17, at Malantik, dahil sa planong pagpapatayo ng Sustainable Development Goals (SDG) Wellness Park.
‘We demand space’
Sa pagpapatuloy ng diskusyon ay binuksan ang usapin sa mga kulang na espasyo para sa mga estudyante. Danas ito sa UP Manila School of Health Sciences (UPM SHS) Tarlac, na sumasabak sa clinical duties ang midwifery students katulad ng pagpapanganak nang walang maayos na simulation training.
Hinaing din ito ng UPD USC, dahil may nagbabadya na banta na mawawalan ng espasyo ang konseho, publikasyon, at mga organisasyon para sa activities o events dahil umano’y substandard ang kanilang Student Union Building.
Nagpahayag naman ng suliranin ang UP Visayas (UPV) USC hinggil sa paggamit ng mga silid-aralan mula sa ibang kolehiyo para sa mga general electives courses, na kung tutuusin ay dapat itinuturo sa College of Arts and Sciences.
Hindi rin ito naiiba sa hinaing ng UPD Extension Program in Pampanga and Olongapo (UP DEPPO) SC na kasalukuyang may iisa lamang na pang-akademikong gusali at walang available na dormitoryo para sa mga estudyante.
Gayunpaman, ang patuloy na pakikibaka ay naging daan upang makamit ang ilang mga tagumpay ng iba’t ibang kampus, kabilang na ang pagkakaroon ng extended hours sa cafeteria at pagsasaayos ng mga palikuran at common area sa dormitoryo ng UPV.
Ipinahayag din ng UPLB USC na libre nang magagamit ang lahat ng pasilidad ng SU Building ng pamantasan para sa mga aktibidad ng mga estudyante at organisasyon.
Presensya ng militar sa mga pamantasan
Sa kabilang banda, ayon sa naging karanasan ng UP Cebu (UPC) USC, ramdam ang pang-iintimida ng kapulisan sa kampus noong Agosto 2025. Kasabay nito ang kanilang mariin na pagkondena sa pagkakatatag ng Provincial Task Force to End Local Communist and Armed Conflict na naglilimita sa mga estudyante na makibahagi sa pulitikal na usapin at malayang pamamahayag.
Biktima rin ang UP DEPPO ng naturang taktika nang nagkaroon ng partnership ang kanilang administrasyon sa Hann Casino and Resort, habang nananatili ang banta ng militarisasyon sa kanilang campus na nasa Clark Air Base.
Bukod sa isyu ng red-tagging, nakatanggap ang UPM ng bomb threat, na hindi umano tinugunan ng kanilang administrasyon. Sinasalamin umano nito ang kabiguan ng pamunuan ng UP na maprotektahan at mabigyan ng ligtas na komunidad ang sangkaestudyantehan.
Ginamit rin umano ng estado ang ilang mga taktika ng pananakot, partikular sa UPD, na naging talamak ang pagbabato ng alegasyon at pagsampa ng subpoena sa mga estudyanteng aktibo sa pagkilos. Halimbawa na rito ang mismong chairperson ng UPD USC na si Joaquin Buenaflor at Si Wovi Villanueva, estudyante mula sa College of Arts and Letters, na nakulong at sinampahan ng apat na kaso buhat ng partisipasyon sa pagkilos sa Mendiola noong ika-21 ng Setyembre, 2025. Matatandaan na nakalaya lamang si Villanueva sa pamamagitan ng donation campaign na inisyatiba ng kapisanan ng mga estudyante.
Kamakailan lamang din, nakipag-ugnayan ang estado sa pamantasan sa pamamagitan ng College of Human Kinetics at Philippine National Police Special Action Force, na pinangangambahan ng UPD USC na magbibigay-alanganin sa kaligtasan at kalayaan ng mga estudyante na ipahayag ang kanilang damdamin sa loob ng campus ng Diliman.
Bilang tugon dito, binanggit ni Balingit na isa sa mga paraan ng UPLB USC upang protektahan sila mula sa banta ng estado ay ang pagbibigay umano ng “bust card” sa mga estudyante, na maaaring gamitin kung sakaling malagay sila sa panganib mula sa estado.
Mga bakanteng upuan
Sa ulat ng bawat unit, nabanggit din ang suliranin hinggil sa mga bakanteng posisyon sa konseho na maaari umanong humadlang sa tunay na representasyon ng mga estudyante. Ayon sa UPD USC, nakamit man nila ang pinakamataas na 40% turnout sa pagboto simula 2021, nananatiling 98 ang bakanteng posisyon para sa mga konseho ng mga kolehiyo.
Danas din ng ibang campus katulad ng UPOU ang parehong isyu. May nakatakda silang special elections upang punan ang mga bakanteng posisyon dahil pito lamang sa 20 posisyon ang kasalukuyang may nakaupo. Nakaranas naman ang UPC USC sa nagdaang eleksyon dalawang kandidato ang umurong sa pagtakbo buhat ng banta ng red-tagging.
