DAPAT MONG MALAMAN
- Nagkaisa ang mga lumahok sa isinagawang kilos-protesta upang tutulan ang anila’y huwad na pagtugon ng gobyerno sa kasalukuyang krisis sa langis.
- Sa pangunguna ng Southern Tagalog Region Transport Sector Organization (STARTER) – PISTON, binigyang-diin ang mga panawagan para sa sektor ng transportasyon at manggagawa.
Buo ang paninindigan ng mga tsuper, manggagawa, at iba pang progresibong grupo sa ikinasang kilos-protesta sa Crossing, Calamba noong Biyernes, ika-27 ng Marso, upang ipatambol ang mga panawagan hinggil sa oil price hike.
Kasabay ito ng dalawang araw na malawakang welga na inilunsad ng No to Oil Price Hike Coalition noong ika-26 hanggang ika-27 ng Marso bilang pagtutol sa walang habas na pagtaas ng mga produktong petrolyo na tumatahi rin sa mas malawak na krisis sa iba pang sektor ng lipunan.
Sa pangunguna ng Southern Tagalog Region Transport Sector Organization (STARTER) – PISTON, isinentro sa pagkilos ang mariing pagkundena sa anila’y huwad na pagtugon ng pamahalaan sa kinakaharap na krisis sa langis ng bansa.
Giit ni Antonio Fajardo, chairperson ng Pagkakaisa ng Mangagawa sa Timog Katagalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK – KMU), nag-uugat ang mas malawak na problema sa patuloy na pagnanakaw ng gobyerno upang manakaw rin ang kinabukasan ng mga manggagawa at kanilang mga anak.
“Dahil dito [sa pagtaas ng presyo ng gasolina], nagpapatuloy ang pagtaaas ng presyo ng pangunahing bilihin. Paano na lang ang kinabukasan ng aming mga anak—dahil nagpapatuloy din ang pagtaas ng kanilang mga matrikula?” ani Fajardo.
Ipinanawagan din sa pagkilos ang six-point demands ng koalisyon bilang tugon sa pagsirit ng presyo ng gasolina.
Iginigiit nila rito ang agarang pagtatanggal ng excise tax at value-added tax (VAT) na ipinapatong sa mga pangunahing bilihin kabilang na ang langis. Kasama rin dito ang pagbasura sa Oil Deregulation Law upang tanggalin ang kontrol ng pagtatakda ng presyo ng gasolina sa mga malalaking kompanya, kasabay pa ng pagnanais na maisabansa na ang industriya ng langis.
Panawagan din nila ang pag-rollback ng presyo ng gasolina patungong P55 at pagtaas ng pamasahe sa mga pampublikong transportasyon habang ipinatutupad ang P1,200 na family living wage. Iginigiit din nila ang pagpapatigil sa giyerang agresyon na pinangungunahan ng Estados Unidos at Israel sa Kanlurang Asya.
Matatandaan na sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ang P1-fare hike sa mga jeepney, bus, at transport network vehicle services (TNVS) at nangakong ipagpapatuloy ang pamamahagi ng mga ayuda at subsidiya bilang pamalit dito, na mariing tinutulan ng mga progresibong grupo.
“[Ang] ayuda, dalawang araw lang ‘yan sa ating mga tsuper. Kaya, ang pangunahing panawagan ng ating mga tsuper ay tanggalin na mismo ang excise tax at value-added tax na patong-patong na isinisingil sa bawat isang mamamayang Pilipino. Patong-patong na isinisingil sa atin, ngunit walang bumabalik, walang maayos na programang magpapaalwan ng ating buhay, walang maayos na programa ang gobyerno ni Marcos Jr. para sa mamamayang Pilipino,” giit ni Ari Bayona ng Anakbayan UPLB. ■
KUHA NI LUKE CERDENIA


