Pagitan ng Pagkilos
Bumyahe ako papuntang Calamba noong isang araw para i-cover ang pagkilos ng Bagong Alyansang Makabayan – Timog Katagalugan hinggil sa sumisirit na presyo ng langis. Bandang Pansol nang naubusan ng gas ang dyip na aking nasakyan. Ubos na rin ang pinakamurang gas sa dalawang istasyon na aming nadaanan, kung kaya’t napilitan ang drayber na bumili kung saan mas masakit sa bulsa.
Kwento niya sa aming nakaupo sa harapan ng dyip, nakapanghihinayang daw ang nangyayari sa ating lipunan. Bukambibig niya ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at ang laganap na kahirapan. Bakas sa kanya ang pag-aalala—na baka hindi na kami umabot sa Crossing dahil sa kakulangan sa langis, o na baka hindi siya kumita sa araw na ‘yon kahit pa puno ng pasahero ang kanyang dyip.
Makabuluhan para sa akin ang natatandaan kong sinabi niya: kailangan niya pa rin daw pumasada sapagkat buhay niya at ng kanyang pamilya ang nakasalalay, kahit pa kakarampot ang kita.
Sa maikling engkwentrong iyon, tumambad ang isang nakalulungkot na reyalidad: may bigat sa bawat patak ng langis, at damang-dama ito hindi lamang ng mga tsuper at operator kundi ng buong sambayanan. Hindi abstrak na usaping pang-ekonomiya ang oil price hike—isa itong krisis na direktang nararanasan ng masa. Sa mas malalim na pagsusuri, hindi hiwalay o aksidente ang krisis na ito. Ito ay produkto ng sistematikong pananamantala—at likas lamang sa ganitong kalagayan ang pagluluwal ng kolektibong paglaban.
Nag-uugat ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa patuloy na pagsiklab ng giyerang agresyon ng imperyalistang Estados Unidos at Israel laban sa Iran. Sa kasalukuyan, naaapektuhan ang daloy ng langis sa Strait of Hormuz, kung saan dumaraan ang malaking bahagi ng suplay sa buong mundo. Para sa Pilipinas, lalo lamang nitong inilalantad ang ating kahinaan: mahigit 90% kasi ng suplay ng langis sa bansa ay inaangkat mula sa ibang bayan. Nananatili tayong bulnerable sa bawat galaw ng pandaigdigang merkado na hindi natin kontrolado.
Hindi pa rito nagtatapos ang problema. Marahil madaling sisihin para sa nakararami ang mga aktibistang tumungo sa Petron noong mga nakaraang araw upang maglunsad ng pagkilos, at madali ring sabihing “wala silang alam” sa usaping ekonomiya. Ngunit ang ganitong retorika ang siyang nagtutulak sa atin sa patibong ng estado—isang tangkang palabnawin at pahinain ang lehitimong mga panawagan ng mamamayan.
Nagkakaroon ng higit na kaliwanagan ang pakikibaka laban sa mga kompanya gaya ng Petron kung ilulugar ito sa konteksto ng mga atrasadong polisiyang tulad ng Oil Deregulation Law. Sa ilalim kasi ng batas na ito, walang kontrol ang estado sa industriya ng langis at may kalayaang magdikta ng presyo ang malalaking kompanya. Sa bisa ng deregulasyon—ugat sa neoliberal at kapitalistang balangkas—binibigyang-laya ang mga korporasyon na magkamal ng tubo habang pasan ng masa ang bigat ng krisis.
Habang nagdiriwang ang malalaking kompanya sa lumolobong kita, tuloy-tuloy namang lumulubog sa kahirapan ang ordinaryong mamamayan.
Dagdag pa sa pasanin ng masa ang labis-labis na buwis sa langis sa anyo ng excise tax at value-added tax (VAT). Paulit-ulit nang iginigiit ng iba’t ibang grupo ang permanenteng pagtatanggal sa mga buwis na ito upang maibsan ang pasanin ng mga tsuper at komyuter, ngunit nananatiling inutil at walang kagyat na tugon ang administrasyon. Imbes na dinggin ang panawagan, patuloy na iginigiit ng pamahalaang kailangan muna ng “emergency power” ng pangulo upang “i-suspend” ang nasabing labis-labis na buwis. Taliwas ito sa panawagan ng masa: hindi pansamantalang suspensyon kundi permanenteng pagkatanggal.
