Zy Dumdum


Isang taon na ang nakalipas noong ako’y maging isang ganap na Iskolar ng Bayan. Isang answered prayer ito kung tutuusin. Ngunit habang patuloy kong nilalakbay ang daan papalapit sa pangarap, hindi ko lubos inakala na hindi pala tuwid ang aking daraanan. Mula nang magdesisyon akong tahakin ang landas na ito, unti-unti kong nakikita ang baluktot na sistema na salamin ng tunay na kalagayan ng lipunang aking ginagalawan.

Habang walang kuryente sa aking dormitoryo, wala akong ibang magawa kundi tiisin ang kakarampot na tatlong bar ng data at magtiyaga sa dilim ng lobby para lang matapos ang sandamakmak kong deadlines at tambak na rerebyuhin.

“Buti na lang at mayroon pa namang tubig, mas kaya ko pa na tiisin itong walang kuryente kaysa naman walang tubig, ang hirap kaya na sa balde lang umasa, wala pang timba,” narinig kong sinabi ng isang dormer sa kabilang lamesa. Sa katunayan, hindi obligasyon ng dormers na mamili kung alin ang mas kayang isakripisyo, dahil karapatan ng bawat estudyante na matamasa ang tunay na libreng edukasyon.

“Tiis tiis na lang muna.” Ganyan tayo hinubog ng kasalukuyang kaayusan. Pinaniniwala tayo ng administrasyon na matatag tayo at hindi basta-basta nagpapatinag. Pero katulad ng kung paanong isang “balde” ang solusyong kayang ibigay ng administrasyong Marcos Jr. sa problemang kinahaharap ng mamamayan, tunay na wala tayong aasahan sa isang gobyernong pabaya sa kanyang nasasakupan.

At habang wala siyang pakialam sa tunay na danas ng sambayanan, lumuluhod at nagpapabango si Marcos Jr. sa imperyaalistang Estados Unidos.

Sa labis na konsumisyon at poot na nadarama ay mas lalong napalalim ang aking pag-iisip at biglang naalala ang papalapit na pagbisita ni Trump sa Pilipinas. Malamang ay mas lalong mapaiigting ang kasunduan ng proyektong Pax Silica na itatayo sa Capas, Tarlac. Minsan nang sinubok ang soberanya sa isang bayan sa Tarlac nang may naihalal na dayuhang Tsino na si Alice Guo. Hindi na natututo ang mga nakaupo at binigyan pang muli ng panibagong oportunidad ang mga ito na patuloy na kamkamin at ubusin ang kalupaan ng Pilipinas mula sa mga imperyalistang abusado.

Aray! Nakagat pa ako ng lamok. Sobrang dilim ba naman sa lobby at hindi pa bumabalik ang kuryente. Ngunit wala nang mas madilim pa sa kinabukasang naghihintay dulot ng mga proyektong pinamumunuan ng mga dayuhan, katulad ng Pax Silica. Milyon-milyong galon ng tubig ang makokonsumo araw-araw, libo-libong ektaryang lupain ang makakamkam, nanganganib ang kabuhayan at lupang sakahan at panirahan ng lokal ng Capas, Tarlac.

Maganda lamang pakinggan sa usaping papel ang Pax Silica, ngunit lubos itong huwad. Tingnan na lamang ang kahulugan ng Pax Silica kung isasalin sa wikang Ingles. Ang “pax” ay nangangahulugang “peace” habang ang “silica” naman ay “silicon.” Kung mas palalalimin ang kahulugan nito, ipinapahiwatig na matatamasa lamang ang kapayapaan kung may silicon.

Sa kaugnay na usapin, noong ako’y lumahok sa isang Basic Mass Exposure (BMEx) sa Paete, Laguna, saksi ako kung gaano kalaking perwisyo ang naidudulot ng mga proyektong katulad ng Ahunan Hydropower Dam na hindi rin nalalayo sa mukha ng Pax Silica.

Libo-libong residente ang nanganganib na mapaalis sa kanilang mga tahanan, kasama ang mga magsasakang mawawalan ng lupa at kabuhayan, at mga Ayta na posibleng hindi maipagpapatuloy ang kanilang kinagisnang tradisyon.

Sa mapagsamantalang dayuhan na “bumibwisita” sa lupang kanilang kinakamkam, nagsilipana na ang mga tunay na peste dahil sa mapanlinlang na proyektong ‘yan.

Nasaan nga ba itong si Bongbong Marcos bilang presidente ng Pilipinas? Kahit isang katiting na lakas upang maipagtanggol ang kanyang sariling bayan o kahit bigyan na lamang niya ng kaunting dignidad ang kanyang kinasasakupang bansa, ngunit siya’y nagpapakatuta na lamang at sinasambang lubos ang kanyang mga kaibigang dayuhan.

Kung hindi kaya ng administrasyong ito na ipagtanggol ang kanyang sariling bayan, tayong mga mamamayang Pilipino ang tatayo at lalaban para sa ating soberanya.

Sa nakatakdang pagbisita ni Donald Trump sa Pilipinas para sa gaganaping Association of the Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders’ Summit ngayong ika-16 ng Nobyembre, uumpisahan ng Lakbayan ng Timog Katagalugan ang layunin nitong puksain kalampagin ang pamahalaan ng mga panawagan ng bayan.

Siyam na taon ang lumipas mula noong huling lumakbay ang mga lakbayani ng rehiyon, muling ilulunsad ng Timog Katagalugan ang malawakang pagmamartsa upang irehistro ang kanilang mga hinaing at salubungin ang numero unong imperyalista. Mula Los Baños patungong Liwasang Bonifacio, anim na araw na ipamamalas ng masa ang kanilang galit at poot sa pagtapak ng salot na si Trump sa Pilipinas.

Alas siyete ng gabi at sa wakas ay bumalik na rin ang kuryente’t wifi sa dorm. Napabuntong hininga ako. Sa wakas ay balik sa normal na ang daloy ng aking pag-aaral. Ngunit sa kabilang dako, alam kong panandalian lamang ito, sapagkat mauulit na naman ang ganitong siklo sa mga susunod na araw o linggo. Hindi napapawi ng panandaliang ginhawa ang katotohanang sirang-sira pa rin ang sistema sa loob man o labas ng campus.

Lahat ng estudyante ay naghahangad ng isang sistemang mabisa at walang naiiwanan, Isa lamang ako sa libo-libong estudyanteng patuloy na nangangarap ngunit nangangamba sa kinabukasan.

At kung patuloy na isinusuka ng administrasyon ang ating mga karapatan upang pagsilbihan ang pansariling interes ng mga dayuhan, nawa’y ganoon din tayo kagalit upang lumaban. Sama-sama tayong lumakbay sa landas tungo sa kalayaan. Kalampagin natin ang baluktot na sistema. Huwag nating ikahon ang ating galit sa ating mga sarili. Tayo’y tumindig at makilahok sa Lakbayan ng Timog Katagalugan—hanggang sa tagumpay.  ■

Si Zy Dumdum ay isang mag-aaral ng AS Development Communication at kasalukuyang apprentice ng Tanglaw.

Ang First Person ay isang inisyatiba ng Tanglaw na naglalayong bigyang-espasyo sa pahayagan ang mga mag-aaral ng College of Development Communication sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang sariling sanaysay hinggil sa kanilang mga sariling saloobin at karanasan. Ang mga pananaw at opinyon na ipinahayag sa artikulong ito ay pawang sa may-akda lamang at hindi sumasalamin sa opinyon o tindig ng kabuoan ng Tanglaw.


■ May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Iba pang istorya