
Editoryal ng Tanglaw
Ang editoryal na ito ay isinulat ng aming Editorial Board na naglalayong ilahad ang opinyon ng pahayagan sa mga napapanahong isyu.
Muling magtatagpo ang mga kapangyarihang naghahari sa daigdig sa ngalan ng kooperasyon at kaunlaran.
Sa mga naggagandahang bulwagang pampulitika, pagpapasyahan nila ang mga kasunduang magtatakda sa direksyon ng ekonomiya, seguridad, at ugnayang panlabas ng mga bayan. Subalit sa likod ng mga maririkit na pananalitang bumabalot sa mga pagtitipong ito, nananatiling nangingibabaw ang salimuot ng tunggalian para sa labis-labis na kapangyarihan at pagkakamal ng yaman.
Darating ang numero unong terorista, imperyalista, at pasista na si Donald Trump sa ating bansa para sa ika-49 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit ngayong buwan. Hudyat ang kanyang pagdating sa Pilipinas sa muling pagbubukas ng isang siwang para sa higit na pagpapatibay ng mga interes ng imperyalistang Estados Unidos sa kapuluan at sa buong rehiyon ng Timog-Silangang Asya.
Hinding-hindi maihihiwalay ang pagdating ni Trump sa mas malawak na balangkas ng panghihimasok ng Estados Unidos sa Pilipinas. Higit pa sa pagiging isang diplomatikong pagbisita, nakaugat ang kanyang mahabang pagbaybay sa mga karagatang pumapagitan sa US at Pilipinas sa inaasahang pormal na paglagda sa kasunduang magtatakda sa mga kondisyon ng pagtitirik ng proyektong Pax Silica sa bansa. Isa itong mahalagang pagkakataon upang sipatin kung paanong ginagamit ang mga ugnayang pandaigdig bilang lunsaran ng pagpapatatag sa kapangyarihang pang-ekonomiya at pampulitika sa isang imperyalistang bansa.
Ang mga materyal na reyalidad na ito ay patuloy na umuugong bunsod ng paghahain ng administrasyong Marcos Jr. sa pambansang ekonomiya sa interes ng dayuhang kapital. Ganito gumagana ang lipunan habang ang mamamayang mismong lumilikha ng yaman ng bayan ay nananatiling salat sa mga batayang pangangailangan.
Lalong tumitingkad ang mga salungatang ito sa gitna ng lumulubhang kalagayang pangkabuhayan ng mga mamamayan. Habang kinakain ng walang-patid na pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang kakarampot na sahod ng mga manggagawa, nananatili namang nakagapos sa kawalan ng lupa at makatarungang kabuhayan ang mga magsasaka. Dagdag pa rito ang kakulangan sa suplay ng mga pangunahing pangangailangan, kabilang ang langis, na lalo pang tumitindi ang kakulangan bunsod ng giyerang agresyon ng US at Israel sa Iran. Sa halip na tugunan ang pasaning araw-araw na binibitbit ng mga maralitang sektor, higit na pinaglalaanan ng puwang ng pamahalaan ang mga patakarang nag-aalok sa bansa sa mga dayuhang negosyante.
Sa ganitong paggana mismo nagiging puhunan sa pandaigdigang palitan ang kakayahan ng sambayanan na itakda ang sarili nitong kinabukasan.
Pumapaimbabaw ang Pax Silica at Luzon Economic Corridor (LEC) sa kasalukuyang pag-iral. Ipinakikilala ang mga ito sa bisa ng mga pangakong pamumuhunan, industriyalisasyon, imprastraktura, at paglikha ng mga hanapbuhay. Ngunit sa likod ng mga ipinangangalandakang posibilidad ng pag-unlad, marapat pagkunutan ng noo kung kaninong kapakanan ang nagsisilbing batayan ng mga balangkas na ito.
Sa Pax Silica, kailangang arukin ang implikasyon ng higit na pag-uugnay ng mga estratehikong industriya ng bansa sa mga layuning pang-ekonomiya at pangheopolitika ng Estados Unidos. Samantala, sa LEC naman, nararapat ding siyasatin ang mga epekto ng mga proyektong pang-imprastraktura at pamumuhunan sa mga pamayanang maapektuhan ng pangangamkam ng lupa at walang habas na pagpapalayas.
Maituturing bang ganap na pag-unlad ang anumang paglago ng ekonomiya kung nakasalalay ito sa higit na pagsasamantala sa lakas-paggawa at likas-yaman ng bansa?
Walang saysay ang mga naglalakihang proyektong pang-imprastraktura kung nananatiling walang sariling lupang binubungkal ang mga magsasaka, kung patuloy na mailap sa mga manggagawa ang P1300 nakabubuhay na sahod, at kung ang mga pamayanang nakaasa sa kalikasang kanilang matagal nang pinoprotektahan ang unang sumasalo sa pinsalang dulot ng mga programa ng estado na nakabihis sa retorika ng kaunlaran. Sa huli, hindi sapat na masukat ang pag-unlad sa dami ng kapital na dumadaloy sa bansa; higit na marapat itong sipatin sa lawak ng kagalingang naiaambag nito sa sambayanan.
Hindi rin natutuldukan ng pang-ekonomiyang panghihimasok ng Estados Unidos ang paghahangad nitong patatagin ang kapangyarihan ng imperyalismo sa rehiyon. Kasabay ng pagbubukas ng pambansang ekonomiya sa mga dayuhan ang patuloy na pagpapalawak ng presensyang militar nito sa kapuluan. Sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), nagkakaroon ng karagdagang mga lokasyon ang Washington para sa inilulunsad nitong digma laban sa Tsina, kabilang ang estratehikong pook sa Balabac, Palawan, kung saan labis na apektado ang mga Katutubong Molbog. Samantala, sa pamamagitan ng mga pagsasanay-militar kagaya ng Balikatan, higit na tumitibay ang ugnayang pandepensa ng dalawang bansa.
Sinusuri dapat ang mga maniobrang ito hindi lamang sa konteksto ng ugnayang panseguridad, kundi maging sa mas malawak na tunggalian ng mga imperyalistang kapangyarihan sa Asya-Pasipiko.
Sa gitna ng ganitong kalakaran, mas nalalagay sa banta ng pagkabitay ang kakayahan ng Pilipinas na magtakda ng sarili nitong tindig sa harap ng mga tunggaliang hindi naman nakabatay sa interes ng sambayanan. Habang pinatitibay ng administrasyong Marcos Jr. ang mga ugnayang militar ng bansa sa Estados Unidos, higit ding nagiging lantad ang panganib na magamit ang teritoryo natin bilang daluyan ng mga operasyong nagsisilbi sa estratehikong layunin ni Trump at ng kanyang mga kasapakat.
Hindi nangangahulugan ng ganap na katiwasayan o kapayapaan ang higit na presensyang militar ng isa pang imperyalistang kapangyarihan. Ipinakikita lang nito ang katotohanang ang mga hakbang na nagpapanggap na panganggalang sa pambansang seguridad ay nagdadala ng higit na panganib na mas masangkot ang bansa sa mga digmaang isinisilang ng tunggalian sa kapangyarihan at pagkakamal ng yaman.
Hinding-hindi maihihiwalay ang usapin ng pambansang seguridad sa usapin ng pambansang soberanya.
Pinalilitaw ng ganitong mga patakaran ang isang masalimuot na ugnayan sa pagitan ng imperyalistang panghihimasok at domestikong panunupil. Sa mga kanayunan at pamayanang pinag-uukulan ng mga operasyong militar, walang takas ang masa sa panganib sa kanilang kabuhayan at kaligtasan. Sa pamamagitan ng pagbabansag, pananakot, panggigipit, at iba pang anyo ng paglabag sa karapatang pantao na pinalulubha ng kultura ng impunidad, mas tumitingkad ang takot na ang pagtatanggol sa lupa, kabuhayan, at karapatan ay isang krimeng tumataliwas sa umiiral na kaayusan.
Hindi lamang pisikal na espasyo ang nililimitahan ng panunupil; maging ang mismong kakayahan ng mamamayan na magpahayag, mag-organisa, at kumilos para sa kanilang mga karapatan ay pilit na iginagapos.
Higit na nagiging kongkreto ang mga kontradiksyong ito sa pagsipat sa materyal na kalagayan ng mga mamamayan ng Timog Katagalugan. Matagal nang nakaugat sa pang-araw-araw na pag-iral ng mga komunidad sa rehiyon ang tunggalian sa lupa, paggawa, likas na yaman, at karapatang pantao. Sa mga sakahang patuloy na ipinagkakait sa mga tunay na nagbubungkal, sa mga pagawaang pinagkakakitaan ang murang lakas-paggawa, sa mga baybaying pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mangingisda, at sa mga lupaing ninuno ng mga katutubo, lantad na lantad ang mukha ng pananamantala.
Hindi hiwa-hiwalay na dagok ang mga ito, kundi magkakaugnay na manipestasyon ng isang panlipunang kaayusang higit na nagpapahalaga sa pagkakamal ng tubo kaysa sa buhay at dignidad ng taumbayan.
Gayunpaman, habang sabik na sabik ang estado na apihin ang masa, nananatiling matibay na kanlungan ang militansya sa kasaysayan at kasalukuyang pagkilos ng sambayanan. Kasabay ng bawat pagtatangka ng mga naghaharing-uri na supilin ang tinig ng paglaban ay ang patuloy na pag-usbong ng kolektibong pagkilos ng mga mamamayan. Sa mahabang panahon, naging lunsaran na ng pakikibaka ang Timog Katagalugan—pinagdurugtong ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, katutubo, kababaihan, at kabataan ang kani-kanilang mga hinaing tungo sa isang nagkakaisang paninindigan.
Walang kamatayan ang diwang palaban at makabayan ng Timog Katagalugan.
Bahagi ng kolektibong alaala at militanteng tradisyong ito ang Lakbayan ng Timog Katagalugan. Higit pa ito sa isang paglalakbay mula sa mga lalawigan patungo sa kabisera. Isa itong pagtatagpo ng mga salaysay na malimit na inilulugar sa laylayan ng dominanteng naratibo—mga karanasang hindi lubos na natatarok ng mga nagtatakda ng patakaran mula sa kanilang mga tanggapan, ngunit araw-araw na dinaranas ng masang nasa pinakailalim ng lipunan. Sa bawat hakbang ng mga lakbayani, kanilang napagbubuklod ang magkakahiwalay na pamayanan at naipakikita ang ugnayan ng kanilang mga pakikibaka.
Ang lansangan, sa ganitong pag-iral, ay nagiging lunan ng sama-samang paggunita, pagtutol, at paggigiit na ang mga suliraning kinahaharap ng bawat sektor ay hindi dapat harapin nang nag-iisa.
Sa paparating na ika-12 hanggang ika-17 ng Nobyembre, muling tatahakin ng daan-daang lakbayani mula sa iba’t ibang bayan at sektor ng rehiyon ang landas ng paglaban patungong Kamaynilaan. Magtitipon ang mga delegadong manggagaling sa iba’t ibang pamayanan upang makiisa sa malawakang pagkilos laban kay Trump at sa mga kaibigan nito sa Pilipinas. Mula sa mga komunidad na hinahagupit ng kawalan ng lupa at kabuhayan hanggang sa mga mamamayang humaharap sa banta ng militarisasyon at pasismo, dadalhin ng bawat lakbayani ang panata ng paglaban na hinding-hindi kayang katawanin ng anumang kasunduang nililimbag sa mga bulwagan ng kapangyarihan.
Hindi lamang pagtutol sa isang pinunong dayuhan ang isinusulong ng Lakbayan. Isa itong paggigiit sa karapatan ng sambayanan na magtakda ng sarili nilang landas nang walang dikta ng mga imperyalistang kapangyarihan at lokal na naghaharing-uri.
Kung gayon, nararapat lamang higit pang palawakin ang hanay ng pagkilos.
Kailangang mas magbigkis pa ang mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, katutubo, kababaihan, kabataan, at iba pang mamamayan ng Timog Katagalugan sa pagkakasa ng Lakbayan. Kahingiang dalhin sa mga lansangan ang ating mga hinaing, pag-ugnayin ang mga magkakahiwalay na pakikibaka, at sama-samang igiit ang isang lipunang hindi nakaasa sa dikta ng dayuhan at kapritsyo ng iilang nagkakamal ng yaman.
May partikular na tutok ang mga sitwasyong ito sa ating kabataan na nag-aaral sa burgis na Unibersidad. Mismong sa salasalabid na mga isyung ito nagmumula ang tawag ng panahon upang muli nating lisanin ang lugar na tinaguriang palengke ng mga ideya at ganap na maipook ang ating mga sarili sa piling ng masa, kung saan tunay na nailulunsad ang praktika laban sa imperyalistang digma. Hindi sapat na manatiling nakakulong sa mga silid-aralan ang mga suring panlipunan kung ang mga mamamayang pinagmumulan ng ating mga aralin ay patuloy na humaharap sa mga saligang suliraning pinag-aaralan natin.
Kung gayon, wala nang mas makapagbibigay-diin pa sa halaga ng ikakasa nating walkout. Gugunawin ng yabag ng ating mga paa ang mundo ng ligalig, pag-aalinlangan, at walang-katiyakan. Bubunuin natin ang tirik na araw at ang nagbabagang aspalto sa ating dakilang martsa. Padadagundungin natin sa mga lansangan ang ating umaalingawngaw na mga sigaw: “Trump Out, Trump Out, Trump Out Now!”
Gayunpaman, wala pa rin dapat puwang para sa pagkabulag sa reyalidad na hindi magwawakas sa paglisan ni Trump ang gampanin ng sambayanan. Mananatiling umiiral ang mga primaryang problema natin hangga’t hindi natutugunan ang kawalan ng lupa, pagsasamantala sa paggawa, pangangamkam ng likas na yaman, at patuloy na paglabag sa mga karapatang pantao. Kung kaya, ang Lakbayan ay hindi hamak na pagtugon sa isang napipintong kaganapan, kundi pagpapatuloy ng isang mas malawak na pakikibakang hindi natatapos sa iisang paglalakbay o pagkilos.
Sa kompendio ng mga suliraning ito, higit na nagiging malinaw ang pangangailangan sa kolektibo’t prinsipyadong pagkilos. Pinatunayan na ng ating kasaysayan na ‘di kusang ipagkakaloob ng naghaharing-uri ang kalayaang matagal na nilang ipinagkakait sa taumbayan. Patuloy na lalapastanganin at duduraan ng dayuhang kapangyarihan ang soberanyang inihahain ng gahamang pamahalaan. Tanging sama-samang pagkilos ng mamamayan ang may kakayahang lansagin ang mga tanikalang umiiral sa lipunan.
Sa bawat hakbang natin sa Lakbayan, ating huhubugin ang isang paninindigang hindi natitinag sa harap ng pananakot. Sa bawat tinig, ating papandayin ang isang pagkakaisang hindi kayang busalan ng mga naghahari-harian. Lalampasan natin hindi lamang ang kilo-kilometrong distansya, kundi ang mga hangganang matagal nang iginuhit ng pang-aapi at pagsasamantala. Hindi tayo maglalakbay upang magmakaawa, kundi upang ipamalas ang reyalidad na lagi’t laging taumbayan ang mapagpasya—mulat, ang masa ang mesias.
Mula Timog Katagalugan hanggang sa sentro ng kapangyarihan, sama-sama tayong maglakbay tungong kalayaan! Tutulan natin ang imperyalistang pandarambong, labanan ang pasismo, at wakasan ang walang-katapusang digmaan! Tanggihan natin ang Pax Silica at Luzon Economic Corridor! Trump Out Now! ■
LARAWAN MULA SA SOUTHERN TAGALOG EXPOSURE



You must be logged in to post a comment.