DAPAT MONG MALAMAN
- Binabali ng pelikulang “Ang Tanging Ina” ang tradisyunal na pagtingin ng lipunan sa gampanin ng isang ina at isang babae.
- Ano nga ba ang papel ng midya sa paghubog sa pananaw ng lipunan sa konsepto ng motherhood at gender roles, gamit ang karakter ni Ina Montecillo?
…Sa anak kong ‘sandosena, jusko po nakakaloka. Ang maging tanging ina!
Familiar? Kamakailan lamang ay naging trending sa social media ang soundtrack ng pelikulang “Ang Tanging Ina.” Madalas itong ginagamit bilang backdrop sa mga “a day in the life” na mga content—ng sabay-sabay nagtatapos ng trabaho, nag-aalaga ng pamilya, kaibigan, o kahit alagang hayop, nag-aasikaso ng bahay, o kahit simpleng ipinipilit iraos ang maraming mga gawain—parang kung paano lang din si Ai Ai Delas Alas o ang kaniyang karakter na si Ina Montecillo sa pelikulang ito.
Ngunit higit pa sa pagiging meme material, kahit lumipas na ng dalawang dekada ang pelikula ni Wenn V. Deramas, nananatili itong makabuluhan dahil sa malikhaing kuwento nito tungkol sa pagiging ina. Sa gitna ng slapstick comedy at makukulit na eksena, nakatago ang mas malalim na naratibo tungkol sa sakripisyo, lakas, at emosyonal na bigat ng pagiging babae sa loob ng pamilyang Pilipino.
“Pati maging ama ay pinapelan ko na”
Bida sa pelikula si Ina Montecillo, isang biyudang ina na nagpalaki ng 12 anak at kumayod sa iba’t ibang trabaho upang maitawid ang pangangailangan ng pamilya. Ang kagandahan sa pagsasalarawan ng karanasan at katangian ng karakter ni Ina: kahit anumang kamalasan ang dumating sa palad nito, pinili nitong harapin ang mga iyon nang buong lakas at may tatag ng loob at puso alang-alang sa kaniyang mga anak.
“Pati maging ama ay pinapelan ko na.” Sa isang simpleng linya ng soundtrack, naipapakita ang kabuuan ng sakripisyo ni Ina—ang pagiging ina at “father figure” sa parehong panahon. Trabaho ba kamo? Subok na ni Ina ‘yan! Konduktor, bus operator, construction worker, entertainer, at marami pang iba. Dito rin pumapasok ang mas malalim na kabuluhan ng ganitong naratibo sa pelikula: kahit pa itinuturing na panlalaking trabaho ang isang gawain, kayang-kaya itong gawin ng isang ina. Binabali nito ang tradisyunal na pagtingin sa mga kababaihan sa kung ano lamang ang kaya nilang gawin.
Ngunit kahit kinikilala ang ganitong resiliency narrative—kung saan ang “ina” ay inilalarawan bilang simbolo ng lakas at sakripisyo—ipinakikita ng mga pag-aaral ng feminist scholars na mas komplikado ang realidad ng “motherhood.” Ayon sa kanilang kritikal na pagsusuri, kapag itinuturing ang pagiging ina bilang natural at inaasahang tungkulin ng mga babae, maaaring natatakpan nito ang mas malalim na istruktura ng kapangyarihan at mga panlipunang inaasahan na ipinapataw sa kanila. Sa ganitong pananaw, ang ina ay madalas na inaasahang laging handang magsakripisyo para sa pamilya, habang ang kaniyang sariling pangangailangan, limitasyon, at personal na identidad ay bihirang mabigyang pansin.
Sa ganitong konteksto, ang pelikulang Ang Tanging Ina ay hindi lamang simpleng kuwento ng pagsisikap ng isang ina. Sa halip, maaari rin itong basahin bilang representasyon ng pagiging komplikado ng motherhood bilang isang papel na hinuhubog ng mga paniniwala at pamantayang idinidikta ng lipunan sa mga babae. Ipinapakita ng pelikula na ang ina ay hindi lamang simbolo ng katatagan, kundi isang tao ring may sariling emosyon, hangganan, at identidad na patuloy na sinusubukang balansehin ang mga ito sa gitna ng mga inaasahan ng pamilya at ng lipunan sa kaniya.
