• Mga mag-aaral: USC, CDC-SC humiling na ipagpaliban na ang deadlines ngayong linggo
• OVCSA: Base sa datos, irerekomenda naming iusog ang deadlines
Habang papalapit ang pagtatapos ng reading break, nasadlak naman sa pinsalang idinulot ng bagyong ‘Paeng’ ang mga mag-aaral at kaguruan ng UPLB.
Ito ang sitwasyon ng unibersidad, kaya’t umuugong muli ang mga panawagan mula sa mga mag-aaral na iusog muna ang lahat ng deadlines at pagsusulit sa linggong ito.
Kaninang umaga, Okt. 30, nagpadala ng liham ang UPLB College of Development Communication Student Council (CDC-SC) kay Dean Ma. Stella Tirol tungkol sa pagpapaliban sa lahat ng deadlines ngayong linggo. Ayon sa CDC-SC, ito ay upang “mabigyang pansin ang kapakanan ng mga nasalanta.”
Sa mga poll na isinagawa ng councils sa bawat batch group chats ng mga mag-aaral ng CDC, marami ang nagsabing naputulan sila ng suplay ng kuryente at tubig dahil sa bagyo.
Hamon ng mga konsehal
Samantala, nagpadala na rin ng liham ang UPLB University Student Council (USC) kay Chancellor Jose Camacho upang ipagliban ang mga deadlines at examinations ngayong linggo.
Matatandaang maaari nang magbigay ng deadlines simula sa Nob. 2, ayon sa isang liham na ipinaabot ni Chancellor Camacho sa USC noong Okt. 25.
Ito ay tugon sa hiling ng USC na i-suspinde ang deadlines hanggang sa Nob. 4 upang makapagpahinga nang tuluyan ang mga taga-UPLB sa kabuuan ng reading break.
Sa panayam ng Tanglaw kay Gean Celestial, chairperson ng UPLB USC, kasabay ng kampanya para sa isang genuine reading break ang mga kasalukuyang agam-agam dahil na sa epekto ng bagyo.
“Dinidiin natin ang kahalagahan [nito] lalo’t kinahaharap natin ngayon ang aftermath ng bagyong Paeng,” paliwanag ni Celestial, laluna’t marami ang nawalan ng kuryente, tubig, at koneksyon sa Internet dahil kay ‘Paeng’.
Dagdag pa niya, marami rin umano ang mahihirapang bumalik pa-Los Banos, lalo na ang mga umuwi ng probinsya ngayong long Undas break.
“Makikita natin mula sa mga salik na ito, hindi talaga kakayaning tugunan ng mga estudyante ang kanilang mga academic requirements,” saad ni Celestial. “Tiyak na mas uunahin nilang isipin ang kanilang mga pangangailangan at kaligtasan.”
Rekomendasyon para sa leniency
Ngayong nakikita ang bigat ng kawalan ng academic ease, lalo na’t unti-unti pa lamang bumabalik sa face-to-face (F2F) classes ang mga mag-aaral, sinabi din ni Celestial na nasa UP administration ang hamon na “makitang prayoridad ang kapakanan ng kanilang mga estudyante”.
Kung ang UPLB Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (OVCSA) lang ang tatanungin, irerekomenda umano nila na i-usog ang mga deadline.
“Need muna natin ng datos on student academic needs, connectivity, at situationer na lapat sa needs at situation din ng ating teaching staff,” sagot ni Asst. Prof. Jickerson Lado ng OVCSA sa mga katanungan ng Tanglaw.
“With the data we are getting, recommending kami for the movement of deadlines […] given the reports, data, and on-ground situation.”
Ngunit paglilinaw ni Lado, hindi OVCSA ang magdedesisyon nito dahil hanggang rekomendasyon lamang ang kaya nitong gawin.
“[Office of the Chancellor] OC lang po ang may mandate to move deadlines and release memorandums. Recommending lang po ang mga vice-chancellors.”



