DAPAT MONG MALAMAN
- Mariing ipinatambol ng mga batayang sektor sa Timog Katagalugan at iba pang delegasyon ang mga panawagan kontra korapsyon sa ginanap na pambansang kilos-protesta kasabay ng paggunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
- Hinarang ang ilan sa mga sasakyang lulan ang mga delegado ng Timog Katagalugan sa Mithi at Pureza Street, Maynila habang patungo sila sa EDSA Shrine.
- Inirehistro ng mga senior citizen, manggagawa, magsasaka, mamamahayag, at iba pang sektor ang kanilang galit sa sistemikong pang-aabuso ng pamahalaan sa mga karapatan ng masang Pilipino.
Sumiklab ang militanteng mga panawagan kontra korapsyon mula sa mga batayang sektor ng Timog Katagalugan at iba pang delegasyon sa pambansang kilos-protestang ikinasa kasabay ng paggunita sa ika-40 taong komemorasyon ng 1986 People Power Revolution noong ika-25 ng Pebrero sa EDSA Shrine.
Pagpapatalsik sa rehimeng Marcos-Duterte ang pangunahing sigaw ng mga progresibong grupo, kasabay ng mariing pagtutol sa sistematikong katiwalian, militarisasyon, at pamamasista ng kasalukuyang estado.
Bagama’t nahuli sa pagkilos ang 15 sasakyan ng Timog Katagalugan lulan ang iba nitong mga delegado dahil sa pambabarikada ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ng Philippine National Police (PNP) sa Mithi at Pureza Street, Maynila, hindi nagpatinag at matapang pa rin nilang binitbit ang mga balatengga at plakard upang ipatambol ang kanilang mga hinaing hanggang sa tuluyan silang makarating sa ilalim ng flyover sa Ortigas.
Pakikibakang walang kamatayan
Bukod sa kabataang lulan ng mga sasakyan ay dumagsa rin ang iba pang nakiprotesta mula sa iba’t ibang probinsya ng rehiyon, kabilang na si Peter “Tata Pido” Gonzales, 82 taong gulang at siya ring pinuno ng Hustisya, isang organisasyong nagtataguyod sa mga biktima at survivors ng extrajudicial killings (EJK) at kanilang mga kamag-anak.
Noong ika-12 ng Mayo, 2004, sa ilalim ng pamumuno ni Gloria Macapagal-Arroyo, si Tata Pido ay hinatulan ng mga gawa-gawang paratang, binaril sa ulo, at nagtamo ng siyam pang tama ng mga bala sa katawan. Bagaman pilay at may dalang wheelchair sa kalagitnaan ng mga kalye sa EDSA, tangan niya ang 50 taon nang karanasan sa pagiging aktibista simula pa noong dekada ‘70.
“Hangga’t may nagsasamantala, hangga’t may kahirapan, ang paglaban at pakikibaka ng mamamayan, ‘yan ay walang kamatayan,” wika niya.
Kasama rin ni Tata Pido ang kaniyang asawang si Medy De Jesus, 77 taong gulang, na mula pa sa probinsya ng Quezon ay nagtungo sa EDSA upang makiisa sa pagkilos.
“Palubog na ang aming araw, pero mayroon pa kaming lakas, kaunting lakas para dumalo at makiisa. Tingnan natin ang larawan ng pakikibaka ng mamamayan. ‘Yan ang kabataan, yan ang nagpapalakas [sa amin],” dagdag pa ni Gonzales.
Inirehistro din ng mag-asawa ang kanilang matinding galit kay Sara Duterte, na anila’y hindi pa rin naparurusahan matapos ang ilang impeachment complaints na inihain sa kanya. Binigyang-diin nila ang hindi pantay na sistema ng katarungan sa bansa. Anila, kung maralita ang hahatulan, makikita ang langit-lupang pagitan ng totoong hustisya.
“Mas lalo tayong ibinaon sa hirap sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo ng mga bilihin. Ang sahod ng mga manggagawa ay hindi na nakabubuhay ng tao. Ang lupa ng mga magsasaka, halos naibenta na sa korporasyon. Nakakalungkot na ang pagkain natin ay iniaasa na rin sa [imports ng] ibang bansa,” muling salaysay ni Gonzales.
Giit naman ni De Jesus, nais nila ng hustisya, pagbabago, at kapayapaan batay sa katarungan. Mithiin ng mga senior citizen tulad nila ang pagbabago sa lipunan kung saan may edukasyon para sa mga bata, may libreng serbisyong pangkalusugan, at mayroong maayos na kabuhayan para sa lahat ng gustong magtrabaho.
“Makakamit ito ‘pag sama-samang kumilos ang mamamayan. ‘Pag hindi, at isa-isa tayong manawagan, hindi tayo papansinin. Katulad kanina, hinaharang tayo ng mga pulis. Kung isa-isa lang tayo doon, hindi tayo talaga makakadaan. Pero sabay-sabay tayo, sumisigaw pa tayo. ‘Tabi, tabi, dadaan kami!’ Oh, edi tumabi sila, nakadaan tayo,” dagdag niya.
Sobra-sobrang buwis, salat na benepisyo
Sa kalagitnaan ng pagkilos ay nakaupo sa isang sulok ang mga manggagawa mula sa Unyon ng mga Panadero sa PhilFoods Fresh-Baked Products, Inc. (UPPFBPI-OLALIA-KMU), isang kilusang isinulong noong Mayo 2023. Layunin nitong kundenahin ang wage distortion at ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa, partikular na ang makabuluhang dagdag-sahod, seguridad sa trabaho, at regularisasyon.
Umalma ang mga manggagawa matapos ipagkait ng PhilFoods ang sapat na sahod, maging ang bonus na dapat ipinagkakaloob sa mga empleyado.
“Dapat ang buwis na binabayaran natin ay may pakinabang. Ang buwis natin ay napupunta lamang sa iilan na gahaman,” wika ni Mark Manimtim, isang kasapi ng unyon.
Katuwiran niyang dapat magising ang mga Pilipino sa kalagayan ng bansa at hindi lang magpakasapat sa nakukuhang salat na benepisyo. Idiniin niya na dapat ipagtanggol ng masa ang mga batayang karapatan, hindi lamang bilang isang mamamayan, isang manggagawa, isang estudyante, at isang magsasaka, ngunit bilang isang bansa.
“Ang manggagawa ng PhilFoods ay galit sa corrupt. Kaya ang manggagawa ng PhilFoods ay nakikiisa sa panawagan na lahat ng sangkot ay dapat managot at lahat ng korap ay dapat managot,” giit niya.
Mariin ang paniniwala ng unyon na ang mga pulitiko ang dapat na naglilingkod sa ating bansa sa halip na nananamantala. Giit pa nila, mga manggagawa ang nagmamaneho ng ekonomiya ng Pilipinas, kung kaya’t ang buwis ng bayan ay dapat ibalik para sa kanilang kapakanan.
Kabuhayan sa bungkalan
Dumagsa rin sa EDSA ang delegasyon ng mga magsasaka ng Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite, sa kabila ng nagaganap na pangangamkam at pagpapalayas ng mga militar at korporasyon sa 372-ektaryang lupang sakahang kanilang sinasaka.
Kilala ang lupain bilang mayamang taniman ng mga kamote, tubo, mais, at mga herbal na kasangkapan. Sa ilalim ng militarisasyon, malaking banta para sa mga magsasaka na mawala ang karapatan nilang magtanim sa kanilang lupa.
“[Panawagan namin] ang makamit namin ang katarungan at magkaroon kami ng magandang katayuan ng mga bahay at sakahan. [Sana] hindi mawala sa amin [ang aming lupa], dahil ‘yan ang kinabubuhay ng aming mga anak, aming mga kaapuhan. Kaya ayaw naming mawala iyan,” giit ni Gunying Guadayo, isang magsasaka mula sa Lupang Ramos.
Bukod pa roon, idinagdag nilang pagsasaka lamang ang kanilang pinagkakakitaan at kabuhayan para mapaunlad ang kanilang pamumuhay kasama ng kanilang mga anak.
Ang lupa ay buhay
Sa kabilang banda naman ay nagbahagi ng mga isyu ukol sa hindi makatarungang pagmimina si Chito Arceo Jr., isang mananaliksik ng Center for Environmental Concerns (CEC) – Philippines, at isiniwalat ang kalagayan ng Dupax Del Norte, maging ang kalagayan ng mga magsasaka sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
“Mainit ang issue ng Woggle Mining Corporation. Bagama’t nagkaroon [ng] suspension ang kanilang permit, patuloy pa rin ang mining activities. Kaya nakikita rin natin sa Senate hearings na mas malalakas ang panawagan pagdating sa mga mining explorations, mas nagpapaalam sa mga tao kung gaano ba ka-destructive ang large-scale mining, lalo na sa March 3 ay anniversary din [kasi] ng Philippine Mining Act of 1995.”
Maigting ang panawagan ng CEC at ng mga mamamayan ng Dupax Del Norte upang ibasura ng Woggle Mining Corporation ang mga proyekto ng pagmimina sa lugar, matapos ang ilang serye ng pambabarikada, pag-aresto, at pang-aabuso sa mga residente.
“Sobrang halaga ng lahat doon sa amin, pero sinisikap namin talaga gawan ng paraan na hindi palayasin kasi mahalaga ang pinaglalaban namin. Kasi ang lupa sa amin ay buhay,” giit ni Loryvic Aguada, bahagi ng People’s Barricade sa Sitio Guijo, Barangay Bitnong, Dupax Del Norte.
Inihayag din niyang pinakamahalaga sa kanila ang kabuhayan nila sa paghahardin at pagsasaka bilang isang lupang pang-agrikultura. Tinagurian ang Nueva Vizcaya bilang isang “water haven,” na siyang dinadaluyan ng Ilog Manga, sapagkat dito rin dumadaloy ang mga patubig sa sakahan ng Dupax Del Norte, maging sa ibang bahagi ng Isabela.
Pamamahayag, sandata sa pagpapanagot
Sa lumalakas na bulyaw ng mga panawagan sa kilos-protesta, nagbahagi rin ng pahayag si Brell Lacerna, national chairperson ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), alyansa ng mga pahayagang pangkampus sa buong Pilipinas.
“Ang mga mamamahayag pangkampus pa nga ang nasa forefronts in toppling a dictator like Marcos Sr., dahil alam ng mga kabataang mamamahayag na ang paglaban sa katotohanan ay pagsanib lalo sa pagsulong ng batayang karapatan ng mga mamamayang Pilipino,” giit ni Lacerna.
Dagdag pa niya na ipinagpapatuloy ni Marcos Jr. ang kultura ng pandarambong at pagdurog ni Marcos Sr. sa pamamahayag sa bansa.
“Ginugunita natin ang ika-40 na EDSA. Marcos noon, Marcos pa rin hanggang ngayon. Wala pa ring kurakot na napapanagot. Patunay lamang ito na ang mga mamamahayag pangkampus, hindi lang nagpapanagot ng mga kurakot sa gobyerno, kundi nasa unahan para wakasan ang bulok na sistema na puro korapsyon at panunupil,” saad niya.
Natapos ang malawakang kilos-protesta bandang ika-lima ng hapon, sa pamamagitan ng mapayapang dispersal ng iba’t ibang delegasyon, kasama ang Timog Katagalugan. Para sa mga lumahok, tagumpay ang pagkilos, at nananatiling hindi natitinag ang masang Pilipino upang patuloy na idaluyong ang mga panawagan para sa kanilang mga karapatan. ■
KUHA NI LUKE CERDENIA
ERRATUM: Nilinaw ng CEC – Philippines na si Arceo ay isang mananaliksik ng kanilang organisasyon. Samantala, si Aguada naman ay hindi pangulo ng People’s Barricade, ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment. Paumanhin po! – Leonard Magadia, Tanglaw OIC Editor-in-Chief



