Isinulat nina Drew Crujedo at Airon Villanueva
DAPAT MONG MALAMAN
- Sa nalalapit na pagdating ni US President Donald Trump sa Pilipinas upang lagdaan ang kasunduan ng Pax Silica at patatagin ang Luzon Economic Corridor, ilulunsad ng Timog Katagalugan ang “Lakbayan ng Timog Katagalugan,” isang martsa-protestang magsisimula sa ika-12 ng Nobyembre sa pamamagitan ng UPLB walkout at magpapatuloy patungong Liwasang Bonifacio, Maynila hanggang ika-17 ng Nobyembre.
- Puspusan ang paghahanda ng mga organisador sa ikakasang Lakbayan. Kabilang na rito ang ibinuo nilang effigy na may titulong “Imperyalistang Mandaragit” at ang 30 talampakan na habong na animo’y watawat ng Estados Unidos na ipinaskil sa harap ng CAS Annex 2 Building.
- Pagpapalayas kay Trump at pagtutol sa Pax Silica initiative at LEC ang isa sa mga primaryang panawagan na bitbit ng mamamayan ng TK.
“Mula sa mga pambobomba sa mga inosenteng komunidad hanggang sa pinakamalalaking Balikatan Exercises at paninira sa kalikasan, malinaw na ang pagparito ni Trump ay hindi para sa kapakinabangan ng mga mamamayan,” pahayag ni Lucky Oraller mula sa Bagong Alyansang Makabayan Timog Katagalugan (BAYAN-TK),
Binigyang-diin din ng mga Lakbayani na ang pagdating ni Trump ay kaugnay ng pagsusulong ng mga proyektong tulad ng Pax Silica at LEC, na anila’y hindi nakatuon sa interes ng mga mamamayan, kaya iginiit nilang unahin ang lupa para sa mga magsasaka at ipaglaban ang kabuhayan, karapatan, at kasarinlan laban sa imperyalistang pandarambong.
Ayon sa kanila, ang mga ganitong uri ng proyekto ay anila’y hindi nakatuon sa interes ng mga Pilipino at iginiit na bigyang-prayoridad ang lupa para sa mga magsasaka at ipaglaban ang kabuhayan, karapatan, at kasarinlan laban sa umano’y imperyalistang pandarambog.
Mga paghahanda bago lumakbay
Bilang bahagi ng preparasyon para sa Lakbayan ng TK, naghanda ang mga organisador ng isang effigy na kumakatawan umano kay Trump. Anila, “Imperyalistang Mandaragit” ang pinakaakmang titulo para sa mukha umano ng imperyalismo na walang ibang ginawa kundi mandagit ng likas na yaman ng bansang Pilipinas kasama ang kabuhayan ng mamamayang Pilipino.
Paglalahad ni Cris de Leon, ang kuwento sa likod ng “Imperyalistang Mandaragit” ay nagsimula sa paghuhulma ng kaniyang pundasyon gamit ang soil clay. Kasunod nito, tumungo sila sa proseso ng paper mache upang “palitawin ang pagiging tagilid [at] pagiging bulok” umano ni Trump.
Aniya pa, sa kabuuan, ang isang effigy ay kumakatawan sa isang negatibong karakter na siyang ugat ng opresyon ng mamamayang Pilipino. Dagdag niya pa, malaki ang esensya ng pagsusunog nito sa mga pagkilos. Nagsisilbi kasi itong pisikal na manipestasyon ng paghihirap ng masa, na siyang sinusunog upang wakasan ang kanilang pagdurusa sa kamay ng imperyalismo.
Ngunit, binigyang-linaw ni de Leon na may mga pagkakataong nabibigyan ng negatibong konotasyon ang mga hayop, na may mahalagang kultural na kahulugan sa bansa dahil ginagamit ang mga ito bilang inspirasyon sa pagbibigay-katawan sa mga negatibong karakter. Katulad ni Trump na hinalaw sa ibong mandaragit.
Kaya naman, mahalagang mabanggit na hindi ibong mandaragit ang kanilang ginagawa, sa halip, sila ay bumubuo ng imperyalista — isang imperyalistang mandaragit.
Ayon naman kay Ashley Caballero, visual propaganda head ng multisektoral sa Lakbayan, ang tema na nais tunguhin ng effigy ay ipakita sa bawat probinsyang tatahakin ng Lakbayan kung sino ba ang primaryang kaaway. Aniya, ito ay sa pamamagitan ng pagpapakita kung paano ninananakaw ng “Imperyalistang Mandaragit” ang batayang karapatan ng mga sektor ng lipunan.
Bukod sa effigy, pahayag ni Caballero na mayroon din silang inihandang 30 talampakan na habong na animo’y watawat ng Estados Unidos. Dagdag niya, ibinago nila ang disenyo ng watawat na halaw sa tunay na katawanin ng U.S. sa ilalim ng pamamahala ni Trump.
Kasama rito ang paggamit nila ng mga bungo ng tao sa halip na bituin ng watawat at ang mga salitang nakaguhit katulad ng “Trump out of the Philippines” at “Stop the US War Machine.”
Mensahe kay Imperyalistang Mandaragit
“Maghanda siya [Trump] dahil gugunitain ng mamamayang Pilipino ‘yung pagtapak niya [sa ating lupain] ng isang palaban na pagkilos na napupuno ng galit mula sa daan-daang taon na pananamantala at pangangakam ng imperyalistang US dito sa bansa natin,” dagdag pa ni Caballero.
Nagbahagi rin ng saloobin ang secretary general ng Southern Tagalog Region Transport Sector Organization (STARTER PISTON) na si Ka-Elmer na naging bahagi na rin ng mga nakaraang Lakbayan, “Itigil na ‘yung pagpapahirap sa taumbayan ng ating pamahalaan. Tayo ang dapat paglingkuran ni Bongbong Marcos at tayo rin dapat ang pakinggan sa ating mga kahilingan.”
Samantala, binigyang-diin ni de Leon na katulad ng kung paano tutupukin ng apoy ang effigy ng Imperyalistang Mandaragit,“I-expect niyang hindi siya welcome. I-expect niya ang malaking oposisyon sa kaniya…I-expect niya ang apoy ng galit [ng sambayanang Pilipino].”
Dagdag pa ni Oraller, asahan ni Trump na habang naghahanda pa lamang siyang lumipad pahimpapawid, binabagtas na ng malawak na hanay ng mamamayan ng Timog Katagalugan ang lupain ng bansang hindi siya nais paunlakan.
Kaya naman, inaanyayahan ng BAYAN – TK ang lahat na makiisa sa muling ikakasang university-wide walkout ng UPLB bukas, ika-12 ng Nobyembre, bilang kick-off ng Lakbayan ng TK na magtatagal hanggang ika-17 ng Nobyembre. Anila, mahalagang paigtingin ang nagkakaisang tindig ng Timog Katagalugan na palayasin ang imahe umano ng imperyalismo na si Trump, kasama ang mga imperyalista niyang panukala katulad ng Pax Silica at LEC. ■
KUHA NI RIANNE MORALES, TANGLAW APPRENTICE


