DAPAT MONG MALAMAN
- Nasungkit ng Red Griffins ang dalawang podium finish sa student men’s football at student men’s beach volleyball sa Palarong UPLB 2026.
- Nakaranas ang Red Griffins ng sunod-sunod na close fights at pagkatalo sa iba’t ibang events, kabilang ang e-sports, athletics, at racket sports.
- Namayani ang fighting spirit at makabuluhang karanasan ng mga atleta ng Red Griffins sa kabila ng pagkakapos na mapabilang sa overall winners.
Dalawang podium finish sa student men’s football at student men’s beach volleyball ang naging matibay na sandigan ng Red Griffins (College of Development Communication at College of Public Affairs and Development), habang sunod-sunod na close fights at matitinding kabiguan sa iba’t ibang events ang humubog sa kanilang laban sa Palarong UPLB 2026, kung saan nanaig sa huli ang Blue Champs (College of Arts and Sciences) bilang overall champion.
Sa chess at dama, bagaman hindi nakapasok sa Top 3, ipinamalas ng Red Griffins ang matalas na opening at disiplinadong board vision, ngunit kinapos sa endgame na nagdikta ng resulta sa huling galaw.
Dumaan naman sa rollercoaster run ang ultimate frisbee games ng Red Griffins. Matapos matalo ng Blue Champs sa Game 2, nakabawi sila kontra Pink Panthers (College of Human Ecology) sa Game 6 sa pamamagitan ng malinis na huck plays at sagad na depensa, bago tuluyang mapigil ng Black Ravens (College of Economics and Management at School of Environmental Science and Management) sa Game 10 na nag-alis sa kanila sa Top 3 contention.
Sa athletics, parehong sa women’s, men’s, at mixed running events, bumuhos ang pawis sa track habang sinusubukang habulin ang negative splits at final kick sa homestretch, ngunit hindi sapat ang kanilang pace strategy upang makasampa sa podium finish.
Sa table tennis, kapwa women’s at men’s squads ay nakaranas ng sunod-sunod na setbacks laban sa Royal White (College of Engineering and Agro-Industrial Technology), Gray Wolves (College of Veterinary Medicine), Blue Champs, at Yellow Raptors (College of Forestry and Natural Resources), kung saan nanaig ang mas agresibong topspin rallies at mas matatag na backhand blocks ng kanilang mga katunggali.
Bagaman hindi rin pinalad sa Top 3 ng Scrabble, ipinakita ng Red Griffins ang malawak na word bank at board control, ngunit nasapawan ng mas mataas na bingo plays at point differentials ng ibang koponan.
Sa Valorant, nasubok ang kanilang shot-calling at site executions matapos matalo sa Game 1 kontra Blue Champs at sa Game 5 laban sa Royal White, ngunit bumawi sila sa Game 9 kontra Pink Panthers sa pamamagitan ng disiplinadong retakes at clutch plays kahit hindi ito naghatid sa kanila sa semifinals.
Samantala, sa Mobile Legends Bang Bang games, nahirapan ang Red Griffins sa early-game rotations at objective control kung saan naging susi ang pagkatalo sa Lord contests laban sa Yellow Raptors, Green Aggies (College of Agriculture and Food Science), at Blue Champs na nagbura sa kanilang tsansa sa podium.
Sa basketball, parehong women’s at men’s teams ay naglatag ng matinding offense ngunit kinapos dahil sa mahigpit na defense ng mga katunggaling koponan at sa late-game execution na sana’y nagbukas ng pinto para makapasok sa final four.
Sa futsal at football, ipinamalas ng Red Griffins ang compact defending at mabilis na transition play, at habang hindi nakaabot sa Top 3 ang women’s futsal, umangat naman ang men’s football team sa podium at nasungkit ang Top 3.
Ibinuhos naman ng Red Griffins ang lakas sa bawat stroke sa swimming events, habang sa beach volleyball ay sumiklab ang men’s team sa pamamagitan ng solid blocks at malalakas na spikes na nag-angat sa kanila sa Top 3 finish.
Sa badminton, pickleball, lawn tennis, aquathlon, at street dance, maaaring hindi nagbunga ng medalya ang kanilang mga performance, ngunit kapansin-pansin ang teamwork at fighting spirit na hindi matitinag ng anumang standings.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Mischka Ilagan, isa sa mga atleta ng Red Griffins sa running, na hindi niya inasahang makakasali siya sa palaro bilang first-year student at aminadong kinabahan bilang baguhan sa larangan, ngunit mas nanaig ang saya at pasasalamat niya sa pagkakataong mairepresenta ang kolehiyo. Aniya, kahit walang medalya, ang karanasan ay panalong kanyang pahahalagahan.
Ibinahagi naman ni Marcia Luija Astronomo, freshman student-athlete ng Red Griffins, ang kanyang karanasan sa street dance contest.
“Hesitant ako nu’ng una dahil first time ko sumali at buong CDC pa ang i-re-represent namin, pero kahit limited ang practice, fulfilling at nakaka-enjoy. Masaya rin na mero’n kaming teammates na laging i-ha-hype at tuturuan kapag may hindi ma-gets, sobrang girlhood lang!”
“Nu’ng competition mismo, binuhos namin lahat ng effort at i-enjoy lang ang piyesa namin. Kahit napapaligiran ng trained dancers at magagaling na athletes, being there was already an achievement. Nakakatuwa rin na after ng bawat performance, naka-cheer ang ibang dancers at ramdam mo talaga ang suporta ng college,” dagdag pa niya.
Sa pagsasara ng Palarong UPLB 2026, bagaman kinapos sa medalya, ipinakita ng Red Griffins na ang laban ay hindi nagtatapos sa pagkamit ng puwesto, kundi sa alab na hindi basta-bastang natitinag. ■
KUHA NI RG GECALAO NG DEVCONNECT PARA SA TANGLAW


