DAPAT MONG MALAMAN

  • Ang dulang “Robotics,” bilang porma ng pakikibaka, ay naglalayong patatagin ang mga tinig ng uring-api sa gitna ng mapang-abusong sistema.
  • Isiniwalat dito ang totoong kaganapan sa lipunan: ang kalagayan ng mga inaabuso at ang kolektibong aksyon upang wakasan ang kalbaryong dinaranas ng mga ito.

May hangganan ang lahat ng kalapastanganan laban sa mga nagpupumiglas upang maabot ang isinasamong kalayaan. Sa bawat pagkait nito, sisibol ang mga damdaming sawa na sa kalbaryong dinaranas. Unti-unti nang aahon sa lusak ng dusa at tatayong muli upang makibaka. 

Ang busal na nakatakip sa mga bibig ng pinatatahimik ay siyang tinanggal upang sumigaw ng katarungan. Tutuldukan na ang labis na pagtitiis, at tuluyan nang gigisingin ang kamalayang babawi sa karapatang ipinagkait.

Ito ang iminulat sa dulang “Robotics” na naglalayong isiwalat ang totoong kaganapan sa lipunan. Itinampok ng dula ang paghihiganti ng mga robot upang muling angkinin ang mga karapatang inagaw sa kanila ng mga kapitalista. Itinanghal ito noong ika-28 ng Nobyembre sa NCAS Auditorium.

Sinasalamin ng dula ang pasanin ng mga manggagawang namumuhay nang marangal sa gitna ng pangangamkam ng mga naghaharing-uri sa mga bagay na dapat sila ang nakikinabang. Binigyang-diin ito ni Miggy Mangunay, dramaturg ng dula. 

“Sobrang lalim ‘yung gusto namin iparating. Pakikibaka siya, rebolusyon. Bagaman totoo siya sa maraming pagbasa sa play, p’wede mo kasi siyang tingnan sa maraming lente. Hinahanap talaga namin ay ‘yung puso, gusto namin ma-humanize ‘yung very robotic na play,” ani Mangunay.

Dagdag pa niya, gustong maisatao ng dula ang totoong kaganapan sa buhay ng isang manggagawang ginigipit,na isinakatuparan nila sa pamamagitan ng robot na may emosyong angkop sa istorya.

Kawangis ng dula ang mga tinig na tumatangis

Sa pagsisimula ng pagtatanghal sa entablado, itinambad ang mapait na katotohanan ng lipunan kung saan nananatiling dehado at patuloy na sinisikil ng sistema ang mga manggagawa.

Inilarawan ito ng dula sa pamamagitan ng karakter nila Ramona at Marius, bilang mga robot. Nilikha sila upang maging manhid—sunud-sunuran lamang sa lahat ng inuutos nang walang pag-aalinlangan. 

Ang tingin lamang sa mga robot ay mga imbensyong de-baterya na hindi napapagod at nagpapahinga. Ganito ang kanilang pakinabang sa mata ng marami—kung palpak, madali itong palitan; ngunit kung malaki ang silbi, madali rin itong pagsamantalahan.

Karugtong nito ang pagsasalaysay sa kuwento ni Jojo, isang manggagawang karpintero na nagkukumpuni ng mga robot sa kumpanyang Rossum’s Universal Robots. Hindi madali ang kaniyang hanapbuhay, ang baon niyang kakarampot na lakas ay unti-unting natutuyot dahil sa dami ng mga pasaning pasakit at pagpapahirap. Ngunit tulad ng marami pang manggagawang kapos, wala siyang ibang maaaring gawin kung hindi magtiis upang matustusan ang pang-araw-araw na mga pangangailangan.

Hindi lamang sina Jojo, Marius, at Ramona ang biktima ng sistemang mapanupil. Kaisa nila ang bawat manggagawang lubos na inaalila, ngunit ang pasahod ay nananatiling hindi nakabubuhay—hindi sapat upang matugunan ang kumakalam nilang mga  sikmura. Sila ay gutom at uhaw—lalo na kung ang usapan ay pagdating sa makataong pagtrato mula sa mga nakatataas. 

Hindi mahina ang kanilang tinig, ngunit hindi pinakikinggan ang kanilang bawat daing—sadyang nagbibingi-bingihan ang mga taong sila mismong dapat umiintindi sa kanilang kalagayan. Gayunpaman, sa bawat pagpapatahimik, mamumutawi ang mga tinig na nais kumawala.

Sukdulan ang pagiging gahaman: Mga taong lumalason sa lipunan 

May nanlalamang at may nilalamangan.

Marahil ang gulong ng buhay ay hindi umaayon sa palad ng mga uring-api. Nananatili  kasing mahigpit ang kapit ng mga naghaharing-uri sa kanilang kinatatayuan kung saan sinasagasaan ng mga ito ang mga humaharang sa sakim nilang mga plano. 

Ito ang papel ng karakter ni Harry, pinuno ng Rossum’s Universal Robots, at sumasalamin sa ganid na kapitalistang pinahihirapan ang mga tulad nina Jojo, Marius, at Ramona sa walang tigil na pagtatrabaho—walang katapusang pagkukumpuni, utusan sa lahat ng bagay, at ginagawang alila nang lubusan.

Maituturing ang karakter ni Harry bilang isang lunod sa ambisyong puno ng kahibangan. Kapalit ng sentimong kinikita ay ang kawalang-hiyaang panggagamit sa mga robot at panggigipit sa mga manggagawa.

Kawangis ni Harry ang pagiging garapal ng Nexperia, isang semiconductor company sa Cabuyao, Laguna na nambabarat ng pasahod sa mga manggagawa. Ngunit nang magwelga na ang mga ginigipit, ipinaputol ni Gareth Hughes, manager ng Nexperia ang suplay ng kuryente at tubig sa loob ng pabrika noong unang araw pa lamang ng pakikibaka ng mga manggagawa.

Nananatiling buhay at humihinga ang mga tulad ni Harry sa lipunan. Hindi lamang sa dula nakikita ang mga ito, ngunit dama pa rin ang kanilang panggagambala sa kasalukuyan. 

Kung may delusyonal na kapitalista, hindi rin mawawala ang lintang nepo baby na si Helena. Bihasa sa pag-flex ng marangyang buhay gamit ang kaban ng bayang lunod sa mga pasanin. 

Hindi naman matatapos ang listahan ng mga kontrabida kung wala ang mga piping saksi—sila ang mga balimbing na nakikisali lamang kung saan sila makikinabang. Ganito inilarawan ang mga karakter nina Dr. Dela Cruz at Dr. Santos, mga tuta ng Rossum’s Universal Robots na walang imik sa patuloy na pagpapahirap ng kumpanya sa mga empleyado nito.

Isinasabuhay nila ang mga troll na sinasamantala ang inaanay na sistema. Mga bayad na galamay ng bawat politikong nagpapabango ng kanilang pangalan tuwing eleksyon. Maituturing na isa lamang ang likaw ng bituka ng mga kontrabida sa dula at ng troll farms: mga salarin at may pakana kung bakit nananatiling nasa tuktok ang mga tulad ni Harry.

Hindi lamang sa dula nakikita ang mga karakter na ito, namamalagi ang lupon ng mga sakim sa bawat sulok ng lipunan kung saan patuloy nila itong nilalason. 

Hinilom ng pag-aaklas 

Kaakibat ng paglapastangan ang pagdaloy ng ulirat. Marahil sapat na ang sakit na tinamo nina Ramona at Marius kasama ang iba pang mga robot upang mag-aklas.

“Ang pangalan ko ay Ramona,” isang linyang tumatak sa isang bahagi ng dula kung saan sumibol na ang diwa ng mga robot na labis na ang kinahantungan nila. Tuluyan nang naghimagsik ang mga ito sa mga taong umapi sa kanila.

Taliwas ito sa paratang na hindi lunas ang paglapat ng kamao; kapag sukdulan na ang pangbabalahura, ito na lamang ang natitirang huling alas. 

Sa landas patungong paglaya, nararapat lamang na buwagin ang tronong kinauupuan ng mga naghaharing-uri, hubarin ang saplot ng kahambugan, at tuyuin ang mga lalamunan nitong tigang sa kapangyarihan.

Ito ang sinapit ng SM Prime Holdings Inc. (SMPHI) nang bawiin nito ang proposal para sa redevelopment ng Baguio City Public Market. Maituturing na hindi mananaig ang mga dambuhalang korporasyon sa kolektibong pagkilos ng bawat mamamayan.

Sa dulo ng banghay, winakasan na ang kalbaryong dinanas. Pinangunahan nina Ramona at Marius ang mga robot sa pagkitil kina Harry, Iris, Dr. Dela Cruz, at Dr. Santos—mga kamay na abusadong ginagatasan lamang ang mga ito kapalit ng salapi. 

Siningil na ang mga nasa likod ng pagdurusa nila. Sa pagdanak ng dugo ay ang dikta ng panibagong simula. 

Tulad nina Ramona, nararapat lamang na mahigpit ang pagkakapit-bisig ng mga nasa laylayan sa pagwasak ng tatsulok—wasakin ang mga nakaharang na barikada, isigaw ang mga panawagan, at harapin ang totoong katunggali sa lipunan.

Pinapanday ng sining ang lipunan 

Tulad ng ‘Robotics” at iba pang mga dula, malaki ang ambag ng teatro sa paghubog sa ulirat ng masa. Itinatambad nito ang mga itinatagong katiwalian ng sistema. Nabibigyang-kalinawan nito ang mga suliraning kinahaharap ng lipunan at nagtatawag ng pansin sa mga nakakakita at nakaririnig upang umaksyon. Nagsisilbi itong sandata upang buwagin ang mga nagpapahirap sa masa.

“Mahalaga ang sining kasi ito ‘yung naging bagong porma ng pakikibaka. ‘Yung ganitong klase ng creativeness ay nakakapagpanibagong-hubog kung paano natin ipapatagusin ‘yung ating mga panawagan,” saad ni Rein Cortez, artistic director ng dula.

Ipinaliwanag din ni Mangunay, na siya ring gumanap na Jojo sa dula, na isa itong paglalapat ng katotohanan sa mga karanasan ng mga manggagawa.

“Si Jojo, represent[ative] siya ng uring manggagawa kung paano tinatrato ngayon ng current systems natin in place, especially sa uri ng estadong mero’n tayo ngayon kung saan hindi talaga maayos ‘yung conditions na sina-subject ‘yung mga manggagawa natin. And very important na makita natin si Jojo bilang tao. Tao kasi siya, hindi lang siya basta-basta kwento kasi possible na tao si Jojo.”

Dagdag pa niya, pinagtitibay rin ng dula ang mga panawagan para sa mga tulad ni Jojo, upang mas maging makatao at makatarungan ang lipunang kinabibilangan ng bawat manggagawa.

Sa huli, ang mga dulang kagaya ng “Robotics” ay porma ng pakikibaka ng mga artista ng bayan—pagpapadiin sa kanilang mga panawagan, pagtataas ng mga tinig na hindi naririnig, at pambubulabog sa sistemang hindi makatao. ■

DIBUHO NI MARLA RUDOLFO


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya