DAPAT MONG MALAMAN
- Isang mahalagang historical film ang “Sisa” na naghahayag ng karanasan ng kababaihan noong 1902 sa ilalim ng digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas.
- Bitin ang final act ng pelikula—hindi nito tuluyang niyakap ang radikal na ruta, kulang sa “pagkabaliw” at pagliyab.
- Hindi man perpekto, nananatiling makabuluhan ang pelikula bilang pagpupugay sa kababaihan—noon at ngayon—na patuloy na lumalaban sa kabila ng pang-aapi.
SPOILER ALERT
“Hindi mo alam kung ano ang kayang gawin ng isang babae.”
Nang mabasa ko ang pangungusap na ‘yan sa trailer ng “Sisa” ni Jun Robles Lana, alam ko na agad na magugustuhan ko ang pelikula.
‘Yan naman talaga ang gusto ko sa mga likha ni Lana—matapang, kakaiba, at may elemento ng panggugulat. Katulad ng “Mga Kuwentong Barbero,” na isa ring historical film ng direktor, mapanghamig at rebolusyonaryo rin ang diwa ng “Sisa.”
Inilahad sa pelikula ang lagay ng kababaihan noong 1902—sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas—at ang gampanin ng mga babae sa digmaan. Sabay sa Pandaigdigang Buwan ng Kababaihan ang pagpapalabas ng pelikula, isinakto upang pagpugayan ang mga babae ng kasaysayan.
Gayunpaman, kung magiging matapat ako, aaminin kong parang may pumipigil sa buong potensyal ng kuwento. May mga bahaging tila nag-aatubili itong tuluyang yakapin ang radikal na ruta. Sinabik ako ng tensyon, ngunit nabitin pagdating sa dulo.
Ang baliw, si Sisa
Ginampanan ng nag-iisang Hilda Koronel ang karakter ni Sisa, isang Pilipinang rebolusyonaryo na piniling magpanggap na baliw upang makapaghiganti sa mga mananakop na Amerikano.
Tulad ng inaasahan, mahusay ang naging pagganap ni Koronel.
Kaunti lang ang dialogue sa unang bahagi ng pelikula, pero nagawa niyang ihayag ang hinihingi ng mga eksena. Maingay ang katahimikan sa emosyon ng bida—”quiet fury” kumbaga. Hindi kinailangan na umasa sa marahas at padalos-dalos na paghihiganti. Hinayaan niyang manuot sa loob ni Sisa ang galit—nakasasabik, hindi ako makapaghintay na makita siyang sumabog.
Sa nobela ni Rizal, si Sisa ay simbolo ng pagkabaliw at pagkawasak ng isang ina sa ilalim ng kolonyalismo. Sa bersyon ni Lana, isa siyang espiya—hindi baliw, kundi matalino at mapanganib. Sa unang tingin, tila pagbawi ito sa moralidad ng kababaihan: mula sa pasibong biktima tungo sa pagiging aktibong rebolusyonaryo. Ngunit kung pagninilayan, pareho pa rin naman silang dalawa—mga babaeng nagdadalamhati, nagagalit, at nananatiling matatag.
Makahulugan ang pagpapanggap niya bilang isang baliw. Wala naman kasing mag-aakalang may kaya pang gawin ang isang taong wala sa tamang pag-iisip, lalo pa’t babae siya. Ngunit sa kahinaan nakahanap ng lakas si Sisa, ito’y isang pagkakataon upang magbalatkayo. Sa panahong mababa ang pagtingin sa mga babae, pinatunayan ng karakter na gaano man kaliit ang isang alikabok ay nakapupuwing din.
Mga babaeng nakapaligid kay Sisa
Si Eugene Domingo ang gumanap na Delia, isang babae, ina, at matapang na kritiko ng kolonyalistang Estados Unidos. Siya ang kumupkop kay Sisa. Matatag ang paninindigan ni Delia, galit siya sa mga mananakop, sapagkat kinitil ng mga ito ang buhay ng kaniyang asawa. Gagawin niya ang lahat upang protektahan ang kaniyang nag-iisang anak.
Si Angeli Nicole Sanoy naman ang gumanap na Nena, ang anak ni Delia. Matalino siyang bata, nakapagsasalin ng wikang Ingles sa wikang Filipino. Nabuntis ng isang Kanong sundalo na siya ring bumaril sa kaniya sa ulo.
Kung tutuusin, si Delia ang tunay na Sisa sa kuwento, s’ya naman kasi ang nawalan ng anak. Isang inang inabuso’t niyurakan ng mga mananakop sa sarili niyang bayan. Isang babaeng nanatiling nakatindig sa kabila ng pagdadalamhati. S’ya rin ang may pinakamatingkad na paglago sa buong pag-usad ng kuwento.
Bukod kay Delia, napansin kong tila kulang ang paglalim ng ibang mga karakter. Sa halip na maging ganap na komplikado at layered, madalas silang bumabalik sa archetypes. Kahit na may dramatic turns na nagbibigay ng interes, may ilang karakter—tulad ng kay Koronel—na tila hindi ganap na nabuo, kulang sa interiority at malinaw na pag-unlad.
