DAPAT MONG MALAMAN

  • Ayon kay Annika Rana ng Gabriela Youth – UPLB, hinog na ang kondisyon ng kolehiyo upang magtatag ng chapter ng GY dahil sa mataas na antas ng kamulatan ng mga mag-aaral ng CDC.
  • Matapos maging pormal na organisasyon ang GY – CDC, bubuksan na ang oryentasyon sa mga interesadong sumali.

Sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Buwan ng Kababaihan, opisyal nang itatatag ang kauna-unahang college chapter ng Gabriela Youth (GY) – UPLB sa College of Development Communication (CDC) upang mas palakasin ang panawagan para sa karapatan ng kababaihan. 

Ito’y matapos ianunsyo ni Annika Rana ng GY – UPLB ang pagbubuo ng bagong chapter sa isang educational discussion na isinagawa kahapon, Marso 16, sa Nora C. Quebral Hall Annex 1 tungkol sa gampanin ng midya at development communication sa pagpuksa sa karahasan sa kababaihan. Aniya, hinog na ang kondisyon ng kolehiyo upang makapag-organisa at mas maitambol ang mga panawagan laban sa pang-aapi at pananamantala ng imperyalista, pyudalista, at burukrata-kapitalistang estado.

After naman ng ilang mga consultation sa mga Devcom students, pati na rin sa mga members namin na CDC, ay nakitaan na talaga namin na hinog talaga ang kondisyon na mag-organize dahil nga, as iyong nabanggit ko rin sa ED, may antas na ng kamulatan ang mga Devcom student dahil ‘yon talaga ang environment na hinuhubog [sila] bilang estudyante,” paliwanag ni Rana.

Dagdag pa niya, malaking bagay rin ang mga prinsipyo ng komunikasyong pangkaunlaran sa pag-uugnay ng mga ipinaglalaban ng mga mass organization. “Kung ang inaaral mo nga ay Devcom na mga initiative ay hindi [ito] malayo sa initiatives ng mga mass [organization] na emancipatory [at] transformative. Kaya, ‘yon talaga ang nakita namin.” 

Isusulong ng GY – CDC ang mga panawagan at kampanya laban sa lahat ng porma ng karahasan na nakabase sa kasarian at neoliberal na tipo ng edukasyon gamit ang development communication. Bibigyang-diin dito ang mahalagang papel ng larangan upang pukawin, organisahin, at pakilusin ang malawak na hanay ng kabataan upang patampukin ang danas ng kababaihan at mga batayang sektor.

“Ang struggles naman ng kababaihan, ‘yung patriarchy, ‘yung IPBK [imperyalismo, pyudalismo, burukrata-kapitalismo] ay inherently development-oriented naman. Kaya, ‘yung development communication ay maaari talaga siyang magsilbi bilang isang armas ng kababaihan sa pag-ta-transform ng lipunan. Dahil kita naman natin na hindi hiwalay ang pinaglalabanan ng kababaihan sa ipinaglalaban ng mga batayang sektor na pinag-uusapan natin sa Devcom,” ani Rana.

Sa ngayon, sinisimulan na ng GY – UPLB ang proseso sa pagpopormalisa at pagpaparehistro ng GY – CDC chapter upang maging isang pormal na organisasyon ng kolehiyo. Matapos nito ay magiging bukas na ang oryentasyon sa mga interesadong mag-aaral ng CDC na sumali ng organisasyon. ■

KUHA NI EMMANUEL PELOBELLO


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya