Kung narito ang Panginoon, saan kaya natin Siya makikita?
May mga araw, kagaya ngayong Semana Santa, na mas madali sanang manahimik. Bilang isang estudyante, gagap ko kung gaano kapayapa ang manatili sa loob ng silid-aralan, o ‘di kaya umuwi sa probinsya upang magnilay-nilay at mangarap ng isang maayos na kinabukasan. Ganito ‘yung buhay ng ilan kong mga kakilala—may malinaw na landas, mula sa pag-aaral hanggang sa pagbuo ng buhay na tahimik at matiwasay.
Ngunit sa labas ng pamantasan, may ingay na hindi ko kayang basta-bastang iwasan. Marahil ito rin ang rason kung bakit sulat pa rin ako nang sulat ngayon.
Paulit-ulit na nga ang mga balita ngayon. Tumataas ang presyo ng langis kada linggo, habang kulang na kulang pa rin ang sahod ng mga inaabusong manggagawa. Magdurusang muli ang mga magsasaka ‘di lang sa init ng panahon kun’di sa patuloy na kawalan ng lupa. Patuloy pa rin ang pagpapalayas sa mga komunidad sa ngalan ng “kaunlaran.”
Ang hirap manatiling hiwalay. Ang hirap magkunwaring ang pananahimik ay hindi isang pagkiling. At ang hirap ipagkait ng reyalidad na ang pagtindig—kahit sa gitna ng takot—ay isang anyo ng pagmamahal.
Kung kaya’t dumating ako ngayon sa tanong na ‘di ko rin talaga maiwasang isipin tuwing Mahal na Araw: kung narito ang Panginoon, nasa’n Siya sa gitna ng lahat ng kaguluhan sa ating lipunan?
Lumaki ako sa tradisyon ng pananampalataya dahil sa aking pamilya. Sa bahay namin, may altar kami. Natuto akong magbasa ng bibliya bago pa pumasok sa paaralan. At sa pag-aaral sa paksang Relihiyon sa eskwelahan, aktibo akong lumalahok, dala ang rosaryo na hiningi ko pa sa nanay ko.
Ngunit unti-unti rin akong napalayo rito sa paglaki ko—sa mas pagkilala ko sa mundo, sa lipunan, at sa mga komplikadong suliranin. Umabot din ako sa puntong hindi ko maipagkaila ang isang tanong na marahil hinding-hindi ko maiisip noong malapit pa ako sa relihiyon: kung ang Diyos ay pag-ibig, bakit napakaraming naiiwan sa labas ng katarungan?
Hindi nanggaling sa bibliya ang aking pangalan. Ngunit sabi sa Gospel of Luke 4:18, “The Spirit of the Lord is upon me, because He has chosen to bring good news to the poor. He has sent me to proclaim liberty to the captives and recover sight to the blind, to set free the oppressed.” Napagtanto ko mula rito na marahil mali pala ang tanong.
Kinakailangan nating tingnan hindi kung nasaan ang Panginoon, kundi kung paano natin Siya hinahanap.
Sapagkat malinaw ring kung narito ang Panginoon, hindi Siya mananatili sa ligtas at tahimik na espasyo. Narito Siya sa gitna ng mga sigaw, sa gitna ng pakikibaka. Narito siya sa gitna ng mga taong patuloy na lumalaban sa mapang-aping sistema.
Narito Siya, kasama ng masa.
Hindi ko hangaring gawin itong hamak na pagro-romantisa sa kahirapan. Walang kabanal-banal sa pagdurusa. Walang kaluwalhatian sa gutom, sa pang-aapi, at sa ganid na sistemang inuuna ang tubo kaysa sa tao. Ang banal ay hindi ang sakit at kahirapan sa iba’t ibang porma nito—ito ay ang patuloy na paglaban ng tao para sa isang mas mapayapa at makataong mundo.
Dito mas tumingkad sa akin ang isang mapangahas na ideya: sa dulo’t dulo, ang masa ang Messias.
Hindi dahil sila ang papalit sa Diyos, kundi dahil sa kanila nahahayag ang katotohanang ang Diyos, sa harap ng lahat ng uri ng pananamantala, ay patuloy na kumikilos at dumadaloy sa ating kasaysayan. Sa bawat pagkakataong may tumatangging manahimik, may tumitindig kasama ang mga api, may nag-aalay ng sarili para sa pakikibakang mas malaki pa kaysa sa kanila—naroon ang anyo ng pagliligtas. Ang misyon ng Panginoon ang sandigan ng masang lumalaban sa panggigiyera ng mga imperyalistang bansa, sa malawakang korapsyon na nagnanakaw sa ating mga karapatan, sa mga kasinungalingan at kasamaang nagdadala sa atin sa maling landas.
Hindi ito isang dakilang himala na biglang bababa mula sa kalangitan. Ito ay ang dahan-dahang pagkilos sa kalupaan—ang paghawak sa pag-asa sa kolektibong pakikibaka at ang patuloy na pagtanaw sa pagbabago. Nananahan ang kapangyarihang ito sa bawat estudyanteng pinipiling lumabas sa kanilang pamantasan upang makipamuhay sa mga pinagsasamantalahang komunidad, sa mga kabataang gagap na ang tunay na edukasyon ay hindi lamang para sa sarili kundi para sa pagpapalaya ng bayan.
Sa ganitong diwa lumilinaw na ang pakikibaka, ang pag-oorganisa, at ang puspusang pag-aaral sa kondisyon ng lipunan upang magdulot ng pagbabago ay hindi lamang politikal na gawain. Ito ay espiritwal. Ito ay isang porma ng pag-ibig na tumatangging manatiling tahimik.
Ito ay ang pagpapakahulugan sa misteryo ng Semana Santa, ang pagtuturol sa reyalidad na ang Diyos na ating pinaniniwalaan ay hindi nanatili sa katahimikan ng kalangitan. Siya ay narito sa ibaba—nakikisalamuha sa mga nasa laylayan, nakikibahagi sa kanilang sakit, lumalaban sa isang sistemang takot sa katotohanan at katarungan.
Kung narito ang Panginoon, narito Siya sa dumadaluyong na paglaban ng sambayanan. Patayin man Siya nang patayin ng mga istruktura ng kasamaan, paulit-ulit din Siyang mabubuhay—sa bawat sugat na maghihilom, sa bawat katawang patuloy na lalaban, sa bawat pusong magpapasyang tahakin ang buhay ng pakikibaka, sa bawat kolektibong pagkilos na may misyong baguhin ang kasalukuyang kaayusan.
Pag-ibig ang pwersang dudurog sa lahat ng tipo ng kasamaan. Radikal na pag-ibig, na nananahan sa puso ng masa, ang tagapaglikha ng pagbabago. Umaasa akong pag-ibig din ang magtutulak sa atin upang patuloy na makibaka. Umaasa akong pag-ibig din ang magpalilinaw sa ating kapasyahan, ang maghihimok sa ating ipook ang ating mga sarili batay sa pangangailangan ng lipunang ating kinagagalawan.
Kung kaya’t buong puso pa rin akong naniniwalang ang Diyos ay pag-ibig—pag-ibig sa pinakaradikal nitong porma.
Hindi ko masasabing malapit na ako sa relihiyon ngayon dahil lamang sa iisang repleksyon. May mga reserbasyon pa rin ako sa simbahan bilang isang institusyon. Ngunit alam kong sa bawat pagkakataong pinangungunahan ako ng takot o ng agam-agam sa pagkilos, may matibay na pananampalatayang palaging manunumbalik: Kung narito ang Panginoon, hindi Siya malayo.
Alam kong narito Siya sa atin. Sa piling ng masang-api. Sa ating pakikibaka.
Sa ating pagtindig na hinuhulma ng pag-ibig sa sambayanan, sa kalayaan at kapayapaan, doon natin Siya hindi lamang mahahanap—kundi maisasabuhay. ■
Si Luke Cerdenia ay isang mag-aaral ng AS Development Communication na nagsilbi bilang Managing Editor ng Tanglaw noong nakaraang semestre. Kasalukuyan siyang kolumnista ng pahayagan.
Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