Ibinahagi rin ni Balingit na kasalukuyang 49 na posisyon ang bakante sa mga konseho ngnmga mag-aaral sa UPLB. Sa kabila nito, tinatanaw pa rin nila ang naturang bilang sa positibong aspeto, sapagkat mas mataas ang datos ngayong taon kumpara sa nakaraang akademikong taon.
Gayunman, may mga unit katulad ng UP Mindanao (UPMin) USC na halos napunan ang posisyon sa mga konseho na may 37 sa 39 na posisyon. Pareho rin ang tagumpay ng UPV USC, na sa unang pagkakataon sa mahabang panahon ay halos nakumpleto rin nila ang mga posisyon sa kanilang mga konseho.
Mga anti-estudyanteng polisiya
Pagdating naman sa student rights and welfare, binahagi ng UPM SHS Tarlac SC na isa sa kanilang pasanin ay ang Return Service Agreement (RSA), na maituturing nilang palyado ang pagkakaplano. Naniniwala ang mga estudyante na nililimitahan nito ang kanilang kalayaan na pumili ng trabaho, lalo na’t mandatoryo ang pagbabalik ng serbisyo sa Pilipinas na angkop sa kanilang pinag-aralan. Malaki rin ang salapi na nakataya sakaling tumaliwas ang mga estudyante sa kontrata. Ayon sa tala mula 2014 hanggang Hunyo 2024, tinatayang nasa 42 milyong piso na ang mga multa na natanggap ng mga biktima ng RSA.
Danas din ng mga mag-aaral ng UPLB ang ilang mga anti-estudyanteng polisiya na ipinapatupad ng ilang mga kolehiyo. Ayon sa UPLB USC, nangunguna rito ang ‘No Singko Policy’ para sa mga mag-aaral ng Associate in Arts in Entrepreneurship, na maaaring humadlang sa kanilang pagpapatuloy sa bachelor’s degree. Binanggit din ang “No Dropping Policy” para sa veterinary medicine students, na naglilimita sa kanila na bitawan ang mga kursong hindi na nila kayang pagsabayin.
Katulad ng mga pasanin ng mga estudyante sa UPLB, danas din ito ng mag-aaral sa UP Mindanao. Partikular na rito ang pagharang ng administrasyon sa Associate in Arts Sports Studies students na ipagpatuloy ang kanilang kursong bachelor’s degree. Sa kabila nito, napagtagumpayan na maaprubahan ang enrollment ng sampung mag-aaral bunga ng organisadong pagkilos ng mga estudyante.
Kaakibat nito, may ilang mga pagsisikap din ang mga konseho upang tumindig para sa kapakanan ng mga mag-aaral. Isa na rito ang hakbang ng UPC USC na mabigyan ng academic leniency ang mga estudyante ng pamantasan na lubhang naapektuhan ng Bagyong Tino. Ngunit, wala umano sa tatlong mungkahi ng konseho ang inaprubahan ng administrasyon, kabilang ang pagtanggal ng mga deadline at exam, pagkakaroon ng alternatibong gawain, pagpapatupad ng no-fail policy, at pagtatapos ng semestre.
Kaya naman, marami pa rin umano sa mga estudyante ng UPC ang naghahabol ng gawain sa unang semestre kahit nagsimula na ang ikalawang markahan.
Patuloy na pagtindig
Sa kabila ng patong-patong na mga suliranin na kinaharap ng mga konseho ng UP System, nanindigan silang hindi sila kailanman mapatatahimik. Patunay na rito ang ibinahagi ng UPLB USC na iba’t ibang mobilisasyong naganap sa pamantasan, kabilang na ang kauna-unahang university-wide walkout ngayong taon, kung saan humigit-kumulang 7,000 estudyante at iba pang sektor ang nakilahok sa naturang pagkilos.
Ayon sa mga naging diskusyon, aktibo rin ang iba’t ibang mga kampus sa pagsasagawa ng organisadong pagkilos upang supilin ang panggigipit ng estado sa sangkaestudyantehan at tutulan ang neoliberal na porma ng edukasyon.
Bukod sa pakikiisa sa mga kilusan, naging tampok din sa mga ulat ang pagsasagawa ng educational discussions (EDs) na naaayon sa konteksto ng lugar na kanilang kinabibilangan.
Paniniwala ng UPB USC, hindi lamang dapat natatapos ang EDs sa USC, dahil mas mainam na isama rito ang mga organisasyon, kasama na rin ang pagsasagawa ng basic masses integration upang makipamuhay kasama ang masa nang sa gayon ay lumawak ang pang-unawa ng mga mag-aaral sa ginagalawang lipunan. ■
KUHA NI JHYANNE ALMENANZA