Ang pagkamatay ni Nena ang turning point ng pelikula. Dito ko nakitang mas lumiyab ang pagnanais ng mga babae na magpasiklab ng rebolusyon. Ngunit naiiba sa mga babaeng ito si Leonor, ang karakter ni Jennica Garcia. Kerida kasi siya ng Kanong komander, pinangakuan ng magandang buhay at respeto pagkatapos ng digmaan.
Buong akala niya’y isang puti rin ang umabuso sa kaniyang puri, kalauna’y nalaman niyang isang rebolusyonaryong Pilipino ang nagsamantala sa kaniya. Nabuhayan si Leonor ng pag-asa, na baka nga ipagtatanggol siya ng minamahal niyang komander kung sakaling isiwalat niya ang ginawa sa kaniya ng rebolusyonaryo.
Parang Stockholm syndrome na may pagka-ambivalence ang mga karakter nina Leonor at Nena, ‘yun bang gusto na ayaw. O baka naman wala na lang talaga silang pagpipilian kundi magpasakop nang tuluyan.
Matagumpay na inilahad ng pelikula ang iba’t ibang buhay ng mga babae sa panahong iyon. Bagama’t tahasan, naging mabait at maingat ang direktor sa kung paano niya ikukuwento ang kanilang mga karanasan na nakaangkla sa kanilang mga trauma, galit, at pangarap.
Ang wakas
Nakadidismaya ang final act ng pelikula. Sumuko kasi ang mga rebolusyonaryong Pilipino sa mga Amerikano. Nagulantang si Sisa at ang iba pang babae—na sa unang isa’t kalahating oras ng palabas ay nagpaplano para sa isang malawakang pag-atake.
Sa kabila nito, nasiyahan ako, sapagka’t hindi nagpatinag ang bida, desidido pa rin siyang ituloy ang naunang plano. Sinubukan niyang hamigin ang iba pang kabababaihan, habang sila’y naghahanda sa kusina ng mga pagkaing ihahain sa mga Amerikano’t rebolusyonaryong Pilipino.
Ngunit nagpumiglas si Leonor, kumbinsido pa rin siyang sabihin sa komander ang nangyari sa kaniya. Alam ng lahat na hindi siya kakampihan ng Kano, kaya’t nagdesisyon si Sisa na isakripisyo ang buhay ni Leonor, dahil isa siyang “tinik” sa plano.
Katulad ng ginawa niya kay Leonor, nilagyan ni Sisa—kasama si Delia at ang iba pang kababaihan—ng lason sa daga ang mga pagkaing ihahain sa mga mananakop at mga traydor na Pilipino. Isa-isa silang bumulagta sa sahig, bumula ang kanilang mga bibig, habang nanatiling nakatayo ang mga babae sa loob ng bulwagan, unti-unting tumutok kay Sisa ang camera, hawak niya ang isang lampara—tila nagbabadya.
Sana’y mas nabaliw pa si Sisa
Nakuha ko naman ang gustong tahaking landas ni Lana. Gusto niyang ipakita na ikinukulong man sa kusina ang gampanin ng isang babae, mas higit pa doon ang kaya nilang gawin upang makalaya sa tanikala ng kolonyalismo. Matalino at simboliko ito.
Gayunpaman, nasabik lamang siguro ako na makita si Koronel at Domingo na sumabog, magwala, at pumatay. Nasabik lamang siguro ako na makita ang mga dugong tumalsik sa kanilang mga mukha. Nasabik lamang siguro akong makitang maging marahas ang isang babae sa panahong idinidikta sa kanila kung ano lamang ang kaya nilang gawin.
Sana ay pinanindigan na ni Sisa ang pagiging baliw, upang mas naging radikal ang wakas ng istorya. Upang mapangatawanan din ng pelikula ang tila ipinangako nito sa trailer.
Sa kabila ng lahat, nakurot pa rin naman ng pelikula ang aking puso, kahit iniwan ako nitong humihiling pa ng karagdagang eksena sa dulo. Mahalagang subok ito upang itaas ang morale ng kababaihan at imulat ang mga manonood na walang pinag-iba ang karanasan ng mga babae noon at sa kasalukuyang panahon—kung saan palagi pa rin silang dehado.
Masakit man itong paalala sa katotohanang siglo man ang lumipas ay nananatili pa rin tayong hindi ganap na malaya, isa rin itong porma ng panghahamig sa kababaihan na tumindig at lumaban, sapagkat walang makapagdidikta ng mga kaya at hindi nila kayang gawin.
Sa pagwawakas ng pelikula, ang gusto ko na lamang ay kuhanan ng litrato ang title card sa huling bahagi, ilalagay ko kasi dapat ito sa aking Instagram story—ngunit ipinagdamot ito sa akin.
Aandap-andap kasi ang font na “Sisa,” sa screen, tila isang baga na nagniningas, kumikislap, ngunit kulang sa pag-aalab. Sakto itong pagbubuod at paghahalintulad sa kuwento ng “Sisa,” mahalaga ang intensyon, mapanghamig, at nakapapaso pa rin, ngunit kulang sa lalim upang tuluyang magliyab sa gitna ng dilim. ■
DIBUHO NI LEONARD MAGADIA


