Silakbo


Binuksan natin ang Women’s Month ngayong taon sa isang eksenang hindi dapat nangyari: sa loob mismo ng Kongreso, sa isang pagdinig na dapat ay nakasentro sa batas at pananagutan, isang mambabatas ang nagpasiyang gawing halimbawa ang katawan ng isang babae para ipaliwanag ang kaniyang punto. Nangyari ito noong ika-3 ng Marso sa pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment laban kay Sara Duterte na isang seryosong isyu.

Sa dami ng pwedeng gamiting halimbawa para ipaliwanag ang batas, pinili niyang bumaba sa ganitong kababang antas. Ipinakikita nitong mas madaling ibalewala ang dangal ng isang babae kaysa mag-isip ng matinong analohiya. Walang pakundangan niyang ginawang normal ang pag-objectify sa harap ng pambansang telebisyon.

Pinag-uusapan ang bigat ng batas, partikular ang pagkakaiba ng simpleng “pag-iisip” at ng mismong “aksyon” pagdating sa mga alegasyon ng sedisyon. Ngunit para ipaliwanag ang puntong legal na ito, kinailangan pa ni Quezon City 4th District Rep. Jesus “Bong” Suntay na kaladkarin ang pangalan ng aktres na si Anne Curtis bilang isang props sa kanyang inilatag na senaryo.

Ayon sa mambabatas, kung makikita niya raw ang aktres sa mall, sasabihin niyang “ang ganda ganda niya,” at doon ay papasok ang imahinasyon kung “ano ang pwedeng mangyari.” Ginamit pa niya ang salitang “nag-init” para bigyang-diin ang kanyang nadama sa kanyang hypothetical na sitwasyon.

Kapag ang imahinasyon ng isang nasa pwesto ay ipinabatid sa publiko, nagiging pahayag iyon: ito ang kultura na dapat ay hindi natin palampasin. Kapag ginagawang normal ng mga taong nasa kapangyarihan ang ganitong pananalita, binibigyan nila ng lisensya ang mga ordinaryong manyakis sa kanto. Ang kabastusan sa itaas ang nagiging batas sa ibaba. Ipinapakita nitong ligtas ang mga nang-o-objectify ng babae, habang ang mga Pilipina ang patuloy na mag-a-adjust, yuyuko, at matatakot sa sarili nilang komunidad.

Kung ang isang kongresista ay kayang magkwento tungkol sa “pag-init” niya sa isang babae habang naka-live broadcast, paano pa natin masisisi ang tambay na sumisipol sa mga babaeng naglalakad pauwi?

Ang sining ng ‘non-apology’

Umani ang pahagayag ni Suntay ng matinding batikos mula sa Philippine Commission on Women (PCW), mga kapwa mambabatas tulad nina Rep. Sarah Elago at Rep. Leila de Lima, mga women’s group, at maging sa alkalde ng kaniyang sariling lungsod na si Joy Belmonte.

Ngunit naglabas pa rin ng statement si Suntay gamit ang paboritong palusot ng mga taong entitled: ang gasgas na non-apology. “No malice intended. I apologize to anyone who was offended.”

Kailan pa nawalan ng malisya ang pag-amin sa pampublikong espasyo na “nag-init” ka sa imahinasyon mo patungkol sa isang babae? Walang puwang ang “sorry kung may na-offend” sa tunay na pagsisisi. Isa lamang itong manipulatibong paraan ng gaslighting. Ipinapasa nito ang sisi sa mga taong nakarinig, dahil umano “masyado silang balat-sibuyas,” sa halip na akuin ang kabastusan ng kanyang mga salita. Pinaninindigan pa niya ang kanyang analogy na para bang utang na loob pa natin sa kanyang katalinuhan na naintindihan natin ang batas gamit ang kaniyang pantasya.

Sila mismo ang nagpasa ng Republic Act No. 11313 o ang Safe Spaces Act na mas kilala bilang Bawal Bastos Law. Bilang mambabatas, inaasahang kabisado niya dapat ito hanggang sa pinakamaliit na bantas. Malinaw sa batas: krimen ang unwanted sexual remarks at lantarang pambabastos sa mga pampublikong espasyo. Paanong ang mismong gumagawa ng batas ang siyang unang bumabastos dito? Tila abswelto sila sa sarili nilang mga patakaran. Safe spaces para sa lahat, maliban sa mismong loob ng Kongreso? Isang nakakadiring kabalintunaan na sa mismong bulwagan kung saan ipinagtanggol ang batas na ito, doon din malayang niyuyurakan ang dangal ng kababaihan.

Bilang lalaking pumapalag sa patriyarkiya, walang kabawasan sa aking pagkalalaki ang pagpuna sa ganitong kabastusan. Wala sa pagtatanggol ng machismong ego ang tunay na tapang. Nasa pagtindig ito laban sa baluktot na pananaw—lalo na kung nanggagaling sa mga nasa kapangyarihan.

Ang panganib ng ‘imahinasyon’

Tama ang panawagan ng PCW at ng kababaihan sa Kamara. Walang silbi ang pilit at hungkag na paghingi ng tawad. Kailangan ng seryosong gender sensitivity training para sa ganitong klaseng pag-iisip. Kailanman, walang babaeng ipinanganak para maging props sa mga ganitong klaseng argumento. Walang babaeng ginawa para payabungin ang inyong machismo. At lalong walang babaeng nandito para maging sentro ng inyong “hypothetical” na pagnanasa.

Ngayong Pandaigdigang Buwan ng Kababaihan, pananagutan, respeto, at ligtas na espasyo ang ating panawagan. Isang mapait na paalala ang insidenteng ito: mahaba pa ang laban para sa tunay na pagkakapantay-pantay. Hangga’t hinahayaan nating makalusot ang mga ganitong opisyal gamit ang gasgas na “sorry kung na-offend kayo,” mananatiling bingi ang mga institusyon sa hinaing ng mga kababaihan.

Kailangang ipaalala sa mga nakaupo: hindi isang boys’ club ang Kongreso. Sagrado ang bulwagang ito para sa pagbabalangkas ng mga batas na magpoprotekta sa mga mamamayan, kabilang na mismo ang kababaihan. Kaya napakalaking sampal sa atin na sa mismong sentro ng kapangyarihan, kung saan inaasahan ang seryosong diskurso, biglang aalingawngaw ang ganitong kabastusan. Nakasalang ang usaping legal at kinabukasan ng bayan—batas ang usapan, bakit libog ang lumabas? 

Igalang ninyo ang kababaihan, o lisanin ninyo ang Kongreso. Huwag ninyong ipasa sa amin ang dumi ng inyong imahinasyon. ■

DISENYO NI ALEX RAMOS


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya