Ulat nina Airon Villanueva, Tanglaw Apprentice at Leonard Magadia


DAPAT MONG MALAMAN

  • Pinakamababa ang bakanteng posisyon ng CDC SC kung ikukumpara sa mga nagdaang termino, gayundin sa resulta ng eleksyon para sa iba pang CSC.
  • Batay sa datos ng UPvote, 32.74% o 257 lamang sa kabuuang 785 na estudyante ng kolehiyo ang bumoto para sa CDC SC election; pangalawa naman ang kolehiyo sa may pinakamataas na voter’s turnout.
  • Pinaigting ng mga bagong halal na opisyal ang pagsusulong ng demokratikong pamamahala, malayang pamamahayag, makataong edukasyon, at mas malawak na partisipasyon ng mga mag-aaral.

Isang tagumpay para sa College of Development Communication Student Council (CDC SC) ang naging resulta ng katatapos lamang na University Student Council – College Student Council (USC–CSC) elections noong Biyernes, ika-15 ng Mayo, matapos makamit ang pinakamababang bilang ng vacant seats sa konseho magmula pa noong pandemya. 

Kumpara sa anim na bakanteng posisyon noong nakaraang termino para sa akademikong taon 2024-2025, at siyam naman noong akademikong taon 2023-2024, tatlo na lamang ang natitirang bakanteng posisyon na kailangang mapunan ng ika-29 CDC SC. 

Pinakamarami ring nahalal na kinatawan ang CDC kung ikukumpara sa naging resulta ng eleksyon para sa iba pang kolehiyo sa pamantasan. 

Samantala, sa anunsyo ng UPvote, 22.45% ang kabuuang voter’s turnout ng USC election o katumbas lamang ng 3,427 sa 15,268 na mga mag-aaral—pinakamababa mula noong pandemya. Pumangalawa ang CDC sa may pinakamataas na CSC election voter’s turnout sa talang 32.74% o 257 sa kabuuang 785 na estudyante.

Kaugnay nito, ang lahat ng bagong halal na opisyal ng CDC SC ay nagmula sa partido ng Samahan ng Kabataan para sa Bayan (SAKBAYAN).

Wagi bilang bagong CDC SC chairperson si Ivan Combate matapos makalikom ng 220 kabuuang boto kontra 37 abstain votes. Kasama niya si Izabella Aleli Cruz para sa vice chairperson na may 190 votes kontra 67 abstain votes

Bago ang pagkakahalal para sa susunod na termino, sila ay parte na rin ng nasabing konseho sa kasalukuyang termino. Si Combate ay nagsisilbi bilang college representative to the University Student Council (USC) habang si Cruz naman ay isa sa mga konsehal.

Katuwang nilang maglilingkod si Alexander Viktor Mendoza, ang bagong college representative to the USC na may 188 kabuuang boto kontra 69 abstain votes. Si Mendoza ay vice chairperson ng CDC Freshman Council (CDC FC) sa kasalukuyang taong panuruan.

Sa posisyon ng konsehal na may 50 abstain votes, nakuha ni Duke Mediavillo ang pinakamataas na boto na may 168 kabuuang boto at sinundan nina Krystein May Magadia, Althea Lei Itable, Crishna Sofia Morales, Khen Lawrence Natividad, Shaina Rose Tandang, at Nathaniel Alvarez. 

Paninindigan sa aktibong pakikilahok

Bagama’t may tagumpay, umalingawngaw para sa mga bagong halal na opisyal ang mababang kabuuang voter’s turnout at ang pangangailangan ng mga mag-aaral sa pakikilahok sa mga usaping pampulitika.

Ayon kay Combate, malinaw itong manipestasyon ng matinding pagod sa akademiko at sistematikong krisis na matagal nang dinaranas ng mga estudyante sa loob ng kolehiyo.

“‘Yung pinakamabigat na kahaharapin ng CDC SC is ‘yung active student participation mula sa masang estudyante ng CDC. Naniniwala kami sa SAKBAYAN na masyadong mabigat ang pag-aaral natin sa loob ng campus to actually participate sa gawaing pampulitika… ‘yung krisis nila sa edukasyon ay hindi nahihiwalay sa mas marami pang krisis,” giit niya.

Dagdag pa niya, hindi dapat nauuwi sa iilang tao lamang ang pagpasan sa responsibilidad ng konseho dahil higit kailanman, kinakailangan umano ang malawak na partisipasyon at kolektibong pagkilos ng buong student body.

“Mabigat kasi ang trabahong konseho in essence, pero gumagaan siya dahil sa collectiveness ng mga taong nakaupo. Naging mahirap sa akin ang pagpapasya na tumuloy as chairperson, but then again mas mabigat ‘yung pangangailangan na ipagpatuloy kung ano ang nasimulan [ko]. May need kasi na ma-sustain ‘yung level ng pagpapakilos sa CDC at bilang may nakaraan nang karanasan, pakiramdam ko ay matutuguan ko ‘yon,” aniya.

Inihayag din ni Mediavillo na hindi maituturing na sapat na sukatan ang pangunguna sa resulta ng botohan kung nananatiling mababa ang antas ng pampulitikang partisipasyon ng mga estudyante.

Reflection sa atin ang voter count na para sa’kin ay may kakulangan pa since sobrang baba na at least 30% ang bumoto, so ang goal natin is by next term ay at least tumaas na siya… dapat ang tindig ay mataas pa na student participation [dahil] hindi enough ‘to at dapat pa nating dagdagan,” paliwanag niya.

Gayunpaman, nagpasalamat ang SAKBAYAN sa lahat ng estudyanteng nagtiwala sa kanila, kasabay ng pangakong patuloy na isusulong ang kapakanan ng masang estudyante sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at paglilingkod sa loob at labas ng kolehiyo.

“Naniniwala kami na magiging mahaba [at] magiging mabigat ang laban ng susunod na termino ng CDC SC pero gagaan ito kung magtutulungan tayo bilang isang komunidad na nakakaranas ng pare-parehas na kahirapan sa loob ng kolehiyo… asahan niyong magkikita-kita tayo hindi lamang sa loob ng kolehiyo, kundi sa mas malawak pang bahagi ng mga lansangan, ng mga komunidad, hanggang sa kung saan tayo pinakakailangan,” paninindigan ni Combate.

Paninindigan sa hamon ng pamumuno

Samantala, aminado ang mga bagong opisyal ng CDC SC na kaakibat ng puwesto ang mabigat na pananagutan sa harap ng tumitinding hamon sa loob ng kolehiyo at pamantasan. 

Ibinahagi ni Mediavillo na naging malaking konsiderasyon para sa kaniya ang kakulangan umano ng kaniyang karanasan bilang dating miyembro ng CDC FC bago tuluyang magpasiyang tumakbo. 

“Nung una, nahihirapan ako tumakbo dahil iniisip [ko] na kulang [ang] experience ko bilang freshman council dahil ito lang [ang] experience ko [at] nagvo-volunteer lang ako. Then nilapitan ako ng isang incumbent and sinabi niya sa akin na ang lived experiences mo as a student yourself is enough na for you to run,” paliwanag niya.

Inihayag naman ni Magadia na natakot siya nang alukin siyang tumakbo dahil sa laki ng responsibilidad na kakaharapin bilang lider-estudyante. Para sa kanya, mas mabigat ang hamong mapatunayan sa mga estudyante na may saysay ang kanilang boses at ang aktibong pakikilahok sa konseho.

“Ngayon ay more on takot [ako] na ‘di ko ma-reach yung expectations ng student body and I hope na mas maging representation kami, hindi lang ng mga danas natin sa loob ng Unibersidad, kundi representation din na ating pinagsisilbihan, ang masa,” giit niya.

Sa kabila nito, tiniyak ng mga bagong halal na opisyal na mananatiling nakatuon ang kanilang panunungkulan sa pagsusulong ng kapakanan, karapatan, at interes ng mga estudyante sa loob at labas ng kolehiyo.

Batay naman sa pahayag ni Mendoza, “May mga bagay kang nare-realize na gusto mong gawin [at] mga initiatives na gusto mong ilunsad, so mas magagawa at mas viable i-execute [iyon] if willing [kang] mag-step up at sumama sa Student Council. May mga bagay na sana ganito ‘yung nangyayari and may gusto kang baguhin or suggestions so sino ‘yung gagawa kung hindi ako [at] since ako na ‘yung nakaisip, might as well be brave enough na mag-step up and ilunsad ang mga ‘yon.”

Paninindigan sa demokratikong pamamahala

Bitbit ng mga bagong halal na opisyal ang pangakong mas ligtas, bukas, konsultatibo, at makabayang kolehiyo na higit na nakaugat sa tunay na kalagayan ng sangkaestudyantehan. 

Ayon kay Mendoza, hindi natatapos sa pangangampanya ang pakikipag-ugnayan ng konseho sa kinasasaklawan nito at kinakailangang tuloy-tuloy na dinggin ang mga hinaing, panawagan, at karanasan ng mga mag-aaral at organisasyon sa loob ng kolehiyo. 

“Dapat naman talaga [na] regular siyang nagagawa, regular [na] nakakapagkumusta sa students, sa mga [organizations], at iba pa. Sa gano’n, mas nararamdaman mo ‘yung suporta mismo ng student body kasi mas nakikilala ka nila, and mas feel mo na kasama mo sila sa bawat hakbang mo and in that way, kung saan man mapadpad, sa labas man ng college [o] sa university-wide man, kung maa-achieve yung gano’ng level ng interaction sa student-based ay parang kasama ko na rin sila sa pagkilos,” saad niya.

Inihayag din ni Combate ang pagiging bukas at inklusibo upang makapaglatag ng mga panukalang nakaangkla at tutugon sa mga pangangailangan ng mga estudyante.

Aniya, “bukas sa pamamagitan ng konsultatibo na konseho na lumalapit talaga [at] nagga-groundwork sa mga estudyante para lumubog sa mga danas nila at makabuo ng mga komprehensibong papel na mai-pu-push forward sa admin.” 

Kaugnay nito, isinusulong din ni Combate sa darating na termino ang pagkakaroon ng executive committee seat upang mas magkaroon ng mas malinaw na akses sa usapin ng budget allocation, polisiya, at mahahalagang desisyon ng administrasyon.

Paninindigan sa malayang pamamahayag

Bilang mga estudyante ng komunikasyong pangkaunlaran, sumentro rin sa panawagan ng mga opisyal na ipaglaban ang malayang pamamahayag at karapatang pantao sa loob at labas ng pamantasan. 

Inilatag ni Magadia ang kahalagahan ng mga mamamahayag na panindigan ang katotohanan, lalo na sa gitna ng mga krisis pampulitikang natatali sa kasalukuyang pag-atake sa mga alagad ng midya tuwing nag-uulat ng balita. 

“Patuloy nating ipaglaban ang press freedom. Nakita natin sa nakaraang putukan or action sa senado kung gaano kahalaga ang ating mga journalists at kung gaano kahalaga ang press freedom natin. Patuloy natin silang bigyan ng plataporma at ipaglaban ang ating karapatan bilang mga Pilipino. Higit sa lahat ay sana ay maprotektahan sila sa mga nangyayaring kaguluhan. Mabuhay ang alagad ng midya,” panawagan niya.

Samantala, inilahad ni Combate ang planong pagtatatag ng Committee on Human Rights na tutugon sa mga kaso ng red-tagging at iba pang ulat ng pang-aabuso upang isulong na mas palakasin pa ang boses ng mga estudyante at mamamahayag sa harap ng pananakot at iba’t ibang anyo ng paniniil. 

Ayon sa kanya, “Ang pamamahayag ay malaya at mapagpalaya and hindi ‘yon makakamit in all actuality hangga’t meron isang system na pinipigilan tayong gawin ang mga mandato nating para sa sambayanang Pilipino… kung kaya’t kailangan ipaalam sa kanila na sa puntong nahihinog sa krisis ang lipunan, walang ibang kapupuntahan ang devcom students kundi ang paglaban sa sistemang mismong nagpapahirap sa kanila and soon [ay] paglaya sa mga tanikalang pumipigil sa kanila tungo sa mas mapagpalayang pamamahayag.”

Para naman kay Mendoza, mas malawak ang naaabot ng midya at mas marami ang nagiging mulat sa “talamak na korapsyon at katiwalian sa gobyerno.” Inihayag niya ang kahalagahan ng pakikiisa sa kolektibong pagkilos upang makamit ang pagbabago sa bansa.

Paninindigan sa makataong edukasyon

Hindi lamang usaping pangkolehiyo ang panawagan ng mga bagong halal dahil malinaw din nilang iniugnay ang kalagayan ng mga estudyante sa mas malawak na krisis pangkampus at panlipunan.

Binigyang-diin ni Mediavillo ang patuloy na kakulangan sa pasilidad, badyet, at suporta sa loob ng Unibersidad. Ayon sa kanya, hindi maaaring manatili lamang sa apat na sulok ng silid-aralan ang usapin ng edukasyon dahil nakaugnay ito sa kabuuang kalagayan ng sambayanan.

“Ang dami ko nang nakikita [at] ang dami na nating nararanasan na kakulangan sa badyet [at] kakulangan sa espasyo bilang student athlete… katulad din nung sa student assistant, sobrang daming gusto maging student assistant pero kulang ‘yung spaces, medyo mabigat [at] medyo bureaucratic din yung process [dahil] may nakikita talaga tayong mga mali at pagkukulang sa sistema, at sana sa pag-upo natin dito ay maayos o at least magampanan ‘yung mga pagkukulang na ‘yon,” dagdag pa niya.

Paliwanag naman ni Magadia, direktang nararanasan ng mga mag-aaral ang epekto ng aniya’y neoliberal at mapaniil na sistema ng edukasyon, mula sa kakulangan sa suporta hanggang sa lumalalang pasaning akademiko at pinansyal. 

Dahil dito, iginiit niya na walang pinagkaiba ang laban ng mga estudyante sa laban ng mga magsasaka, manggagawa, at iba pang sektor na matagal nang nakararanas ng bulok at marahas na sistema.Saad ni Magadia, “As a student, nakikita natin kung gaano ka-neoliberal ang ating edukasyon, at kung paano tayo pinahihirapan ng estado… isinusulong natin ang mala-pyudal na lipunan [habang] patuloy nating ipaglalaban ang karapatan ng mga magsasaka, manggagawa, at kalikasan.”■

KUHA NI NEIL GABRIELLE CALANOG


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya