DAPAT MONG MALAMAN
- Inakusahan ng kapulisan ang mga driver ng sasakyang bitbit ang mga delegado ng Timog Katagalugan ng kasong obstruction dahil sa umano’y paglabag sa patakarang pantrapiko.
- Hindi nagpatinag ang delegasyon at nagkasa ng iglap-protesta laban sa nangyaring pagharang at pambabarikada ng mga pulis.
- Nagtagumpay ang mga delegadong makausad sa biyahe patungong EDSA Shrine sa kabila ng tangkang pagpigil ng kapulisan.
Hinarang ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ng Philippine National Police (PNP) ang 15 sasakyang lulan ang delegasyon ng Timog Katagalugan sa kanto ng Mithi at Pureza Street sa Maynila dahil umano sa paglabag sa batas-trapiko habang papunta sila sa EDSA Shrine upang makiisa sa malawakang pagkilos para sa ika-40 taong komemorasyon ng EDSA People Power Revolution, ika-25 ng Pebrero.
Obstruction ang naging katwiran ng mga ahente ng MDTEU kaya puwersahan nilang hinarangan ang mga delegado at hindi pinahintulutang magpatuloy maliban na lamang kung mag-iiwan ang mga driver ng lisensya sa kanila.
Gayunpaman, mariing tumutol ang mga delegado at iginiit na hindi makatwiran ang naging kondisyon ng mga pulis. Sa huli, nagkaroon umano ng kompromiso sa pagitan ng dalawang panig na kung saan papayagan lamang silang umalis kung makapaghihintay sila ng clearance mula sa lokal na pamahalaan.
‘Tabi! Tabi! Dadaan kami!’
Sa kabila ng napagkasunduan, nanindigan ang mga delegado na tanging palabas lamang ang kondisyon na ibinigay ng kapulisan dahil kasabwat din umano nito ang barangay upang tuluyang hindi nila maabutan ang programa ng pambansang pagkilos sa EDSA Shrine. Patunay umano rito ang nakaraan nilang karanasan noong 2024, kung saan bago pa man tuluyang makapunta sa Kamaynilaan ang delegasyon ng Timog Katagalugan, iba’t ibang checkpoint na ang humarang sa kanila.
Dahil dito, hindi nagpatinag ang mga delegado at nagkasa ng iglap-protesta sa kanto ng Mithi at Pureza Street, upang manawagan na payagan silang dumaan.
Giit ni Roel Alconera, manggagawa mula sa Unyon ng mga Panadero sa Gardenia Bakeries Philippines Inc. (UPGBPI-OLALIA-KMU), wala namang magaganap na pagkilos sa naturang barangay kung hindi sila hinarang. Paniniwala pa niya, gasgas na ang taktika ng kapulisan tungkol sa kondisyon ng pagbababa ng clearance, dahil ang tunay na layunin ng mga pulis ay hindi makaabot ang mga batayang sektor sa programa sa EDSA.
“Pakakatandaan natin, mga kababayan, kailanman ay hindi naging krimen ang mag-voice out ng ating mga karapatan, at ito’y dapat iginagalang ng mga tagapagpatupad ng batas. Karapatan natin [na] magsalita. Karapatan natin na kumilos, at tayo’y dapat hindi pinipigil, pigilan, [at] pumigil ng kahit na sinuman habang tayo ay naglulunsad ng mapayapa nating programa,” dagdag pa ni Alconera.
Samantala, kinundena rin ni Jonathan Marcado ng Anakbayan – Lupang Ramos ang harap-harapang paglabag ng kapulisan sa kanilang karapatan na manawagan laban sa panunupil ng estado sa kanilang kapwa magsasaka. Aniya, wala raw bang hiya ang mga pulis gayong ipinagpaliban pa nila ang almusal at itiniis ang gutom upang makiisa sa protestang haharangin lamang nila?
Pahayag pa ni Marcado, danas nilang mga magsasaka ang samu’t saring red-tagging at banta sa kanilang buhay. Aniya, hindi rin pinapalagpas ng estado ang kabataang wala pa sa 18 anyos sa mga gawa-gawang paratang hinggil sa red-tagging.
“Anong porma ng hustisya ang mayroon ang Pilipinas kung ang magsasakang nagpapakain sa inyo ay isa sa nilalabagan ninyo ng karapatan?” kuwestiyon ni Marcado. “Mga magsasaka ang dahilan kung bakit may pagkain sa hapag. Mga magsasaka ang dahilan kung bakit kumakain ang inyong pamilya, ngunit mga magsasaka ang inyong dinarahas,” giit pa niya.
Balatengga laban sa mga kalasag
Lumipas ang isang oras na paghihintay ng multisektoral na mga grupo mula sa Timog Katagalugan ay wala pa rin ang ipinangakong clearance; sa halip ay hilera at barikada ng kapulisan ang inihain sa kanila. Ikinagalit ito ng mga delegado, dahil malinaw umano na ipinakikita nito kung gaano karahas ang estado laban sa mga mamamayang nais lamang labanan ang sistemikong katiwalian sa ilalim ni Marcos Jr.
“Ano po ‘yang hawak ninyo? Mga shield! […] Ano po bang hawak namin? Mga balatengga at placards!” sigaw ng Anakbayan – Southern Tagalog.
Dagdag pa nila, makikitang hindi kakampi ng mga mamamayan ang kapulisan at estado, kaya marapat lamang na ipagpatuloy nilang ilaban ang kanilang mga karapatan at panagutin ang itinuturing na hari at reyna ng korapsyon na sina Marcos Jr. at Sara Duterte.
Samantala, iginiit din ni Kim Iris Beldia ng Gabriela Youth – UPLB na hindi kinakailangan ng clearance ang tinig ng kababaihan. Paniniwala niya pa na lalong hindi rin dapat ipinapasakamay sa estado ang pagbibigay ng permiso na labanan nila ang harassment, pang-aabuso, at korapsyon sa loob ng patriyarkal na lipunan.
Negosasyon upang makaabante
Sa kabilang banda, habang nagpatuloy ang programa, nakipag-ugnayan naman ang isa sa mga kinatawan ng Bagong Alyansang Makabayan – Timog Katagalugan (BAYAN-TK) na si Kyle Salgado sa mga opisyal ng Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa paglabag ng kapulisan sa karapatan ng mga batayang sektor na tumungo sa EDSA at makiisa sa malawakang pagkilos.
Kasunod nito, pinagharap ng CHR sina Salgado at ang kapulisan upang makipagdiskusyon patungkol sa pag-abante. Nangatwiran si Salgado na sa kabila ng kaniyang paggalang sa mga peace officer, hindi nawawala ang katotohanan na ang bansang Pilipinas ay nasa ilalim na ng demokratikong pamamalakad. Ang kanilang naging porma ng pagkilos ay siyang tugon upang labanan ang katiwalian at ang patuloy na paglabag ng estado sa kanilang karapatang pantao. Kung kaya, mariin niyang ipinaglaban na wala silang ginawang mali.
Sa kabila nito, nanindigan ang MDTEU na maaga namang matatapos ang problema kung isinuko lamang ng mga driver ang kanilang lisensya at pumayag na mabigyan ng ticket, dahil pinanghahawakan pa rin nila ang naratibo na lumabag sina Salgado sa batas-trapiko.
Matapos ang pagtatapat ng dalawang panig, naghayag ng saloobin si Salgado sa isang panayam patungkol sa nangyari. Iginiit niyang itinatali lamang ng pulisya ang Timog Katagalugan sa technicalities at legalities, upang itago ang tunay nilang hangarin na pigilan silang makaabot sa EDSA.
Dagdag pa niya, mula pa noong biyahe sa Liwasang Bonifacio, nagmamanman na ang mga pulis sa kanilang sasakyan. Aniya, ang nais lamang nilang mangyari ay matigil na ang komosyon sa Pureza Street at tuluyan nang makaabante patungo sa pambansang pagkilos.
Paliwanag naman ni Alconera na kasama sa naging pag-uusap, mali ang pagturing ng mga pulis nang dahil lamang sila ay nag-convoy. Ayon sa kaniya, nagsimula lamang mapahinto ang nangungunang sasakyan, dahil hinarang ito ng mga pulis. Bunga nito, tumigil din ang lahat ng kasunod na sasakyan na tinawag ng MDTEU bilang obstruction.
Matapos ang mahabang diskusyon sa nangyari, nagbigay lamang ang kinatawan ng UPGBPI-OLALIA-KMU ng sampung minuto o hanggang ala-una ng hapon sa naturang komisyon upang palayain na sila mula sa barikada ng kapulisan. Naniniwala siyang sa pamamagitan ng CHR at pagtindig ni Salgado, mas napabilis nito ang proseso na maka-abante mula sa panghaharang ng mga pulis.
Matapos ang tatlong oras na paghihintay, bandang ala-una ng hapon, nasaksihang tuluyan nang nililigpit ng kapulisan ang kanilang hawak na mga kalasag at batuta. Ito ay tandang maaari nang umabante ang mga batayang sektor matapos ang ilang oras na paggigiit sa kanilang karapatang tumagos sa barikada. Paniniwala ng mga delegado na panibagong tanda ito ng tagumpay sa kasaysayan, kung saan nakaalpas muli sila sa taon-taong pagtatangka ng estado na harangin ang buong lakas ng mga mamamayang Pilipinong lumalaban. ■
KUHA NI MERVIN DELOS REYES