Si Rowena a.k.a si “Friendship”
Ang karakter ni Rowena na ginampanan ni Eugene Domingo ay higit pa sa simpleng kaibigan o comic relief. Siya ay nagsisilbing mahalagang kaagapay ni Ina sa pagharap sa mga hamon ng pagiging isang single mother. Sa ilang pagkakataon sa pelikula, si Rowena ang nagiging takbuhan ni Ina kapag nahaharap siya sa mga problema sa pamilya, pera, at relasyon.
Sa ganitong paraan, ipinapakita ng kanilang pagkakaibigan na ang pagiging isang ina ay hindi lamang indibidwal na responsibilidad, kundi isang karanasang kadalasang sinusuportahan ng mga taong malapit sa kaniya.
Mahalaga ring makita si Rowena bilang bahagi ng isang “support system” na karaniwan sa maraming pamilyang Pilipino, lalo na sa mga nasa mas mababang antas ng lipunan. Kapag kulang ang pormal na suporta mula sa estado o mga institusyon, madalas na umaasa ang mga ina sa tulong ng kaibigan, kapitbahay, o kamag-anak. Sa kontekstong ito, si Rowena ay sumisimbolo sa pagsasandigan ng kababaihan sa isa’t isa. Sa pamamagitan ng pakikinig, pagbibigay ng payo, at minsan ay simpleng presensya lamang, nababawasan ang bigat ng responsibilidad na pasan ni Ina.
Bukod dito, ang kanilang samahan ay nagpapakita rin kung paano nagiging mahalaga ang humor at pakikipagkapwa bilang paraan ng pagharap sa mga kahirapan ng buhay. Madalas na may halong biro at komedya ang kanilang mga usapan, ngunit sa likod nito ay makikita ang tunay na pag-unawa ni Rowena sa sitwasyon ni Ina. Ang ganitong paggamit ng humor ay nagsisilbing coping mechanism, kung saan nagiging mas magaan ang pagharap sa mga seryosong problema ni Ina.
Sa kabuuan, ipinapakita ng karakter ni Rowena na ang lakas ni Ina ay hindi lamang nagmumula sa kaniyang sariling katatagan, kundi pati na rin sa mga relasyong nabubuo niya sa kapwa nito babae. Sa pamamagitan ng kanilang pagkakaibigan, ipinapakita ng pelikula na ang pagiging ina ay isang kolektibong karanasan na hinuhubog ng suporta, pakikipagkapwa, at pagkakaunawaan sa pagitan ng mga babaeng nakakaranas ng magkakatulad na hamon sa buhay.
12:1, Sa tahanan ng mga Montecillo
Mahalagang bahagi ng naratibo ang relasyon ni Ina Montecillo sa kaniyang 12 na anak. Ang bawat isa sa labindalawang anak ni Ina ay may sariling personalidad, pangangailangan, at problema, na nagrerepresenta ng tunay na hamon ng pagiging single mother sa konteksto ng lower-class Filipino household.
Sa pelikula, ang pamilya Montecillo ay higit pa sa nakakatawang eksena ng maraming anak. Ang pelikula ay malinaw na nagpapakita na ang pagiging isang ina ay hindi simpleng sakripisyo o katatagan; ito ay patuloy na pakikibaka sa gitna ng limitadong mga mapagkukuhanan at nagbabagong pangangailangan ng isang pamilya.
Mahalaga ring suriin ang aspeto ng economic pressures. Dahil sa kakulangan sa pera at oras, madalas na napipilitang tumulong ang mga anak sa pang-araw-araw na gawain, kabilang ang pag-aalaga sa mas nakababatang kapatid at pag-aasikaso sa bahay dahil nga kinakailangang magtrabaho ni Ina. Gayunpaman, ipinapakita rin ng pelikula ang interplay ng gender expectations at inclusivity. Habang sumusunod ang ilang anak sa tradisyonal na roles, pinapakita rin na kayang maging bukas ni Ina sa mga anak na may ibang pangarap o identidad. Sa ganitong paraan, binabali ni Ina ang ilang societal norms sa loob ng pamilya, nagpapakita ng emotional intelligence, acceptance, at progressive parenting na bihira sa ganitong socio-economic context.
Halimbawa, si Juan ang panganay na ginampanan ni Marvin Agustin, ay may domestic responsibilities—siya ang nag-aalaga sa kaniyang bunsong kapatid at nag-aasikaso ng mga kapatid nito sa bahay habang nagtatrabaho si Ina. Habang si Tudis, ginampanan ni Nikki Valdez, ay sinusuportahan ni Ina sa kaniyang ambisyon bilang isang visual artist. Samantala, si Pip ang anak na LGBTQ na ginampanan ni Alwyn Uytingco, ay tinatanggap at sinusuportahan ni Ina kahit hindi nito nilantad ang kaniyang identidad sa pamilya o sa kanilang komunidad.
Makikita rin sa kanilang relasyon ang halo ng komedya at emosyon na nagiging mahalagang elemento sa paglalarawan ng isang pamilya. Ang mga pagtatalo, biruan, at kalokohan ng mga anak ay nagdadagdag ng humor sa pelikula, ngunit kasabay nito ay ipinapakita rin ang mga seryosong hamon ng pagpapalaki ng isang ina sa mga anak nito. Sa ganitong paraan, nagiging mas makatotohanan ang representasyon ng pamilya, kung saan ang pagmamahal ay hindi laging ipinapakita sa perpektong paraan, kundi sa pamamagitan ng pang-araw-araw na pakikibaka at pagsasama. Ang relasyon ni Ina sa kaniyang mga anak ay sumasalamin sa isang uri ng pagiging isang magulang na hinuhubog ng sakripisyo, pasensya, at patuloy na pagnanais na mapanatili ang pagkakaisa ng pamilya kahit sa harap ng maraming pagsubok.
Ang pelikula at ang pagsasalamin nito sa kababaihan
Sa pamamagitan ng pinaghalong katatawanan at melodrama, ang pelikulang Ang Tanging Ina ay parehong nagpapatibay at nagpapakumplikado sa salaysay ng kababaihan. Si Ina ay hindi lamang sumasalamin sa pagiging isang martir na karakter, ipinapakita rin ng pelikula ang emosyonal na bigat ng pagiging magulang: ang pagod, ang mga pagkakamali, at ang mga sandaling tila hindi na sumasapat ang sarili nitong lakas.
Bagama’t ipinagdiriwang ng pelikula ang katatagan ng mga ina, sinasalamin din nito ang mahabang kasaysayan ng kung paano isinasakuwento ang kababaihan o ang isang ina sa Filipino media: ang tahimik na katatagan ng isang babae. Kinapapalooban ni Ina Montecillo ang archetype ng mapagsakripisyong ina na handang isantabi ang sarili niyang mga pangangailangan para matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng kaniyang mga anak. Gayunpaman, ang paglalarawang ito ay nagtataas din ng mga tanong tungkol sa kung paano nakabalangkas ang pagiging ina sa kulturang popular. Sa sakripisyo lang ba nasusukat ang lakas ng mga ina?
Sa paraang tulad ng pelikula, isinasabuhay nito ang realidad ng pagiging isang ina. Ngunit mahalaga na bilang mga madla ay bigyang-diin at pansin ang mga boses na hindi kadalasang naiguguhit, naisusulat, naibibigkas, at naipapakita—sa pahayagan, sa radyo man, sa telebisyon, o sa social media. May malaking papel ang midya sa paghubog ng pananaw ng lipunan, kaya nararapat lamang na ipakita ang kababaihan hindi lamang bilang simbolo ng sakripisyo o pag-aalaga, kundi bilang pantay at mahalagang bahagi ng isang lipunan. Kasama rito ang pagpapakita ng kanilang pangarap, ambisyon, pagkakaiba-iba at ang kanilang kakayahang magdesisyon para sa sarili.
At kahit matapos ang buwan ng kababaihan, mahalagang palaging ipagdiwang at kilalanin ang katatagan, kontribusyon, at puwang ng mga babae sa lipunan—hindi lang sa pelikula, kundi sa lahat ng larangan ng buhay. Sa bawat oras na binibigyan natin ng pansin ang kanilang kuwento at pinapalakas ang kanilang boses, mas lumalapit tayo sa isang lipunang mas patas, mas inklusibo, at mas progresibo.
Sa marami pang Ina Montecillo, mabuhay ang kababaihan. ■
DISENYO NI CLARE MARPURI, TANGLAW APPRENTICE