Kinakailangan nating maunawaan na langis ang dugo ng ekonomiya. Hindi lamang sektor ng transportasyon ang apektado ng oil price hike—ramdam ito ng mga manggagawa sa pagawaan, ng mga magsasaka sa produksyon, ng mga mag-aaral sa pamantasan, at ng buong sambayanan. Habang tumataas ang presyo ng langis, sumisirit din ang presyo ng mga batayang produkto tulad ng pagkain, sapagkat langis ang nagpapagalaw sa distribusyon ng mga ito. Nakatakda na ring tumaas ang singil sa kuryente dahil sa krisis na umiigting ngayon.
Sa halip na tugunan ang panawagan ng mamamayan, maliit na ayuda at pagtanggi sa pagtaas ng pamasahe ang sagot ng pamahalaan. Minamanipula pa nila ang sitwasyon upang pag-awayin ang mga komyuter at tsuper—ang una’y naghahangad ng mababang pasahe, ang ikalawa naman ay naghihikahos sa taas ng presyo ng krudo. Ngunit hindi tayo dapat magpabulag: kinakailangan nating tanawin ang aktwal na ugat ng krisis, ang tunay na mga kaaway na kinakailangang tuligsahin.
Sa ganitong konteksto, ikinasa ng grupong PISTON, kasama ang malawak na hanay ng masa, ang tigil-pasada sa buong bansa. Welga ang sagot sa inutil na pamahalaan—isang kolektibong aksyon na naglalatag ng malinaw na panawagan: ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law, pagtatanggal sa mapanupil na buwis, pagbibigay ng sapat na ayuda, at pagpapatupad ng makatarungang pagtaas ng pamasahe.
Kakambal ng mga panawagang ito ang matalas na pagkondena sa patuloy na pagpabor ng estado sa naghaharing-uri—sa malalaking kompanya ng langis gaya ng Petron na patuloy na kumakamal ng tubo, sa mga bilyonaryong hindi pinapatawan ng sapat na buwis, sa mga korap na nananatili sa kapangyarihan, at sa imperyalistang Estados Unidos na patuloy na nakapwesto sa bansa sa pamamagitan ng mga kasunduang militar tulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement.
Ang welga, samakatuwid, ay hindi simpleng istorbo—ito ay makinang nagsusulong ng pagbabago. Pinatutunayan ito ng kasaysayan: mula sa Union Obrero Democratica noong 1903, kung saan mahigit 100,000 manggagawa ang nagkaisa, hanggang sa mga sunod-sunod na transport strike sa mga nakaraang taon laban sa huwad na jeepney modernization program.
Sa iba’t ibang panig ng bansa, mula kalunsuran hanggang kanayunan, patuloy na lumalakas ang tinig ng protesta. Ipinapakita ng welgang ito ang kolektibong kapangyarihan ng taumbayan. ‘Pagkat kung welga ang makina ng pagbabago, malinaw na masa ang langis na nagbibigay-buhay rito. Mula sa unyon ng mga manggagawa hanggang sa samahan ng mga magsasaka, sa konseho ng mga mag-aaral hanggang sa hanay ng kabataan at artista—magkakaugnay ang ating mga danas at panawagan.
Malapit nang matapos ang unang sangkapat ng taon, ngunit hindi magtatapos ang ating pakikibaka. Habang patuloy ang pagsirit ng presyo ng krudo, patuloy ding sisiklab ang ating kolektibong paglaban. Kasabay ng oil price hike ang pagtaas ng ating diwang makabayan—hinding-hindi mauubos ang langis ng pagkilos. Sama-sama tayong magwewelga hanggang sa ating makamit ang ganap na kalayaan mula sa lahat ng porma ng pananamantala. ■
KUHA NI LUKE CERDENIA

