Pagitan ng Pagkilos
Walang ECON 11 sa curriculum ng ASDC. Hindi ko masasabing gagap ko talaga kung paano gumagana ang ekonomiya, o kung sapat ba ang kaalaman ko para pumasa sa marahil ay mataas na pamantayan ng mga indibidwal na nag-aral mismo sa larangang ito. Marahil ang malinaw lang sa akin ay ang panganib hindi sa mga pang-ekonomiyang argumento na tumatanggi sa reyalidad ng kahirapan, kundi iyong mga kumikilala sa reyalidad na ito para lang sabihing wala tayong maaaring magawa.
Kung kaya’t sumusulat ako ngayon, matapos makihalubilo sa mga tsuper at iba pang kabataan sa kampuhan sa Crossing Terminal at sa iba’t ibang terminal sa buong Calamba noong nagdaang mga tigil-pasada, upang sabihing marami tayong maaaring magawa sa ating sama-samang pagkilos.
Dumating ako sa repleksyong ito matapos kong makita ang iba’t ibang puna sa panawagan ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon na ibasura ang excise taxes sa mga produktong petrolyo na nagmumula sa mga ekonomista. Sunod-sunod kasi ang oil price hike nitong nagdaang buwan, at nakatakdang pumalo ang presyo ng diesel sa P150 ngayong linggo. Kalbaryo ito ng mga drayber, at malinaw sa akin ang pananampalataya nila para sa paggaan ng buhay sa mga susunod na araw.
Kinikilala rin naman ng mga ekonomista ang katotohanang naghihirap ang mga tsuper. Alam nilang patuloy na bumibigat ang buhay ng mahihirap, na tumatagos sa iba’t ibang sektor ang pasanin sa mataas na presyo ng krudo, na sa mga susunod na linggo ay tataas na rin ang presyo ng mga bilihin. Sa kabila nito, para sa kanila, “blunt” o “mahina” ang panawagan para sa pag-alis sa excise tax sa langis. Kalmado ang kanilang lengguwahe, teknikal ito, at para sa iba, nakapanghihikayat talaga.
Ngunit sa ilalim ng kanilang argumento, nananahan ang isang problematikong pagtingin—nakatindig ang kanilang pananaw sa isang balangkas na may kapangyarihang siyasatin ang sistema, ngunit bigo sa pagtanaw sa masang direktang nakararanas ng paghihirap.
Sumesentro ang debate sa isang simpleng katotohanan: kung ikukumpara ang mahihirap na pamilya ro’n sa mayayaman, mas malaki ang ginagastos nila mula sa kanilang kinikita para sa langis. Hindi ito pagtataliwas sa reyalidad—ito ang depinisyon ng regresibong pasanin. Sabi ng mga ekonomista, kung susumahin ay mas malaki raw ang ginagastos ng mayayamang pamilya sa krudo kaysa sa mahihirap—sablay ito sa tamang punto.
Lilinawin lang natin: hindi magkatumbas ang piso ng mahihirap at piso ng mayayaman. Walang katarungan sa pagbubuwis na kumukuha ng magkaparehong halaga sa mahihirap at mayayaman—ilusyon ito ng pagkakapantay-pantay. Sa pagbutbot ng polisiya, kinakailangan nating tingnan hindi lang kung sino ang may pinakamalaking ginagastos sa pamantayan ng piso, bagkus kung sino ang may pinakamalaking sinasakripisyo upang mabuhay.
Sabi rin ng mga ekonomista, mas makikinabang daw ang mayayaman kaysa sa mahihirap kung aalisin ang excise tax sa langis. Mas maraming langis daw kasi ang kinokonsumo ng mayayaman. Sa usaping teknikal, marahil ay tama ito—ngunit mapanlinlang ito sa usaping pampulitika sapagkat tinatrato nito ang kawalan ng pagkakapantay-pantay bilang rason upang ipagkait ang suporta sa mahihirap.
Sa kanilang lohika, ang anumang polisiya na tumatagos sa lahat ng sektor ng lipunan, na lumalampas pa sa mahihirap, ay dapat tanggihan, kahit pa makabuluhan ang nababawas nitong pasakit sa low- at middle-income na mga pamilya. Mas’yado nilang pinagtutuunan ng pansin ang precision ng mga polisiya. May pagkapirmi sila sa ideyang ito, na nagdudulot ng regresibong solusyon sa kahirapan.
Sabagay, hindi naman na ito bago. Bago pa maging libre ang tuition sa mga state university, may iilan ding nagsabing mali ito sapagkat makikinabang din daw ang mayayamang estudyante. Kaya para sa kanila, mas maigi raw kung magkakaro’n ng targeted scholarships para sa mga naghihikahos na pamilya.
Itinatanggi nito ang dalawang reyalidad: una, na ang edukasyon ay dapat libre at aksesible para sa lahat; at ikalawa, na umaandar ang politika at ‘di pagkakapantay-pantay sa mga solusyon kagaya ng targeted scholarship o ayuda.
Sinasabihan din tayo ng mga ekonomista na ang langis ay isa lamang sa maraming mga aspeto ng mga istrukturang nakaaapekto sa presyo ng mga bilihin, na ang pagbaba sa presyo nito ay hindi makapagbibigay ng garantiyang bababa rin ang implasyon. Mapurol ang argumentong ito—binabaliktad ang pasanin ng pagbibigay ng patunay. Kapag tumaas ang presyo ng mga bilihin dahil sa pagtaas ng presyo ng langis, dali-dali ang lahat sa pagsasabing malinaw ang sanhi at bunga, na malinaw ang ugnayan ng dalawa. Ngunit kapag nagmungkahi ng solusyon, biglang lumalabo ang ugnayan.
Malabnaw rin ang argumentong kahit daw tanggalin ang buwis sa langis, hindi pa rin babalik ang presyo nito sa dati. Rason daw ito upang sabihing mapurol ang panawagan para sa pag-alis sa excise tax. Sigurado akong maliit talaga ang P6 kada litro na bawas sa presyo ng langis kung mula sa pagtanaw ng isang taong hindi nagdurusa sa gutom, hindi nagbababad sa init maghapon upang kumita ng pansustento sa kan’yang pamilya.
Sumesentro lamang ito sa reyalidad na ang usapin ay hindi lang talaga tungkol sa kung paano gumagana ang merkado, kundi tungkol din sa pagpapalagay at sa bias na baon natin sa pagsusuri.
Mula sa lahat ng ito lumilitaw ang marahil pinakamatingkad na argumento ng mga ekonomista—giit nila, kapag inalis ang excise taxes, na kinokolekta sa ilalim ng TRAIN LAW, magkakaroon ng mapanganib na puwang sa kinikita ng pamahalaan. Pinepresenta nila ito bilang isang non-negotiable reality; kumbaga para sa kanila, ang mga polisiya sa pagsasaayos ng pondo ng bayan ay likas na batas, hindi politikal na pagpapasya.
Hindi kinikilala ng kanilang mga argumento na ang istruktura ng pagbubuwis mismo ay hindi nakadisenyo para sa interes ng mahihirap. Ang katanungan mula rito, samakatuwid, ay hindi lamang tungkol sa kung may kakayanan tayong alisin ang isang regresibong polisiya sa pagbubuwis, kundi kung bakit tayo nakasandig dito mula pa noong una.
Ang depensa ng mga ekonomista, imbes na alisin ang labis-labis na buwis sa mga produktong petrolyo, mas maigi raw ang pagbibigay ng targeted subsidies sa mga apektadong grupo—mga tsuper, magsasaka, mangingisda, at maralitang masa. Sa teorya, mabisa ito—nagdadala ito ng kagyat na tulong sa mga naghihirap na sektor. Ngunit sa praktis, maraming mga rason upang kilatasin at punahin ang ganitong solusyon. Bulnerable ito sa mga delay, sa pagiging exclusionary, at sa pamumulitika.
Kung may kakayahan ang estado na itaguyod ang regresibong balangkas ng pagbubuwis na nakabatay sa pagkonsumo ng mga mamamayan, may kakayanin din silang iwasto ito at lumikha ng polisiya ng pagbubuwis batay sa kakayahan ng isang indibidwal na mabuhay, batay sa kan’yang yaman at kinikita.
Patuloy ang mga ekonomista sa pagsasabi, sa kabila nito, na hindi posible sa kasalukuyang estado ng lehislatura ang pagpapasa ng batas upang buwisan ang mayayaman. Matamlay ang argumentong ito sapagkat habang itinatanggi nila ang pag-asa para sa sistematikong pagbabago, sinasandigan din nila ang pananaw na maaaring magkaroon ng pagbabago sa daloy ng pamimigay ng subsidies. Sabi pa nga nila, hindi raw rason ang korapsyon upang tanggihan ang mungkahi ng pagbibigay ng ayuda sapagkat maaari itong linisin.
Sa kasalukuyang panahon na kahingian ang pagpili, patuloy nating isigaw: may kakayahan ang pamahalaan na tanggalin ang labis-labis na buwis sa langis at magbigay ng kagyat na tulong at suporta sa mga tsuper. Hindi magkabangga ang dalawang kahilingang ito; sa katotohanan, pareho itong nakapaloob sa mga panawagan sa tigil-pasada ng mga drayber.
Ang mga tsuper mismo ang nagsasabi at kumikilala sa reyalidad na napupunta lang sa bulsa ng iilan ang buwis na ating binabayaran. Umuukit sa kalam ng kanilang sikmura ang presyo ng langis, hindi sa mga graph o research paper na binubuo sa loob ng mga de-aircon na opisina. Ramdam nila ang bigat ng krisis sa pang-araw-araw nilang pamumuhay. Direkta nilang binabayaran ang buwis sa loob ng buong araw nilang pamamasada.
Sa kabilang banda, trilyon-trilyong piso ang nawawala sa katiwalian.
Para sa mga ekonomistang tagasusog ng mga neoliberal na polisiya ng pamahalaan, ito ho ang mensahe ko sa inyo: Ito na ang panahon upang tingnan ang itsura ng ekonomiya mula sa lente ng mga mamamayang wala nang laman ang sikmura. Huwag na tayong magbingi-bingihan sa tunog ng kumakalam na mga tiyan.
Ilapat naman natin ang ating mga paa sa lupa. Subukan naman nating sumama sa welga ng masa.
Hindi ko hangarin sa piyesang ito na itanggi ang katotohanang palaging may sakripisyo sa proseso ng pagbuo ng mga polisiya. Ngunit ang mga sakripisyong ito ay palaging may pagkiling, palaging nakabatay sa kapasyahan—larawan ito ng prayoridad at interes ng pamahalaan. Ang patuloy na pagtataguyod ng mga regresibong buwis kagaya ng excise tax sa ngalan ng fiscal stability ay isang kapasyahan na naglalagay ng pasanin sa masa.
Anumang porma ng pang-ekonomiyang argumento na hindi lapat sa danas ng masa ang paingayin, hinding hindi nito mapasisinungalingan ang reyalidad na may halong politika ang mga polisiyang ipinapataw ng estado sa masa.
Marami ang nakasalalay sa usaping ito—humihigit pa ito sa debate kung dapat bang tanggalin ang labis-labis na buwis sa krudo. Binubutbot din nito ang usapin sa kapasyahan ng estado—sa kakayahan nitong kilalanin ang buhay na danas ng mga mamamayan bilang mahalagang salik sa pagbuo ng mga polisiya.
Samot-saring opinyon na rin ang lumabas hinggil dito, ngunit may isang pinakatumatak sa akin: sabi ng isang kasama, kung kinakailangan mo ng pruweba na walang katarungan ang ating mga polisiya, pagmasdan mo lang kung paano tumaas ang lahat bukod sa sahod ng mga manggagawa. ■
KUHA NI LUKE CERDENIA


