Pamilyar na sa aking mga tsinelas ang bawat gaspang at lubak ng kalsada, mula sa pagtakbo sa umaga patungo sa klase hanggang sa pamimili ng mga bagay at makakain sa iba’t ibang mga kanto. Subalit, sa pagmamadali nating makarating sa ating nais na paroroonan, gaya ko, ay madalas nating makalimutan na ang aspaltong ating tinatapakan ay dumaan din sa pakikipagsapalaran. At kung pakikinggang maigi, maririnig natin ang pintig nito—ang umaalingawngaw na pintig mula sa buhay ng mga nasa lansangan na tumatawag sa atin.

Palagay ko’y hindi na iba ang pintig na ito sa nakararami. Kung minsan, ito ang ritmo ng mga drayber na lumalaban para sa kanilang pangkabuhayan sa gitna ng banta ng modernisasyon. Ito rin minsan ay nasa himig ng mga manggagawang naglalakad sa ilalim ng tirik na araw para magtrabaho para sa kakarampot at hindi nakabubuhay na sahod. At kung minsan, ito rin ang paos na sigaw mula sa mga mamamayang bumabagtas ng malalayong kilometro mula sa kanayunan upang bitbitin ang kani-kanilang mga panawagan. Sa bawat yapak, may kuwentong pilit na ibinabaon sa ilalim ng aspalto, na siya ring nagiging pintig ng kalsada sa bawat paghakbang pasulong.

Ngunit hindi kailanman naging makinis ang landas na tinatahak ng pintig na ito. May mga lubak na tinitisod tayo sa bawat paghakbang—mga hukay na hindi lamang likha ng panahon, kundi marka ng korapsyong talamak sa ating sistema. Sa bawat hukay, masasalamin ang pondong hindi nakarating sa serbisyo, mga proyektong kinaltasan para sa pansariling interes, at ang kapangyarihang ginagamit upang lalong pilayan ang mga mga nasa laylayan.

At kung minsan, nakalulungkot isipin na para sa iilan, normal na lamang ang mga lubak na ito. Tinatanggap na lamang natin ang pagkadapa bilang bahagi ng tadhana, sa halip na makita ito bilang isang bagay na kailangang ayusin. Nakasanayan na nating umiwas, tumalon, at magtiis sa baku-bakong daan, habang ang mga arkitekto ng mismong lubak na ito ay komportableng dumaraan sa mga kalsadang kailanman ay hindi nila nilakad.

Ngunit hindi habambuhay ay dapat lamang tayong umilag, at ang lansangan mismo ang nagpapaalala sa atin nito. Apat na dekada na ang nakalipas nang maganap ang makasaysayang EDSA People Power Revolution, na pinatunayang may higit na kayang gawin ang isang kalsada. Kaya nitong maging sandigan ng libu-libong Pilipinong tumindig laban sa diktadura, at kaya nitong tipunin ang nag-aalab na galit ng mga mamamayang nais kumawala sa mga garapal sa kapangyarihan. Higit sa lahat, kaya nitong pag-isahin ang magkakaibang sigaw ng bawat mamamayan—mapaestudyante, manggagawa, pesante, at kababaihan, lahat ay magiging magkakaugnay para sa iisang pintig ng hustisyang nais ipaglaban.

Ngayong kasalukuyang panahon, muling umaalingawngaw ang tawag na iyon. Tinatawag tayo ng kalsada dahil unti-unting bumabalik at tumatapang ang mga anino ng nakaraan. Sa gitna ng pananakot, panunupil, at pambubulag sa atin mula sa katotohanan, ang lansangan ay nananatiling pinakatapat na saksi—hindi nito kayang itago ang bigat ng bawat hirap ng isang pangkaraniwang Pilipino, lalo na ang hapdi ng kanilang bawat sakripisyo dahil sa kapalpakan ng estado.

Kaya naman, ang pagtungo natin sa EDSA ngayong araw ay hindi lamang paggunita sa kasaysayan. Ito ay isa ring pagharap sa mga bagong lubak ng ating panahon—ang pagbaluktot sa hustisya at sa mga krisis na nananatiling kanser ng ating lipunan. Ang paglabas natin sa lansangan ay isang paanyayang basagin ang ipinupwersang katahimikan at patambulin ang tinig ng lansangan—kasama ang hinaing ng bawat sektor na nakakasama natin sa araw-araw na pakikipagsapalaran.

Huwag na nating hayaang maging pipi ang sementong ating tinatapakan. Bagkus, punan natin ang ating bawat yapak ng paninindigan at bagtasin ang mga lubak nang may paniningil at galit sa mga may pananagutan. Ipakita natin na ang lansangan ay buhay, humihinga, at handang muling maghimagsik, lalo na sa rehimeng Marcos-Duterte na walang habas na naghahari-harian.

Tinatawag tayo ng lansangan. Tayo ay makinig, manghamig, at makiisa.■

Si Mervin Delos Reyes ay isang graduating student ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, na kasalukuyang kinukuha ang BS Development Communication. Siya rin ay kasalukuyang nagsisilbi bilang Associate Managing Editor for Shortform Reporting ng Tanglaw.

Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya