Unang araw pa lang ng February Fair 2026 ay bumuhos na ang malakas na ulan. Malamig ang unang dalawang linggo ng Pebrero—nagbabadya pa rin ang langit. Inaasahan ko nang sa mga susunod na araw ay magiging maulan pa rin ang panahon.
Ganito rin naman noong nakaraang taon. Sumasabay sa tambol ng mga panawagan ang patak ng tubig mula sa mga ulap. Umiihip kasabay ng indayog ng musika ang sariwang hangin ng amihan.
Kung minsan, iniisip ko na ang ulan ay parang musika rin. May ritmo ang bawat patak, may himig ang bawat paghagupit. Kapag isinaliw sa tunog ng tambol, gitara, at sigaw ng masa, nagiging bahagi ito ng himig ng pakikibaka.
Pero babalik ako sa tanong kung bakit ba laging umuulan tuwing Feb Fair? Siguro ay nagkataon lamang. Siguro ay ganito lamang talaga ang natural na siklo ng panahon kada taon. Pero kung may isa akong kakaibang katangian, iyon ay ang hilig kong magbigay ng kahulugan sa mga bagay-bagay.
Masama bang sabihin na umuulan sa Feb Fair dahil umiiyak ang langit? Marahil ay nakikisama ang kalikasan sa hinagpis ng bayan. Sa tuloy-tuloy na pamamasista, sistematikong korapsyon, at impyunidad na umiiral sa lipunan, kahit ang langit ay tumataghoy kasama ang sambayanan.
Sa gitna rin ng tumitinding development aggression na nararanasan sa iba’t ibang panig ng bansa, partikular na sa Dupax del Norte sa Nueva Vizcaya at Abra de Ilog sa Mindoro, ipinaaalala sa atin ng ulan na ang kalikasan ay buhay at nakikilahok—na hindi nalalayo ang laban nito sa laban ng mga tao.
Binabasag ng ulan ang ilusyon ng komportableng pakikibaka, ibinabalik tayo nito sa puso ng Feb Fair—isang laban na nakaugat sa masa at reyalidad. Sa bawat pag-apak natin sa basang damo ng Freedom Park, nanunuot ang putik sa malinis nating mga sapatos at natututo tayong bumalik sa lupa, upang hindi natin makalimutan na ang paglaban ay may kakabit na sakripisyo.
Ang ulan ay nagsisilbing salamin din ng ating realidad. Hindi natin kontrolado ang panahon, gaya ng hindi natin agad makokontrol ang mga puwersang panlipunan na humahadlang sa ating kalayaan. Ngunit sa kabila ng kawalan ng kontrol, natututo tayong magtiis at magpatuloy.
Sinasabi nito sa atin na hindi man perpekto ang kondisyon, may puwang pa rin ang lipunan para sa pagkilos, pag-asa, at tagumpay. Nawa’y madala natin ang perspektibong ito upang matagpuan natin ang konretong kondisyon ng lipunan—upang tumindig at makihanay sa mga pagkilos na ikakasa pa sa natitirang mga buwan ng taong ito.
Umuulan sa February Fair upang ipaalala na walang pinipili ang pakikibaka, lahat tayo ay nababasa, lahat tayo ay kailangang magtiis, lahat tayo ay pantay-pantay. Walang madaling daan sa paghihimagsik kaya’t inihahanda na tayo ng ulan upang matuto tayong magtiis at makibagay.
Nawa, kung sakaling patuloy pa ring pumatak ang tubig-ulan sa isang linggo nating pakikipaglaban ay mabasbasan tayo ng langit—hindi upang panghinaan ng loob kundi upang maghimagsik patungong tagumpay. ■
Si Leonard Magadia ay isang mag-aaral ng BS Development Communication at kasalukuyang Officer-in-Charge Editor-in-Chief ng Tanglaw.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.



