Kasama ang mga ulat nila Jian Martin Tenorio, Leonard Magadia, Jhyanne Almenanza, Luke Cerdenia, Mervin Delos Reyes, Arwen Bas, Kim Rembrant Malaluan, Chynna Chavez, Dianne Barquilla, Aleli Bacolod, CJ Pine, at Karylle Payas

DAPAT MONG MALAMAN

  • Nagtipon-tipon ang mga konseho para sa resolution-building sa ikalawa at ikatlong araw ng General Assembly of Student Councils (GASC) nitong ika 6-7 ng Pebrero, 2026 sa GT-Toyota Asian Center, UP Diliman. 
  • Inilantad ng resolusyon ng UPLB CDC SC at UP Solidaridad ang kahalagahan na mapondohan ang mga publikasyon ng UP System.
  • Nagpasa rin ng mga resolusyon hinggil sa mga panawagang kumukondena sa korapsyon, huwad na mga imprastraktura, No Singko Policy, kapos na student services, at development aggression sa Mindoro.

Tumaghoy ang mga panawagan sa 60th Convention of the General Assembly of Student Councils (GASC) para sa mga resolusyong nakatuon sa pagpondo ng mga publikasyon, pagkundena sa neoliberal na edukasyon, pagsulong sa karapatang pang-estudyante, at paglaban kontra korapsyon, nitong ika-5 hanggang 7 ng Pebrero, 2026 sa Bulwagang Tandang Sora at GT-Toyota Asian Center, UP Diliman (UPD). 

Naghain ng resolusyon ang UPLB College of Development Communication Student Council (CDC SC), katuwang ang UP Solidaridad National Executive Council (NEC), na nagpapaigting sa kampanya para sa garantisado, regular, at malayang pondo ng mga publikasyon sa buong UP System. Matapos ang deliberasyon, ipinasa ng mga konseho ang resolusyon.

Batay sa datos na inilahad ng UP Solidaridad, 60% ng mga publikasyon sa UP System ay nananatiling walang pondo, samantalang lima mula sa 27 kasaping publikasyon ang walang pagkilala mula sa sarili nilang administrasyon, departamento, o kolehiyo. 

Habang nagsisilbing mga bantay ng katotohanan ang mga publikasyon, umaasa ang mga ito sa income-generating projects (IGPs), solisitasyon, donasyon, at sariling bulsa ng mga kasapi upang tustusan ang mga pangangailangan sa paglalathala ng kanilang mga dyaryo at balita.

“Ang ipinaglalaban ng UP Solidaridad ay mapondohan ang lahat ng mga estudyanteng publikasyon ng mga departamento, kolehiyo, at constituent unit sa pamamagitan ng karagdagang fee sa tuition. Hindi rin nito maaapektuhan directly ang mga estudyante natin, dahil kabilang ang ganitong mga fee sa coverage ng Free Tuition Law,” giit ni UP Solidaridad NEC Chairperson Vyan Abella.

Isa sa mga isyung nais tuldukan ng pagsulong ng mandatoryong badyet ay ang Section 5 sa Campus Journalism Act of 1991 kung saan nakasaad na opsyonal ang paglalaan ng pondo sa mga publikasyon ng Unibersidad at kolehiyo. 

Idinagdag pa ni Abella, banta naman sa editorial independence ang mga project-based at iba pang alternatibong source of funding ng mga publikasyon mula sa administrasyon, sapagkat malalagay sa alanganin na posisyon ang mga ito kung magiging kondisyonal ang paglalaan ng pondo. Kaya naman, ipinaglalaban ng UP Solidaridad ang institutionalized funding na hindi nakadepende sa kasalukuyang pondo at “kabutihang loob” ng isang departamento o opisina. 

Samantala, para sa ilang mga publikasyong funded, obligasyon pa rin umano ang pagsasagawa ng mga alternatibong paraan ng pagkalap ng pondo dahil sa mga burukratikong proseso ng disbursement at procurement.

‘OPTIONAL’

“OPTIONAL!,” ‘Yan na lamang ang naging sigaw ni CDC SC Vice Chairperson Johan Peña. “Walang kongkretong probisyon sa batas na nagsasabi na dapat na may matanggap na pondo ang mga publikasyon ng mga mag-aaral sa buong UP System,” dagdag niya.

Bukod pa rito, hinimok ni Peña ang mga konseho na isulong ang mga balitang nakaangkla sa konteksto ng masa at sa mga kwento na pilit ikinukubli ng mga malalaking burgesyang kompanya, imperyalista, at burukrata-kapitalista na sila umanong sanhi ng kakulangan o kawalan ng pondo ng mga student publication sa buong UP System.

Sinegundahan naman ito ni CDC SC Councilor Joaquin Catibayan, na ang panawagan ay hindi basta sa usaping badyet, kundi nakaangkla sa karapatan at pakikibaka ng mga mamamahayag.

“Dapat obligahin ang mga institusyon na maglaan ng mandatory allotted budget sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Campus Journalism Act of 1991, na hanggang ngayon ay itinuturing na opsyonal ang pagpopondo sa campus press,” aniya. 

Iginiit din ni Catibayan na sa gitna ng lumalalang krisis ng disimpormasyon, panunupil, at bulok na pamamahala, ang campus publications ay isa sa nananatiling huling depensa ng katotohanan, pananagutan, at malayang pamamahayag.

Sinuhayan naman ng UP Cebu University Student Council (UPC USC), Tug-ani, ang pahayagan ng UPC, UPLB College of Forestry and Natural Resources Student Council (CFNR SC), at UPLB USC ang pagpapasa ng resolusyon bilang pagkilala sa responsibilidad ng mga student journalist.

“Pinagpupugayan natin ang pag-establish ng ating mga college pubs, kabilang ang Tanglaw at The Staple, mula sa CDC at CEM [College of Economics and Management], kaya naman hinihikayat at sinusuportahan din natin ang iba pang kolehiyo na nagpaplanong magtayo ng sarili nilang college publications,” giit ni Datu Zahir Meditar mula sa CFNR SC. 

Hudyat nito, nais paigtingin ng UPD College of Media and Communication Student Council (CMC SC) ang mga kampanya upang isulong ang Campus Press Freedom Bill sa Kongreso. 

Iba pang mga panawagan

Bukod sa resolusyon hinggil sa pagpopondo ng campus publications, umalingawngaw ang iba pang mga panawagan tungkol sa
usaping badyet at imprastraktura sa UP System tulad na lamang ng mga naantalang proyekto, kabilang ang University Library and Knowledge Center (ULKC) sa UPLB. 

Ayon nga sa isang resolusyon, dahil sa budget cuts ay kasalukuyang iniinda ng mga benepisyaryo ng Student Learning Assistance System (SLAS), Student Assistant and Graduate Assistant (SAGA), at Student Assistantship and Special University Performers-Student Assistantship (SUPSA) ang pagkaudlot ng kanilang stipend at sweldo sa loob ng ilang buwan, na nagreresulta sa pinansiyal na mga problema. 

Umalma rin ang mga konseho sa isang resolusyon na nakasasama na umano ang labis na pagtutok ng kasalukuyang administrasyon sa pagpapalaganap ng mababaw na “excellence.” Ang pagpataw ng No Singko Policy sa CEM para sa mga mag-aaral ng Associate of Arts in Entrepreneurship at Bachelor of Science in Accountancy ay mariing kinondena, sapagkat ang hindi pag-abot sa maintaining grade ay magiging sanhi anila ng pagkawala ng mga estudyante sa listahan ng mga magtatapos sa kolehiyo, isang polisiyang, ayon sa mga konseho, ay ibig hubugin ang sangkaestudyantehan bilang murang lakas-paggawa. 

Gayundin, tangan ng mga konseho sa isang resolusyon ang isyu sa kaligtasan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagpapanawagan para sa konsultatibong pagrerebisa ng Anti-Sexual Harassment Code.  

We believe that a truly effective anti-sexual harassment code is not punitive alone–it is preventative, educational, and transformative. It must cultivate a culture where consent, respect, and ethical conduct are deeply embedded in everyday interactions,” pahayag ng UPLB College of Engineering and Agro-industrial Technology Student Council (CEAT SC).

Sa mga isyu sa labas naman ng UP System ay binitbit ng isang resolusyon ang kampanya laban sa talamak na pamamasista, development aggression, at pangangamkam ng lupa sa Mindoro.

Ayon sa UPLB College of Human Ecology Student Council (CHE SC, hindi nahihiwalay sa kalagayan ng mga katutubo ang usaping displacement na kaakibat ng pyudalismo at burukrata-kapitalismo dahil sa hitik na kayamanan ng Mindoro sa mga mineral. 

Inudyok naman ng UPLB College of Agriculture and Food Science Student Council (CAFS SC) na gamitin ng mga mag-aral ang kanilang boses upang ipatambol ang krisis sa Mindoro at isiwalat ang mga namamayagpag na kaso ng development aggression.

Sa pormal na pagtatapos ng GASC ay may naipasang 16 na resolusyong nakaangkla sa paglingap sa sangkaestudyantehan at mga batayang sektor ng lipunan. ■

KUHA NI JHYANNE ALMENANZA


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya