Isinulat ni Crissa Liwanag, Tanglaw Apprentice


Bunsod ng kabilaang tigil-pasada, sunod-sunod din ang pagbabalita ng mainstream media tungkol sa sitwasyon ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon. Kamakailan lamang, naglabas ang isa sa mga popular na news outlet sa bansa ng ulat hinggil sa ginanap na transport strike na may headline na: “Ganti ng mga walang ayuda.”

Naglunsad ng malawakang tigil-pasada ang mga transport group, kasama ang mga drayber ng transportation network vehicle service (TNVS) at iba pang progresibong grupo, noong Huwebes at Biyernes, ika-26 at 27 ng Marso. Layon nilang iparating ang kanilang mga panawagan sa gobyerno hinggil sa lumolobong presyo ng langis, na nagdudulot ng matinding kalbaryo sa mga mamamayan sa bansa.

Bilang isang komyuter na halos araw-araw bumabyahe papunta sa campus, batid ko ang bigat ng krisis na ito, sapagkat bukod sa nararanasan ko ang taas-presyo sa pamasahe ay nasasaksihan ko rin ang hirap na pinagdaraanan ng mga tsuper. Ramdam ko ito sa kanilang bawat buntong-hininga sa tuwing kami’y hihinto para magpagasolina, sa kanilang pagpapahalaga sa mga mumunting kinikita nila, at sa paulit-ulit na pagpupunas ng pawis na walang katapusang tumutulo sa kanilang mga noo. 

Dahil dito, nauunawaan kong ang tigil-pasadang ikinakasa nila ay isang mahalagang pagkilos—nakaugat ito sa kanilang sakripisyong inaalay at paghihirap na dinaranas. 

Kaya naman nang mabasa ko ang headline ng News5, agad kong napansin na inilalarawan ng balita ang kolektibong pakikibaka ng sambayanan bilang isang hamak na mala-kontrabidang aksyon na layong maghiganti dahil lamang sa ayudang hindi natanggap—isang maling perspektibong repleksyon ng makitid na pagtanaw sa mas malawak na danas na kinahaharap ng mga batayang sektor ng lipunan.

Aking hinimay ang bawat salitang nakapaloob sa nasabing piyesa upang higit pang maunawaan kung ano ang nais nitong iparating. Una, ang paggamit sa salitang “ganti.” Isa itong pahayag na may negatibong konotasyon sapagkat nagpapahiwatig ito ng pagsasagawa ng masama sa isang tao bilang pambawi o upang makapagdulot sa kanila ng pinsala. 

Dahil dito ay agad akong napatanong, paghihiganti nga bang maituturing ang sama-samang pagkilos ng mga tsuper at iba pang sektor na sumama sa kanilang pambansang welga? 

Ang sagot ay hindi. 

Kung ito ay titingnan sa mas malawak na lente, ang kanilang pagkilos ay hindi nagmumula sa galit o kagustuhang gumanti. Sa halip, ito ay kinapapalooban ng paninindigan at mga panawagang matagal na nilang isinisigaw ngunit hindi napakikinggan. 

Ang tigil-pasada ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon ay may diwang kolektibo, kung kaya’t mas angkop kung ilalarawan ito bilang isang protesta laban sa kinahaharap na krisis sa pagtaas ng presyo ng krudo—isang krisis na tumatagos sa lahat ng aspeto ng lipunan.

Hindi na rin nakagugulat ang ginawa ng News5—ang mga ganitong tipo ng balita ay tipikal na istilo ng mainstream media, kung saan mas binibigyang prayoridad ang paggamit ng mga salitang nakaiintriga kahit hindi naman ito angkop na paglalarawan sa totoong sitwasyon. Isa itong taktikang kanilang ginagawa upang makahikayat pa ng mas maraming mga mambabasa, upang kumita.

Bukod dito, kapansin-pansin din na ang pagkakasulat ng headline ay nakaayon sa isang pinasimple’t pinalabnaw na bersyon ng komplikadong krisis. Hindi nito inilalahad nang malinaw ang mas malawak pang dahilan kung bakit puspusang kumikilos ang malawak na hanay ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon.

Mababaw ang interpretasyon ng naturang piyesa sa katotohanang mayroon ang kasalukuyang lipunan, kung kaya’t agaran nitong inirerehistro ang kasinungalingang nag-uugat lamang ang isinagawang tigil-pasada sa ayudang hindi natanggap ng mga tsuper. Pumalya itong ilarawan ang tunay na hinaing, hangarin, at panawagan ng masa—ang reyalidad ng kanilang pakikibaka na humihigit sa anumang porma ng ayuda.

Naalala ko tuloy ang balita kung saan may isang tsuper na nahimatay habang nakapila upang magpa-validate ng kanyang pangalan para masama sa listahan ng mga makakukuha ng ayuda. Marahil ay bunsod na rin ito ng pagod, puyat, at gutom sa araw-araw na pasada. Anuman ang rason, nakalulungkot na kailangan pa nilang maranasan ang ganitong sitwasyon para sa ayudang kung tutuusin ay kulang pa at ginagamit lamang na pantapal ng gobyerno sa mas malaking krisis na nararanasan ng bansa.

Saan nga naman aabot ang P5,000 na ayuda kung ang presyo ng diesel ay pumapalo na sa P140 kada litro? Ang karaniwang konsumo ng isang tsuper ay umaabot sa 30 litro kada araw—kung susumahin, gumagastos na agad sila ng humigit-kumulang P3,600 sa langis pa lang. Idagdag pa rito ang katotohanang hindi lahat ng tsuper ay may sariling jeep, at ang ilan ay binabayaran pa ang boundary sa may-ari.

Malinaw na ang insidenteng ito, kung saan nahimatay ang isang jeepney driver habang nag-aantay ng ayuda, ay nagpapakita na ang problema ay mas malalim pa at hindi ito kayang solusyunan ng simpleng pagbibigay ng pera. Ang krisis sa langis ay nakaugat sa bulok na sistemang patuloy na nagpapahirap sa atin. 

Kaya naman, ang tigil-pasadang ikinakasa ng mga tsuper ay hindi dapat tingnan na nakasentro lamang sa kawalan ng ayuda. Binubutbot din nito ang mga pahirap na polisiya kagaya ng umiiral na Oil Deregulation Law, kung saan may kalayaan ang oil companies na magtakda ng presyo sa kanilang produkto—dahilan ng lantarang overpricing na mas nagpapabigat sa gastusin ng mga tsuper. 

Dagdag pa rito ang pangggipit ng estado sa bisa ng regresibong mga polisiya sa pagbubuwis kagaya ng value-added tax (VAT) at Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, na nagdagdag ng buwis sa mga produktong petrolyo, sanhi sa mas lumalalang kalbaryo ng mga tsuper. Nariyan din ang mababang pasahod sa mga manggagawa na hindi sapat para tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng hanay ng mga komyuter. 

Ilan lamang iyan sa mga rason sa likod ng higa-higante pang panawagan ng masa para sa mas kongkretong solusyon mula sa estado para sa kanilang mga suliranin.

Sa ganitong konteksto, makikita na ang kolektibong pagkilos na binuo ng mga transport group ay hindi paghihiganti kundi isang makatarungang welga na naglalaman ng kanilang panawagan para sa pangmatagalang solusyon. 

Malinaw mula sa mga katotohanang ito na hindi angkop ang paglalarawan ng News5 sa pagkilos ng mga tsuper. Lumilikha ito ng maling impresyon sa publiko, at pinalalabnaw nito ang kabuluhan ng pagkilos ng mga progresibong grupo. Sa mga sitwasyong katulad nito, mahalagang maging mapanuri tayo sa mga balitang ating kinokonsumo, sapagkat maging ang mainstream media ay kaya ring manlinlang ng mga mambabasa. Kinakailangan nating tandaang para sa mga news outlet kagaya nila, mas mabigat ang pagtuon sa misyon na magpalaki ng pera kaysa sa magsilbi sa masa.

Kahingian sa atin, samakatuwid, ang pagbagtas sa kahalagahan ng alternatibong midya—ang tipo ng midyang nagsisilbing tagasupil ng mga maling naratibo, tagapagbantay ng katotohanan, at higit sa lahat ay kakampi ng masa. Sumasandig ang mga midyang kagaya nito sa mga komunidad na kanilang pinagsisilbihan—isang praktis na malinaw ring nakalinya sa teorya ng komunikasyong pangkaunlaran.

Ating tandaan na ang mga tigil-pasada ay hindi lamang bunsod ng galit o paghihiganti; ito ay binubuo ng higanteng lakas ng sama-samang pagkilos ng masa. Isa itong makapangyarihang anyo ng protesta laban sa mga suliraning patuloy na nanggigipit sa lahat ng hanay ng masa. ■

KUHA NI LUKE CERDENIA


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya