Ang bigat ng buhay ngayon.
Barya na lang ang pera ko. Ubos na rin ang delatang sardinas sa kahon, ang instant coffee, at ang Sting na bumubuhay sa akin. Hindi pa ako bayad sa renta mula noong Enero, at magtatatlong buwan na mula noong huli akong nakauwi sa’min sa Rizal.
Nakakausap ko naman palagi sa telepono si Mama—tinatanong niya ako tungkol sa aking pag-aaral at sa trabaho ko bilang midya para sa masa, sinasabihan niya akong magtipid kasi marami pa kaming utang na kinakailangang bayaran, pero pinaaalalahanan niya pa rin akong kumain nang sapat.
Pagod ako sa paraang paniguradong intinding intindi ng mga estudyanteng katulad ko—kinakabahan, nagkukumahog, nagpupursigi, hindi makatulog dahil sa posibilidad ng pagbagsak. Ngunit iba ‘yung pagod tuwing binubuksan ko ‘yung cellphone ko at sinusubukang mag-scroll sa social media.
Patuloy kasi ang pambobomba ng US-Israel sa mga komunidad sa Gaza. Nagpasabog din sila ng mga missile sa Iran, na tumama sa mga paaralan at pumatay ng daan-daang kabataang kababaihan. Sa mga suri, malinaw ang hangarin ng tambalang US-Israel—pananakop, regime change o walang hanggang digmaan, at pangangamkam ng langis. Sa madaling sabi, kasakiman sa kapangyarihan.
Habang binabasa ko ang balita kasabay ng pagbibilang ko sa katiting na barya na mayro’n ako, gagap na gagap ko kung gaano kaliit ang aking problema.
Ang hirap na dinaranas ko, malabnaw. Nakabatay ito sa kung paano ako makapagtatapos ng kolehiyo o kung paano ako makapapasa sa midterm examinations ko ngayong linggo. Ang hirap naman na dinaranas nila, malalim. Nakaangkla sa hiling na mabuhay, sa pagtawag para sa kaligtasan, sa desperadong pagtatangka na masuwerteng makatakas sa mga bomba, sa katiting na pag-asang matatapos din ang digmaan.
Sa totoo lang, sobrang dali nitong gawing herarkiya ng paghihirap. Patimpalak ng pagdurusa sa buhay, kung saan malinaw na ako ang talo. Hindi naman katumbas ng burnout ang mga komunidad na ngayo’y abo na. Malayo ang mga utang sa sapilitang paglisan sa mga tirahan. Ang pangungulila para sa pakiramdam ng tahanan ay ibang iba sa daing ng kabataang umiiyak sapagkat wala na silang magulang na kayang magpatahan.
Ngunit ang puntong nais kong ibahagi ay hindi pagkukumpara ng kung sino ang mas miserable—para sa’kin, mababaw ‘yon.
Ang punto ay ang pagkwestyon sa umiiral na sistema, kung bakit nito hinahayaang maranasan natin ang krisis bilang isang bahagi ng buhay, habang nararanasan ito ng iba, sa malalayong lupain, bilang pang-araw-araw na sitwasyon. Kung bakit hinahayaan ng sistema na may iilang katulad natin na kayang mangarap maging doktor, abogado, o inhinyero, habang ang kaya lang pangarapin ng nakararami ay ang manatiling buhay hanggang sa susunod na linggo.
Bahagi tayo ng usaping ito, sapagkat ang bansang ating kinatatayuan ay hinuhulma rin ng mga dayuhang kapangyarihan. Habang may mahaba tayong kasaysayan ng kolonyalismo mula sa mga Kastila, mayroon din tayong nagpapatuloy na kasalukuyang imperyalismo mula sa Estados Unidos.
Minsan nga, napapaisip ako na marahil pati ang presensya ko sa UP ay dulot ng kasaysayan at kasalukuyang sitwasyong mayro’n tayo. Ang edukasyon ko ay pinopondohan ng taumbayan, oo, ngunit ang pondong ito ay dumaraan sa isang pamahalaang hindi kayang tumaliwas sa dayuhang kontrol.
Malinaw ngayon na tayong mga Pilipino ay hindi hamak na tagapagmasid. Kasama tayo sa usapin ng kapangyarihan.
Ang sabi nila, may iba’t ibang mukha ang karahasan. ‘Yung una, magarbo. Sumasabog, bumabasag ng aspalto, at nag-iiwan ng mga katawan. ‘Yung pangalawa naman, mas mahirap makita. Sistematiko. Gumagalaw sa bisa ng mga polisiya gaya ng EDCA site agreements, trade policies, at weapon contracts.
Katulad ng nakararami, mas itinuro sa akin na makita ‘yung una habang ipinagsasawalang-bahala ‘yung pangalawa. Napagtanto ko na ngayon kung bakit. Mahalaga kasi sa pagpapanatili sa kapangyarihan ang kasiguraduhang malinaw sa atin ang isang maliit na bahagi ng larawan, ngunit hindi ang buong balangkas ng malawakang karahasan.
Kung kaya’t hindi ko masabing malayong trahedya ang nangyayari sa Iran at Gaza. Sumasabog din ang mga bomba sa Mindoro, kinakamkam din ng mga dayuhan ang mga lupain sa Nueva Vizcaya, sinusupil din ang progresibong tinig sa pamantasan. Malinaw ngayon na ang distansya ay pulitikal—isa itong instrumentong ginagamit upang udyokin tayong ‘wag magkaroon ng interes.
Ang parehong mga alyansang humuhulma sa Kanlurang Asya ay siyang nagbibigay-anyo sa Timog-Silangang Asya. Ang parehong mga pamahalaang nagpopondo ng bombang bumabagsak sa mga paaralan sa Iran ay siyang nagpopondo ng mga iskolar mula sa iba’t ibang bayan. Ang parehong mga militar, gaya ng US na anila’y kakampi natin sa laban, ay silang nagpapasabog ng mga kaaway buwan-buwan.
Ang distansya, samakatuwid, upang bigyang-diin, ay pulitikal. Ang katiting na kaginhawaang nararamdaman ng marahil napakaraming Pilipinong katulad ko ay hindi inosente, labag ito sa ating konsensya sapagkat hinuhulma ito ng isang sistemang nagsasabi sa ating wala dapat tayong pake sa nangyayari sa mga kapwa nating masang-api sa ibang bansa.
Mas madaling maturol ang reyalidad na ito dahil sa modernong konsepto ng giyera, kung saan hindi na natin kinakailangang direktang tamaan ng bomba o makaranas ng paglusob ng hukbong militar ng ibang bansa upang makaramdam ng pinsala. Dahil sa giyerang agresyon ng US-Israel sa Iran na nagdulot ng pagsara ng Strait of Hormuz—ang daluyan ng malaking porsyento ng kalakalan ng langis sa buong mundo—sumisirit ang presyo ng mga produktong petrolyo, na mas pinaiigting ng mga lokal na polisiya kagaya ng Oil Deregulation Law at labis na buwis sa mga batayang serbisyo.
Hindi malabong mas tumaas ang presyo ng mga bilihin, ang inflation, ang ating paghihirap. Ang paghihirap ng libo-libong tsuper at komyuter. Ang paghihirap ng milyon-milyong manggagawa. Ang paghihirap ng sambayanang Pilipino.
Napagtanto ko man ang lahat ng ‘yan, hindi pa rin naman naglalaho ang aking kapaguran—sa totoo lang, mas bumibigat pa nga ang aking pasanin. Alalang-alala pa rin ako sa kakarampot na barya sa aking pitaka, sa gastos para sa pagkain, sa rentang kailangang bayaran, sa mga pagsusulit sa Miyerkules at Biyernes, sa nakaambang pagtaas ng mga presyo.
Ngunit ang hindi ko magagawa ay ang magkunwaring lumulutang ang aking ordinaryong buhay sa ibabaw ng marahas na danas ng mga mamamayan ng Iran at Gaza. Hinding hindi ako magkukunwaring ang edukasyong aking pinagdurusahan, ang rentang aking iniiyakan, o ang gutom na aking iniinda ay hindi isang mukha ng karahasan.
Hinding hindi ko makalilimutang ang pangkaraniwang buhay sa atin ay nagiging pangkaraniwan lamang dahil sa dikta mula sa mga imperyalistang bayan, ang parehong mga imperyalistang bayan na walang habas na sumasalakay sa kanilang mga kaaway, nagpapasabog ng mga bomba para sa kanilang pansariling ganansya.
Kung kaya’t sa minsanan kong pag-scroll sa social media, mas gagap ko na ang sitwasyon. Kung may oras akong mag-aral para sa midterms, paniguradong may oras din akong sumama sa mga educational discussion tungkol sa danas ng masa mula sa ibang mga bansa.
Paniguradong araw-araw ko pa ring kahaharapin ang kahingiang magbilang ng barya at maghabol ng mga deadline, sa kabila ng pag-aming mas mahal ko ang pakikibaka. Ngunit hindi rin maglalaho ang karahasan dahil lang sa wala akong oras. Sabi nga nila, internal ang mapagpasya. Pipiliin ba nating hanapin ang politikal na dimensyon ng ating dinaranas na bigat sa buhay? Kikilalanin ba natin ang reyalidad na ang masang-api sa ibang bansa ay masang-api na kasama sa ating ipinaglalaban?
Nagmumula tayo sa isang bayang may kasaysayan ng pagiging kolonya ng iba’t ibang bansa at may kasalukuyang kondisyon o reyalidad ng pagkakasailalim sa dayuhang kontrol. Nagmumula tayo sa pamantasang nakatayo sa espasyong may bakas ng karahasan, ng pang-aagaw, ng dating mga buhay, ng lupaing para dapat sa sambayanan.
Kung kaya nating mabuhay dala-dala ang kaalamang ito, gagap ang ating pinanggagalingan, umaasa akong kaya rin nating mabuhay—sa kabila ng paghihirap bilang mga estudyante na nagdurusa sa bigat ng renta, sa kumakalam na sikmura, at sa pangungulila para sa ating mga pamilya—tangan ang ating responsibilidad na lumaban para sa kalayaan. ■
Si Luke Cerdenia ay isang mag-aaral ng AS Development Communication na nagsilbi bilang Managing Editor ng Tanglaw noong nakaraang semestre. Kasalukuyan siyang kolumnista ng pahayagan.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


