Bandang alas-tres ng umaga kami umalis sa Los Baños noong Pebrero 25 para sa gaganaping pagkilos para sa komemorasyon ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Uprising, ang paghihimagsik ng masa na nagpabagsak sa diktadurang Marcos noong 1986. Mahaba ang naging pagpaplano para sa programa, at sa bahagi naming midya, mahaba rin ang pagpaplano para sa paglalathala ng mga istorya. 

Kung babatay sa kondukta, sa Mendiola dapat ang una naming tunguhin para sa rehiyonal na programa ng Timog Katagalugan. Bandang alas-singko nang dumating kami sa Liwasang Bonifacio, Maynila, nabalitaan naming may pihit daw. Idineklara kasing ‘no-rally zone’ ng kapulisan ang Mendiola. Binarikadahan ito ng daan-daang pulis, habang may barbed wire din ang kalsada patungo sa Palasyo. 

Naalala ko no’n ‘yung kwento sa akin ng isang kasama. Noong bumagsak daw ang diktadura, winasak ng mga mamamayan ang barbed wire fence sa Mendiola, pinutol-putol ito at pinaghati-hatian bilang subenir—paalalang lumaban sila para sa kalayaan at demokrasya.

Bunsod ng pihit, nagdesisyon ang delegasyon na tumungo sa Plaza Lacson upang doon ilunsad ang programa. Marahil, ang panghaharang sa Mendiola ng kapulisan ay tahasang pagpapakita ng reyalidad na nasa de facto Martial Law tayo ngayon. Matapos ang apat na dekada, ang anak na ng pinatalsik na diktador ang nananahan sa Malakanyang. 

Matagumpay naman ang programa sa Plaza Lacson. Nairehistro ng mga progresibong grupo ang kanilang panawagan para sa pagpapatalsik kina Marcos at Duterte. Buong-lakas nilang ipinakita na buhay ang diwa ng EDSA sa kilusan. Ngunit nagsisimula pa lang ang araw. 

Sa byahe patungong EDSA, bahagi ng delegasyon ang hinarang ng mga pulis sa Pureza. Walang legal na batayan ang panghaharang. Intimidasyon ang bitbit ng mga pwersa ng estado, ngunit sikhay at tapang ang tugon ng mga grupo. 

Sa mahigit dalawang oras na pagkakaantala ng kanilang pag-arangkada, matapang na naglunsad ng iglap-protesta at noise barrage ang mga grupo. Malinaw at malakas ang galit ng mga grupo sa kapulisan, sa pwersang kinasasangkapan ng estado para sa pagpapanatili sa kasalukuyang kaayusan.

Walanghiya ang mga pulis para sa kanilang pagharang sa mga kalsadang pag-aari ng masa. Walanghiya sila para sa paggamit ng dahas, sa pagtangkang gumamit ng baril, laban sa mga mamamayang nakikibaka. Walanghiya sila sapagkat ang pinagsisilbihan nila ay ang naghaharing-uri.

Walanghiya sila kung kaya’t ang Pureza, na hindi naman bahagi ng orihinal na kondukta, ay naging espasyo para sa protesta. 

Sa kabilang banda, naro’n kaming mga hindi kasama sa harangan. Mahigit tatlong oras kaming bumabyahe sa mga kalsada ng Maynila at Quezon City. Ilang beses din akong nakaidlip sa pagod. Wala na kasi akong tulog magmula pa noong nakaraang araw. Bukod kasi sa gawain sa kilusan at sa alternatibong midya, bitbit ko rin ang bigat ng pagiging isang estudyante. 

Ang sabi, malapit na raw ang midterm examinations sa UP. Para sa akin at sa marami pang ibang kasama, sa kahabaan ng EDSA ang tunay na pagsusulit—ang pagsusulit na sumusukat sa lakas ng masa laban sa karahasan ng estado. Kalakhan sa mga nakita kong mukha ro’n ay kapwa ko kabataan, nakakatuwa’t marami pa ang nagmula sa Elbi at sa Devcom. Hindi na nakapagtataka na ang aming exam ay nasa larangan ng paglaban, sapagkat gagap naman ng kabataan na ang tunay na pamantasan ay nasa mga lansangan.

Danas ko ang pagsusulit nang araw na iyon. Sa ilang taon ko kasi bilang isang peryodista, unang beses kong makaranas ng gitgitan sa pagitan ng masa at kapulisan. Pagkarating sa EDSA, sinubukan kong pumasok sa loob ng mga hanay upang kumuha ng mga litrato sa mas malapit na anggulo. Noong tinatangka ko nang lumabas, tumutulak na ang masa paharap. 

Marahil ayon talaga ang panahon ng pagpapasya para sa akin: susubukan ko bang pwersahang lumabas sa hanay, o tutulak ba ako pasulong kasama ng masang nakapaligid sa akin? Ano nga ba ang lugar ng isang peryodista sa pakikibaka?

Madalas itinuturo sa mga batang mamamahayag, lalo na sa mga katulad kong lumaki sa kultura ng neoliberal na preskon, na wala dapat pinapanigan ang midya, na may bitbit na neutralidad ang mga peryodista. Kaakibat ng neutralidad na ito ang ideyang dapat hiwalay ang isang mamamahayag sa istoryang kanyang sinusulat, kung hindi ay magkakaroon ng bias o pagkiling. 

Palagi kong sinisikap na bakahin ang gano’ng paniniwala, ngunit noong EDSA siguro ang pinakasalat at konkretong porma ng pakikibaka para sa akin. ‘Yung mga sandaling tumutulak kami pasulong—para sa akin, ayon ang pinakamateryal na demonstrasyon ng reyalidad na tayong mga peryodista ay mga aktibista rin, na tayo ay may pagkiling at ang pagkiling na iyon ay sa masa at sa masa lamang. 

Mahalaga ang aral ng EDSA sa akin mula sa araw na iyon, paniguradong babaunin ko sa mas mahabang paglalakbay bilang isang mamamahayag at aktibista. Ipinaalala sa akin ng masa at ng pwersang aking nadama na walang monopolyo sa lansangan ang pamahalaan. Walang permit na kinakailangan para mag-rally. Wala sa mga organisador o sa estado ang karapatang magdikta sa direksyong tatahakin ng pakikibaka. Ang kapangyarihan, sa dulo’t dulo, ay tanging nasa sambayanan.

Aaminin ko, dama ko pa rin matapos ng mga sandaling iyon ang sakit sa aking katawan. Wala rin kasi akong kain bago tumungo sa EDSA, wala rin akong tubig o pera man lang para makabili ng Sting na aabot sa trenta’y singko ang isa sa Kamaynilaan. Sa dulo, sikhay at militansya lang ang baon namin. 

Sa dulo, sikhay at militansya rin ang magtutulak sa atin hanggang sa tagumpay. ■

Si Luke Cerdenia ay isang mag-aaral ng AS Development Communication na nagsilbi bilang Managing Editor ng Tanglaw noong nakaraang semestre. Kasalukuyan siyang kolumnista ng pahayagan.

Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya