Bisperas pa lamang ng Valentine’s Day, nagkalat na ang mga nagtitinda ng bulaklak sa campus. Maging sa pagbyahe ko pauwi sa Quezon City, hindi nawaglit sa aking mga mata ang bawat simbolong nagpapaalala na papalapit na ang araw ng mga puso—sa dami na rin ng nagpupulahang regalo at mga taong nagmamahalan na mamamasdan mo sa daan.

Siguro, likas nga talaga sa mga Pilipino ang ganitong kagawian. Batay nga sa inilabas na survey ng SWS noong 2024, acts of service at giving gifts ang ilan sa mga dominanteng love language ng ating mga kababayan. Subalit, sa hirap ng buhay sa Pilipinas, tila may nakakalimutan tayong lenggwahe ng pag-ibig na mas nananaig sa marami sa atin. Isang love language na masasalamin mo sa ating pagdedesisyon bilang pangkaraniwang mamamayan—ang pagmamahal na naka-angkla sa antas ng praktikalidad.

Sa kasalukuyan, umaabot lamang sa nasa humigit-kumulang P650-P695 ang minimum wage sa bansa. Kung susuriin, ang halagang ito ay hindi na sumasapat upang makakain ang marami sa atin nang tatlong beses sa isang araw, pati na sa pagbabayad ng nagtataasang singil ng kuryente, tubig, at sa bahay na inuupahan. Dagdag pa rito, marami sa ating mga kababayan ang nananatiling kapos sa salapi, lalo na dahil sa pagka-delay ng sahod o di kaya’y sa kawalan ng trabaho, na siyang nagiging dahilan upang hindi makapagtabi ng pera para sa mga pansariling kagustuhan.

Sa ganitong reyalidad, ang isang bouquet ng rosas na nagkakahalaga ng P1,500-P3,000 tuwing sasapit ang Pebrero 14 ay tila hindi na lamang isang regalo—katumbas na ito ng dalawa hanggang limang araw na pagkayod sa trabaho nang hindi tinutugunan ang pansariling pangangailangan. Ang bawat piraso ng bulaklak ay tila katapat na ng isang kilong bigas, na kaya na sanang busugin ang isang pamilya para sa isang hapagkainan. At kung minsan, ang pagkain sa isang munting karinderya o pagluluto na lamang sa bahay ay mas matimbang pa kaysa sa isang candlelight dinner, dahil ang busog na tiyan ay mas mainam na regalo kaysa sa panandaliang karangyaan.

Dito natin nakikita ang pagbabago ng anyo ng pagsinta: ang dating mga magagarbong sorpresa ay nagiging isa nang porma ng tahimik na sakripisyo. Hindi na lamang natin binibigkas ang salitang “mahal kita,” bagkus ay isinasalin natin ito sa pagpili ng mas murang brand ng tsokolate para sa ating minamahal, sa paglalakad pauwi para makatipid sa pamasahe, at sa pagtitiis na magtipid sa sarili upang may maibigay na makapagpapasaya sa ating mga mahal sa buhay. Ang praktikalidad ay hindi kawalan ng tamis; ito ay ang pinakamataas na anyo ng pagmamahal sa gitna ng kakulangan.

Hindi ko naman sinasabing nakawan natin ang ating sarili sa pagkakataon ng minsanang paggastos upang magpasaya ng ating minamahal—maging ako rin ay aminadong ganoon. Ngunit, nais kong ipunto na hindi tunay na “happy”  ang Valentine’s sa marami sa atin dahil mas nangingibabaw na ngayon ang pag-iisip nang praktikal, bunga ng nagiging sapilitang isipin at tugon sa kahirapan ng ating bayan.

Kailangan nating kilalanin na ang praktikalidad ay hindi isang malayang pagpili, kundi ang love language ng mga katulad nating biktima ng kurakot at pahirap na sistema. Pinapatay ng kakarampot na pasahod at kawalan ng oportunidad sa ating bansa ang kakayahan ng ordinaryong mamamayan na malasap ang tamis ng selebrasyon nang walang kaakibat na pag-aalala at kaba sa susunod na babayaran pagsapit ng kinabukasan.

Kailanman, hindi magiging ganap na “puno ng pag-ibig” ang Valentine’s Day kung ang romance ay nagiging isang luho na para lamang sa mga may kaya. Habang ang mga nagmamahalan ay kailangan pang mamili sa pagitan ng bulaklak at bigas, ang pag-ibig ay mananatiling isang pakikibaka—patunay na sa bansang ito, ang pinakaromantikong love language na magagawa natin ay ang manatiling matatag sa piling ng isa’t isa, kahit na ang tanging baon lamang ay ang pag-asang bukas, hindi na kailangang maging ganito kahirap ang pagmamahal.

Kaya, huwag sana nating hayaan na manatili na lamang tayong bihasa sa wika ng praktikalidad. Ang pag-ibig ay siyang dapat na mapagpalaya, kung kaya’t maging mitsa sana ito ng patuloy nating pakikipaglaban para sa lipunang hindi na tayo gigipitin sa pagpili sa pagitan ng bulaklak at bigas. Sapagkat, ang pinakaromantikong maibibigay natin sa ating minamahal ay ang pakikibaka para sa isang bukas, kung saan ang pagmamahal ay hindi na isang luho ngunit isa nang karapatang kayang matamasa ng lahat. ■

Si Mervin Delos Reyes ay isang graduating student ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, na kasalukuyang kinukuha ang BS Development Communication. Siya rin ay kasalukuyang nagsisilbi bilang Associate Managing Editor for Shortform Reporting ng Tanglaw.

Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya